"Anak, samahan mo ako kina Cleo. Darating ngayon ang kanyang pamangkin na si Margarita galing sa Cebu," masayang sabi sa akin ni mama.
Napakunot ang aking noo sa kanyang sinabi. Ano namang pakialam namin sa pagdating ng pamangkin ni ate Cleo?
"Si ate na lang muna ang isama mo ma, may pupuntahan pa kasi ako mamaya," sabi ko sa kanya.
"Ganoon ba anak, sige sumunod ka na lang doon," sabi niya.
"Purita! halika na!" pagtatawag niya kay ate.
Lumabas si ate sa kanyang kwarto at sumunod kay mama palabas ng bahay.
Kumuha ako ng pera sa aking pitaka at lumabas ng bahay upang bumili ng sabon.
"Tao po!"
"Anong bibilhin mo iho?" tanong sa akin ng matandang tindera.
"Pabili nga po ng sabon, iyong safeguard," sabi ko sa kanya at iniabot ang isang daan.
Tinanggap niya ito at ibinigay sa akin ang sabon pati na rin ang sukli.
"Huwag ka ngang malikot!"
Napatingin ako sa pinanggalingan ng boses at nakita ko ang isang babaeng kinukuhaan ng kuto at lisa. Si Landellane.
Pinigilan kong matawa sapagkat ayaw kong marinig niya kung paano ko pinagtatawanan ang pagkakaroon niya ng alaga sa buhok.
Napailing ako at naglakad pauwi.
Pagdating ko sa bahay ay inihanda ko ang mga kailangan sa pagligo.
Pumasok ako sa banyo at binuksan ang gripo.
Napamulagat ako sa aking nakita. Himala! Mukhang naayos na ang problema sa patubig. Napangiti ako ng malapad at hinubad ang saplot sa katawan.
Hinintay ko munang mapuno ang balde bago nagsimulang maligo.
Nasa kalagitnaan ako ng pagsasabon nang makarinig ng katok sa pinto.
Pinatay ko ang gripo. "Sino iyan?!" pasigaw kong tanong. Medyo malayo kasi ang banyo sa pinto ng bahay.
"Ah ako ito. Itatanong ko lang sana kung nandiyan ba si ate Virginia?" pasigaw rin niyang sabi.
"Umalis sila ni ate!" pinagpatuloy ko ang pagligo. Tapos ka na bang kunan ng kuto? Tanong ko sa kanya sa aking isip. Napangiti ako nang maalala ang eksena kanina malapit sa may tindahan.
"Ah ganoon ba, sige. Pakisabi na lang na dumaan ako," narinig ko ang mga yapak niya palayo.
Kinuha ko ang tuwalyang nakasabit at pinunasan ang aking basang katawan.
Pagkatapos kong magbihis ay nilabhan ko ang aking brief at inilagay ang aking damit at pantalon sa loob ng balde. Si mama na ang bahala doon. Humalakhak ako.
Alas diyes ng umaga
Napagdesisyonan kong lumabas ng bahay at sinundan sila mama kina ate Cleo.
Sa aking paglalakad ay nakita ko si Landellane malapit sa balon, naglalaba.
Pinagpatuloy ko ang paglalakad. Lingon ako nang lingon sa direksyon niya kaya hindi ko namalayan ang pagbangga ng kung anong bagay sa akin.
Hindi naman malakas ang nangyari kaya wala akong maramdamang sakit.
"Sorry," matigas niyang sabi. Sa tono ng kanyang pananalita ay natitiyak kong hindi siya taga-rito.
"Pasensiya ka na," paghingi ko ng tawad.
Tiningnan kong mabuti ang itsura ng babaeng nabangga.
Nakalugay ang kanyang matuwid at hanggang bewang na buhok. Napakakinis ng kanyang balat na kung iisipin mo'y sa isang haplos ay maaaring magkaroon ng kunting galos. Manipis ang kanyang labi na singpula ng mansanas. Ang kanyang mga kilay ay hindi gaanong makapal. May hindi kahabaang pilik mata at medyo matangos ang ilong. Ang kulay ng kanyang mga mata'y tumitingkad sa sinag ng araw. Napakagandang pagmasdan. Ang kanyang hugis-pusong mukha'y nakakahalina.
Isinukbit niya ang ilang hibla ng buhok sa kanyang tainga. Napangiwi ako, hindi ito ang tipo ko.
Ganoon na lamang ang pamimilog ng kanyang 'dati ng mabilog' na mga mata nang nilampasan ko siya.
Hindi pa rin pala nagbabago ang kababata kong si Margarita. Ibang iba talaga kay Landellane. Napangiti ako sa naisip. Ang babaeng iyon, sa unang tingin pa lang ay hindi mo talaga masasabing maganda ngunit kung titingnan mong mabuti may ikabubuga naman pala.
Dumeretso ako sa bahay nila ate Cleo. Doo'y nakita ko ang aking ina at nakatatandang kapatid.
"Ma, dumating na po siya," sabi ko kay mama nang makalapit ako sa kanila.
"Talaga? Naku! Tiyak kong napakaganda na nung batang iyon! Nagkita na ba kayo?" masiglang sabi ni mama na may pananabik at kasiyahan sa mga mata.
Ano bang nagustuhan niya sa babaeng iyon? Napailing na lamang ako.
Pagpasok niya sa loob ay agad siyang sinalubong ng napakaraming yakap mula sa mga kamag-anak, ninang, at kaibigan. Isa na roon sina ate at mama.
