Walang gustong bumasag sa katahimikan na bumabalot kina Thanus at Jackie. Nakaupo pa rin si Jackie sa dulo ng kanyang higaan habang nakakubli ang kanyang mga paa. Halo-halo ang kanyang nararamdaman ng mga sandaling iyon. Pag-aalala sa lalaking minamahal at sa matanda na nakatayo lamang malapit sa b****a ng kuweba na walang imik at nakatitig sa kanya.
Kaya kapag nagagawi ang paningin ni Jackie sa matanda ay kaagad niya ring binabawi dahil sa matalim nitong tingin sa kanya. Simula ng umalis ang binata ay hindi na inalis ni Thanus ang paningin niya sa dalaga na tila may malalim na kahulugan. Pakiramdam ni Jackie ay mas mapanganib pa ang bawat titig ng matanda sa kanya kaysa nasa madilim siyang gubat.
Natatakot siyang magtanong sa matanda kung bakit gano'n na lamang ang mga titig nito sa kanya dahil baka hindi niya magustuhan ang sagot nito. Subalit makalipas ang ilang segundo ay biglang nagsalita ng madiin ang matanda.
"Bakit tinuloy mo pa rin?" Seryoso na tanong nito kay Jackie. Matalim pa tin ang mga mata nito habang nakatitig sa dalaga.
Dahan-dahang inangat ni Jackie ang kanyang ulo at may pagtatakang tumingin sa matanda. Sa dinami-dami kasi ng pwedeng itanong ay iyon pa ang itinanong ng matanda. Hindi niya maintindihan kung ano ang ibig nitong sabihin.
"A-ano pong sinasabi n'yo?" pagtatakang tanong niya rin sa matanda. Wala talaga siyang maisip na sagot kung bakit gano'n ang unang binigkas ng matanda sa kanya. "Ano pong tinuloy? H-hindi ko po kayo maintindihan."
Bumuntonghininga ang matanda bago ulit ito nagsalita. "Hindi ba binalaan na kita noon? Nakalimutan mo na ba?"
Lalong naguluhan ang dalaga sa muling binigkas ng matanda. Kaya bakas na bakas sa kanyang mga mata ang pagkagulat habang napapaisip sa mga sinasabi nito. "B-binalaan? Teka lang po, Lolo, ha! Ngayon ko lang po kayo nakita, so paano niyo po ako binalaan?" Hindi na siya nakatiis at lakas loob na nitong tinanong ang matanda.
Muling nagpakawala ng malakas na buntonghininga ang matanda bago ulit ito nagsalita. "Mali ka, Jackie!" seryosong sagot nito sa dalaga.
"P-paano pong mali?" Nakakaramdam na siya ng pagkainis sa matanda dahil sa mga sinasabi nito na tila walang kabuluhan at patutunguhan. "Lilinawin ko lang ho, ha! Unang-una po, hindi ako tagarito. Pangalawa po, ni minsan ay hindi ko pa po kayo nakita. Kahit nga po sa pana—" Nanlaki ang mga mata niya sa huling sinasabi niya.
"P-panaginip!" gulat na gulat nitong usal sa kanyang sarili dahil may biglang pumasok sa kanyang isipan. Parang may naalala siyang mukha na napanaginipan niya bago siya napunta sa lugar na ito. Kaso kahit anong pilit niya ay hindi niya maalala ang buong detalye. Hanggang sa muling nagsalita ang matanda.
"Tama, panaginip." Tumalikod ito at tinuon sa b****a ng kuweba ang kanyang paningin.
Habang si Jackie ay nakatitig pa rin sa kanya na puno ng pagtataka habang inaalala ang napanaginipan niya ng gabing iyon. "K-kamatayan lamang ang naghihintay?" usal niya na may pagtataka sa lumabas sa kanyang mga labi.
Nang marinig 'yon ng matanda ay muli itong humarap sa kanya. Hindi na matalim ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya. Bagkus ay awa na ang makikita sa bawat pakawala niya ng tingin.
"Huli na ang lahat, Jackie. Kung nakinig ka lang sana sa babala ko, baka naiwasan niyo pa!"
Biglang binalot ng kilabot ang buong katawan ni Jackie dahil sa binigkas ng matanda. Hindi niya pa rin kasi maintindihan ang mga nangyayari. Hanggang sa unti-unti ng lumiliwanag sa kanyang isipan ang mga napanaginipan niya ng gabing iyon. Unti-unti na rin niyang nakikita ang mukha ni Zyros sa panigip niya.
"I-ikaw? P-paanong—" Hindi na napigil ni Jackie ang mga luha na kanina pa nagbabadyang bumagsak dahil sa nangyayari. Pero palaisipan pa rin sa kanya kung sino ang tinutukoy niya sa panaginip.
"Diretsuhin niyo na po ako, Lolo! Ano po ba talaga ang nangyayari? 'Y-yong panaginip ko, ano po ba talaga ang ibig niyong ipahiwatig?" Gulong-gulo na ang kanyang isipan ng mga sandaling iyon. Pakiramdam niya ay anumang oras ay masisiraan na siya ng bait.
Bakas na rin ang matinding emosyon na pumapaloob sa mga mata ni Thanus. Ngunit nangyari na ang lahat, at kahit anong gawin nila ay mahihirapan na silang pigilan iyon. Kaya imbes na sagutim ang dalaga ay napatungo na lang ito sa baba kasabay ang dahan-dahan nitong pagtalikod at mabilis na lumabas ng kuweba.
Natulala na lamang si Jackie na tila nawalan ng ulirat sa kanyang sarili. Panay pa rin ang buhos ng mga butil ng luha sa kanyang mga mata. Palakas na palakas na rin ang kabang nararamdaman niya. Pakiramdam niya ay tuluyan na nga siyang mababaliw kakaisip habang nakatingin sa kawalan. At nang muli niyang tingnan ang matanda para muling kausapin ay hindi niya na ito makita sa loob.
"N-nasaan na siya?" Mabilis itong tumayo para sana sundan ang matanda. Subalit natigilan siya dahil parang ayaw humakbang ng kanyang mga paa. Nanlalambot na kasi ang mga tuhod niya dahil sa mga nalaman niya. Pakiramdam niya ay sa oras na ihakbang niya ang kanyang mga paa ay mabubuwal siya dahil sa panginginig at panlalambot nito.
Kaya mas pinili na lamang niya na umupo ulit kasabay ang paglapat ng kanyang mga kamay sa kanyang mukha. Gulong-gulo na siya at pakiramdam niya ay mauubusan na siya ng hangin dahil sa paninikip ng kanyang dibdib sa sobra kaba.
"Anong gagawin ko? Sino ba ang tinutukoy niya?" Samo't-saring saring mga katanungan ang mga pumapasok sa kanyang isipan na walang kasagutan. Hanggang sa maalala niya ang napanaginipan niya. Parehong-pareho ang itsura sa lugar na kinaroroonan niya. Ang itsura ng b****a ng kuweba, mga magagandang bulaklak, pati ang mga paru-paro na iba't-iba ang kulay.
Lahat iyon ay maliwanaw na niyang naalala. Kaya pala parang pamilyar sa kanya ang lugar dahil narating niya pala ito sa kanyang panaginip. Napabuntonghininga ulit siya para kahit papaano ay mabawasan ang bigat na nararamdaman niya. Inikot niya rin ng kanyang paningin ang kabuuan ng gintong kuweba habang gulong-gulo pa rin.
"Kailangan kong makakuha ng sagot para malaman ko kung ano talaga ang nangyayari. Mababaliw na ako anumang oras!" Muli siyang napatingin sa b****a ng kweba kung saan lumabas ang matanda. Nag-ipon siya ng lakas ng loob bago napag-desisyonan na muling tumayo. Kahit may panginginig pa rin ay pinilit niyang humakbang para makalabas at muling makausap ang matanda.