KAHARIAN ng Alas... Gaya nang iminungkahi ng Punong Ministro, sinuyo nga ni Duke Henriko ang Punong Babaylan. "Saan galing ang mga prutas na ito, Liana?", tanong nito. "Mula daw po sa kamahalan Duke Henriko, mahal na Ursula.", sagot ng pangunahing babaylan. "Tsk..., tsk..., Duke Henriko. Kahapon lamang ay sapilitan mo akong pinasusundo sa iyong mga kawal. Ayon sa ilang babaylan ay agad na lumarawan sa kanilang mga mukha ang matinding pag-aalala at takot nang malamang hindi ako maaaring abalahin sa aking ginagawa. Ang inaasahan ko ay matatapang na kawal ang muli mong ipapadala upang maisama ako sa iyong harapan. Subalit, masasarap na prutas ang nagisnan ko sa pagmulat ng aking mga mata.", nangingiting sabi ng Punong Babaylan. Tahimik lamang na nakatayo sa gawing kanan ng hinihigan nito

