"UUHH, uuuh...", ungol ni Aling Dalmacia. Napabalikwas si Alger at dali-daling bumangon. "L-lola!" Malakas niyang tawag sa lolang itinitirik ang mga mata. "Diyos ko, lola! Ano'ng nangyayari sa inyo?!" Kinakabahan niyang tanong. Hindi niya malaman kung paano ang gagawin at ano ang uunahin. Natataranta siya, natatakot siya. Biglang pumasok sa isip niya si Aling Idang. Matutulungan nito ang lola niya. "Sandali lang ako, lola. Susunduin ko lang si Aling Idang!" Pagkasabi ay nagmamadali nitong hinubad ang damit na suot at kinuha ang makapal na dyaket. Ibinalumbon iyon at itinali sa tagiliran. Muli niyang nilapitan ang lola at hinagkan sa noo. "Hintayin n'yo po ako, lola, ha. Isasama ko po si Aling Idang dito upang gamutin kayo. Magbabalik po kami agad. Dumito lang kayo, ha? Sandali lang po

