Nakailang buntong-hininga na si Yasmien habang nakatingin sa malaking pintuan sa harapan niya. Nangangatog ang mga binti niya sa kaba at para bang maiihi na siya sa takot.
Nang sa wakas ay bahagya siyang kumalma ay tatlong beses siyang kumatok sa pintuan.
“Come in.” agad na tugon ng malaking boses na lalaki sa loob.
Kumabog ang kaba sa dibdib niya. Gusto pa sana niyang tumalikod at humarurot ng takbo, pero alam niyang hindi niya maaaring gawin iyon.
Kaya naman kahit pinanlalamigan ng buong katawan at nanginginig ay binuksan niya parin ang pintuan para pumasok sa loob ng opisina sa mansyon. “Sir Lucas? Pinatawag niyo raw po ako?”
Nasa harapan niya ngayon ang ama ng triplets. Nakaupo si Lucas sa office chair, harap ang mga nakapatong na sangkatutak na mga papeles sa lamesa nito. Nakasuot din ito ng salamin sa mata ngayon, humahawig sa itsura ni Leo.
Hindi talaga mapagkakaila na ito ang ama ng mga triplets dahil kuhang-kuha nila ang mukha nito!
Pero bakit nga ba siya pinapatawag ni Lucas? Magmula nang manatili na siya rito sa mansyon ay hindi man lang siya nito pinapansin. Kaya ang biglaang pagpapatawag nito umagang-umaga na hindi pa nga sumisikat ang haring araw ay talaga namang nagpapayanig sa kanya!
“You.” sambit nito sa malalim na boses, ang mga mata nito ay nanlilisik na nakatitig sa kabuuan ng itsura niya!
‘Waah! Pinatawag niya ba ako dahil gusto niya akong patayin?’ Gustong mapaluha ni Yasmien sa nararamdamang masamang intensyon ni Lucas ngayon sa kanya.
“Read this out loud.” may pinadulas si Lucas na papel sa lamesa.
“Po?”
“Kunin mo at basahin ang nakasulat. Tsk!” walang pasensyang pag-uulit nito. Mas sumama ang paraan ng pagtitig sa kanya, inis na inis agad!
“Okay po!” napapalunok siyang lumapit para kunin ang piraso ng papel, at mabilis ding bumalik sa dati niyang pwesto, malayo sa lalaki. “U-Um… English ang nakasulat.”
“So? Read it.” habang tumatagal ay palukot nang palukot ang mukha ni Lucas.
Bago pa ito tuluyang mawalan ng pasensya ay ngarag-ngarag na binasa ni Yasmien ang nakasulat.
“C-Conditional statement of duties and restrictions.” pagbasa niya sa unang linya. Sinilip niya ang mukha ni Lucas at napahinga ng maluwag nang tama ang mga pronunciation niya, saka siya nagbasa muli. “T-This agreement is made this day of… um, by and between Miss Yasmien he-herein-after referred to as the subject, and Mister Vaughn Lucas De Ville and his triplets, Von Leonardo, Von Lancashire, and Von Lawrence Del Ville…”
Wala agad naintinihan si Yasmien kundi ang mga pangalan nilang nakasaad sa papel. Muli siyang nagpatuloy. “Now, therefore, in consideration of the mutual covenants contained he-herein… and for other good and valuable consideration… the r-receipt and s-su-sufficiency of which is herebi ak-nawled-ge, the parties agree as palows.”
“Ayusin mo ang pagbabasa.” mas naging buo po ang boses ni Lucas.
“O-Opo! Um, the Subject shall not cook for the triplets. The Subject shall not step into the triplets' room. The Subject shall not leave the mansion premises. The Subject shall not give anything to the triplets unless ex-explicitly permitted by Mr. Lucas. The Subject shall not eat meals in the company of the triplets. The Subject shall not engage in play with the triplets for more than three hours a day. The Subject shall not allow any of the triplets to sleep in her bedroom. The Subject shall not raise her voice, engage in con-conprontations, or argue with the triplets. The Subject is expected to obey the triplets and Mr. Lucas at all times. The Subject is to serve the Family as a maid and perform labor-borious tasks within the mansion. The Subject shall work to earn her sus-sustenance?--but will not receive any salary or monetary compensation. The Subject ak-nowled-ges and agrees that any biyoleysyon of the above conditions may result in immediate termination of this agreement at the Family's so-le discretion.”
Hingal na hingal siya nang sa wakas ay matapos ang babasahin sa unang pahina ng papel. Nanginginig pa siya sa takot na sinilip ang mukha ni Lucas matapos yaong basahin.
“Naintindihan mo?” seryoso pang tanong nito.
“S-Sir… wala po akong naintindihan sa binasa ko, p-pasensya na!” Ano ba ‘yung subject-subject na iyon? Hindi talaga naintindihan ni Yasmien ang nakasaad sa papel, lalo na't nakapokus siya sa pag-pronounce ng mga salita.
“Tsskk!” malakas na naririnding napaasik si Lucas. “Boba. Read it again.”
“P-Pwede po bang paki-tagalog na lang?”
Halos hindi na maipinta ang mukha ni Lucas. Narinig niya ang pagbulog nito sa hangin. “I can't believe you are her…”
“??”
Matagal na nanaig ang katahimikan bago napapabuntong hininga si Lucas na ipinaliwanag ang binasa niya. “Simula sa araw na ‘to. Hinding-hindi ka na pwedeng magluto pa para sa mga anak ko. Hindi ka na rin pwedeng makipaglaro sa kanila nang hindi lumalagpas sa tatlong oras. Naririnig ko na madalas katabi mong matulog si Lance sa kwarto mo, kaya hinding-hindi ko na iyon papayagan pa. Naririnig ko rin na madalas mong awayin at sigaw-sigawan si Leo pati na pag-awayin sila ni Lance, kaya ang gagawin mo ay manahimik at sumunod na lang sa lahat ng sinasabi ni Leo. Kapag nag-away pa sila, kasalanan mo at ikaw ang mananagot sa akin.”
Nanlalaki ang mga mata ni Yasmien sa mga sinabi ni Lucas! Kailan niya pa pinag-aaway ang mga triplets?! Kusa silang nag-aaway sa harapan niya! Naiwang nakanganga ang bibig niya sa pagkabigla, habang nagpapatuloy naman sa pagsasalita ang lalaki.
“Dahil isa kang tamad na hayahay lang sa mansyon, simula sa araw na ‘to, sisimulan mo na ang trabaho mo bilang katulong. Pero hindi ka makakatanggap ng anumang pasahod mula sa akin. Ang ibabayad lang sa'yo ay ang libreng pagtira dito, libreng pagkain, tubig, at kuryente. Kasabay no'n, dahil pag-aari ka na ng pamilyang ‘to, hinding-hindi ka lalabas ng mansyon nang walang pahintulot mula sa akin. Dahil kung aalis ka, umalis ka na ng tuluyan at huwag nang babalik! Hinding-hindi ka na makakapasok pa sa oras na lumabas ka ng gate.” may pagdidiin nitong sabi.
May ikabibigla pa pala siya! Gulat na gulat siya sa mga sinasabi nito. Kinailangan niya pa ng ilang minuto para maproseso ang sinabi ni Lucas.
“Kung may problema ka sa mga kondisyon ko, puwes mag-impake ka na ng mga gamit mo at umalis.” walang patawad pang dagdag nito.
Matagal na pinag-isipan ni Yasmien ang lahat. Pero ang unang pumasok sa isipan niya ay si Lance. “Magiging ayos lang ba kay Lance ang lahat ng ‘to? Hindi papayag ‘yon na hindi kami bente-kwatro oras na magkasama, tapos three hours? Panigurado ring magwawala siya kapag nakita akong nagtatrabaho bilang maid, kasi nga—”
“Next week ay babalik na ulit sa school ang triplets kaya imposibleng magkakasama pa kayo buong araw.” pagputol nito sa kanya. “Gawan mo rin ng paraan na hindi malaman ni Lance ang tungkol sa kondisyong ito, o tuluyan na kitang ibabalik sa asawa mo sa probinsya.”
“!!!” napasinghap siya ng maraming hangin.
“I did an investigation on you, at alam mo ba?” ngumisi ito ng nakaloloko. “Mukhang galit na galit na ngayon sa'yo ang Carding na iyon, halos araw-araw nagwawala sa probinsya niyo at hinahanap ka na may dalang itak. Sa oras na bumalik ka ro'n, paniguradong pugot ang ulo—”
“G-Gagawin ko po ang lahat, ‘wag mo lang akong ibalik sa kanya, sir Lucas!!” puno ng takot niyang pagtaas ng boses. Napuno ng pangungusap at emosyon ang mga mata niya na tumitig dito. “Pakiusap po!”
Naging blangko ang ekspresyon sa mukha nito. “Very well. Kung gano'n, pirmahan mo ang lahat ng papel na ‘yan hanggang sa likod, at hindi kita ibabalik sa kanya.”
“Opo! Maraming salamat po!” kinuha niya ang ballpen na inabot ni Lucas para pumirma ng wara-wara, kahit na hindi pa man niya nababasa ang iba pang mga nakasaad sa kontrata.