Napangiwi ako sa sakit nang imulat ang mga mata. Lumatay ang hindi maunawaang kirot partikular na sa aking binti. Halos mangiyak ako.
“Gising na siya,” rinig kong bulong ng isang bata sa gilid.
“Hala, oo nga.”
“Anong gagawin natin?”
“Tawagin na natin si Nay Klaring.”
“Sige sige.”
Ang tigas ng higaan ko. Hindi ko man lang maibaling ang tingin kahit sa kaliwa at kanan kaya iginagapang ko na lang ang mga palad ko upang kapain ang hinihigaan. Malamig. Base sa tekstura ay parang kawayan. Nang ituon ko naman ang atensyon ko sa taas ay wala itong kakisa-kisame. Maliwanag na rin ang paligid at dumadaan sa malaking siwang ng bintana ang hilaw na silahis ng araw.
Kinabahan ako nang magsimulang mag-ingay ang mga bata sa paligid. Hindi ko man makita kung sino-sino dahil diretso lang sa itaas ang aking tingin, batid kong marami ang bilang nila. Sa isang iglap, parang gusto ko na lang umuwi. Natatakot ako sa mga maaaring gawin nila. Nangangamba ako sa mga posibilidad.
Paano kung may gawin silang masama sa akin? Hindi ko sila kilala. Ni hindi ko alam kung nasaan ako. Wala akong muwang mula nang mangyari ang katakot-takot na pinagdaanan ko kagabi.
“Labas. Ako nang bahala rito,” wika ng isang matandang babae na siyang ikinatahimik ng mga bata. Sa isang iglap ay nagsilabasan ang mga ito, hanggang sa kaming dalawa na lang ang naiwan.
Pinakiramdaman ko ang ginagawa ng matanda. Sinubukan kong ipilig ang leeg ko sa direksyon niya hanggang sa nakita kong nagpipiga na siya ng kung ano sa maliit na palangganita. May mga dahon siyang hawak at hindi ko alam kung para saan. Para kaya sa ‘kin ang ginagawa niya?
Lalo akong kinabahan. May mga sugat ako kaya siguro, sa akin niya iyon gagamitin. Ang dami-daming pumapasok sa aking isip ngunit isa lang ang nasisiguro ko. Gusto ko nang umuwi. Gusto ko nang balikan si Mommy. Gusto kong bawiin lahat ng desisyon ko dahil kagabi pa lang, mariin ko nang pinagsisihan ang lahat.
Hindi ako makapaniwala. Kung sino pa iyong pinagkatiwalaan ko, ay siya rin palang may balak na masama sa ‘kin. I always believed that it was just a job being fulfilled by Pael, hanggang sa nalaman ko na ginagahasa muna niya ang kliyente bago gawin ang sadya sa Isla.
Tanga ako dahil naniwala ako. At aminado ako na padalos-dalos ako ng desisyon kaya napadpad ako rito. Kung kaya ko lang talaga ibalik ang nakaraan, babalikan at babalikan ko si Mommy. Sigurado akong may malay na iyon at pinaghahahanap na ako.
Umupo ang matanda sa paanan ko. Hindi ko na kinailanganan pang bumangon upang makita ang kaniyang suot hanggang bewang. All I can say is that she has this trival dress. May pattern ang bawat burda at habi ng kasuotan. Naghahalo ang kulay pula, itim, at puti. Sa unang tingin, para siyang sinaunang tao o ‘di kaya’y leader ng isang ethnic group. Nakatirintas iyong buhok na puti at kulubot na ang balat dahil sa katandaan.
“Masakit-sakit ito hija kaya huwag kang gumalaw,” aniya habang may hinahagilap sa aking binti. Ganoon na lang ang diin ng pagkakapikit ko nang maitapal niya ang hawak na dahon sa sugat ko.
Halos sumigaw ako ngunit batid kong wala iyong magagawa. Tiniis ko na lang mula sa paglala, hanggang sa paglaon. Para akong pinuputulan ng paa. Literal.
Inangat ko ang isang kamay upang punasan ang tumulong luha. Hindi ko naiwasang humikbi, mapakagat-labi, at mamilipit. Hindi lang naman kasi basta dahon ang itinapal niya. Nararamdaman kong may halo iyon, parang asin.
Mayamaya’y iba naman ang sumunod niyang ginawa. Dahil sa pagkakataong ito, binabalot na niya ng tela ang binting napuruhan. Nakapahinga na rin ako nang maluwag dahil wala na akong sakit na nararamdaman. Hindi gaya kanina na para ginigilitan at binibiyak.
“Ayos na, ineng,” aniya. Napatango-tango ako. Tumungo naman siya sa gawing uluhan ko at inalalayan akong bumangon.
“Maraming salamat p-po…”
Ibinaba ko sa sahig ang aking mga paa habang nakaupo sa gilid ng higaan. Umupo siya sa aking tabi at gaya kong nakatuko ang magkabilang palad sa magkabilang gilid. Sobrang tahimik ng paligid. Kung may naririnig man ay mahihinang tawanan ng mga bata sa labas at ang huni ng mga ibon. May mahina ring ugong ng mga alon at sa sobrang hina, sigurado akong malayo ang kailangang lakarin upang tahakin ang distansya nito.
“Kumusta? Masakit pa ba?” basag niya sa aking pinapakinggan. Dahan-dahan kong binaling ang tingin sa kaniya saka tumango.
“Hindi na po.”
“Mainam. Dahil kung sasabihin mong masakit, uulitin ko ang proseso.”
Ginhawa ang namayani sa sistema ko nang malaman iyon. Buti na lang.
“Taga saan ka pala? At saan kayo nagkita ni Carlo?”
Natigilan ko nang marinig ang pangalawa niyang tanong. Carlo? Sino si Carlo?
Siya kaya iyon nagligtas sa akin kagabi? Iyong lalaking may hawak na itak?
Wala na akong halos maalala noong mga oras na iyon dahil nawalan na talaga ako ng malay. Pero kahit katakot-takot iyong naranasan ko, malaki ang pasasalamat ko dahil dumating siya. Kung hindi dahil sa kaniya, baka kung ano-anong mga kababuyan na ang ginawa sa akin ni Pael.
Bakit ko nga ba pinagkatiwalaan si Pael? Sa club pa lang, hindi na nakapagtataka dahil posible na may masama silang aktibidad. Parang hindi na normal ang kaniyang mga kasama. Sa unang tingin at sa pagsisiyasat, mahihinuhang may masama silang gawain.
“Sino po si Carlo?”
“Siya iyong nagdala sa’yo rito, ineng…”
“Ah okay po… madilim na rin po kasi kagabi at wala na rin akong masyadong natandaan,” pag-iwas ko sa kung ano talaga ang kaniyang tanong. Pakiramdam ko kasi ay hindi pa ako handa upang sabihin ang lahat. Lalo na’t hindi maganda ang intensyon ng pagpunta ko rito sa isla.
“Oh siya. Magpahinga ka na muna. Mamaya na tayo mag-usap. May gagawin lang ako.”
“O-okay po.”
May katandaan na siya ngunit hindi pa gumagamit ng baston sa paglalakad. Sa tantya ko, nasa 70’s na o 80’s. Ano kaya ang ganap niya sa lugar na ito? Manggagamot?
Nang mapagtanto kong ako na lang ang mag-isa rito, saka ako lumingon sa kanan upang tingnan ang bukas na bintana. Kahit hindi ko pa man nakikita nang buong buo ang labas, nakikita ko na kung gaano kaganda ang tanawin. Nababanaag ko iyong mga puno ng niyog, isang bahay na gawa sa kawayan, at mangilan-ngilang mga tao na dumadaan. Hindi gaya ng matanda na tumapal sa aking sugat, iba ang kanilang kasuotan. Simpleng t-shirt ang kanila at karamiha’y kaswal.
I’m in Isla Agunaya, right? Akala ko ba patay na isla ito? Akala ko ba wala ng naninirahan dito? Bata pa lang ako, sinasabi na sa klase namin na malupit daw ang kasaysayan ng lugar na ito dahil sa sunog na naganap, labing siyam na taon na ang nakararaan.
Madalas ding sinasabi ng mga kaklase ko noon na isa raw ang islang ito sa pinakaiiwasang puntahan ng mga travelers. Ang sabi, kung sino raw ang napupunta rito ay hindi na raw nakababalik. May ilan na nagsabing may halimaw daw dito o ‘di mapaliwanag na nilalang. Sa dami ng mga teoryang kumalat, hindi ko alam kung alin ba roon ang dapat kong paniwalaan.
Huminga ako nang malalim. Hindi naman na ako inaantok at wala ring balak humiga. Anong gagawin ko rito? Maghapon na lang nakaupo? Walang kahit na ano sa loob ng kubong ito maliban sa higaan, isang upuan, at lamesa kung saan nakalagay ang gamit ng matanda sa panggagamot. Kung pwede ko lang sana ihakbang ang paa ko, baka hindi na ako nag-alinlangan pa para tumayo.
Yumuko ako upang tingnan ang sugat sa binti ngunit wala akong makita dahil nakabalot na ito ng puting tela. Kitang kita ‘yong dahon na nakatapal at hindi ko mawari kung anong klaseng dahon iyon. Wala akong alam sa halamang gamot. Lumaki kasi akong sa doktor pinakokonsulta at hindi sa alburyo o sa kahit na sinong faith healer.
Habang nakayuko at nakatitig sa aking binti, napaangat na lang ako ng tingin nang biglang bumukas ang pinto. Sa gulat ko, napadama ako sa dibdib at muntik pang tumayo. That was so furious!
Tinitigan ko kung sino ngayon ang nakatayo sa pintuan. Gaya ko, nakatuon din ang atensyon niya sa akin, ngunit ‘di hamak na mas seryoso. He’s wearing a black muscle tee kaya kita iyong mapipintog niyang biceps. He has a tan skin, messy yet black hair, and a towering height. Baka hindi pa aabot ang tuktok ng ulo ko sa kaniyang balikat. Napakatangkad niya.
But what more caught my eye was that good-looking expression. Masasabi kong gwapo siya at mas nadepina iyon ng pagiging moreno. With high-arched brows and downturned eyes, those folded arms are pleasing. Ang simple ng kaniyang suot pero bakit elegante na sa paningin ko?
At teka, bakit parang pamilyar ang mukha niya sa ‘kin?
“S-sino ka?” inosente kong tanong, kinakabahan. Hindi ko mawari kung sa paanong paraan ko pa idudulog ang mga tanong ko lalo’t may kutob ako na siya ang Carlo na tinutukoy ng matanda.
“Ikaw, sino ka?” he asked in a manly tone. Napalunok ako.
“Sagutin mo muna ako kung sino ka. Anong pangalan mo?”
Napansin kong lalong humigpit ang pagkakahalukipkip niya sa braso. Nagsalubong din ang kilay niya at sumeryoso nang husto. Kung kanina’y nababaitan ako sa matanda, ngayon ay ‘di hamak na baliktad. Alam kong may iba’t ibang uri ng tao pero kailangan ba magsungit kapag tinatanong? Anong klase ‘yan?
“Hindi ko sasabihin. Bahala kang umalam,” aniya, dahilan kung bakit napaawang lalo ang bibig ko.
I can’t believe him. Buong buhay ko liban kay Daddy, bihira lang talaga ako maka-encounter ng lalaking ubod ng sungit. At sa lalaking ito? My God, baka hindi ko matitiis. Mapipikon lang ako at literal na mawawala sa sarili.
“O-okay…”
Pinakalma ko ang sarili ko. I should compose myself and remain this sanity. Wala kong kakilala sa lugar na ito at wala akong ideya kung paano ako makakaligtas at makaaalis. Laking pasasalamat ko na lang kung hindi niya gaya ang iba pang mga tao rito.
“Gulay, kumakain ka?” he asked without turning his eye somewhere. Paiwas na sana ako ng tingin ngunit humabol siya.
I nodded. “Kumakain ako ng gulay.”
“Good. Hindi ka naman siguro mag-iinarte kung walang pritong nakahain.”
“Hindi ako maarte.”
“Dapat lang.”
Bumuntong hininga pa ulit ako at alam kong nakita niya. He should recognize that. Dapat matuto siyang makiramdam dahil nakaka-offend na. Hindi naman ako magtatagal sa islang ito. Hindi naman ako permanente kaya hindi niya rin ako makikita araw-araw. Kung ayaw niya sa ‘kin dahil sa personal niyang rason, bahala siya.
“Anong size ng damit mo, ng underwear, at panloob?” tanong niya na ikinalaki ng mga mata ko.
“Bakit mo tinatanong?”
“Sa sobrang lala niyang pilay at sugat mo, tingin mo papayag akong makaalis ka agad dito? Pupunta akong nayon at bibilhan ka ng gamit.”
Napakurap-kurap ako. Totoo bang nangyayari ito? I mean, bakit parang may bait na akong naramdaman sa kaniya? Kahit inis na inis ako, hindi ko maitatangging may nababaitang parte sa akin.
I can’t help but stare at him longer than I thought. At para akong tanga dahil hindi ko na maipaliwang kung anong klaseng emosyon ba ang nabuo sa puso ko.
I told him my sizes. Mula sa shirt, sa pants, sa bra, sa underwear, at sa tsinelas. I was expecting mockery from his face but his expression remained. Stoic. Serious. Precise.
“May ipabibili ka ba maliban sa damit?”
“U-uh, wala na. Iyong bayad, siguro babayaran ko kapag—”
“In less than an hour, babalikan kita. Huwag mo nang isipin ang bayad. Mapahinga ka lang diyan,” he said before leaving. Naiwan akong tulala at nakaparte ang mga labi.
My mind was blown, gulong gulo sa emosyong pinatatakbo ng puso ko. Talaga bang ganoon lang siya makitungo? Masungit at parang suplado? Pero paano kung sa akin lang pala siya ganoon? Paano kung naiinis siya dahil naabala ko siya kagabi?
With that kind of body type, height, and presence, naiisip kong siya ang pumatay kay Pael at ang nagligtas sa akin. Hindi lang ako sigurado dahil hindi ko pa nakukumpirma. Pero sa oras na malaman kong siya nga iyon, hindi ako magdadalawang isip upang magpasalamat. Kahit na hindi maganda ang magiging tungo niya sa akin, hindi ko kakalimutan kung paano niya ako inilayo sa mas malupit pang bangungot kagabi.
For that man is my savior and indeed, my only hero.