Kabanata 2

1229 Words
Nagising ako sa pag tilaok ng aming mga manok panabong. Umaga na pala, ni hindi man lang ako nakapaghapunan kagabi. Kumalam ang aking sikmura kaya bumalikwas ako ng bangon at nagmamadaling pumunta sa kusina. Pagkarating ko doon ay nilantakan ko kaagad ang mga pagkain sa marmol na mesa. "Dahan-dahan, baka mabulunan ka." Napatalon ako sa gulat at napahawak sa aking dibdib. Tila nagdilang demonyo ang aking nakatatandang kapatid dahil ako nga'y nabulunan dahil sa gulat at pagkataranta. Kumuha ako ng tubig at agad na ininom iyon. Pagkatapos ng ilang lagok ay nawala ang bara sa aking lalamunan. Narinig ko ang tawa ni ate. Nilingon ko siya at sinamaan ng tingin. Ilang segundo ang lumipas ay tumigil siya sa pagtawa at tinaasan ako ng kilay. Binawi ko ang tingin at nilampasan siya. "Hephep! Saan ka pupunta?" tanong niya sa akin at hinila ang aking damit. Muntikan pa akong madulas dahil sa kanyang ginawa. "Bitawan mo na ako ate, babalik na ako sa kwarto," sabi ko sa kanya at tumayo ng matuwid. "Babalik sa kwarto nang hindi naghuhugas ng pinggan? Ano ka hari?" humalukipkip siya. Napakamot ako sa aking ulo at binalikan ang mga plato sa lababo. Habang naghuhugas ay napatingin ako sa ibabaw ng mesa. May ilang mumo ng kanin ang nandoon. Napabuntong hininga ako at pinagpatuloy ang paghuhugas. Nang matapos ay pinunasan ko ang ibabaw ng mesa gamit ang medyo maruming basahan na nasa gilid ng ref. Kumunot ang aking noo nang maramdaman ang isang bagay na dumikit sa aking kaliwang paa. Tiningnan ko ito at napasimangot nang makita ang mumo ng kanin sa sahig. Binilisan ko ang kilos. Ilang minuto ang lumipas ay natapos ako sa paglilinis. Napangiti ako at pumasok na sa aking kwarto. "Pst!" napalingon ako sa may bintana. Ano na naman kaya ang kailangan ng babaeng ito? Ibinalik ko ang tingin sa binabasang libro. "Pst!" Padabog kong nilagay ang libro sa malambot na kama at tumingin sa kanya. "Ano?" tanong ko sa kanya. "Wala lang," sabi niya at pinakita sa akin ang kanyang mga magaganda at mapuputing ngipin. Ang kulit lang! Hindi ako nagsalita. Nanatili ang aking titig sa kanyang mukha at sinuri ito mula sa noo hanggang sa baba. May mga tuldok sa kanyang pisngi at noo, maliliit at malalaki. Maayos ang pagkakahugis ng mga makakapal niyang kilay. Ang mga mata'y maihahalintulad sa mga mata ng aso-- maamo at mabangis. Mga pilik mata'y mahaba na sa pagtingin mo'y nakakalula. Ang ilong niya'y hindi matangos-- palatandaan na siya'y isa ngang Pilipino. Malarosas ang pula at singlambot ng mamon, ang mga labing naghahamon. Nagulat ako nang bigla niyang inihagis ang isang matigas at kulay itim na tsinelas. Mabuti na lamang at nasalo ko ito. Nakalimutan ko palang isara ang bintana. Ang tila maamong mga mata ay naging mabangis. Napangiti ako dahil tama ang ginawang pagwawangis. Bumuka ang kanyang bibig, tila may gustong sabihin. Hinintay ko itong maisatinig ngunit wala ni isang salita ang nakawala dahil sa biglaang pagtikom ng kanyang maliit na kweba-salitaan. Tumalikod siya at nagsimulang humakbang palayo sa bintanang gawa sa kahoy na kanyang sinandalan kani kanina lamang. Alas nuebe y medya ng umaga "Anak! Pakihatid naman itong keyk na inorder ni aleng carmen," pag-uutos sa akin ni mama. Lumabas ako sa kwarto at kinuha ang keyk. Habang naglalakad papunta kila aleng Carmen ay napatingin ako sa kalalakihang nagkukumpulan malapit sa puno ng sampalok. Lumapit ako at tiningnan kung anong meron. Napatawa ako nang makitang may sabongan palang nagaganap at ang nga kalalakihang nandoon ay pumupusta. Tiningnan kong mabuti ang kanilang mga mukha. Karamihan sa mga nandoon ay mga lalaking naglalaro sa trenta at kwarenta pataas ang gulang. May