Kinabukasan ay maagang nagising si Davis para maagang ipamahagi ang mga tulong na dinala nila para sa mga tao. Agad na inayos ng kanilang team ang mga folding table na dala nila. Pinagdidikit-dikit nila ito para maging mahaba at nilagyan ito ng mga tela. Inilagay na din nila ang mga naka-cellophane na mga tulong.
Sa loob ng mga cellophane ay ilang mga de lata, gaya ng tinapa, corned beef, at beef loaf. May nakalagay din na pampalasa gaya ng asin at iba pa. May mantika din, shampoo, sabon, biscuit at iba pa. Medyo malaki-laki din ang cellophane dahil marami itong laman. Sa isang pamilya ay bibigyan nila ito ng dalawang cellophane at kalahating sako ng bigas.
Nang matapos na sila sa paghahanda ay pinatunog na ni Berto ang isang maliit na bell. Pinaghahampas niya ito dahilan para makuha ang atensyon ng mga tao sa lugar. Tumayo si Lolo Aka sa harap ng mesa na hinanda nila nang makita na nasa harap na nila ang mga tao.
“Magandang araw mga kababayan. Ngayong araw ay bibigyan tayo ng tulong ng mga taong mababait.”
Itinuro sila nito. Ngumiti naman sila sa mga tao. Nakita nila ang mga galak sa mga mukha nito. Isa ito sa gustong makita ni Davis sa mga taong natutulungan nila, ang kasiyahan sa mukha ng mga tao.
“Dapat tayong magpasalamat sa maykapal dahil sinugo niya ang mga taong ito para tulungan tayo, kaya dapat tayong manalangin dahil hindi niya tayo pinabayaan. May bagyo man ang dumating sa atin ay may tulong naman itong kapalit.” Nag-alay si Lolo Aka at sila nang simpleng pasasalamat sa Diyos. “Ngayon magsipila kayo at huwag magkagulo dahil lahat naman tayo ay mabibigyan ng tulong. Walang labis, walang kulang.”
Nagsimula nang magsipila ang mga tao. Naging tatlo ang pila para mas mapabilis ang pagbigay nila ng tulong, lalo na’t marami ang mga tao.
“Lolo Aka,” tawag niya dito nang makalapit siya dito.
Bumaling naman ito sa kanya. “Bakit, Hijo? May kailangan ka ba?”
“Gusto ko din po sana na gumawa ng pila para sa mga bata dahil meron din po kaming ibibigay sa kanila.”
“Gano’n ba? Naku! Sobra-sobra na ang binibigay mo sa amin, Hijo.”
Ngumiti siya dito. “Ayos lang po ‘yon, Lolo Aka. Kahit papaano ay mapasaya namin ang mga bata.”
Mahina nitong tinapik ang kanyang balikat. “Mas pagpapalain ka pa ng Diyos dahil sa ginagawa mong kabutihan, Apo.”
“Salamat po, Lolo Aka.” Bahagya siyang yumuko.
“Hope!” Mabilis na napatingin si Davis sa dalaga ng tinawag ito ni Lolo Aka.
Mabilis itong lumapit sa kinaroroonan nila. “Bakit po, Lolo Aka?”
“Tawagin mo ang lahat ng mga bata at papilahin mo. May ibibigay sa kanila si Davis.”
“Sige po, Lolo Aka.”
Bumaling ulit sa kanya si Lolo Aka. “Si Hope na ang bahalang magtawag sa mga bata. Maiwan na muna kita at ako’y magpapahinga na muna. Mahirap talaga maging matanda, sumasakit na ang tuhod ko.”
“Sige po, Lolo Aka.” Tinawag niya si Berto para tulungan itong bumalik sa bahay nito. Napabaling naman siya kay Hope na nakatalikod na at nagsisimula ng maglakad. “Sandali, Hope.”
Napatigil ito sa paglalakad saka bumaling sa kanya. Lumapit naman siya dito saka tumigil ng nasa harap na siya nito.
“Bakit?” tanong nito.
“Ano kasi…” Napahawak siya sa kanyang batok. “Pwede mo ba akong tulungan na magbigay ng mga regalo sa mga bata?”
Napakunot-noo ito. “Wala ka na bang ibang kasama na pwedeng magbigay?”
“Wala na, eh. Lahat sila ay abala sa pagbibigay ng mga tulong.” Napatingin naman ito sa mesa kung saan marami pa ring mga tao na nakapili. “Nakita mo na? Lahat sila ay abala.” Nakita niyang napatitig ito sa kanya at nginitian niya ito ng isang matamis na ngiti. “Pero kung may ginagawa ka din ay ayos lang.”
