Tagaktak ang ilang butil ng pawis mula sa aking noo pababa sa aking leeg habang ako'y nakaupo sa inidoro.
Nakahinga ako ng maluwag nang mailabas ang mga naipong dumi sa aking bituka.
Lumabas ako sa palikuran at naghugas ng kamay.
Bwisit! Anong klaseng mangga ba iyong ibinigay niya sa'kin? Indiyano, kinalabaw o piko? Nasobrahan yata ako ng kain.
"Ma, may pamahid ka ba riyan para sa sakit ng tiyan?"
"Naku, hindi ko dala ang pamahid anak. Naiwan ko sa bahay. Humingi ka na lang muna kina Cleo," sabi ni mama at dumeretso sa mga mesa ng mga taong dumalo sa lamay ng kapatid ni ate Cleo, bitbit ang isang bandehang naglalaman ng ilang tasa ng kapeng barako.
Bilog at maliwanag ang buwan ngayong gabi. Ang mga bata'y masayang naglalaro sa gitna ng kalsada. Ang mga matatanda nama'y naglalaro ng mahjong at tong its, inaaliw ang mga sarili upang hindi dalawin ng antok.
"Anak, mag-init ka ng tubig sa kusina. Kulang ang hinanda naming kape," utos sa'kin ni mama.
Pumasok ako sa kusina.
"Anong ginagawa mo dito?" nilingon ko ang may-ari ng boses.
Hindi ako sumagot at pinagpatuloy ang ginagawa.
Nakasalang na ang takure sa kalan.
Narinig ko ang mga yapak ng kanyang paa kaya humarap ako.
"Salamat pala sa binigay mong mangga," kahit na sumakit ang tiyan ko dahil doon.
Nakatalikod man sa akin ay nakikilala ko pa rin siya.
"Masarap ba?" tanong niya nang hindi humaharap.
Sasagot na sana ako nang tumunog ang takure. Kinuha ko ito sa kalan at inilagay ang mainit na tubig sa loob ng termos.
Lumabas ako sa kusina at pinuntahan si mama.
"Ma, uuwi na ako," pagpapaalam ko sa kanya.
"O sige anak, mag-ingat ka," sabi ni mama.
Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad. Kinuha ko ang teleponong selular sa bulsa ng suot kong pantalon. Alas diyes na pala ng gabi.
Habang naglalakad sa di-kalawakang kalsada ay nakita ko ang puno ng suha.
Kumuha ako ng ilang bunga nito at inilagay sa loob ng hinubad kong dyaket. Itinali ko itong mabuti upang hindi mahulog ang mga prutas. Nagpatuloy ako sa paglalakad.
Tanging ang mga tunog lamang ng mga kuliglig ang aking naririnig. Ang sagisag ng katahimikan.
Malamig ang simoy ng hangin at unti-unti nang lumalalim ang gabi kaya binilisan ko ang paglalakad. Nagpagpag muna ako bago dumeretso sa aming tahanan.
Nang makarating sa aming di-kalakihan at kongkretong bahay ay sumalubong sa akin ang alagang aso na si Bravo. Napangiti ako sa pagkembot ng kanyang pwet at pagpayipoy ng kanyang buntot, tanda ng kasiyahan sa aking pagdating. Agad akong nagpalit ng damit at humiga sa kama pagkatapos.
Alas tres ng madaling araw
Nagising ako sa pagtahol ng aming aso. Kinusot ko ang mga mata at bumangon upang alamin ang dahilan.
Hinawi ko ang manipis at kulay asul na kurtina sa bintana at sumilip. Ano naman kaya ang kailangan ng babaeng 'to? Aga-aga naputol ang pagpapahinga ko.
Iniwan ko ang bintana at naglakad palabas ng bahay.
Pagkalabas ko ng bahay ay agad siyang tumingin sa akin.
"Ah, pinapabigay ng mama mo," sabi niya at ibinigay sa akin ang isang supot na naglalaman ng iba't ibang gulay. Malunggay, kalabasa, talong at okra. Mukhang ipapaluto ni mama sa'kin ang mga ito.
Tumingin ako sa kanya. Mukhang wala siyang tulog. Nakarehistro ang pagod sa kanyang mukha at madilim ang bilog sa ilalim na kanyang mga mata. Medyo magulo rin ang kanyang buhok kaya lumapit ako at inayos ito.
Napaigtad siya sa aking ginawa kaya tinigil ko ito at tumalikod. Bakit ko ginawa iyon?
"Dito ka na lang muna. Tiyak kong pagod ka, kaya huwag ka nang mag-inarte at sumunod sa akin," sabi ko sa kanya at pumasok sa loob.