ilang medyo kulubot na ang balat at lumilitaw na ang mga maliliit na linya sa noo at gilid ng mga mata. Ang ilang hibla ng buhok ay hindi na tulad ng dati. Ngayo'y naging kakulay na ng abo at langit. Kapansin pansin din ang ibang nawalan ng ngipin dahil sa kanilang paghiyaw at pagtawa. Kaunti lang ang nakita kong bayong-bayong sapagkat nandoon sila sa bilyaran, ilang hakbang ang layo mula rito. Pinagpatuloy ko ang paglalakad, hanggang sa tumapat ako sa harap ng iisang palapag na bahay. Napapaligiran ito ng iba't ibang uri ng halaman. Sa kaliwang bahagi ay nakalinya ang mga klase klaseng bulaklak. May mga rosas, mirasol, butonsilyo, at sanggumay. May makipot na daan patungo sa pintuan at sa bawat gilid nito'y mga kawad-kawarang gumagapang. Sa kanang bahagi naman ay ang puno ng manchanitas. Kakulay ng dahon ang bubong. Pinaghalong dilaw at puti naman ang dingding. May maliit na terasa ito kung saan nakalagay ang dalawang mahahabang upuang gawa sa kawayan. Humakbang ako. "Tao po!" sigaw ko. Bumukas ang pinto at iniluwa nito ang isang babaeng nasa mga kwarenta na ang gulang. "Magandang umaga po aleng Carmen. Ito po pala iyong inorder niyong keyk kay mama," ipinakita ko ang dala. Napatingin ang ginang sa aking dala. "Ganoon ba iho, tumuloy ka muna at kukunin ko lang ang pera," pag-aaya niya sa akin sabay ngiti. Sumunod naman ako sa kanyang sinabi at naupo sa isang upuang kawayan. Ilang saglit lang ay bumalik siya dala ang isang di-kalakihang pitaka na kakulay ng kanyang balat. "Ikaw ba iyong bunsong anak ni Virginia?" tanong niya habang kumukuha ng pera sa pitaka. "Ako nga ho iyon," sagot ko naman. "Huling kita ko sa'yo eh sanggol ka pa, ngayon binatang binata na," sabi niya at iniabot sa akin ang dalawang daang piso. Tinanggap ko ito at dahan dahang tumayo. "Maraming salamat po. Hindi na po ako magtatagal dahil may ihahatid pa po akong keyk," sabi ko. Sinungaling na kung sinungaling ngunit nayayamot na kasi talaga ako. Hindi pa naman ako sanay sa pakikipag-usap sa matatanda. Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad pauwi. "Ate! Saluhin mo!" "Oo, kanina pa ako nakahanda rito. Nangangalay na nga iyong kamay ko kakahintay eh!" Napahinto ako sa paglalakad at sinundan ang dalawang boses hanggang sa makarating ako sa likod ng bahay ni aleng Carmen. Una kong nakita ang isang batang lalaki sa itaas ng puno ng mangga, nangunguha ng bunga. Sunod ay ang babaeng nakatingala sa bata. Nangangalahati na ang laman ng dala niyang sako. Nanliit ang aking mga mata. Pamilyar ang bulto ng katawan pati na rin ang kanyang kulot na buhok. Lumingon siya sa aking direksyon at agad na namula ang kanyang bilugang pisngi nang makita ako. Binigyan ko ng nakakalokong ngiti ang babae at naglakad palapit sa kanya. "Humingi ba kayo ng pahintulot sa may-ari bago niyo ginawa iyan?" tanong ko sa kanya. "Ah..." Tinaas ko ang aking kaliwang kilay. "Hindi ko kayo isusumbong kung bibigyan mo ako ng isang bunga," inilapit ko ang aking mukha sa kanya. Napakurap siya ng ilang beses at agad na tinulak ako sa dibdib. Tumawa ako ng mahina at tumalikod na. Ang ganda niya kapag naiinis! Alas kwatro y medya ng hapon Nagluto ako ng gulay para sa hapunan. Malunggay, okra, talong, at kalabasa sa sabaw. Nagprito na rin ako ng isda. Napapikit ako sa amoy ng isda. Maalat na malansa na hindi ko maipaliwanag. Pagkatapos ay pumasok ako sa aking kwarto upang magbihis. Hinubad ko ang pang-itaas na damit. "Ahhh!!" Napatalon ako nang makarinig ng sigaw. Narinig ko ang mga yapak ng paang tumatakbo. Sumilip ako sa labas ng bintana. Napangisi ako. Siya na naman pala. Ipinagpatuloy ko ang pagbibihis nang may ngiti sa labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD