HINDI mapigilan ni Summer ang matawa habang pinagmamasdan ang namumutlang mukha ni Spring habang magkaharap silang nagsasagwan sa rubber boat ng mga sandaling iyon. Pareho silang may suot na dilaw na life vest no’n, pero mukhang hindi iyon sapat para kalmahin ang binata. Takot kasi ito sa kahit anong sasakyan sa tubig dahil mahiluhin ito.
Noong sila pa, inaya niya si Spring na mag-boating ng minsang magbakasyon ang kanya-kanya nilang pamilya sa villa nina Winter sa Tagaytay, pero hindi pumayag ang binata dahil takot ito.
Pero ngayon, hindi na ito nagpapilit. Marahil ay gusto nitong bumawi dahil alam siguro nito na nasaktan siya nang magkuwento ito kanina tungkol sa relasyon nito kay Autumn.
“S-stop laughing at me,” saway ni Spring sa kanya. Tinapunan siya nito ng masamang tingin pero dahil namumutla ito, hindi iyon epektibo.
Lalo siyang natawa. “Huwag mong sabihing hindi pa kayo nakakapag-boating ni Autumn dahil takot ka sa tubig?”
Umiling ito. Tila hinang-hina na ito. “Nakakapag-boating kami ni Autumn. Pero pinapainom niya muna ko ng gamot para hindi ako mahilo.”
Unti-unting nawala ang ngiti niya. Bakit nga ba niya hindi naisip na bigyan ng gamot si Spring gaya ng kontra-“biyahilo” na paracetamol? Siguro, hindi lang si Spring ang may pagkukulang sa relasyon nila noon.
“Hindi ko na kaya, Summer!” paungol na reklamo ni Spring. “Let’s head back!”
“Calm down, Spring,” sabi niya rito. Mukhang natataranta na talaga ang binata. Gano’n ba kalakas ang takot nito kapag nasa ibabaw ito ng tubig? “Limang minuto pa lang tayo nagbabangka.”
Huminto ito sa pagsagwan at tinakpan nito ng kamay nito ang bibig nito. “I think I’m gonna throw up.”
Nalukot lang ang mukha ni Spring. Sa kanyang pagkagulat, bigla itong tumayo dahilan para hindi maging stable ang rubber boat nila. Tuluyan nang sumuka si Spring pero dahil sa bigat nito nang mawalan ito ng balanse, at dahil sa pagkataranta nito, tumaob ang sinasakyan nilang rubber boat at pareho silang nahulog sa napakalamig na tubig ng beach.
Agad naman silang lumutang ni Spring sa tubig dahil sa suot nilang life vest.
“Yuck!” patiling reklamo niya. “Nagswi-swimming ako sa tubig na sinukahan mo, Spring!”
Tumawa lang si Spring. Mukhang nakabawi na ito ngayong wala na ito sa bangka. “That’s payback, Summer.”
Impit na tumili siya sa labis na iritasyon. Tinangka niyang suntukin si Spring pero lumangoy lang ito palayo sa kanya habang patuloy sa pagtawa. Nakakahawa ang buhay na tawa nito kaya natagpuan na rin niya ang sarili niyang tumatawa kasama nito.
Hindi pala gano’n kasama kung hindi sila mag-uusap ni Spring tungkol sa pag-ibig. Bigla siyang nalungkot. Simula noon hanggang ngayon, magkaibigan lang talaga sila.