Nang hindi ko maramdaman ang kanyang presensya sa aking likod ay bumalik ako at nakita siyang nakatulala. Hinila ko ang kanyang kanang kamay papasok sa loob ng aming bahay.
"Upo ka muna, ilalagay ko lang itong mga gulay sa kusina," sabi ko sa kanya at dumeretso sa kusina.
Pagbalik ko'y nakapikit na ang kanyang mga mata at mabigat na ang kanyang paghinga.
Naglakad ako palapit sa kanya at umupo sa kanyang tabi. Inayos ko ang kanyang posisyon at tumayo upang kumuha ng kumot.
Napatakbo ako nang makitang gumalaw ang kanyang katawan at muntikang mahulog sa sahig.
Napapikit ako at napagdesisyonang dalhin siya sa aking kwarto. Hinawakan ko ang kanyang bewang at mga binti. Binuhat ko siya sa paraang nakikita ko sa telebisyon ang pagbuhat ng lalaki sa kanyang asawa.
Inihiga ko siya sa kama at kinumutan. Mahimbing na mahimbing ang kanyang tulog. Napagod nga talaga siya. Lumabas ako ng kwarto at pumunta sa kusina. Umupo ako sa isang maliit at gawa sa kahoy na upuang nandoon. Pinagpahinga ko muna ang sarili.
May kabigatan din pala ang babaeng iyon.
Ilang sandali ay nagsimula na ako sa pagluluto.
Alas singko y medya ng umaga
"Ahhhh! Nasaan ako?!" pinuntahan ko siya sa kwarto.
Sumandal ako sa may pintuan habang humahalukipkip.
Tumingin siya sa akin, pagkatapos ay napatingin sa kanyang sarili. Huminga siya ng maluwag.
"Bakit?" tanong ko sa kanya.
Namula ang kanyang pisngi.
"Ah... aalis na ako," sabi niya at tumayo.
Hindi ko pinalitan ang posisyon bagkus ay iniharang ko ang aking sarili upang hindi siya makadaan.
Napakurap siya at tumingala sa'kin. Tinaasan ko naman siya ng kilay.
"Ano ba," sabi niya sa maliit na tinig. Nakayuko na parang sumusuko.
Napatawa ako ng mahina.
Nanatili siyang nakayuko.
Hinawakan ko ang kanyang baba at iniharap sa akin ang kanyang magandang mukha. Tiningnan ko siya deretso sa kanyang mga mata. Sa aking ginawa ay naging mailap siya at tumingin sa iba't ibang direksyon.
"Uuwi na ako," sabi niya.
"Hmm"
Ilang saglit pa ay narinig ko ang pagbukas ng pinto.
"Anak! Tapos ka na bang magluto ng agahan?" medyo pasigaw na tanong ni mama.
Hindi ako lumingon.
"Opo!" pasigaw kong sagot.
Muli akong tumingin sa kanya.
Namimilog ang kanyang mga mata. Gulat, kaba at hiya ang napapaloob doon.
Napahawak siya sa aking balikat at tumingkayad. Nagulat ako sa kanyang ginawa. Napakalapit ng kanyang mukha sa akin at naaamoy ko ang kanyang natural na amoy. Mabango at nakakabighani.
Nakarinig ako ng mga yapak papunta sa aking kwarto. Humigpit ang hawak niya sa akin.
"Anak," tawag sa akin ni mama.
Bumitiw siya at akmang tatago sa likod ng pinto nang makita siya ni mama.
"Oh landellane! Nandito ka pala, halika at saluhan mo na kaming mag-agahan," walang malisyang sabi sa kanya ni mama.
Kinagat niya ang pang-ibabang labi at tumingin sa akin.
Pinigilan ko ang ngiting pilit na kumakawala sa aking labi.
Nauna nang umalis si mama at pumunta sa kusina.
"Halika na," pag-aaya ko sa kanya at tumalikod na.
Sumunod naman kaagad siya sa akin.
"Oh ba't nandito ang babaeng iyan?!" bungad ni ate nang makarating kami sa kusina.
Hay! Ang maldita kong ate.
Napayuko naman kaagad si Landellane.
"Purita, nasa harapan mo ang grasya. Bawasan mo na muna ang iyong pagkamaldita," suway sa kanya ni mama at binigyan ng ngiti si Landellane.
Pagkatapos kumain ay nagpaalam na siyang umuwi.
"Ah, hindi na po ako magtatagal. Maraming salamat po sa agahan," sabi niya kay mama, "sa'yo rin, salamat sa pagpapatuloy kanina," tumingin siya sa akin at ngumiti. Ginantihan ko ito at inihatid siya sa labas ng bahay.
Kumaway siya sa akin at tumalikod na.
Nang hindi ko na siya makita ay bumalik na ako sa loob.
Hindi niya pa pala alam ang aking pangalan.