Hindi alam ni Maria ang dapat niyang gawin ngunit ang kaniyang hangad ay makuha ang Elixir sa kamay ni Prinsipe Leon at mapakawalan ang kaniyang mga magulang maging sina Prinsipe Leopoldo.
Kasalukuyan silang nagkukubli dahil dumaan ang isang kawal sa kubol ng kaniyang mga magulang, namataan din niya ang binata na halos himbing sa pagtulog dahil siguro sa kapaguran. Nakaramdam si Maria ng kakaibang habag sa kalagayan ni Jedo, umuungol animo nahihirapan dahil sa higpit ng tanikala sa kaniyang mga paa, halos pumapatak ang lilang dugo sa mga binti nito.
“Prinsesa Maria, parang mahihirapan tayo sa ating mga plano...”
“Hindi maaaring mapigilan sa’king mga balak aking dama. Kinakailangan kong kumilos upang maisakatuparan ang pagliligtas sa buong Burgandia.”
Hinintay nilang makaalpas ang mga kawal na nagbabantay, tumagal din nang ilang segundo ang kanilang ipinaghintay hanggang sa umalis ang mga kalalakihan. Dahan-dahang lumaaria sa natutulog na kawal at kumuha nang maliit na sanga ng sinas at maingat na isinusungkit ang susi sa mga kubol.
“P-prinsesa Maria, b-baka mahuli tayo...”
“M-Malapit ko nang makuha...” aniya hanggang sa tuluyang makuha ni Maria.
Nahulog ang susi at naging dahilan para bumalikwas ang kawal kaya’t halos huminto ang pag-inog ng mundo at halos lumuwa ang puso ni Maria habang hinihintay ang susunod na gagawin ng kawal ngunit halos makahinga siya nang maluwang ng nagpatuloy sa pagtulog ang naturang lalaki.
Nagmamadaling kinuha ni Maria ang nalaglag na susi saka lumapit ang dalaga sa kubol ng kaniyang mga magulang.
“Magbabantay po ako rito, Prinsesa Maria upang malaman kung may paparating...”
“S-Salamat aking dama!”
Iniisa-isa ng dalaga ang mga kumpol ng susi na mayroong pagmamadali hanggang sa maipasok ng tuluyan sa kandado kaya’t napangiti si Maria dahil nagawa niyang mabuksan ang kubol ng mga magulang.
“Aking ina...”
Kababakasan nang takot ang mukha ng ginang subalit nang malaman ni Reyna Crexia na ang kaniyang anak ang naroroon ay lumiwanag ang ekspresiyon nito.
“A-anak...Maria Crex...” bulong nito.
Kitang-kita ang luhaang mukha nito ngunit ang mas kalunus-lunos ay kanilang nakahahabag na kalagayan lalo ang ama niyang nakatulala sa kawalan, tila nagkaroon ng sariling mundo at hindi malaman ang mga kasalukuyang nangyayari.
“A-ama, halika na’t tumakas dito.” paanyaya ni Maria ngunit hindi siya pinapansin ng matandang lalaki.
“A-anong nangyayari kay ama?” saad ni Maria.
“Buong segundo na siyang ganiyan, aking mahal na anak. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa iyong ama..”
Marahang nilapitan ng dalaga si Haring Buendia at hinawakan ng mahigpit ang kamay nito subalit ni hindi siya tinitignan ng ama.
“Ama..”
“Kunin ang trono kay Haring Buendia, sapagkat ang marapat mamuno ay si Prinsipe Leon ng Astramos...” diretsong litanya ng dating hari kaya’t dito napagtanto ng dalagang nakapasailalim sa salamangka ni Ulna ang kaniyang mahal na ama.
“Ina, kailangan na nating makatakas dito. Delikado ang inyong buhay sa kamay ng mga kawal ni Prinsipe Leon.”
“Hindi ko maaaring iwan ang ang iyong ama...” luhaang saad ni Reyna Crexia.
“Pinapangako kong babalikan natin si ama, kailangan na nating umalis ina...”
“Hindi maaari, Maria Crex. Dito lamang ako sa tabi nang iyong ama. Mahal na mahal ko ang aking esposo. Anak, mangako kang ililigtas ang buong Burgandia sa kamay ng masamang haring namumuno sa kasalukuyan. Hindi mo magagawa iyon kung kasama mo kami nang iyong ama.”
“Ngunit ina...”
Nagdadalawang-isip ang dalaga na iwanan ang kaniyang mga magulang ngunit kung iisipin ang sinabi ng ginang ay mayroong punto ang matandang babae. Hindi man gustuhin ng dalagang iwan ang mga ito sa kamay ng mga palalog kawal ay kailangan niyang kumilos ng mabilis.
“P-Prinsesa Maria, kailangan na po nating magmadali dahil baka dumating na’ng mga kawal na bantay.”
Mahigpit na yinakap ni Maria ang kaniyang ina saka tumango ito nang may pagsuyo bago tuluyang lumipat sa kubol ni Prinsipe Leopoldo.
“Ina, ama...pangako babalik ako. Lilipulin ko ang lahat ng kawal ni Prinisipe Leon. Ibabalik ko sa pamumuno ni ama ang buong Burgandia.”
“Umaasa ako sa’yo, anak.” hinawakan ng mahigpit ang palad ni Maria bago tumalilis ang dalaga patungo sa kabilang bahagi ng kubol.
Tumungo ang dalaga sa kabilang bahagi saka nagmamadaling pinakawalan ang binata ngunit dahil sa kapaguran at sugat sa kaliwang bahagi ng kaniyang tiyan ay halos namumutlang hindi malaman ang binata.
“Prinsipe Leopoldo... gumising ka, kailangan na nating makaalis dito.” bulong ni Maria, hanggang sa unti-unting dumilat ang binata.
“P-prinsesa Maria, ikaw ba ‘yan? Kailangan kong iligtas ang aking mga nasasakupan at ang mahal na prinsesa ng Burgandia...” hirap na hirap na pahayag ng binata.
“Ako ito si Maria...tatakas tayo rito.”
Inilagay ng dalaga ang braso ni Leopoldo sa kaniyang balikat saka marahang inalalayan ang nahihirapang binata palabas sa kulungan.
“P-prinsesa Maria, maaari na po ba akong maiwan dito?”
“Nanganganib ang iyong buhay rito. Mabuting manilbihan ka sa Harandia pansamantala...”
“Gustuhin ko man mahal na prinsesa ngunit ang aking mga pamilya ang nanganganib.”
“Bago pa nila magawa iyon ay ililigtas namin sila gamit ang aking mga kawal.” nahihirapang pahayag ng binata habang nakaakbay sa dalaga.
Nagboluntaryo ang damang siya nang bahalang magpakawala kay Jedo, subalit bago pa man makalapit ang dama’y siya namang dating ng ilang mga kawal rason upang mabilis silang nagkubli sa isang madilim na uka kasama ang dama.
“Prinsesa Maria, mukhang hindi na natin magagawang maalis ang dragonika ni Prinsipe Leon,”
Nagpasiyang tumalilis ang tatlo palayo sa bilangguan ng Burgandia ngunit ang kanilang mga balakin na makaalpas ay parang imposible sapagkat mayroong kung anong bigat ang nakakapa si Maria sa kaniyang damdamin dahil paulit-ulit ipinapaalala ang kumikinang na Elixir ngunit nababalutan ng kadilimang usok dahil sa budhi ng may hawak na hari ng galgotha. Hindi maaaring magtagal ang puso ng Emerit sa katulad ng bagong hari sapagkat mas malaking suliranin ang kahaharapin ng lahat ng Emeritian.
Nangunguna sa paglalakad ang dama ngunit mariing pinigilan ni Maria ang dama upang magkaroon ng mga pagbabago sa kaniyang binabalak na pagtakas.
“Aking dama! Ikaw na munang bahala kay Prinsipe Leopoldo. Siguruhin mong makakauwi kayo ng buhay sa Harandia...”
“A-anong binabalak niyo Prinsesa Maria?”
“Masyadong delikado kung ikaw lamang mag-isa ang maiiwan sa palasyong pinamumunuan ni Haring Leon.” saad ni Prinsipe Leopoldo.
“Mas kinakailangan mong makatungo sa Harandia sa ikalawang pagkakataong susugod sa Burgandia...”
“Sige na, humayo na kayo sapagkat may mas mahalaga akong misyon bukod sa pagtakas dito.”
