Namamasyal sina Zyros at Jackie malapit sa kanilang kuweba habang masayang magkahawak ng kamay nang may maramdaman si Zyros sa paligid. Natigilan siya sa paglalakad at nabitawan ang kamay ng dalaga.
"May problema ba?" tanong ni Jackie sa kanya na may pagtataka sa kanyang mga mata.
Nawala kasi ang mga magagandang ngiti ng binata at biglang sumeryoso ang itsura nito.
"May kakaiba sa paligid," wika niya sa mahinang boses. Luminga-linga ito sa paligid at tumingin sa taas habang seryoso pa rin ang kanyang mukha. Tumambad sa taas ang mga ibon na nag-uumpukan sa paglipad na tila may tinatakasan.
Nagtataka na si Jackie dahil sa kakaibang itsura ni Zyros. Dumidilim na ang mukha ng binata na malayong-malayo sa Zyros na kasama niyang masaya at may malapad na ngiti kanina. Pakiramdam niya ay biglang bumangis ang itsura nito. Nakakuyom na rin ang mga kamao nito na mababakasan na tila galit na galit.
"May masama bang nangyari?" Hindi na nakatiis pa si Jackie kaya tinanong na nito ang binata dahil sa pagtataka. Nakakaramdam na rin siya ng kaba dahil sa ikinikilos ng binata.
Nang mahagip ng mata ni Zyros ang dalaga ay kaagad nitong napansin ang pangamba sa mga mata ng dalaga. Kaya ikinalma niya saglit ang kanyang sarili at pinilit na ngumiti dito. Naririnig niya na kasi ang kakaibang kaba sa puso ng dalaga na alam niyang may kaba na itong nararamdaman.
"Wala naman, maliit na bagay lang iyon. 'Wag ka ng kabahan, kayang-kaya ko sila."
Nanlaki sa gulat ang mga mata ni Jackie dahil sa sinabi ng binata. "P-paano niya nalaman na kinakabahan ako?" bulong nito na puno ng pagtataka. "S-sinong sila? M-may tao ba sa paligid? P-paano niya nalaman kung meron nga?" Mga tanong sa kanyang isipan na hindi niya maipaliwanag. Lalo tuloy siyang binabalot ng matinding kaba dahil sa kakaibang himig ng binata. Bahagya siyang napailing kasabay ang pagpikit ng kanyang mga mata.
"Ayos lang ako, Zyros. Nagtataka lang ako sa sinabi mo. Kanina pa kasi tayo magkasama, e, pero wala naman akong nakita sa paligid. Wala rin namang kakaiba."
Matipid siyang ngumiti sa binata upang hindi mahalata ang mga katanungan sa kanyang isipan.
Ginantihan naman ni Zyros ang mga ngiti ng dalaga bago ito nagsalita. "Bumalik na tayo sa kweba, baka nagugutom ka na," pag-iiba nito sa usapan nila. Ngunit kitang-kita niya sa mukha ng dalaga ang pagtataka. Ramdam at naririnig niya pa rin ang palakas na palakas na pintig ng puso ng dalaga.
Yumuko ang dalaga at iniwasan ang nakakabasang mata ng binata. Pakiramdam niya talaga nababasa ni Zyros kung ano ang iniisip niya.
"Sige."
Matipid nitong pagkakasabi sa binata.
"Tara na." Lumapit si Zyros sa dalaga at muling hinawakan ang nanlalamig na kamay ng dalaga. Pagkatapos ay naglakad na sila habang pinipilit ang ngiti sa labi kapag nagtatama ang kanilang mga mata.
Ganun din si Jackie sa binata. Kahit maraming bumabagabag sa kanyang isipan ay kinakailangan niyang ikalma ang kanyang sarili. Alam niya naman sa kanyang isipan na mahal siya ng binata kaya hindi siya magagawa nitong saktan. At kung anuman ang nararamdaman ng binata kanina ay kailangan niya iyong baliwalain. Panatag naman kasi ang kalooban niya dahil wala naman siyang kakaibang takot sa posibleng gawin ng binata.
At naisip niya rin na baka siya lang ang nag-iisip ng hindi maganda. Kaya nagpakawala na lamang siya ng malakas na buntonghininga upang kahit papaano ay mabawasan ang kakaiba niyang pakiramdam.
Nang makabalik na ang dalawa sa kweba ay kaagad naghanda ang binata ng makakain nila. May natira pa namang prutas kaya 'yun muna ang pinagsaluhan nila. Nawala na rin ang madilim na mukha ng binata habang kumakain sila. Kinakailangan kasing ipakita ng binata sa dalaga na wala lang 'yong nangyari kanina.
"Aalis ka ba mamaya?" tanong ng dalaga nang matapos na silang kumain.
Malapad na ngumiti ang binata bago ito sumagot. "Oo. Maghahanap sana ulit ako ng pwede mong makain, e. Simula kasi ng dumating ka dito ay nangayayat ka na," sagot nito. Pero ang totoo ay kailangan niyang malaman kung sino ang mga pangahas ang muling pumasok sa ng bundok. Bawat kahoy kasi na pinuputol ng mga mortal ay tila karayom na kumikirot sa buo niyang kalamnan.
