Chapter 36

1825 Words
Mula sa madilim na gubat sa ilalim ng bilog na buwan. Tanging sulo lamang na gawa mula sa tuyong dahon ng niyog ang nagsisilbi nilang ilaw. Kaya kitang-kita ng mga mortal ang buong itsura ng kakaibang nilalang na bigla na lamang sumulpot sa likuran nila. "A-ang mga kuko niya!" nanginginig na usal ng isang lalaki mula sa kanyang mga kasamahang kapwa niya natutulala sa nakikita. Narinig iyon ni Zyros ngunit nanatili pa rin siyang nakatayo na may mababangis na mukha. "S-siya nga iyon!" Malaki man ang takot ay naglakas loob itong sumigaw sa kanyang mga kasamahan na halos nagkakanda-ihi na sa panginginig. "Siya nga iyon, ano pang hinihintay niyo?!" Bumunot agad siya ng baril sa kanyang tagiliran kaya sumabay na rin ang mga kasamahan niya. Sabay-sabay nilang ipinutok ang hawak nilang mga baril sa kakaibang nilalang na nasa kanilang harapan. Nang marinig ni Zyros ang sigaw ay mabilis siyang naghanda ng kanyang sarili. Mula sa kinatatayuan niya, hindi siya gumalaw. Hinayaan niyang tadtarin siya ng bala ng mga mortal hanggang sa maubos ang kanilang mga bala. "B-bakit hindi man lang siya tinablan?" bulong ng isang lalaki at rinig na rinig iyon ni Zyros kaya napangiti siya ng mapait. "A-anong klaseng nilalang 'yan? B-bakit hindi man lang siya tinablan?" usal din ng isa. Halos hindi na rin maipinta ang kanilang mga itsura dahil sa magkakahalong takot, panginginig at pagkagulat. "Tapos na ba kayo?" Salitang mula kay Zyros na lalong nagpatindi ng takot nararamdaman ng mga mortal kaya isa-isa na silang nagsisi-atrasan. "'W-'wag mo kaming papatayin, maawa ka!" pakiusap ng isang lalaki kay Zyros habang pilit na umaatras dahil sa takot. "Hindi siya maaawa sa 'tin," salungat naman ng isa. "Kaya, takbo!" Nauna itong tumakbo habang ang iba naman ay nagdadalawang isip pa. Nang balingan nila ng tingin si Zyros ay bigla itong nawala. Kaya sabay-sabay silang luminga-linga sa paligid na bakas pa rin ang takot. "S-saan siya nagpunta?" Ilang segundo lamang ay nakarinig sila ng malakas na sigaw mula sa direksyon ng isang kasamahan nilang tumakbo kanina. Kaya dahil sa pagkataranta at takot nila ay hiwa-hiwalay silang nagsitakbuhan. Nang maramdaman ni Zyros na nagsitakbuhan ang mga kalalakihang na iniwan niya saglit para unahin ang tumakbo ay mabilis niyang sinundan ang mga ito. Gamit ang bilis niya ay inisa-isa niyang patayin ang bawat maabutan niya. Kaya ang tahimik na gabi na ay napuno ng malakas na hiyawan dahil sa mga mortal na pinapatay niya. At sa tingin niya ay rinig na rinig iyon nang iba pa nitong mga ka-grupo dahil nararamdaman niya na palapit na ang mga ito sa direksyon nila. Kaya galit siyang napatingin sa pinagmumulan ng tinig ng mga mortal na papalit. At sa pagkakataon na iyon ay hindi na siya naghintay na makalapit pa ang mga ito sa kanya. Siya na mismo ang lumapit sa mga ito. Batid niya na may dalawa pang grupo ito dahil sa kaliwa't-kanan na mga yabag ng paa na tila nagtatakbuhang hayop sa pandinig niya. Rinig na rinig niya ang mga sinasabi ng mga ito na hanapin daw at patayin siya. Kaya lalo siyang nakaramdam ng matinding galit. Gamit ang mala-kidlat na bilis ay dinaanan niya lamang ang isang grupo na medyo malapit na. Sabay-sabay silang nagsibagsakan sa lupa na walang mga buhay dahil sa lakas ng pagkakabaon ng mga kuko sa katawan nila. Pagkatapos ay binaling niya naman ang paningin niya sa huling grupo. Narinig niya pa ang palahaw ng isa na puno ng takot. Marahil ay may nakita na itong bangkay na pinatay niya kaya maski ang mga kasamahan nito ay takot na takot na rin. Hindi makakaligtas sa pandinig ni Zyros ang takot na nararamdaman nila. Mula sa kinatatayuan