May pagtutol ang ekspresiyon ng binata subalit mariin siyang iginiya ng nagmamadaling dama kung saan nagpaiwan ang dalaga sa palasyo. Mag-isang kumubli ang dalaga sa mga halamanan upang bumalik sa harap ng kumedor na kaniyang pinaglusutan upang makatungo sa bilangguan.
Maingat na naglakad ang dalaga patungo sa bahagi kung saan dating silid ng kaniyang ama’t ina sapagkat naroroon nakalagak ang bagong hari.
“Kinakailangan kong makuha ang Elixir sa kaniyang mga kamay!” matapang na saad sa sarili ng dalaga.
Sumuot sa makakapal na halamanan ang prinsesa at doon ay sinimulang tumbukin ni Prinsesa Maria ang daan patungo sa makipot na eskinatang lagusan upang madaling makarating sa silid ng mga magulang.
Sumilip si Maria sa loob, namataan niyang mahimbing na natutulog ang binata subalit hindi iyon ang nakakuha ng interes ng dalaga kundi ang Elixir malapit sa ulunan ng lalaki. Makikita ang kapal ng maitim na usok na halos kalahati na’ng nasasakop. Bahagyang nabahala ang puso ni Maria kaya’t nagpursige ang babae upang makaakyat ng tuluyan sa terasa ng hari.
Nang makatuntong sa silid ay halos marahan lamang ang mga hakbang na ginagawa ni Maria ngunit ang kaniyang puso ay halos kalabugin ng sobrang lakas dahil sa maaaring maging kalalabasan ng kaniyang mapangahas na hakbang laban sa hari ng Galgotha.
“Malapit na kitang magamit...” kinapa ni Maria ang nakuhang susi mula sa mahiwagang lubid.
GALGOTHA- Doryang Timog
Patuloy sa pag-akyat sina Diwatano at Pinkie sa mesa ni Ulna at maingat na ginagapang ang hamba ng mesang kinaroroonan ng kahon kung saan nakakulong ang mga kalahi ni Pinkie. Ang prinsipe ng Hilagang Galadia ang siyang tumitingin kay Ulna habang ang munting prinsesa ang naghahanap ng paraan kung paano mababasag ang kapangyarihang ibinalot ng manggagaway.
“Kaunting bilis, Pinkie. Baka tuluyang mahuli ni Ulna ang iyong binabalak...”
“Sandali lamang, Prinsipe Diwatano. Hindi ko alam kung paano bubuksan ang kahong ito.”
Dinig na dinig ang hiyawan ng mga diwatang nakulong sa loob kasama ang kanilang pinakapinuno. Hirap na hirap ang kanilang mga mukha at kakikitaan nang pagod ang mga ito.
“Kaunting panahon na lamang aking mga kalahi, magiging malaya na’rin kayo.”
Dinukot ni Pinkie ang kahuli-hulihang buto ni Narsus na siyang magiging daan upang makawala ang kaniyang mga kasamahan ngunit nang akmang pakakawalan niya ang kaniyang hiling ay siya namang sulpot ng kamay ni Ulna. Tumalsik ang buto malapit sa mga ilang garapon kaya hinabol ni Pinkie.
“Isang diwata galing sa hanay ni Haraya ang aking bisita. Mukhang napasakamay pa yata ang buto ni Narsus!”
“Pinkie, iligtas mo ang iyong sarili,” saad ni Diwatano kung saan lumilipad sa ere.
“Tila may kasamang tagapagtanggol at mayamang prinsipe galing hilaga. Napakagandang pagksawi ng inyong sasapitin. “
Hinabol ni Pinkie ang butong iniihipan ni Ulna kung kaya’ walang tigil ang paggulong ng buto sa kung saan sa mesa.
“Pakawalan mo ang aking mga kalahi!” matapang na saad ni Pinkie.
Bumakas ang pakunwaring awa sa mukha ni Ulna, hindi mapigilan ang bugso ng damdamin kaya binato ni Pinkie ang manggagaway ngunit imbis na masaktan ay tumawa lamang ang matanda, saka dinakot ang munting diwata. Kumakawag-kawag si Pinkie mula sa pagkakahawak nito.
Samantala, naghahanap ng paraan ang prinsipe kung paano gagambalain ang matanda hanggang sa makakita siya ng ilang mga halamang gawa sa pulbos. Mataman siyang tumungo roon saka dumakot at tumapat malapit sa mga mata ni Ulna saka isinaboy ang pulbos sa kaniyang mata dahilan upang mapuwing ang manggagaway.
“Ahhh, isa kang lapastangang diwata! Malalagot ang inyong mga kaluluwa kapag nahuli ko kayo!”
“Bilisan mo Pinkie, kunin mo ang buto ni Narsus!”
Matuling lumipad ang munting diwata patungo sa butong nakasala sa mismong pagitan ng garapon. Pinipilit hilahin ng diwata ngunit tila naipit ito sa magkadikit na garapon, hirap na hirap si Pinkie na hatakin hanggang sa tuluyang makawala ang buto.
“N-Nakuha ko na!”
“Dalhin mo kaagad sa kanila...” paalala ng prinsipe.
Tumakbo si Pinkie at binuhat ang buto patungo sa naka-selyong kahon at mabilisang hiniling sa buto ang kaniyang nais na mangyari sa mga kalahi. Unti-unting natanggal ang mga sala-salabat na lubid na nakatali sa kahon at kusang bumukas, nagkalat at matamang lumipad ang mga diwata, tila nagising mula sa matagal na pagkakahimlay.
Nang tuluyang luminaw ang mata ni Ulna’y napahiyaw ang manggagaway dahil sa mga diwatang palibut-libot sa buong lungga ng matanda.
“Hindi kayo maaaring makatakas!” mahigpit na saad ng matanda.
Kinuha ng manggagagway ang kaniyang mga salamangka at bumuo ng usok sa palad ngunit bago pa man ibato sa mga nagkalat na diwata’y kinuyog siya ng mga ito. Maging si Datuwana ay patuloy na ginugulo ang kaniyang mala-alambreng buhok hanggang sa hindi na niya nagawang gamitin ang kaniyang kapangyarihan.
“Hindi kayo magtatagumpay! Sagrado ng aking kapangyarihan ang lugar ng Galgotha! Iyan ang inyong tandaan!” hiyaw ni Ulna.
Natigilan ang kaguluhan nang may marinig na dagundong mula sa bakuran ng palasyo kaya’t mas naging determinado ang mga diwatang makalusot sa madilim na lagusan.
“Pinkie, isang malaking pagtanaw ng utang na loob ang aming ibibigay sa iyong kagitingan bilang hahawak sa susunod na henerasyon” saad ni Datuwana habang tinutumbok nila ang b****a ng Galgotha.
Sa kanilang sabay sabay na paglipad palabas ng Galgotha ay natigilan ang mga nasa unahang diwata sa hindi malamang dahilan ngunit nang mamasdan ni Pinkie ay halos makaramdam ng kakaibang kilabot sa nakitang nakatayo sa bungad ng naturang palasyo.
Ang lahat ng elemento mula Sa Galadia ay nagtipon sa harapan tila handang makipaglaban at ipagtanggol ang kanilang mga kalahi.
“Handa kaming makipagsapalaran at kalabanin ang makapangyarihang manggagaway sa ngalan ng prinsipe ng Hilagang Galadia!” anang lider ng hukbo nang mga mumunting diwatang kawal.
Naroroon din ang maliliit na Emeritian na naninirahan sa loob ng Damortis at ilang mga kakaibang elemento sa timog-Galadia. Hindi makapaniwala sina Pinkie na ganito kamahal ni Haraya ang kaniyang mga nasasakupang diwata sa Silangan.
“Kahit magtipon kayo ay hind ako makapapayag na makawala ang iyong mga kalahi Haraya!” sumulpot si Ulna mula sa malaking portal ng Galgotha.
Inipon niya ang malaking usok sa kaniyang mga kamay at doon ay mapaghiganteng binato sa pulutong na kanilang nabuo sa harap ng palasyo.
Nagsitalsikan ang ibang mga elementong natamaan ng maitim na usok hudyat na magsimulang sumugod ang mga kawal ng hilaga.
“Sugod at ipagtanggol ang lahi ng buong Galadia!” saad ng hukbong sandatahan ni Prinsipe Diwatano.