Chapter 8

1537 Words
Light Delavega Para sa akin, ang pagiging ina ang pinakamahirap na naging katayuan ko sa 'king buhay.  Napakadali kasing sukatin ng pagiging ama sa mundong ito. Minsan, kahit magloko ang mga 'to, basta't kayang pakainin ang kanilang anak ay p'wede na silang maging mabuting ama sa paningin ng iba. Pero ang pagiging ina? Makita lang na madungis ang anak nito'y maari nang maging masama sa paningin ng marami. Meron nga bang nangarap ng masama para sa kanyang anak? O nag-isip man lang ng hindi tama para rito?  Sa aking palagay ay wala.  Walang ina ang hindi kayang magmahal sa anghel na kanyang dinala mula siyam na buwan sa sinapupunan nito. Marahil, lahat tayo ay may kanya-kanyang dahilan sa bawat kaugalian na ating ipinapakita. Ngunit asahan natin na hindi sa lahat ng bagay o pagkakataon ay tayo'y mauunawaan ng ating kapwa. Tao rin ako, may pakiramdam at nasasaktan. At bilang magulang ay masakit para sa akin na madalas n'ya akong tawaging nanay pero siya— kahit kailan ay hindi ko matawag-tawag na anak. Bumalong ang luha sa aking nakapikit na mga mata nang maalala ang lahat ng aking nakaraan, at tanging isipan ang siyang may kakayahang makapagsalita. Nawala ang aking kumpiyansa sa sarili, ang aking kaligayahan at ang aking trabaho. Ang trabaho na aking pinilit pasukin— hindi lamang para sa pananalapi kundi para na rin sa aking kalusugan sa pag-iisip. Nawala sa 'kin ang lahat, pero nagkaroon ako ng tulad niya. Masakit para sa akin, na wala akong magawa kundi ipakita sa kanya na galit ako, pero ang totoo ay natatakot at nahihiya ako sa kanya. Natatakot akong malaman niya ang totoo— sa 'king nakaraan at nahihiya ako sa buhay na hindi niya dapat nararanasan ngayon, kaya gano'n na lang ang poot ko para sa mga taong dahilan kung bakit ako nandito. Sa sitwasyon na ganito. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko sila kamumuhian, lalong hindi ko alam kung hanggang saan ako dadalhin ng hindi ko matakasang pait sa aking nakaraan. Aoi NAGBIHIS ako at nagpatuyo ng buhok matapos kong maligo, pagkatapos ay naglakad ako papunta sa sala bitbit ang aking asul na backpack.  Sandali akong napatigil nang madatnan ko si Toyang na seryosong nakatingin sa akin habang nakaupo ito sa harapan ng lamesa namin. Nagtaka ako kaya maayos ko siyang hinarap. "Okay ka lang po, Toyang?"  Pagkasabi n'yon ay dahan-dahan itong tumayo mula sa kanyang pinagkakaupuan saka itinuro ang isang— bouquet ng flowers? "Ano po 'yan, Toyang?" kunot noo kong tanong sa kanya. "Aba'y malamang bulaklak, Anak. Ano ba sa tingin mo makahiya? Echosera ka talagang bata ka," sagot nito sa akin. Mahina akong tumikhim. "Para sa iyo po 'yan, Toyang?" bahagyang namilog ang aking mga mata. "Oh God! Magkakaroon na po ba kami ng tatay ni Maxwell?" Tumikwas ang isa nitong kilay. "Ano?! Lukreng ka. At ako pa talaga ang pinagbintangan mo na may fafa, ha? Sa 'yo kaya nakapangalan 'yan! Isa pa, wala akong jowa kaya sino naman ang magbibigay sa 'kin ng ganyan, aber?" Napaawang ang mga labi ko nang ituro nito ang bulaklak na nasa lamesa, maging sa kanyang sinabi. Pagkatapos ay umilang hakbang ito, huminto sa 'king harapan saka malapitang pinagmasdan ang mukha ko.  "Alam ko na maganda ka, at expected ko nang maraming magkakagusto sa iyo, Aoi Delavega. Hindi rin kita tututulan kung nais mo nang magkaroon ng nobyo. Pero, dapat ba na maglihim ka sa akin tungkol sa manliligaw mo?" salita nito habang nakapamewang sa 'king harapan. Napalunok ako bago ito sagutin. "Ano po ba'ng sinasabi niyo, Toyang?" kunot noo kong tanong sa kanya, "Eh, wala naman po akong natatandaan na nagpaalam sa akin na manligaw. Kaya maniwala po kayo sa akin, wala akong manliligaw," umisang iling ako nang sabihin ko iyon sa kanya. "Eh, ano ito?" sinundan ko ng tingin ang inabot nito sa aking isang letter card. Nang makuha ko iyon ay agad ko itong binuksan. 'Good morning, A. Mag-ingat ka sa pagpasok. ILY.' Matapos ko itong mabasa ay agad akong nag-angat ng tingin kay Toyang, na ngayon ay nakahalukipkip na sa aking harapan.  Wala sa sarili kong nakagat ang aking ibabang labi dahil sa mapanuring mga tingin nito sa akin.  Huminga ako nang malalim saka nagsalita. "T-toyang, k-kasi po," hindi ko alam kung bakit at para kanino ako kinakabahan dahilan kaya ako nauutal.  “S-sige po, aaminin ko po—”  Natanggal mula sa pagkakahalukipkip ang mga kamay niya, hindi pa natatapos ang sinasabi ko nang magsalita siya. "Tingnan mo ‘yan, Aoi? Iyan ang sinasabi ko, eh! Saan mo nakilala ang lalaki na 'yon, ha? Bakit hindi mo sa ‘kin ‘yan pinakikilala?” tuturo-turo ito habang sinasabi iyon sa akin. Magsasalita sana ako nang muli niyang ibinuka ang kanyang bibig. "Kailan ka pa natuto mag lihim sa akin? Itinuro ko ba 'yan sa ‘yo?” tumalikod ito, "Ano na lang ang sasabihin ng—” "Toyang!" tawag pansin ko sa kanya dahil mukhang wala itong balak na pagsalitain ako.  Naglakad ako hanggang makarating sa harapan niya. Saka ko ito kinausap. "Toyang, mali po kayo ng iniisip sa 'kin,” mahinahon kong sabi. “Relax ka lang po, okay? Wala po akong boyfriend," ngumiti ako sa kanya nang mawala ang pagkabuhol ng mga kilay nito, nang sabihin ko 'yon. "Ang aaminin ko po sa ‘yo ay pangatlong beses na po ako nakatanggap ng letter na ang hinala ko ay galing po sa iisang tao lang," tumikwas ang isa nitong kilay at humalukipkip muli sa aking harapan.  "At sino naman itech? Hay nako, Aoi, ha! Mag-ingat ka at baka kung sino nang baliw 'yan!" aniya. "Yes po, Toyang. Hindi ko nga po iyon pinapansin, pero,” napatingin ako sa bulaklak na nasa lamesa namin. Kinuha ko ‘to at inamoy. Natuwa ako sa angkin nitong ganda, maging sa amoy nito.  Nakakikita ako ng mga flowers, pero kahit kailan ay hindi pa ako nakatanggap ng ganito. Ngayon pa lang.  Kanino kaya ‘to nanggaling?  "Magkano po kaya ang ganito? Siguro ay isang kinsenas ko nang sahod ang presyo nito, Toyang,” salita ko habang pinagmamasdan ang bulaklak. "Hay nako! Kahit maging isang buwan na sahod mo pa ang presyo niyan, hanggang hindi nagpapakilala ‘yung kumag na pinanggalingan niyan ay hindi ako matutuwa. Kahit maging flower shop pa itong bahay natin dahil sa kanya!" tugon nito. Natawa at napailing na lang ako kay Toyang nang sabihin niya iyon. Sa isang banda ay naiintindihan ko rin naman ito, dahil alam ko na gusto niya lang akong ingatan, iba na rin kasi talaga ang panahon ngayon. Nagpaalam ako sa kanya matapos ko itong paliwanagan. Mabuti na lang talaga ay malaki ang tiwala niya sa akin kaya hindi ako nahirapan pababain ang dugo nito mula sa kanyang ulo dahil sa isang bouquet ng flowers kanina.  Gano’n si Toyang. Hanggang maari kasi ay ayaw nitong nalalaman na may nanliligaw sa akin o may umaaligid-aligid man lang nang hindi niya alam. Pati raw kasi siya ay na-trauma na sa pinagdaanan ni nanay sa dati nitong kasintahan. Lakad-takbo ako nang makababa sa sinakyan kong tricycle patungo sa shop dahil male-late na ako. Paniguradong sasalubong sa akin ang maingay na bibig ng pinsan ni Reen kapag nakita ako nito. Nang makarating sa harapan ng shop ay huminga muna ako nang malalim, pagkatapos ay dahan-dahan kong binuksan ang glass door nito. Kalabog sa dibdib at panlalamig sa aking mga kamay ang bumuhos nang magtama ang mga mata namin ni Zairel.  Ihahanda ko na ang sarili ko dahil tiyak na magsu-super saiyan na naman ito.  "Mag-usap tayo mamaya!" bungad nito habang hindi hinihiwalay ang matalim niyang tingin sa akin. Napayuko ako at nagpatuloy sa paglalakad matapos ko itong tanguhan ng isang beses sa sinabi niya.  "Prend, ba't late ka?" tanong sa akin ni Reen. "Sobrang traffic kasi, eh! Ewan ko ba, kahit maaga akong umalis sa bahay ay ganito pa rin. Lagi na lang naghahabol sa oras,” tugon ko. "Hay nako, mabuti na lang ay may baon akong popcorn ngayon," sagot nito sa sinabi ko. "Ha? Ano namang connect?" nagtataka kong tanong. "Kasi paniguradong magtatalak na naman mamaya ‘yang parot kong pinsan! Sabayan na lang natin ng popcorn!" bahagya akong natawa sa sinabi nito.  "Ang dami mo talagang alam, tara na nga. Baka lalo pang ma-high blood ‘yung pinsan mo sa akin, panigurado na madadamay ka na naman."  "Absolutely wilkins!" napailing na lang ako habang nasunod sa kanya.   Lumipas ang ilang minuto ay tinawag ako ng pinsan nito para dalhin ang order ng nag-iisa pa lang naming customer.  Ang aga naman nito. Isa pa, wala pa namang araw pero naka-shades na siya. Iba-iba talaga ang trip ng mayayaman sa buhay.  "Caramel Macchiato, Sir?” nginitian ko ito saka ibinaba ang order niya sa table, "Thank you for your order," matapos magpasalamat ay tumalikod ako rito, pero aalis na sana ako nang marinig ko ang pagtikhim nito at pagsasalita. "What's your name?" kahit nagtataka ay hinarap ko siya at sinagot ng maayos. "Aoi Delavega po, Sir." Dahan-dahan itong tumango at ngumiti sa akin.  Hindi ko alam, pero hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi tingnan ang pulang-pula nitong mga labi. Bukod doon ay para ako nitong dinuduyan sa bawat pagngiti nito sa akin. "Aoi!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD