LUPAIN ng tao... Ang mga araw at gabi ay matuling lumipas. Dahil walang ibang aasahan, sinanay ni Alger pangalagaan ang sarili. Upang hindi maramdaman ang pangungulila sa lolang pumanaw, mga magulang at kakambal na hindi kapiling ay binigyan n'ya ng pangalan ang mga puno, damo at mga halaman sa loob ng kagubatang agad na nakabisa ang pasikut-pasikot. Kinakausap n'ya ang mga ito gaya ng normal na tao. Ang mga paniki naman sa loob ng kwebang tinitirhan ang itinuring n'yang pamilya na kasama sa iisang bubong. Sa gano'ng pamamaraan ay mabilis n'yang nakasanayan ang buhay mag-isa. "Magandang umaga, mga kaibigang Lakatan! Gano'n din sa inyo mga Saba at Latundan! Ang laki ng mga puso n'yo, tiyak na marami ang inyong magiging bunga!", nakangiti n'yang puri sa magkakatabing puno ng saging.

