Hindi matahimik ang isipan ni Zyros dahil sa nangyari kagabi. Ni hindi sumagi sa isip niya na magagawa ng mga mortal na makapasok sa sagrado niyang lupain. Napatingin siya sa dalawa niyang kamay na puno ng pagtataka. "Paano nangyari 'yon?" Malaking katanungan mula sa kanyang isipan habang nakatitig pa rin sa dalawa niyang kamay. Ngayon lang kasi nangyari ang ganitong bagay sa loob ng halos may isang libong taon.
Magkarugtong ang buhay niya at ang sagradong lupain kung saan siya nakatira. Kung nagawang makapasok ng mga mortal sa lupain niya, ibig sabihin ay humina na ang katawan niya, maging ang kapangyarihan niya. Ibinaba niya ang dalawang kamay niya at malungkot na sinuyod ng tingin ang kapaligiran. "Magagawa ko pa ba kayong protektahan kung magpapatuloy pa ang ganitong bagay?" Mula sa kinatatayuan niya, napako ang tingin niya sa kaliwang bahagi dahil sa biglaang paglabas ng malaking leon.
Pilit siyang ngumiti dito at nagsimulang humakbang palapit sa malaking leon. Ito rin ang leon na kinausap niya na sumugod sa mga mortal. Hinawakan niya agad ito sa noo kaya tumungo rin ang leon sa kanya. "Bakit ka naparito, may sasabihin ka ba?" Binaling ng leon sa kanya ang paningin nito kasabay ang kaunting ungol na lumalabas mula sa bibig nito. Tila sinasabi ng leon sa kanya na kung kailangan ulit ang tulong nila ay nakahanda lamang sila.
"Maraming salamat, kaibigan. Pero ayaw ko nang madamay pa kayo." Gumuhit ang lungkot mula sa mga mata ni Zyros at napatingin sa baba. "Baka hindi ko kayo magawang protektahan pagnagkataon," mahinang usal niya.
Lumapit ang leon sa kanya at ikiniskis ang pisngi nito sa pisngi ni Zyros. Tila sinasabi rin nito na kahit anong mangyari ay hindi sila mawawala sa tabi niya. Napapikit si Zyros habang dinadama ang mabalahibong mukha ng leon kasabay ang mahigpit niyang yakap sa ulo nito. Bahagya ring namasa ang gilid ng kanyang mga mata dahil sa luha na nagbabadya ng bumuhos. Lumabas na rin ang dalawa pang kasamahan ng leon at tumungo kay Zyros bilang pagsang-ayon sa sinabi ng pinuno nila.
Sa puntong iyon ay naluha na ang binata dahil sa suporta na ipinapakita sa kanya nang mga leon. Subalit iginiit niya pa rin sa kanila na ayaw niyang may mangyaring masama sa mga ito. Ilang daang taon niyang inalagaan ang mahigit isang daang leon sa loob ng Death Forest. Gamit rin ang kapangyarihan niya ay napapanatili niya ang walang hanggang buhay ng mga ito. At kapag nawala na ang kapangyarihan niya ay magiging normal na lamang silang mga leon na may hangganan na ang buhay.
Kapag nangyari iyon ay hindi niya mapapatawad ang sarili niya. Mula sa isiping iyon ay may bigla na lamang umagaw sa kanilang atensyon. Nakarinig sila ng sigaw na puno ng takot kaya napatingin silang apat sa pinangyarihan ng sigaw. Kitang-kita ni Zyros ang takot na takot na mukha ng dalaga habang nakatingin sa tatlong leon na nakapalibot sa kanya.
"B-bakit may leon? L-lumayo ka sa kanila, b-baka kainin ka nila! Aahhhh!" Natataranta nitong sigaw na puno ng takot ang mga mata. Nagsisibagsakan na rin ang masagana niyang luha dahil sa matinding takot na nararamdaman. Ikaw ba naman ang makakita ng tatlong leon na kasing laki ng elepante.
Napatingin ang tatlong leon kay Zyros na tila sinasabi kung sino ang babaeng sumisigaw. Hinawakan ni Zyros ang balahibo sa baba ng leon na nasa harap niya bago nagsalita. "'Wag kang mag-alala, hindi siya masamang tao." Napabaling rin siya ng tingin sa dalawa pang leon at ngumiti. Pagkatapos ay muling binalingan ng tingin si Jackie at agad na humakbang palapit sa dalaga na halos palawan na ng ulirat dahil sa takot na nararamdaman.
"Jack, kalma lang!" Hinawakan niya ang dalawang kamay ni Jackie na nanginginig pa. "Hinga, Jack. Hinga ng malalim!" usal niya sa dalaga na may ngiti sa labi.
"P-paano ako kakalma, Zyros? N-nakakatakot sila!"
Inangat ni Zyros ang baba ni Jackie at dinala niya ito sa mukha niya. "Jack, mababait sila. Tingnan mo." Binaling ni Zyros ang mga mata niya sa tatlong leon na naroon pa rin nakatayo.
Dahan-dahan namang binaling ni Jackie ang paningin niya sa tatlong leon. Pero naroon pa rin ang takot mula sa kanyang mga mata. "P-paano mo nasabi na mababait sila? P-paano kung kainin nila ako? N-natatakot ako, Zyros!" Mabilis itong yumakap kay Zyros at ibinaon ang mukha sa dibdib nito.
Napangiti naman si Zyros dahil sa tinuran ng dalaga. Kumalas siya sa pagkakayakap dito at at hinawakan niya ng dalawa niyang kamay ang mukha ni Jackie kasabay ang malapad na ngiti mula sa kanya. "Hindi ka nila kakaini, Jack. Mga alaga ko sila kaya 'wag kang matakot," mahinang paliwanag niya kay Jackie. "Ipapakilala kita sa kanila." Binawi ni Zyros ang mga kamay niya mula sa pisngi ng dalaga. Pagkatapos ay hinawakan niya ito sa kamay kasabay ang paghila palapit sa tatlong leon.
"H-ha? H-hindi! A-ayaw ko! Ayoko!" Pilit itong nagpupumiglas sa panghihila na ginagawa sa kanya ni Zyros. Subalit kahit anong gawin niya ang hindi siya makaalis sa mahigpit na pagkakahila sa kanya ng binata. Nang makalapit na sila ay napayakap na naman ng mahigpit si Jackie habang nakatago ang mukha niya sa dibdib ng binata. "I-ilayo mo ako sa kanila, Zyros!" muling sambit nito na may panginginig ang katawan.
Pilit na kumalas si Zyros sa dalaga at pinaharap niya si Jackie sa isang leon na nasa harapan nila. Sa takot ni Jackie ay napapikit na lamang siya. "Siya si Jackie, kaibigan. Siya ang babaeng mahal ko," wika ni Zyros sa leon na nasa harapan ni Jackie.
Naramdaman ni Jackie ang pagkiskis ng mabalahibong mukha ng leon mula sa pisngi niya. Para itong pusa na naglalambing sa kanya. Kaya dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata niya kahit puno pa rin siya ng takot. Tumambad sa kanyang harapan ang napakaamong mukha ng leon na nasa kanyang harapan. At sa hindi niya maipaliwanag ay biglang nawala ang takot mula sa kanyang puso. Unti-unti na ring gumagalaw ang kamay niya papalit sa ulo ng leon na nakatungo sa kanya.
Nang mahawakan na niya ang ulo nito ay napangiti siya ng matamis. "T-totoo nga. Mabait siya". Binaling niya rin ang paningin niya sa dalawa pang leon at hinawakan niya rin ang mga ito. Umapaw bigla ang puso niya sa tuwa na may kasama ng pagkamangha. "Ang galing naman!" Binaling niya ang paningin niya kay Zyros na may ngiti. "Hindi nga sila nangangain," usal niya.
"Sabi ko na sa 'yo, e."
Maya-maya ay narinig ni Jackie na umungol ang isang leon na una niyang hinawakan kanina. Pagkatapos ay naramdaman niyang mula ang pagkiskis nito sa kanya na tila may sinasabi. Kaya humarap siya dito at kinausap. "May sinasabi ka ba?" Hinawakan niya ito sa leeg ay hinimas-himas. Tuwang-tuwa pa siya nang makita niya na tila nasasarapan ang leon dahil pumipikit ang mga mata nito.
"Ang sabi niya, kung gusto mo raw bang mamasyal habang nakasakay sa kanya," sabat naman ni Zyros.
Lalong lumapad ang ngiti ni Jackie sa sinabi ni Zyros. "Talaga, gusto mo akong ipasyal?" pagkakausap ni Jackie sa leon.
Matapos sabihin iyon ni Jackie ay lalo pa itong naglambing sa kanya. Kaya ramdam na ramdam niya ang mainit na balahibo na nakadampi sa leeg niya. Niyakap niya pa ito dahil sa tuwa. Ilang sandali pa ay lumuhod ang dalawang paa nito sa harapan. Pinapasakay na niya si Jackie sa likod niya. Kaya lalong natuwa si Jackie at agad rin na sumakay. Pahirapan pa siya dahil sa mataas pa rin ang leon. Pero kasama niya naman si Zyros kaya tinulungan siyang makasampa.
Nang makasakay na si Jackie ay napalingon ang leon kay Zyros. Tila sinasabi nito na bakit hindi pa siya sumasakay sa likod ni Jackie. "Kaya mo ba kami?" tanong ni Zyros dito.
Umungol ang leon na tila nagalit sa kanya. Tila sinasabi nito na, "Anong tingin mo sa 'kin, mahina?" Kaya napangiti na lamang si Zyros kasabay ang pagkamot nito sa ulo. Pagkatapos ay agad na tumalon para makasampa sa likod ni Jackie. Ilang saglit pa ay nagsimula nang humakbang ang apat na paa ng leon kaya labis ang saya at pagkamangha na nararamdaman ni Jackie.