“Ang sabi po ni Rence ay nalalasahan niya raw po ang luto ni mommy sa luto niyo.” pagpapaliwanag ni Lance. “Ang ibig sabihin lang po no’n ay kahit hindi matalino si Rence ay nakikilala niya parin na kayo talaga ang mommy namin!”
Napatanga si Yasmien sa sinabi ni Lance sa kanya. Naniningkit ang mga mata niyang napatanong. “Ibig sabihin, hindi masarap magluto ang mommy niyo?”
“That! Of course not!” sunod-sunod na napailing si Lance. “Masarap kaya ang breakfast for today!”
Muling binalingan ni Lance ang pagkain niya para muli iyong kainin. Nakita ni Yasmien na pumait ang timpla sa mukha nito ng isang segundo, ngunit agad ding nabura para masayang tumingingala sa kanya na animo nasasarapan.
“It's yummy, so sarap!”
Napalabi si Yasmien. Kanina lang ay halos isumpa nito ang pagkain, pero nang malaman na siya ang nagluto ay nagbago ang pananaw nito.
“Lance! What are you doing? Alam mo nang pangit ang lasa, tapos pipilitin mo pang kainin! Ayan, ginagaya ka na ni Rence! Paano kung parehong sumakit ang mga tiyan ninyo, ha?!” bulyaw naman ni Leo, galit na nakatingin kay Lance.
“Leo, nilutuan tayo ni Mommy after four years na nawala siya, you might as well eat your food!”
“Urgh! Kaya naman pala ang pangit ng lasa, siguro balak pa tayong lasunin ng babaeng ‘yan?! Oh gosh!” hinampas ni Rence ang lamesa gamit ang dalawang maliit na palad. “Balak tayong lasunin ng babaeng ‘yan!! Bakit hinayaan ng headmaid na siya ang magluto ng kinakain natin ngayon!”
“O-Oy, walang lason ‘yan!” napagiit agad si Yasmien at puno ng depensang bumaling kay Leo. “Hindi ko magagawang lasunin kayo. T'saka isa pa, iisa lang tayo ng mga kinakain, hindi ko rin magagawang lasunin pati sarili ko.”
“Liar! Bakit naman kami magtitiwala sa'yo!” pagalit na binalingan ni Leo sina Rence at Lance na patuloy parin sa pagkain. “You guys have brainflux! Hindi ba kayo nag-iisip?! Hindi ba kayo nag-aalala na biglang bumula ang mga bibig niyo diyan?!”
“Nope. Not at all.” kalmadong tugon naman ni Lance.
Rumehistro ang pagkapikon sa mukha ni Leo. “That's it! I'm out! Nawalan na ako ng gana mag-breakfast.” bumaba ito sa upuan ngunit bago umalis ay sinamaan pa ng tingin si Yasmien. “‘Wag kang umasa, PO! Hindi ikaw si Mommy, PO!”
Natameme si Yasmien. Siguro'y improvement na nagbigay galang pa si Leo sa kanya bilang nakakatanda kahit na sa sarkastiko na pamamaraan.
Ngunit dahil do'n ay napaisip si Yasmien kung bakit nalalasahan ni Rence ang luto ng kanilang ina sa luto niya. Coincidence?
Pinakatitigan ni Yasmien ang tahimik na bata na masayang kinakain ang pagkaing hinanda niya. May kung anong pumukaw sa puso niya at kusang napangiti habang pinapanood iyon.
Sa triplets, si Rence ang hindi niya pa nakakausap. Dahil unang-una, pipi ito at gumagamit lamang ng sign-language at facial expressions sa pagkokomunikasyon. Pangalawa, hindi ito nakakaintindi ng tagalog kundi purong English lamang. Pangatlo, hindi marunong mag-straight English si Yasmien at mas lalong hindi siya marunong ng sign language!
Para sa kanya noon ay imposibleng makipag-usap kay Rence kung kaya'y hindi na niya sinusubukan pang gawin. Ngunit para sa misyon niya ay mukhang kailangan niyang humanap ng ibang paraan para maging posible iyon ngayon!
“Mga bata, um… w-why didn't you, um, ano, why not don't eat anymore?” ingles kabayo niyang tanong sa mga ito.
“Huh?” nagtatakang tumingala si Lance sa kanya. “Come again, Mommy?”
Napalunok siya at napapakamot sa ulong napa-tagalog na lang. “Sabi ko ‘wag niyo na lang kainin pa ang hinanda ko baka kasi tama si Leo, mamaya'y sumakit pa ang mga tiyan ninyo.”
“Oh,” ngumiti ng matamis si Lance. “Don't worry, mommy, we trust your food.”
“Pero kahit na, hindi ba't pangit ang lasa? ‘Wag mo nang tiisin kainin pa ‘yan.”
“Okay lang, mommy. Ayaw ko pong masayang ang pagkaing hinanda mo para sa amin.”
Hindi malaman ni Yasmien kung matutuwa ba siya o maaawa rito. Halata namang hindi gusto ni Lance ang pagkain, pero kinakain parin nito dahil lang sa siya ang nagluto niyon.
Palihim niyang sinumpaan sa sarili niya na mas gagalingan niya ang pagluluto para pumatok sa mga panlasa nito.
Maya-maya’y nakahinga ng maluwag si Yasmien nang makitang walang naging masamang epekto ang mga pagkain sa sikmura ng mga bata kung kaya't kagaya ng mga nagdaang araw, ay buong araw lamang siyang nakipagkulitan kay Lance.
Samantalang si Rence naman ay may sariling agenda na hindi batid ni Yasmien. Habang si Leo ay paminsan-minsan sumusulpot na parang kabute para lang sigawan siya pati si Lance.
Naging routine na iyon ni Yasmien sa pang-araw-araw na buhay niya sa loob ng mansyon, at napakalayo niya pa sa katotohanan para mapagtagumpayan niya ang misyon niya.
Naging palpak ang unang araw ng pagluluto niya ng pagkain sa mga bata, kaya't titigil na muna niya iyon pansamantala hanggang sa gumaling na siya sa pagluluto. Ang popokusan na lang muna niya ay makuha ang atensyon ni Rence!