Lahat ng bagay sa kagubatan ay halos karugtong ng kanyang buhay. Maging ang mga hayop na pinapatay niya upang ipakain sa dalaga ay may kung anong sakit din siyang nararamdaman.
Yumuko ang dalaga at muling nagpakawala ng malakas na hangin mula sa kanyang ilong. "Pwede ba akong sumama?" Mahinang tinig mula sa kanyang labi. "Natatakot kasi ako kapag umaalis ka rito, e."
Lumapit si Zyros sa kanya at kinabig ang balikat ng dalaga saka pinasandal sa kanyang dibdib habang nakayakap ang kanyang braso. "Hindi ka maaaring sumama sa 'kin." Hinalikan niya ito sa buhok matapos niyang sabihin iyon.
Kumalas naman si Jackie at tiningnan ang binata na may malamlam na tingin. "Bakit?" tanong nito. Ni minsan kasi ay hindi pa siya sinasama ng binata kapag naghahanap ito ng makakain nilang dalawa.
Tinitigan naman ni Zyros ang mukha ng dalaga na halos magkadikit na. Malapad pa ring nakangiti ang labi nito kahit hindi maganda ang pakiramdam niya sa paligid. Lumandas ang isang kamay niya sa baba ni Jackie bago nagsalita.
"Kasi mapanganib ang panghuhuli ng baboy ramo. Baka mamaya ikaw pa ang kainin niya," pabirong usal nito. "Ako lang dapat ang kakain sa 'yo," dagdag na biro pa nito.
Napahampas si Jackie sa balikat ng binata at napangiti na may tinig. "Sira ulo."
Namula kaagad ang makikinis niyang pisngi dahil sa biro ng binata. Naalala niya kasi ang bawat gabi na may nangyayari sa kanila. At pakiramdam niya ay nawala lahat ang pangamba at takot na naramdaman niya kanina mula sa madilim itsura ng binata kanina. Napalitan iyon ng kakaibang kilig at saya.
"'Wag kang mag-alala, papakiusapan ko si Thanus na samahan ka dito kung natatakot ka," sambit nito. Pagkatapos ay hinalikan niya sa labi ang dalaga.
Sumimangot naman kaagad ang mukha ng dalaga dahil sa inusal ng binata. 'Yung matandang 'yon? Ayaw ko, hindi niya ako gusto. Kapag nakikita niya nga ako, halos kainin niya ako ng buhay."
Muling napangiti si Zyros sa tinuran ng dalaga. Ginulo niya ang nakalugay na buhok ng dalaga dahil sa pagmamaktol nito na may mahabang nguso.
"Mabait si Thanus, gano'n lang talaga siya kung makatingin at magsalita. Ganun din siya sa 'kin, e."
Napacross-arm ang dalaga ng kanyang mga bisig sa dibdib nito at inirapan ang binata. "Basta ayaw ko pa din! Mas gugustuhin ko pang mag-isa na lang dito kaysa makasama ang kaibigan mo!" muling asik nito na may pagtatampo.
"Bakit, sa tingin mo ba gusto rin kitang makasama?" boses na bumasag sa dalawang magkasintahan. Kaya napatingin sina Jackie at Zyros sa pinangyarihan ng tinig.
"Ikaw pala, Thanus." Tumayo ang binata at sinalubong ang matandang bisita.
Si Jackie naman ay nabigla at hindi nakapagsalita. Nakaramdam rin siya ng hiya dahil malamang ay narinig nito ang mga sinabi niya. "Ang tanga mo talaga, Jackie!" Untog niya ng kanyang kamay sa kanyang noo at nagpakawala ng hangin mula sa kanyang bibig kaya bahagyang lumipad ang kaunting buhok na kumalat sa kanyang mukha. Maya-maya ay narinig niya na nagsalita si Zyros kaya napatingin siya dito.
"Mag-uusap lang kami sandali ni Thanus sa labas, Jack. Maiwan ka muna namin dito."
Napatango na lang si Jackie at hindi nagawang tumingin sa matanda. Nang makalabas na ang dalawa ay napayuko siya at muling nagpakawala ng buntonghininga.
"Kung anu-ano kasi ang lumabas sa bibig mo, e. 'Yan tuloy narinig niya!" Muling untog niya ng kanyang kamay sa noo. Simula kasi ng dumating siya ay hindi siya kinakausap ng matanda kapag binibisita nito si Zyros. Pakiramdam niya ay galit talaga ito sa kanya dahil hindi man lang siya kinakausap ng matanda. Silang dalawa lang ni Thanus ang nag-uusap kapag bumibisita ito. At kapag nalalandas pa sa kanya ang paningin ni Thanus ay kaagad siyang umiiwas dahil matalim ito kung makatingin sa kanya.