CHAPTER 6

1749 Words
Maaga pa lang ay nagising na agad si Davis at lumabas sa kubo. Inaabangan niya ang paglabas ng dalaga at tama nga ang naisip niya. Palihim na naman itong lumabas habang may hawak. Napangiti siya nang makita na ang flashlight na bigay niya ang gamit nito at hindi na lampara. Mabilis siyang lumabit dito.   “Magandang umaga, Hope,” nakangiti niyang bati dito, pero mahina lang. Baka kasi sawayin na naman siya nito kapag masyado niyang nilakasan ang boses.   Bahagya itong nagulat sa kanya. “Magandang umaga din sa ‘yo, Davis. Bakit ang aga mo naman ata?”   “Maaga talaga akong nagigising. Ikaw? Bakit ang aga mong nagising?” patay mali niyang tanong. “Pupunta ka na naman ba sa tambayan mo?” Nakatitig lang ito sa kanya at hindi sumagot. Ngumiti siya nang matamis dito. “Pwede bang sumama?”   Napabuga ito ng hangin. “Bahala ka.” Nauna na itong maglakad. “Kahit naman siguro pagbawalan kita ay sasama ka pa rin.”   Bahagya siyang natawa saka mabilis na sumunod dito bago pa siya mapag-iwanan nito sa madilim na daan. “Paano mo naman nasabi ‘yon?”   “Sa tingin ko kasi ay may ugali kang makulit.” Nagulat siya sa sinabi nito. “Yon ang napapansin ko sa araw-araw na tinitingnan kita.”   Nanlaki na naman ang mga mata niya sa gulat. “Kung gano’n tinitingnan mo pala ako?”   Napalabi siya para pigiln ang kilig na nararamdaman dahil sa sinasabi nitong araw-araw siyang tinitingnan nito. May gusto na din kaya ito sa kanya kaya palagi itong nakatingin sa kanya? Palihim siyang nanalangin. Sana naman…   “Oo.” Napalunok siya sa pagiging totoo nito. “Hindi lang naman kasi ikaw ang tinitingnan ko, pati na din si Eren at ang mga kasamahan mo.”   Bigla siyang nalungkot sa dinugtong nito. Akala niya ay siya lang ang tinitingnan nito.   Tumikhim siya saka iniba ang usapan, “Siya nga pala, Hope. Bakit ganitong oras ka umaalis papunta sa tambayan mo?”   “Para hindi ako abutan nang sikat ng araw. Ayoko din kasi na may makakaalam sa tambayan ko. Wala din kasi akong oras na pumunta doon kapag may araw na. Masyado akong abala sa mga gawain sa lugar namin.”   “Ahh…” Napatango-tango na lang siya.   Nang makarating sila sa tamabayan nito ay tinulungan niya itong magtanim ng mga bulaklak. Medyo may alam naman siya tungkol sa pagtatanim dahil tumutulong din sila sa ibang mga natutulungan nila sa pagtatanim. May iilang mga patay na bulaklak silang tinanggal mula sa lupa saka ito tinapon. Namatay ang ilan sa mga tanim nitong bulaklak dahil sa lakas ng bagyo noon. Nilagyan ni Hope ng mga fertilizer ang mga bulaklak nito para mas maging maganda ang pagbunga nito.   “Mahilig ka ba sa bulaklak, Hope?” tanong niya habang naglalakad na sila papauwi.   Nang matapos kasi sila sa pagtatanim kanina ay nagpahinga lang sila saglit at napagdesisyonan na bumalik na bago pa sila abutan nang sikat ng araw.   “Oo naman. Hindi ba halata?”   Napatawa siya sa kapilosopohan nito at napakamot sa batok. Tama nga naman kasi. Kung hindi ito mahilig sa bulaklak, eh, bakit ito nagtatanim? Napailing na lang siya. Minsan talaga ang mga tanong niya, eh.   “Anong pinakapaborito mong bulaklak?”   “Tulip.” Bigla siyang napatigil sa paglalakad at napatingin sa likod ng dalaga dahil sa naging sagot nito.   Napahinto ito nang mapansin nitong hindi na siya nakasunod dito. Bumaling ito sa kanya at nagtataka siyang tiningnan. Nakikita niya pa rin ang maamo nitong mukha dahil sa liwanag na nanggagaling sa buwan. May iilang fireflies din ang nagsisiliparan sa paligid niya. Hindi niya alam, pero parang biglang naging slow motion ang lahat ng galaw sa paligid niya.   “Bakit ka napahinto diyan? Ayos ka lang ba?” may pag-aalala nitong tanong sa kanya. “Bakit tulips?”   “Ha?” Hindi nito maintindihan ang tanong niya.   “Bakit tulips ang paborito mong bulaklak?” Nanginginig ang mga kamay niya.   Gusto niyang malaman kung bakit tulips ang paborito nitong bulaklak. Isa na naman ba ito sa mga senyales sa kanya na ang dalagang nasa harap niya na talaga  ay ang babaeng matagal na niyang hinihintay.   “Kasi ang ibig sabihin ng tulips ay wagas na pagmamahal, hindi ba?” Hindi siya nakasagot. “Gusto ko din ng gano’n. Yong mamahalin ako ng wagas at ako lang.”   Nagkatitigan silang dalawa at tumibok na naman nang mabilis ang puso niya nang ngumiti ito nang matamis.   Hope…     TANGHALING tapat ay pumunta si Davis sa bahay nina Lolo Aka. Nakita niya itong nakatambay sa kubo na malapit lang sa bahay nito.   “Magandang tanghali, Lolo Aka,” bati niya dito nang makalapit na siya.   “Magandang tanghali din sa ‘yo, Davis. Halika, tumuloy ka sa munti kong kubo.” Umakyat na siya sa loob nito. “Maupo ka. May kailangan ka ba?” tanong nito nang makaupo na siya.   “May itatanong lang po sana ako, Lolo Aka, kung ayos lang sa inyo.”   “Oo naman. Ano ba ‘yon?”   Huminga muna siya nang malalim. “Itatanong ko lang po kung papaano manligaw sa tradisyon niyo ang isang lalaki sa isang babae?”   “Ahh, ‘yon ba?” Tumango naman siya. “Simple lang naman, Hijo. Gaya ng iba ay dadalaw ang isang lalaki sa bahay ng napupusuan nitong babae, mag-aalay ng bulaklak, minsan naman pagkain ang binibigay ng mga kalalakihan. Araw-araw nilang ginagawa iyon hanggang sa sagutin sila ng babaeng iniibig nila. Tingnan mo ‘yon?” Napatingin siya sa tinuro nito.   Nakita niyang may limang lalaki ang nakapila sa isang bahay. Pumasok ang isa nang lumabas ang isang lalaking may hawak ng bulaklak. Nagulat siya nang ma-realize na iyon pala ang bahay ni Hope.   “Sa mga kababaihan dito ay si Hope ang pinakamaraming manliligaw at hindi naman iyon nakapagtataka. Nakikita mo ba ang bulaklak na hawak nang lalaking lumabas?” Napatango naman siya. “Iyan ang binibigay ni Hope sa mga manliligaw niyang hindi niya gustong magpatuloy sa panliligaw.”   Napabaling siya kay Lolo Aka. “Po?”   Napabaling na naman siya sa isang binata na may lungkot sa mukha habang nakatingin sa bulaklak nito. Kalalabas lang nito galing sa bahay ni Hope.   “Ang bulaklak na hawak ng binata ay ang tinatawag na varie gated carnation na ang ibig sabihin ay tumatanggi siya na magpaligaw.” Bahagya itong natawa. “Maraming tanim na ganyan si Hope para sa mga kalalakihan na ayaw niyang magpatuloy sa panliligaw sa kanya.”   Bahagya siyang napatawa. Kakaibang babae. Napailing-iling na lang siya dahil kakaiba pa itong tumanggi sa mga manliligaw nito. Hindi man nito sabihin na tumatanggi ito ay pinapaalam naman nito sa pamamagitan nang pagbigay ng bulakalak na ang ibig sabihin ay pagtanggi.   “May napusuan na po ba si Hope, Lolo Aka?”   “Wala pa. Lahat nang lumalabas diyan ay ‘yan ang mga bitbit kaya naman wala pang nakakapagpasagot sa dalaga.” Ngumiti ito sa kanya nang bumaling siya dito. “Mabait na bata si Hope. Kahit na hindi niya nakilala ang mga magulang niya ay binusog naman siya ng pagmamahal ng kanyang Lola Belya. Itinuring ko na din na apo ang batang ‘yan. Minahal din ng mga tao si Hope dahil sa magandang kalooban ang meron ang batang ‘yan.”   Hindi niya namamalayan na napapangiti na pala siya habang nagkukwento ito tungkol sa dalaga. Hindi niya din napansin na nakatitig na pala sa kanya si Lolo Aka. Iniobserbahan ang kanyang mukha.   “Sabihin mo nga sa akin ang totoo, Hijo.” Bigla siyang napatingin dito. “Si Hope ba ang gusto mong ligawan dito?”   Mas lalong lumaki ang mga ngiti niya. “Opo, Lolo Aka,” pagsabi niya ng totoo dito. “Lahat po ng gusto ko sa isang babae ay nasa kanya na po. Hindi lang maganda ang panlabas niyang anyo kung hindi pati na din ang kalooban niya. Yong mga senyales na hinahanap ko sa isang babae ay nasa sa kanya na.” Bahagya siyang natawa nang maalala ang kanyang ina.   “Matagal ng gusto ng ina ko na mag-asawa ako dahil hindi na nga po ako bumabata, pero hindi ko magawa dahil hindi ko pa din nahahanap ang babaeng nakakapagpatibok ng puso ko. Pero nang makita ko po si Hope, Lolo Aka, hindi ko alam, pero bigla na lang tumibok ng mabilis ang puso ko. Lalo na nang makita ko ang tulips na nakaipit sa kanyang tenga,” dagdag pa niya.   “Tulips?”   “Opo, Lolo Aka. Pinangako ko po kasi sa sarili ko na bibigyan ko ang babaeng mamahalin ko ng tulips bilang pangako na mamahalin ko siya ng walang hanggan.”   “Yon din ang paboritong bulaklak ni Hope.” Nagugulat itong napatingin sa kanya. “Mukhang siya na nga ang pinakita sa ‘yo ng tadhana, Hijo, pero ang tanong, ikaw din ba ang pinakita sa kanya?” Napalunok siya sa sinabi nito. “Minsan kasi pinagtatagpo lang ang dalawang tao, pero hindi naman para sa kanila. Gaya na lang sa mga magulang ni Hope.   “Nakita ko sa mga mata nila na mahal na mahal nila ang isa’t-isa, pero hindi na bumalik ang ama ni Hope nang umalis ito. Wala na din kaming naging balita sa kanya. Ikaw, alam kong aalis ka din dahil hindi ka naman dito nakatira. Hindi dito ang tahanan mo, iiwan mo lang din si Hope at masasaktan ang dalaga.”   “Hindi ko po iiwan si Hope, Lolo Aka. Hindi ko po gagawin ang ginawa ng ama niya. Magkaiba po kami ng ama niya kaya alam kong hindi mangyayari kay Hope ang nangyari sa kanyang ina,” diretso niyang sabi dito.   Tinitigan siya nito nang mabuti. “Nakikita ko naman na mabait kang tao, Davis. Kung talagang gusto mo si Hope ay hindi kita pipigilan sa panliligaw sa kanya at nasa kay Hope naman ang magiging desisyon. Ang gusto ko lang sabihin ay huwag na huwag mong sasaktan si Hope dahil gaya ng pangalan niya ay siya din ang nagbibigay ng pag-asa sa amin sa tuwing nawawalan kami no’n.”   Hinawakan niya ang kamay nito saka napangiti. “Pangako, Lolo Aka, hinding-hindi ko po sasaktan si Hope at aalagaan ko siya.”   Bahagya itong natawa saka tinapik-tapik ang balikat niya. “Kay Hope mo ‘yan sabihin at hindi sa akin. Pero manligaw ka muna sa kanya bago ka mangako.”   “Opo, Lolo Aka. Maraming salamat.”        
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD