Habang nakahiga sa sariling kwarto si Yasmien at nakatulala sa kisame, lumalarawan parin sa kanyang isipan ang problemadong mukha ni Lucas sa kabila ng masamang pagkakatitig sa kanya kanina sa dining room.
Sa huli, hindi rin sila nakakain ng sabay dahil sa pagwa-walk out ni Leo na sinundan naman ni Lucas. Kung kaya't naiwan lamang sila Yasmien, Lance, at Rence sa hapagkainan para ituloy ang pagkain.
“Hmm… mukhang namomoblema talaga si Sir Lucas sa triplets ah.” Subalit ang pinaka-inaalala ni Yasmien ay siya na naman ang masisi na may kasalanan sa pag-aaway ng mga bata. “Ano kayang pwede kong gawin?”
Matagal siyang napaisip. Sa sobrang katapangan ng mga bata ay pati nga siya natatakot. Ano naman ang magagawa niya?
“Mommy!” walang katok-katok na pumasok si Lance sa kanyang kwarto.
Napaupo si Yasmien at ngumiti nang makitang may bitbit na tray ng cookies ang bata. Mayroon pa silang isang oras at kalahati para magkasama ngayong araw kaya kampante pa siya na pinaupo si Lance sa kanyang kama. Binuksan niya ang telebisyon upang manood sila ng paburito niyang teleserye sa hapon.
Habang nasa kalagitnaan ng panonood ay naisipang tanungin ni Yasmien si Lance. “‘Nak, hate mo ba si Leo?”
“Po?” hindi inaasahang usal ni Lance saka humaba ang nguso. “Of course I do!”
“Bakit mo naman hate ang kapatid mo?”
“Syempre dahil hate niya rin ako, Mommy.”
“Sinabi niya bang hate ka niya?” inosenteng tanonpani Yasmien. “Kasi sa pagkakaalam ko, ako lang naman ‘yung hate niya, pero dahil pinoprotektahan mo ako, hindi niya rin maiwasang magalit sa'yo.”
“Hmp!” mas humaba ang nguso nito. “Hindi kasi siya marunong makinig sa akin! Pinagpipilitan niya ‘yung paniniwala niya kasi kay daddy lang siya nakikinig. Hindi man lang niya malaman na nagsisinungaling si daddy sa halos lahat ng mga bagay!”
“Hmm? Hate mo rin ba ang daddy mo?” Naalala ni Yasmien ang kaninang pagtrato ni Lance sa sarili nitong ama, maging nitong mga nagdaang araw.
Sa nakikita niya, mukhang nalulungkot din naman ang ama ng triplets na ito dahil sa hindi pagkakasundo ng mga bata. Pero wala siya roong pakiralam sa totoo lang. Ang inaalala niya, ay siya kasi ang pinag-iinitan ni Lucas sa kasalukuyang nangyayari. Tulad na lamang kanina nang pakatitigan siya nito ng masama bago umalis ng dining room.
Pakiramdam nga niya, sa mga titig na iyon ni Lucas ay nagpaplano na itong patayin siya. Paano na lang kung biglang magbago anag isip nito at magulat na lang siya na binalik na siya sa probinsya?
Iniisip niya pa lang ang mukha ni Carding ay kinikilabutan na siya sa takot!
“Of course I hate daddy too!” mas sumama ang timpla ng mukha ni Lance.
“Eh, bakit naman, Lance? Mukha namang nag-aalala para sa iyo ang daddy mo at iniintindi niya ang damdamin mo. Hindi ba nga? Hindi siya papayag na manatili ako rito sa mansyon niyo kung hindi siya naaawa sa'yo?”
Natigilan ito ngunit nalukot pa lalo ang mukha. “That's why I hate him! I never liked his pity! I don't need his pity! Para lang din siya si Leo na hindi marunong makinig sa akin! Palagi pa siya paasa at puro kasinungalingan. HIndi siya tumutupad sa promises niya! He's weak!”
Napalunok si Yasmien sa mga mabibigat na salitang binitiwan ng bata. Mukhang malalim ang pinaghuhugutan ni Lance. Sa kabila ng lahat, hindi naman siguro lalayo ang loob ng isang bata sa mga magulang kung wala talagang mali at kung walang pagkukulang ang mga ito sa responsibilidad ng pagiging magulang.
Masyado pang bata si Lance para makaramdam ng ganito sa sarili nitong ama. Dahil ba maaga itong namulat dahil sa hindi pangkaraniwang utak nito? Subalit mukhang dahil bata pa ito, ganito na lang ito kasensitibo at hindi makontrol ang sariling nararamdaman. Sinasabi nito ang nasa isipan dahil sa tingin ito’y nauunawaan na nito ang lahat, at may karapatan itong magbigay ng reaksyon sa nangyayari. Ganito din si Leo na may taliwas namang paniniwala sa kanya, kung kaya't madalas nagkakatalo ang dalawa.
Kung may isang bagay na mapagkakasunduan ang dalawa, siguro'y kahit papaano huhupa ang galit nila sa isa't-isa? O hindi naman kaya, kung may isang bagay na may kapreho silang opinyon subalit lumalabas na mali iyon, mapagtatanto ng dalawa na mayroon pang mas higit na impormasyon silang dapat na malaman.
Ano naman kaya ang bagay na iyon na maaaring gawin niya? Matagal na nag-isip-isip si Yasmien ng daan para mapagkasundo ang dalawa. Subalit dahil ang IQ niya ay hindi kataasan, nahihilo na lamang siyang nanood ng TV hindi kalaunan.
____
Sa kabilang banda, mag-isa si Rence sa isang tahimik na silid na bumubuo ng domino puzzle. Kung dati, tatlo sila nina Lance at Leo na nagbubuo ng malaking domino bilang surpresa sa kaarawan ng kanilang ama sa susunod na buwan, ngayon ay mag-isa na lamang siyang nagpapatuloy noon.
Si Lance ay abala kasama ang mommy nila, habang si Leo naman ay abala din kasama ang daddy nila. Kung kaya't nag-iisa ngayon si Rence sa dating nakasanayang gawi nilang magkakapatid.
“Ano bang ginagawa mong bata ka? Tanghaling tapat hindi ka pa natutulog! Napakatigas ng ulo!” walang pakialam na pumasok ang isang masungit na babaeng katulong sa loob ng silid na iyon. Sinipa nito ang nakakalat na mga laruan, walang takot na baka matumba ang mga nakatayong domino.
“Ah!” sa takot at kaba ni Rence ay nagmamadali niyang tinigil ang ginagawa para harangin ang babae. Saka siya sumenyas gamit ang mga kamay. “Please yaya, get out of here! You're going to ruin everything my brothers worked hard for!”
Ang yaya ni Rence ay nakakaintindi ng sign language subalit umasik lamang ito, at sa halip na kausapin ang bata sa ingles ay pinili nitong hindi ipaintindi sa bata ang sinasabi. “Kung ayaw mong manggulo ako rito, dapat una pa lang, pinakikinggan mo na ako! Pinapatulog kita hindi ba?! Gusto mo pa akong bigyan ng aalalahanin sa pagbabantay sa'yo buong maghapon eh!! Halika nga rito, dalian mo!”
“Aah!” napaiyak si Rence nang kurutin ng kanyang yaya ang kanyang tagiliran, tulad na lamang ng karaniwan nitong ginagawa sa kanya tuwing wala sa kanilang harapan ang kahit na sino.
Samantalang hindi alam ni Rence kung bakit na naman siya napalo at nabulyawan, lalo na't wala naman siyang ginagawang masama. Dahil sa takot ay sumama na lamang siya sa yaya pabalik sa kwarto nilang magkakapatid.
Pinlastar nito siya sa sarili niyang kama, kung kaya't wala siyang nagawa kundi ang manatili na lamang doon na tahimik na umiiyak sa iniindang sakit ng tagiliran.