Nang maramdaman ni Jackie ang kirot ng sugat sa kanyang paa ay dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata. Napahawak rin siya sa kanyang ulo dahil biglang umikot ang kanyang paningin. Subalit nang mapagtanto niya na tila kakaiba ang silid na napasukan niya ay napabalikwas siya ng bangon dahil sa pagkabigla.
"T-teka, nasaan ako? B-bakit kulay ginto ang lugar na 'to? P-patay na ba ako?" sunod-sunod niyang tanong sa kanyang sarili. Tatayo sana siya dahil sa pagkabigla ngunit bigla siyang nahilo at naramdaman niya rin ang p*******t ng kanyang paa. Kaya napasapo ulit siya sa kanyang ulo at muling umupo sa gintong hinigaan niya.
"A-ano bang nangyari, bakit ako narito?" Napatungo siya sa baba at inalala ang mga nangyari bago siya nawalan ng malay. Subalit hindi niya pa naalala ang lahat ay napansin niya na tila iba na ang kanyang kasuotan. Kaya namilog na naman ang kanyang mga mata at mabilis na tinakpan ang kanyang dibdib.
"B-bakit iba na ang suot ko? S-sinong nagpalit nito?" Halos mapasigaw siya dahil sa mga nangyayari. At pakiramdam niya tila masisiraan na siya ng bait. Kaya kinurot-kurot niya ang kanyang pisngi sa pag-aakalang nananaginip lang siya.
"Gumising ka, Jack. Panaginip lang 'to. Walang ganitong lugar na puno ng ginto!" asik niya at sinampal ang sarili.
Subalit isang tinig ang bigla na lamang nakapagpatigil sa kanyang ginagawa.
"Gising ka na pala?"
Namilog ang mga mata ni Jackie at dahan-dahang nilingon ang pinangyarihan ng tinig mula sa kanyang likuran. Kinakabahan na rin siya dahil malagong ang boses na kanyang narinig at pakiramdam niya ay isa itong malaking tao. Ngunit ng makita niya ito bahagya siyang napaatras ng upo.
"S-sino ka?" bungad niyang tanong sa binatang estranghero na nasa kanyang harapan. Pinasadahan niya ito ng tingin mula ulo hanggang paa. Napagtanto niya rin na gwapo ito kahit mahaba ang buhok nito hanggang balikat.
"Ako si Zyros, at narito ka sa lugar ko," sambit nito na may maamong mukha.
Bahagyang kumalma si Jackie dahil napagtanto niya na tao ang kaharap niya. At hindi lang basta tao, saksakan pa ito ng gwapo. Subalit kakaiba ang suot nitong damit kaya nahiwagaan siya dito.
"J-Jackie, ang pangalan ko. N-nasaan ako? S-sabihin mo, patay na ba ako? B-bakit balot ng ginto ang lugar na 'to?"
Sa hindi maipaliwanag ni Zyros ay napangiti siya sa tinuran ng dalaga. Ngayon lang kasi siya nakakita ng tao sa malapitan.
"B-bakit ka tumawa? P-patay na ba ako? S-sabihin mo," muling tanong nito at nagsisimula ng mangulap ang kanyang mga mata.
Lumapit si Zyros sa kanya at naupo sa tabi niya.
"Hindi ka pa patay, Jackie. Narito ka lang sa lugar ko," sambit nito.
"Totoo? Bakit, kakaiba itong lugar mo? At bakit pakiramdam ko ay nasa loob ako ng isang paraiso?"
Muli na namang napangiti si Zyros. Subalit hindi na nito sinagot ang tanong ng dalaga.
"Kamusta ang pakiramdam mo? 'Yung paa mo, masakit pa ba?" Tinapunan ng tingin ni Zyros ang paa ni Jackie na nakabalot ng puting tila ay may halamang gamot pang nakatapal rito.
"Medyo masakit pa ang katawan ko at nahihilo pa ako. Pero itong paa ko ay halos abot sa buto ang sakit," kunot-noong sambit ni Jackie.
Ngunit nang maalala nito ang suot niyang damit ay namilog na naman ang kanyang mga mata at napatakip ulit sa kanyang dibdib.
"Teka. I-ibig sabihin, ikaw ang nagpalit nito?" Itinuro niya ang damit na suot niya. Nagsisimula na rin ang pamumula ng kanyang pisngi dahil sa hiya.
"Hmmm," Tango ni Zyros.
Kaya halos mabaliw siya sa narinig. "I-ibig sabihin, nakita mo?"
"Hmmm," Tango ulit nito na walang pag-aalinlangan.
Napahawak sa bibig si Jackie at hindi alam ang sasabihin. Hiyang-hiya siya sa binata dahil alam niya na nakita nito ang buo niyang katawan.
"Bakit namumula 'yang pisngi mo? Mali ba ang ginawa ko?" tanong nito.
"Bakit mo ba kasi ginawa 'yon? Hindi mo ba alam na kahihiyan para sa 'min ang makita ng lalaking tulad mo ng katawan namin?" medyo inis at may halong hiya na tanong niya sa binata.
"P-pasensya na, Jackie. Gutay-gutay na kasi ang damit mo at sobrang dumi. Naisip ko na baka matuwa ka paggising mo na maayos na ulit ang damit mo," sambit nito na halatang walang nalalaman sa kaugalian ng mga mortal.
"Anak ng tipaklong naman, oo." Napasapo ulit siya sa kanyang ulo at pakiramdam niya ay bigla itong sumakit. "Para namang hindi ka tao, eh. Para namang hindi mo alam ang ginawa mo," asik ni Jackie.
Napayuko si Zyros sa sinabi ni Jackie. Tama kasi ito, hindi nga siya totoong tao. Sumilay din ang lungkot sa kanyang mga mata at napansin 'yon ni Jackie.
"O, bakit ganyan ang reaction mo? 'Wag mong sabihing hindi ka tao kaya hindi mo alam?"
Ngunit lalo lamang nalungkot si Zyros.
Kaya nanlaki na naman ang mga mata ni Jackie at muling napasapo sa kanyang bibig. Tila tama nga ang biro niya kay Zyros. Kaya bahagya ulit siyang kinabahan.
"Kung gano'n, isa kang engkanto? Kaya ba ganito ang tirahan mo?"
Biglang tumayo si Zyros na tila madilim ang mukha. "Baka nagugutom ka na, kumain ka muna." Itinuro nito ang mga prutas na pinitas niya at mabilis na lumabas ng kweba.
Naiwan naman si Jackie na puno ng katanungan ang isipan. Pero kahit gano'n ay wala man lang siyang masamang pakiramdam kay Zyros ng mga oras na iyon. Kinuha na lamang niya ang mga prutas na katabi niya sa higaan para kainin. Talaga naman kasi na nagugutom na siya ng mga oras na iyon.
At habang kumakain ay patuloy niyang binabalikan ang mga nangyari ng gabing mawalan siya ng malay. Subalit ni isa ay wala siyang maalala. Basta ang naalala niya lang muntik na siyang lapain ng dalawang naglalakihang Lion. Hanggang doon lang ang naalala niya sa kanyang isipan. Hanggang bigla ulit sumagi sa kanyang isipan ang kakaibang itsura ni Zyros.
"Ang lalaking iyon. Bakit kakaiba siya?" Tila hindi siya isang ordinaryong tao," sambit niya sa kanyang isipan. "Kakaiba rin ang kanyang mga mata."
Nahihiwagaan talaga siya kay Zyros. Pati na sa lugar na kinaroroonan niya. Sa libro niya kang kasi nababasa ang luhar na puno ng ginto at palasyo iyon. Pero itong lugar na pinagdalhan sa kanya ng binata ay isa lamang kuweba. Kaya naman ay halos masiraan na siya ng ulo kakaisip kung anong klaseng lugar iyon. At kung bakit siya naroon.
"Ano bang nangyayari sa 'kin? No'ng una, nakarating ako sa gubat ng 'di ko nalalaman. Ngayon naman ay nasa loob ang ng gintong kweba. Ano ba talaga ang nangyayari?" napabuntonghininga na lamang siya at hindi alam ang gagawin. Hindi rin siya makatayo dahil malalim ang sugat sa kanyang mga mata.
"Diyos ko. Kung anuman po itong nararanasan ko ngayon, sana po ay gabayan niyo ako at ilayo sa kapahamakan," dalangin niya.