Hindi maipinta ang naging itsura ni Zyros pagkatapos ng kanilang pag-uusap. Pumasok ito sa kweba na naglaglag ang balikat at tila ang bigat-bigat ng bawat hangin na pinakawalan niya mula sa kanyang paghinga.
"Ayos ka lang ba?" nag-alalang tanong ni Jackie. Hindi niya man narinig ang naging usapan nina Zyros at Thanus, subalit sa itsura pa lang ng pagmumukha ni Zyros ay tila may hindi magandang nangyari.
Dahan-dahang naupo si Zyros sa sahig habang nakasandal ang kanyang likod. Napatungo rin siya habang hinihilot-hilot ang kanyang noo. Hindi rin siya agad sumagot sa tanong ni Jackie. Tila gusto niya munang manahimik sa isang tabi at malinawan ang kanyang kaisipan.
At napansin 'yon ni Jackie kaya gumuhit ang lungkot sa kanyang mga mata. At kahit ngayon lang sila nagkakilala ni Zyros ay ramdam niya na mabuti itong tao. Nais niya ring damayan ito kung ano man ang kanyang mabigat na iniisip. Kaya kahit medyo nahihirapan pang tumayo at i-apak sa sahig ang isang paa niya ay pinilit niya para puntahan ang binata.
Naupo siya sa tabi ni Zyros at isinandal rin ang likod sa dingding. Pagkatapos ay nagpakawala ng isang malakas na buntonghininga.
"Pwede mo akong kausapin," wika niya sa binata habang malungkot na nakatingin dito.
Subalit hindi pa rin nagsalita si Zyros. Nagpakawala siya ng isang malakas na buntonghininga na tila may malaki talagang dinadala. Nagtatalo pa rin kasi sa isipan niya ang mga sinabi ni Zyros. Alam niyang tama ang kanyang kaibigan sa mga sinabi nito sa kanya. Siya ang tagapagbantay ng kagubatan na nasasakupan niya. At mahigpit na ipinagbabawal ni Bathala na makiisa at umibig sa mga mortal na tao.
Hindi niya pa naman sigurado kung talaga bang umiibig na nga ba siya kay Jackie. Subalit iniisip niya pa lang ang pag-alis ng dalaga kapag lubos na siyang magaling ay nasasaktan at nalulungkot na siya. At hindi niya alam ang pakiramdam na iyon.
Habang iniisip niya ang mga gano'ng bagay ay may bigla na lamang humawak sa kanyang balikat kaya nagulat siya at napaatras. Nagbago rin ang kanyang itsura na tila biglang dumilim. At nang tingnan niya kung sino iyon ay bigla siyang humingi ng paumanhin dahil tila nabigla rin si Jackie.
"P-patawad, nagulat lang ako. Hindi kasi ako sanay na may humahawak sa 'kin," wika ng binata. Wala pa kasing humahawak sa kanya maliban kay Thanus, kaya tila pakiramdam niya ay may kung anong dumaloy na kakaibang bagay sa buo niyang katawan sa pagdampi ng palad ni Jackie sa kanyang balikat. At kahit siya ay hindi pa nakakahawak ng isang mortal.
"P-paumanhin din," gulat na sambit ni Jackie at binawi na lamang ang kamay na dinampi niya sa balikat ng binata. Pagkatapos ay napabaling siya ng tingin sa kawalan dahil pakiramdam niya ay nagkamali siya sa gano'ng bagay.
Nakita ni Zyros ang gulat sa mukha ni Jackie at pagkadismaya. Kaya bigla siyang nakaramdam ng awa para sa dalaga at muling gumuhit ang lungkot sa kanyang mga mata. Kaya naman ay naisipan niyang kunin ang isang kamay ni Jackie at idinampi niya ng kusa sa kanyang balikat.
Nagulat naman ang dalaga kaya napatingin din ito sa binata. At sa pagkakataon na iyon ay nakita na niya na nakangiti si Zyros kaya napapangiti na rin siya. "Ayos na ba ang pakiramdam mo?"
"Oo, maayos na. Maraming salamat, ha," wika naman ng binata.
"Wala 'yon. Nais lang kitang damayan kung ano man ang bumabagabag sa 'yo, Zyros. Maaari mo akong pagkatiwalaan sa kung anong bagay man 'yan," lintiya nito sa binata.
Ngumiti naman ng matamis si Zyros dahil sa sinabi ni Jackie. At sa isang iglap lamang ay napawi ang bigat sa dibdib na dinadala niya. Tila biglang tumahimik ang buong paligid habang pinagmamasdan niyang nagsasalita ang dalaga. Kitang-kita niya ang magaganda nitong ngiti pati na ang manipis at mapupulang labi nito na tila inaakit siya. At nang mapansin niya iyon sa kanyang sarili ay napailing siya at huminga ng malakas. Saka muling binalikan ang sinabi sa kanya ng dalaga.
"Marami salamat, Jackie. Pero 'wag kang mag-alala, ayos lang ako," sambit naman nito.
Ngumiti naman si Jackie at hinimas ang balikat ng binata. Kaya napatingin si Zyros sa kamay ng dalaga habang hinimas ang kanyang balikat. At nagugustuhan na n'ya ang pakiramdam na dinadamayan siya ng dalaga.
Pagkatapos ng pag-uusap nila ay niluto na nila ang baboy ramo na nahuli ni Zyros. At gano'n pa rin, hindi pa rin kumain ang binata. Kumuha na lamang siya ng maraming prutas sa kagubatan at iyon na lamang ang kinain niya habang kasabay ang dalaga. At habang kumakain sila ng sabay ay walang mapaglagyan ang ngiti niya sa labi. Ngayon lang kasi siya nagkaroon ng kasabay habang kumakain.
At sa bawat ngiti ng dalaga habang nag-uusap sila ay tila isang musika sa kanyang pandinig. Pakiramdam niya ay biglang tumitigil ang mundo habang pinapanood niya ang dalaga. At kahit dalawang araw niya pa lang nakakasama ang dalaga ay pakiramdam niya ay nahuhulog na siya rito.
Ngunit kapag naaalala niya ang maaari niyang sapitin kapag sinuway niya ang ipinagbabawal ni Bathala ay pinipigilan niya kaagad ang kanyang damdamin. Pinipilit niyang 'wag magpasailalim sa makapangyarihang pag-ibig na si Bathala din mismo ang may likha.
Kinahapunan ay saglit niyang iniwan si Jackie para makapag-isip-isip ng mabuti. Umakyat siya sa malaking puno ng mangga para damhin ang buong kapaligiran.
Napabuntonghininga na lamang siya dahil sa lalim ng kanyang iniisip. Tanging mga huni lamang ng ibon na tila kinakausap siya habang nakadapo sa sanga ng puno kung saan siya naroon. "May tanong ako sa inyo?" pagkakausap nito sa mga ibon na malapit lamang sa kanya habang tumutuka ng bunga ng mangga. "Masaya rin ba kayo habang kumakain kayo na may kasabay?" pilyong tanong nito sa mga ibon.
Kaya pinagtitinginan din siya ng mga ibon at sabay-sabay na nagsihuni. Subalit wala siyang maintindihan sa mga huni nito kahit siya pa ang tagapagbantay nila. Kaya napakamot na lang siya sa kanyang ulo. "'Di bale na nga lang," sambit na lamang niya. Tumahimik na lamang siya at nakiramdam na lamang sa paligid. Pinikit niya rin ang kanyang mga mata ng mga sandaling iyon.
At habang nakapikit siya't nag-iisip ay isang tinig ang bigla na lamang nagsalita sa baba.
"'Wag munang ituloy!"