Nasa kalagitnaan sila ng pagyayakapan at pagkakamustahan nang tumunog ang aking teleponong selular mula sa bulsa ng aking maong na pantalon.
'Kamusta?'
Napakunot ang aking noo sa nabasang mensahe mula sa hindi nakarehistrong numero. Sino naman kaya ito?
'Sino 'to?'
Pagtatanong ko.
'Si Landellane'
Napailing ako. Tapos na kaya siyang maglaba?
"Anak! Halika nga rito! Hindi mo ba namimiss ang iyong kababata?" pagtatawag sa akin ni mama. Napasimangot ako at naglakad patungo sa kanilang kinaroroonan.
Napangiti naman si Margarita nang makita akong papalapit.
"Kamusta na bok?" pagtatanong niya sa akin nang makalapit ako. Ginamit niya pa talaga ang palayaw ko noong bata.
"Ayos lang," kaswal kong sabi sa kanya habang ang mga kamay ay nasa loob ng bulsa ng aking pantalon.
Tinampal niya ang aking kanang balikat. "Hindi ka pa rin nagbabago bok. Masungit pa rin," sabi niya at sinundan ito ng hagikhik.
Pilit akong tumawa.
"Landellane! Halika dito iha," tila naging katainga ko ang daga nang marinig ang pangalan niya.
Napalingon ako at nakita siyang dala ang isang baldeng naglalaman ng kanyang mga nilabhan. Inilapag niya ito sa lupa at lumapit kay mama.
"Dumaan ka ba sa amin?" tanong ni mama sa kaniya. Tila isang bombilya ang umilaw sa aking utak. Oo nga pala, pinapasabi niya kay mama ang ginawang pagdaan sa amin kanina.
"Ah opo, hindi po ba sinabi ng anak niyo iyon?" aniya at kinamot ang kanyang makapal na kilay.
"Ah, mama Virginia! Sino po siya?" tanong ni Margarita. Mama ang tawag niya sa aking ina dahil inaanak siya nito at iyon ang gusto ni mamang itawag ni Margarita sa kanya.
"Oo nga pala. Muntik ko nang makalimutan, iha siya si Landellane, kapitbahay namin at kaibigan ng anak ko," pagpapakilala niya sa babae, "Landellane, siya si Margarita ang maganda kong inaanak!" tuwang tuwa niyang sabi.
Ngumiti naman si Landellane, "Masaya akong makilala ka Margarita," at inilahad ang kanyang kamay.
"Ako rin Landellane," ngumiti naman pabalik si Margarita ngunit alam kong pilit iyon. Hindi naman kasi siya nakikipagkaibigan sa mga tulad ni Landellane. Mas gusto niya iyong mga taong kasing lebel niya ang katayuan sa buhay. Isa iyon sa mga hindi ko nagugustuhang katangian ng kababata.
Simple lang naman kasi si Landellane. Hindi mahilig maglagay ng kolorete sa mukha at hindi rin nagsusuot ng mga mamahaling damit. Malayong malayo sa mga naging kaibigan ni Margarita.
"Ma, sagutin ko lang ang tawag ng kalikasan," pagpapaalam ko at dumeretso sa banyo nina ate Cleo. Hindi ko na hinintay pa ang sagot ni mama dahil ihing ihi na talaga ako.
"Bok," narinig ko ang boses ni Margarita.
Nakalimutan ko palang i-lock ang pinto.
"Anong ginagawa mo margarita?!" pasigaw kong tanong sa kanya dahil sa gulat.
Pumasok kasi siya sa banyo na parang walang tao roon.
Pinilit kong bilisan ang pag-ihi dahil naririnig ko ang mga yapak niya palapit.
Nang matapos ay nagkukumahog akong itaas ang zipper ng aking pantalon ngunit huli na dahil hindi ko pa man naitataas ng mabuti ang aking zipper ay nasa gilid ko na siya.
Pinagpatuloy ko ang ginagawang pagtaas ng zipper at nang matapos ay tiningnan ko siya ng masama.
Binigyan niya lamang ako ng nakakalokong ngiti at inilapit ang katawan sa akin.
"Bakit bok? Nakita ko na naman ah," sabi niya sa akin at unti unting nilalapit ang mukha sa akin.
Sinundan ko ng tingin ang galaw ng kaniyang kamay. Akmang hahawakan niya ang aking p*********i nang hawakan ko ang kaniyang kamay ng mahigpit.
"Hindi ako pumapatol sa isang tulad mo," kalmado kong sabi saka siya binitawan at naglakad palabas ng banyo.
Nagulat ako nang makasalubong si Landellane. Tumingin ako sa kanyang nga mata at nakita ko ang namumuong luha sa gilid nito.
Pumikit ako ng mariin. May nakita ba siya?
Tumalikod siya sa akin at naglakad palayo, bitbit ang baldeng inilapag niya sa lupa kanina.
"Landellane!" tawag ko sa kanya.
Sa paglingon niya'y dumating si Margarita at nakita niya kung paanong niyakap ako nito mula sa likuran at binigyan ng matunog na halik sa pisngi.
Salamat sa haring araw at nakita ko ang pagkislap ng luhang tumulo sa kanyang kaliwang pisngi bago siya tumalikod.
Binaklas ko ang braso ni Margarita na nakapulupot sa aking katawan at kinuha ang panyo sa aking bulsa.
Pinunasan ko ang parte ng aking mukha kung saan niya ako hinalikan at sinundan si Landellane.
"Bok!" tawag sa akin ng kababata ngunit umakto akong hindi siya narinig.
Nakakabahala ang luha ni Landellane.