“Okay.”
“Ha?” Napakamot siya sa ulo niya. Hindi niya kasi alam kung anong ibig sabihin no’n. Kung pumapayag na ba ito na tulungan siya o hindi.
“Okay. Tutulungan kita.” Biglang sumaya ang puso niya at hindi mapigilan na mas mapangiti. “Sandali lang. Tatawagin ko na muna ang mga bata.”
“Salamat, Hope.” Tumango lang ito saka umalis.
Nakangiti siyang nakatingin kay Hope. Kagabi ay halos hindi siya makatulog sa kakaisip sa kung ano ba talaga ang nararamdaman niya para sa dalaga. Sa pag-iisip niya ay nakatulugan niya ito. Pero nang magising siya ay ang dalaga agad ang sumagi sa isip niya. Gusto niyang lumabas agad sa kubo na tinutulugan nila para makita ang dalaga.
Doon ay napagtanto niya na may gusto na nga siya dito. Hindi niya inaasahan na ganito kabilis, pero ito na nga siguro ang sinasabi ng kanyang ina na walang right time o mahabang araw o buwan bago ka magkagusto sa isang tao. Basta naramdaman na siya ng puso ay iyon na nga. At iyon ang nararamdaman niya nang una niyang makita si Hope.
“Mukhang may tinamaan ng lintik, ah!” Napatingin siya kay Eren.
“Parang nahanap ko na ang babaeng hinihintay ko, Eren.” Napatingin ulit siya sa dalaga na kinakausap ang mga batang nakapalibot dito.
“Si Hope?” gulat nitong tanong. “Bakit siya?”
Napabaling naman siya sa kaibigan. “Bakit hindi? May masama ba kung siya ang magustohan ko?”
“Wala naman, Davis. Huwag mong masamain ang tanong ko. Ang ibig ko lang sabihin, bakit sa dinami-dami ng mga babae na nakilala mo noon ay siya ang napili mo? Ano bang nakita mo sa kanya?”
Tumingin ulit siya sa dalaga at bumilis na naman ang t***k ng puso niya nang masilayan niya ang maganda nitong ngiti.
“Hindi ko din alam, eh. Basta nang makita ko siya kahapon ay bigla na lang bumilis ang t***k ng puso ko.” Hindi siya nahihiya sa pinagsasabi niya ngayon dahil iyon naman talaga ang nararamdaman niya.
Hindi kasi siya ‘yong tipong magtatago ng nararamdaman. Pakiramdam niya ay nagsisinungaling siya. Napabuntong-hininga siya.
“Mali ba na agad akong magkagusto sa kanya, Eren? Kahit hindi ko pa siya gaanong kakilala?”
“Hindi naman. Alam mo naman na palaging sinasabi ni Tita Anastasia na kapag ang puso na ang pumili ay wala ka nang magagawa kung hindi sundin ito.” Pabiro niyang sinuntok ang braso nito dahil kumanta na ito ng ‘Kapag tumibok ang puso.’ “Pero seryoso nga, Dude. Wala naman ‘yan sa tagal ng panahon para masabi mo agad na gusto mo na ang isang tao. Pero alam mo, Dude. You pick the right girl.”
Napakunot-noo siyang napatingin dito. “Paano mo naman nasabi?”
“Kasi nagtanong-tanong ako sa mga tao tungkol sa kanya.”
Sinamaan niya ito ng tingin. “Bakit ka nagtanong-tanong? May gusto ka din ba sa kanya?”
Natawa ito saka kinaway-kaway ang dalawang kamay. “Wala akong gusto sa kanya kaya huwag mo akong tingnan ng ganyan.”
“Eh, bakit ka nagtatanong tungkol sa kanya?” Mas sinamaan niya pa ito ng tingin dahilan para mas matawa ito.
Galing sa bahay-ampunan si Eren. Wala na itong mga magulang dahil namatay sa isang sunog at ito lang ang nakaligtas. Nang sinama siya ng kanyang ina sa bahay-ampunan ay nakilala niya ito at naging kaibigan. Pinilit niya ang kanyang ina na ampunin ito, pumayag naman ito, pero hindi pumayag si Eren.
Kaya naman pinangako na lang ng mga magulang niya na pag-aralin ito hanggang sa makapagtapos ito. Naging malapit sila ni Eren at kahit kailan ay hindi nag-away. Sabay silang lumaki at nag-aral. Minsan naman ay dinadala niya ito sa bahay nila para doon makitulog. Para na din niya itong kapatid. Kaya nga ito ang kanyang pinagkakatiwalaan tungkol sa charity.
Kaya naman palagi din itong sumasama kapag may mga tinutulungan sila dahil gusto din nito tulungan ang mga tao na kagaya nito.
“Sabi kasi ng mga tao dito na mabait siya, matulungin, at maalaga. Isa si Hope sa mga taong madaling hingan ng tulong. Ang lola na lang niya ang natitira nitong pamilya. Namatay kasi ang ina niya ng manganak ito sa kanya. At kung nagtataka ka kung bakit siya lang ang maputi dito, iyon ay dahil Amerikano ang ama niya at kahit kailan ay hindi na niya ito nakilala. Sabi nila nagkakilala ang mga magulang niya dito din. Mga turista ito. Nangako na babalikan sila, pero hindi na nangyari.”
Napatingin siya kay Eren saka bumaling sa dalaga na may matamis pa ring ngiti sa labi habang kinakausap ang mga bata. Hindi niya inaasahan na sa kabila pala ng maganda nitong ngiti ay may itinatago itong sakit. Kahit hindi niya nakikita ang sakit sa mukha nito ay nakikita naman niya sa mga mata nito na parang may kulang sa buhay nito.
“Davis. Davis!”
“Ha?” Bigla siyang nabalik sa ulirat nang makita ang maamong mukha ng dalaga. Sa lalim ng iniisip niya ay hindi niya namalayan na nasa harap na pala niya ito.
“Ayos ka lang ba?” Napalunok siya nang tingnan siya nito ng may pag-aalala.
Napatingin siya sa kanyang tabi at doon lang napansin na wala na pala si Eren sa tabi niya. Napatingin siya sa mesa kung saan nagbibigay ng mga tulong at nakita niya doon ang matalik na kaibigan. Ngumiti ito sa kanya saka nag-thumbs up.
Pinanlakihan niya ito ng mga mata, pero tumawa lang ito. Napapailing na lang siya sa kalokohan nito. Hindi man lang siya nito kinalabit at nagpaalam na aalis. Nakita tuloy ng dalaga na tulala siya.
“Ayos lang naman ako.” Napapikit siya nang mariin ng nautal na naman siya.
“Kanina pa kasi kita tinatawag, pero tulala ka lang. Sigurado ka bang ayos ka lang?” paniniguro nito sa kanya. Napalunok na naman siya ng taimtim siya nitong tinitigan.
“Yeah. Ayos lang ako.” Napaiwas siya ng tingin dito dahil bumubilis talaga ang t***k ng puso niya. “Sila na ba lahat ng mga bata?” pag-iiba niya ng usapan.
Napahinga naman siya ng maluwag dahil bumaling sa mga bata ang tingin nito. “Oo, sila na lahat. Mga bata, siya si Kuya Davis niyo.”
“Hello, mga bata.” Kumaway siya sa mga ito.
“Hello, Kuya Davis.” Natuwa siya sa sabay-sabay nitong sagot sa kanya.
“Handa na ba kayo sa regalo ni Kuya Davis?”
“Opo!” sigaw ng mga ito. Nakikita niya sa mga mata nito ang saya at excitement.
“Okay. Gumawa kayo ng dalawang pila. Isang pila sa babae at isang pila sa lalaki.” Agad na nagsiunahan sa pila ang mga bata. “Oh! Huwag magtulakan. Lahat naman kayo ay may regalo kaya huwag magtulakan.” Mabuti naman at nakinig sa kanya ang mga bata. “Ayos lang ba na sa unahan ang mga maliliit?” Nagkatinginan naman ang mga ito at nakinig sa pakiusap niya. “Ang babait naman.”
Pumunta na sila ni Hope sa harap ng mesa saka nagsimula nang bigyan ang mga bata. Ang lalaki ng mga ngiti nito nang tanggapin ang mga bigay nila. Binigyan nila ito ng mga laruan at gamit sa pag-aaral. May mga pagkain din itong pambata. Siya ang nagbibigay ng regalo sa mga lalaki at si Hope naman ang sa mga babae.
Hindi niya maiwasan na mapatingin kay Hope habang may ngiti nitong binibigyan ang mga bata.
Alam na niyang may gusto siya sa dalaga, pero hindi niya muna sasabihin dito. Gusto niyang makilala muna siya nito ng lubos. Ayaw niyang biglain ito dahil baka ito pa ang una niyang pagkabigo sa pag-ibig. Gusto niyang maramdaman ng dalaga na seryoso siya dito.