Malungkot na naupo si Zyros sa isang sulok sa tabi ng sapa. Tanging mga huni ng ibon at agos ng tubig sa sapa ang kanyang naririnig sa labas ng kanyang kuweba. Hindi pa rin mawala sa isip niya ang naging unang pag-uusap nila ni Jackie. Nag-aalala siya na baka malaman ni Jackie ang buo niyang pagkatao at mabunyag ang kanyang sikreto.
Pero gayunpaman ay nakaramdam pa rin ng saya ang kanyang puso dahil sa pagdating ng dalaga. Lalo na ng maalala nito ang napaka-among at napakagandang mukha. At sa tanan ng buhay niya na laging nakasilip sa mga mortal sa paanan ng bundok ay ngayon lang siya nakakita ng ganoong kagandang mortal.
Subalit nakaramdam ulit siya ng lungkot dahil alam niya na kapag magaling na si Jackie ay aalis din siya at maiiwan rin siyang mag-isa.
"Ano bang 'tong iniisip ko? Bakit ba ako nag-aalala sa pag-alis niya?" takang tanong niya. Bigla kasi siyang naguluhan sa kanyang mga iniisip. Napakamot rin siya sa kanyang buhok at napatungo ng may kasamang lungkot.
"Ano ba itong nararamdaman ko sa aking sarili? Ngayon ko lang naman siya nakita, pero bakit ganito ang nararamdaman ko?" Hindi niya kasi maintindihan kung bakit nakakaramdam siya ng lungkot kapag iniisip niya ang pag-alis ni Jackie.
Kumuha siya ng maliit na bato at tinapon niya ito sa sapa. Wala siyang kaalam-alam na may isda pa lang siyang natamaan at bigla na lamang ito lumutang dahil namatay. Nang makita niya iyon ay sumagi sa isip niya na baka kumakain si Jackie nito. Kaya nagmadali siyang sumulong sa tubig at hinabol ang isda na tinatangay na ng agus.
Nang mahawakan na niya ang isda ay bigla siyang natuwa at nagmadaling bumalik sa kweba para ibigay sa dalaga. Hindi niya alam na kailangan pang lutuin ang isda bago kainin ng isang mortal. Nang makapasok na siya loob ng kuweba ay naabutan niya si Jackie na pinipilit ang sariling tumayo. Subalit dahil masakit pa ang paa nito ay muntik na itong matumba. Kaya nagmadali siya para saluhin ang dalaga sa kanyang mga bisig.
"Ayos ka lang ba?" nag-alalang tanong ni Zyros.
Kumunot naman ang noo ni Jackie at biglang umismid sa binata. "Saan ka ba kasi nagpunta? Kanina pa kita hinihintay," nakasimangot nitong tanong.
Napangiti si Zyros dahil hinahanap din pala siya nito. At may kung anong saya ang dumaloy sa buo niyang sistema. Kaya bahagya siyang napatulala ng biglang tumama ang kanilang mga mata. Kitang-kita niya ang maamong mga mata ni Jackie na tila nangungusap. Pakiramdam niya ay tila inaakit siya nito.
Napansin naman iyon ni Jackie dahil sa malagkit at tila nakakatunaw na titig ng binata. Kaya biglang kinabog ang kanyang dibdib sa hindi niya maipaliwanag. Namumula na rin ang kanyang pisngi dahil tila tinutunaw siya sa bawat titig sa kanya ni Zyros. Ngunit hindi siya nagpatalo dito kay pilit siyang kumawala at napabagsak ng upo sa kanyang higaan.
Nakaramdam naman ng hiya si Zyros kaya napabaling siya ng tingin sa kawalan. Ngunit ng maalala niya ang hawak niya ay kaagad niya itong pinakita kay Jackie.
"M-may nakita pala akong isda sa sapa, ito kainin mo." Inabot niya ang isda sa nagmamaktol na dalaga.
Natuwa naman si Jackie dahil sa malaking isda na hawak ni Zyros. "Wow, ang laki naman. Ikaw ba ang humuli nito?" tanong ni Jackie.
"O-oo."
"Pero paano ko to lulutuin, e hindi nga ako makatayo 'di ba?" Kumunot na naman ang noo nito.
"L-luto?" pagtatakang tanong nito. Ni minsan kasi ay hindi pa siya nagluto. Mga prutas lang naman kasi ang kinakain niya kapag nakakaramdam siya ng gutom.
"Oo, luto. Bakit hindi ka ba nagluluto dito?"
Umiling si Zyros sa tanong ni Jackie.
"Kung hindi ka nagluluto, ano ang kinakain mo? At paano ka nabuhay dito kung hindi ka marunong magluto?"
"Mga ganyan." Itinuro niya ang tirang prutas ni Jackie na nakalapag sa gilid ng kanyang higaan.
"G-ganyan lang ang kinakain mo?" gulat na tanong nito at hindi makapaniwala.
"Hmmm."
"Anak ng tipaklong naman, oo. Eh, hindi ako mabubuhay niya 'yan, e."
"Ha?" gulat din na tanong ni Zyros. "B-bakit, ano ba ang kinakain mo?"
"Ganito." Inangat nito ang isda at pinakita kay Zyros. "Pero hindi lang 'to. Kumakain din ako ng karne ng manok, baboy at karne ng baka. At dapat may kasamang kanin."
Napakamot naman sa ulo si Zyros. Talagang malayo nga sa kanila ang mga mortal dahil kahit hindi sila kumain ay hindi sila mamatay. "Ah, e, gano'n ba? Sige, mamaya maghahanap ako ng baboy," sambit ni Zyros. "P-pero paano ko lulutuin 'yang isda na nahuli ko?"
"Mukhang wala ka namang mga sangkap dito kay i-ihawin na lang natin ito," sambit ni Jackie at napatingin sa hawak na malaking isda.
"Ihaw? Paano 'yon?"
"Gumawa ka muna ng apoy, tapos kumuha ka ng pwede nating ipangtusok dito."
"Sige." Tumalikod agad si Zyros at lumabas sa b****a ng kuweba niya. Gamit ang kanyang kapangyarihan ay gumawa siya ng apoy. Kumuha rin siya ng mga tuyong sanga ng kahoy ay inilagay niya sa apoy. Pagkatapos ay binalikan na nito si Jackie.
"Nakagawa na ako," masayang wika niya.
"Halika dito, alalayan mo ako," wika ni Jackie sa binata.
Kaya lumapit din si Zyros at inalalayang makatayo si Jackie. Pagkatapos ay lumabas na sila ng kweba at pinaupo si Jackie sa gilid. Tinuruan na lamang ni Jackie si Zyros kung ano ang dapat na gawin. At habang naghihintay ay nagpalinga-linga siya sa paligid. Subalit bigla siyang nagtaka dahil tila nakita na niya ang lugar na ito. Hindi niya lang matukoy kung saan.
"Imposible. Paano ko ito makikita, e, ngayon pa lang naman ako nakarating dito," bulong niya sa kanyang isipan at napailing.
Napansin naman iyon ni Zyros kaya tinanong siya nito. "May problema ba?"
"Wala naman. Nagtataka lang ako dito sa lugar mo. Para kasing nakita ko ang lugar na ito, eh."
Nagtaka naman si Zyros dahil alam niya na imposible iyon. Wala pang mortal na nakakapasok sa lugar niya kaya hindi maaari ang iniisip ni Jackie.
"Ah, baka sa kapareho lang," sagot din ni Zyros.
"'Wag mo na lang pansinin. Baka guni-guni ko lang 'yon."
Nang maamoy nito ang bango ng isdang iniihaw ni Zyros ay bigla ulit itong nakaramdam ng gutom. "Ang bango talaga ng sariwa at inihaw na isda," usal nito at suminghot-singhot pa na tila isang asong nakakaamoy ng pagkain.
Taliwas naman ito kay Zyros. Kahit gaano pa kabango at kasarap ang niluluto niya ay hindi siya pwedeng kumain dahil siya ang tagapangalaga ng mga nabubuhay sa loob ng kagubatan.
"Luto na yata ito," sambit ni Zyros.
"Oo nga, luto na."
Kaya kinuha na ni Zyros sa apoy ang isda pagkatapos ay nilagay niya sa dahon saka ibinigay kay Jackie. Mabilis naman itong kinuha ni Jackie at kaagad na nilantakan. Sarap na sarap siya sa inihaw na isda kahit wala itong kahit na anong sangkap.
Subalit si Zyros ay nakatingin lamang. Napapangiti pa ito dahil sa katakawan ni Jackie. Kaya hindi na siya nagtataka kung bakit gano'n na lamang ang reaksyon nito nang sabihin ng dalaga sa kanya na hindi ito mabubuhay sa prutas lamang.
"Ayaw mo bang kumain?" tanong ni Jackie dahil nakatingin lamang sa kanya ang binata.
"Busog pa ako, marami kasi akong kinaing prutas kanina," pagsisinungaling nito. Pero ang totoo ay ayaw niya talagang kumain na galing sa kanyang nasasakupan.