"MGA walang silbi! Kung kinakailangang patayin ang lahat ng sanggol na lalaki sa buong kaharian ay gawin n'yo matiyak lamang na walang magiging tagapagmana ang trono!" galit na galit na sigaw ni Duke Henriko. Tumalikod ito at nagdadabog na naupo sa tronong nasa kanan ngunit mababa sa trono ng hari. May kaliitan ang upuang iyon at hindi yari sa lantay na ginto. Nag-alala ang Punong Ministro sa binitiwang salita ng Duke kung kaya agad itong pumagitna at muling kinausap ang mga pinunong kawal na napag-utusan. "Magpahinga na kayo. Mag-uusap muna kami ng mahal na Duke. Saka ko na lamang kayo muling ipapatawag kung kinakailangan." Pagtataboy niya na sinunod naman kapag-daka ng mga kawal. Binalingan niya ang Duke matapos matiyak na nakalabas na sa bulwagan ang mga pinunong kawal na pinaalis.