niya kasama ang mga walang buhay na mortal ay mabilis niyang tinungo ang direksyon ng huling grupo. Kagaya ng pangalawang grupo na pinaslang niya ay gano'n niya rin pinaslang mga mga ito. Wala siya kahit kaunting awa na naramdaman sa mga mortal. Sila nga ay hindi naawa sa bundok na sinisira nila, ang binata pa kaya? Gamit ang kapangyarihan ay tumubo ang mga malalaking puno sa katawan ng mga tao na napaslang niya. Walang bahid na dugo ang kumalat sa lupa dahil natabunan ito ng mga namumulaklak na d**o. Kaya walang nakakalabas ng buhay at walang makikitang bangkay sa Death Forest kapag pumasok ka dito dahil iyon ang paraan ng binata. Kapalit iyon sa mga punong kahoy na pinutol nila. Kapalit iyon sa bawat bagay sa paligid na sinisira nila mula sa kanyang pangangalaga. Matapos ang pangyayaring iyon ay naglinis muli ng katawan ang binata bago bumalik sa kuweba. Namilog ang mga mata niya nang makita niya na gising na ang dalaga at nakaupo ito sa dulo ng higaan habang nakakubli ang mga tuhod nito. "B-bakit?" gulat na tanong ni Zyros ng mabungaran niya ang dalaga. Naririnig niya rin ang kaba mula sa puso ng dalaga. "S-saan ka ba pumunta? Nagising ako mula sa isang masamang panaginip!" Naluluha na ito na may takot habang nakatingin sa binata. Lumapit si Zyros kay Jackie na tila walang nangyari at niyakap niya ito ng mahigpit. "Shhh, panaginip lang iyon!" Gumuhit rin ang lungkot sa mga mata ni Zyros dahil sa takot ng dalaga. Hinalikan niya ito sa buhok habang mahigpit pa ring nakayakap. "B-bakit pareho sila ng sinabi?" nanginginig nitong sambit sa binata. Kumalas sa pagkakayakap si Zyros at hinarap ang dalaga. Hinawakan niya muna ang nanlalamig at nanginginig nitong mga kamay bago tinitigan sa mga mata. "Masamang panaginip lang 'yon, kaya 'wag munang isipin," mahinahong usal niya sa dalaga at hinawakan niya ito sa pisngi habang nakatitig pa rin siya sa dalaga na may kalahating dangkal lang ang lapit. Biglang nagbago ang reaksyon ng mukha ni Jackie. Napalitan ito ng pagkataranta kasabay ang mahigpit nitong paghawak sa isang kamay ni Zyros. "P-paano kung totoo 'yun? Paano kung may nakatakda ngang masamang mangyayari? P-paano kung may mawa—" Hindi na naituloy ni Jackie ang sasabihin dahil niyakap agad siya ni Zyros. Ibinaon niya sa dibdib niya ang mukha ng dalaga habang mahigpit siyang nakayakap dito. Ramdam na ramdam niya ang pagtangis ng dalaga mula sa nakabaon nitong mukha sa kanyang dibdib. Maski siya ay punong-puno na rin ng pag-aalala sa kanyang puso. Napapikit na lamang siya ng kanyang mga mata kasabay ang mga katagang lumabas sa bibig niya. "Panaginip lang iyon, Jack. Hindi ako papayag na mangyari 'yan!" mahina subalit madiin nitong pagkakasabi. Kaya nang marinig iyon ni Jackie ay lalong napalakas ang hagulhol niya mula sa matipunong dibdib ng binata. Kahit hindi sabihin ni Zyros sa kanya ang buong detalye ay ramdam niya na may nangyayari na hindi niya alam. Nararamdaman niya ang kakaibang takot na hindi niya maipaliwanag sa kanyang sarili. Alam niya na bawat lamat na naiiwan sa panaginip niya ay may kahulugan dahil napatunayan na iyon ni Thanus noong pinasok nito ang panaginip niya. Subalit sino iyon? Sino ang narinig niya na boses sa panaginip niya? Bakit pareho sila ng sinabi ni Thanus? May kinalaman ba iyon sa biglaan niyang pagpasok dito sa bundok. Kaya ba narating niya ang bundok ng walang kamay-malay? Samo't-saring isipin ang bumabagabag ngayon sa katinuan ng dalaga. Hindi na nakabalik mula sa pagtulog ang dalaga. Nanatili na lamang siya sa mahigpit na yakap ng binata hanggang sa sumikat ang araw. At sa bawat araw na sumisikat ay nadadagdagan lamang ang mga balakid sa kanyang isipan. Natatakot siya sa bawat oras na lumipas. Natatakot siya na baka dumating na ang araw na palagi niyang napapanaginipan. Ang paulit-ulit na katagang iyon na tangi niya lamang natatandaan niya. Mangyayari ang nakatakda. Napabuntonghininga siya ng malakas habang nakaharap sa b****a ng kuweba. Kaaalis lang ni Zyros para maghanap ulit ng makakain nila. Gusto niya sanang sumama pero ayaw ni Zyros. Kaya naiwan na naman siyang mag-isa habang hinihintay ang muling pagbalik ng binata. Nasasanay na rin naman siya sa gano'n kaya okay lang din sa kanya ang maiwan sandali. Minsan pa nga ay maghapon wala ang binata. Kapag nakakaramdam siya ng pagkabagot ay lumalabas siya ng kuweba at pumupunta sa mala-paraisong hardin malapit sa kuweba. Doon niya inuubos ang oras niya habang naghihintay sa binata. Nakahiga lamang siya sa gitna ng mga nakapalibot na bulaklak. May tatlong malalaking puno na nagsisilbing lilim niya sa gitna ng tirik na araw. Minsan nga naiisip niya na kumuha ng isang malaking kumikinang na bato mula sa nakapalibot sa baba nito, eh. Pero kapag binawasan niya ang bato baka magalit si Zyros kaya hindi na lang siya kumukuha. Paboritong tambayan rin kasi ng binata ang hardin na kinaruunan niya ngayon. At alam niya na ang binata ang nagpaganda nito. Bawat mahalagang bagay mula sa Zyros ay mahalaga rin sa kanya. Inaalagaan niya rin ang mga magagandang bulaklak na tanim ng binata. May bilog na balon na malapit dito at kulay ginto rin ang palibot. Doon siya kumukuha at nagsasalok ng tubig para diligin iyon. Kapag may nakikita siyang espasyo na walang tanim ay agad niyang tinataniman. Napapangiti pa siya habang iniisip kung paano napaganda ni Zyros ang lugar na iyon. Wala siyang alam sa mga halaman pero nagtataka siya bakit wala siyang nakikitang ganung uri sa kanila. Kaya hindi niya matukoy ang klase ng halaman na mayroon dito. Ang tanging alam niya lamang ay orchids dahil meron noon ang nanay niya. Naaalala niya pa kung paano nagagalit ang nanay niya kapag aksidente niya iyong napuputol. Ang tanging alam lang niya ay ang mga kulay ng bulaklak. Mayroong, violet na parang gumamela ang itsura. Nakikita niya kasi iyon sa libro, e. May kulang dilaw na parang makahiya lang sa laki. May kulay pula na parang rosas, pero alam niya na hindi rosas iyon. At ang ipinagtataka niya ay ang kulay asul na bulaklak. Kahit kailan kasi ay hindi pa siya nakakita ng asul na bulaklak. Matingkad ang pagka-asul nito na kasing tingkad ng pulang-pulang rosas. Ang ibang kulay naman ay halos pareho sa mga kulay na karaniwan niyang nakikita. Pero iba pa rin ang mga hugis at laki nito, maging ang pangalan nito sa kaparehong kulay na nakikita niya ay iba. "Sabi ko na nga ba nandito ka lang, e!" tinig mula sa binata. Kaya agad siyang bumangon mula sa pagkakatitig niya sa mga bulaklak ng binata. Agad niya rin itong nilingon na may malapad na ngiti. "Buong akala ko mamaya ka pa babalik, kaya tumambay muna ako dito sa hardin mo," wika niya sa binata. Kitang-kita niya rin ang mga dala nitong iba't-ibang prutas na nakabalot sa malaking dahon. May bayabas, caimito, saging, at may mangga. May dala rin itong walang buhay na manok ng gubat. "Nagmadali akong bumalik dahil baka kasi nagugutom ka na, e." Minsan hindi niya rin maintindihan kung bakit minsan ay hindi siya nakakaramdam ng gutom sa lugar na ito habang tumatagal siya. Hindi naman siya nangangayayat. "Tara na, lutuin na nating 'yang dala mo," malapad na ngiti na usal ni Jackie sa binata. Pagkatapos ay lumapit na siya dito at kinuha mula sa binata ang dala nitong prutas na nakabalot sa malaking dahon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD