Iginiya ko si Landellane at Alejandro sa puwesto nina mama. Napakaraming tao sa bahay nina tiya Susan. Hindi na bago sa akin 'to sa tuwing may pista. Kadalasan sa mga bisita ay mga kamag-anak lang din namin.
Napatingin ako kay Landellane nang maramdaman kong humigpit ang kanyang kapit sa aking braso. Nahihiya na naman siguro ang babaeng ito. Hawak ko sa kaliwang kamay ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki.
Ramdam ko ang tingin ng mga tao sa amin ngunit ipinagsawalang bahala ko na lamang iyon at nagpatuloy sa paglalakad. Batid ko namang nagmumukha kaming isang pamilya--ako ang ama, si Landellane ang ina at si Alejandro naman ang anak. Balang araw siguro mangyayari ito sa amin.
Nakarating kami sa mesa nina mama. Agad ko silang pinaghugot ng silya pagkatapos ay umupo na rin ako sa tabi ni Landellane.
Iba't ibang putahe ang nasa mesa: lechong baboy, kaldereta, adobo, paklay, at humba. May kanin din at ensaladang makaroni.
Naghahalo ang mga amoy nun at talagang nakakatakam tingnan kaya nama'y hindi na ako nagpaligoy ligoy pa at nilantakan ang grasyang nakahain sa aming harapan.
Habang kumakain ay napatingin ako sa aking gilid, kay Landellane. Napatigil ako sa pagkain at inilapag ang kutsara. May dalawang mumo ng kanin sa gilid ng kanyang labi. Napangiti ako at kinuha ang panyo sa aking bulsa. Abalang abala siya sa pagkain, puno ng gana kaya hindi niya agad napansin ang pagpunas ko sa gilid ng kanyang labi. Saglit siyang napatigil sa pagsubo at tumingin sa akin. Tingin na nagtatanong ang ipinukol niya sa akin ngunit hindi ko iyon binigyan ng pansin at tinapos ang ginagawa. Bumalik ako sa pagkain na parang walang nangyari.
Pagkatapos naming kumain ay pumunta sila mama sa mga kamag-anak naming nagkakatuwaan sa pagkanta. Isinama niya rin si Alejandro kaya kaming dalawa na lamang ni Landellane ang naiwan sa mesa. Inilagay ko sa kanyang harapan ang isang basong gawa sa plastik na naglalaman ng ensaladang makaroni. Tiningnan niya iyon, tila nagdadalawang isip na tikman ang panghimagas.
"Ayaw mo ba?" tanong ko sa kanya. Napakurap naman siya at tumingin sa akin saglit saka ibinalik ang tingin sa ensalada.
"Naaalala ko lang kasi iyong tainga ni Shrek," sabi niya na may pagkailang sa mukha. Medyo kunot ang noo na kinuha ang kutsara. Napatawa ako sa kanyang sinabi, nanonood pala siya ng ganoong klaseng palabas. Kung hindi ako nagkakamali, iyon ang karakter na may berdeng katawan. Medyo kahugis nga naman ng makaroni ang tainga nun. Hindi ko lang talaga akalaing iyon ang naiisip niya sa oras na ito.
Ilang segundo ang lumipas at nangangalahati na ako sa aking kinakain ngunit hindi niya pa rin nagagalaw ang ensalada. Ang kanyang kanang kamay ay nakahawak pa rin sa kutsara. Napabuntong hininga ako at iniumang sa kanya ang kutsarang gamit. "Nganga," sabi ko at sumunod naman kaagad siya.
Kung maloko lang talaga ako'y sasabihin ko sa kanyang hinihintay niya lang palang subuan ko siya.
"Masarap?" tanong ko na may ngiti sa mga labi. Ipinakita niya sa akin ang apat na daliring nakakuyom, nakalabas ang hinlalaki. Isang simbolo ng pagsang-ayon. Thumbs up ang tawag sa ingles. Habang ngumunguya ay kitang kita ko ang pag-aalinlangan sa kanyang mga mata. Nagdadalawang isip na lunukin ang kinakain. Siguro iniisip niya na naman ang Shrek na iyon.
Upang masigurong lulunukin niya ito ay inilapit ko ang mukha sa kanya. "Lunukin mo," taas baba ang kilay kong sabi. Napalunok siya nang wala sa oras habang namimilog ang mga mata. Napangiti ako, inilayo ang mukha at ipinagpatuloy ang pagkain.
"Ubusin mo iyan kundi hahalikan kita," sabi ko sa kanya at inubos ang natitirang ensalada sa baso ko. Pula ang pisnging sumubo siya at deretsong nilunok iyon. Hindi man lang ngumuya? Takot mahalikan ah.
Pagkatapos kumain ay napagdesisyonan naming sumama kina ate sa kapilya sa sentro. Habang naglalakad papunta roon ay naririnig namin ang malakas na tunog ng masiglang musika. Mukhang malapit nang magsimula ang sayawan at disko. Binilisan namin ang paglalakad hanggang sa makarating kami sa paroroonan.
"Ale, magkano po ang kandila?" tanong ni Landellane sa matandang may bitbit na isang supot ng kandila sa gilid ng kapilya.
"Dos ang isa ineng," sagot naman ng ale.
"Ganoon po ba? Bale labinlima po sa akin," sabi ni Landellane at iniabot ang singkwenta pesos. Kinuha naman ito ng matanda at ibinigay sa kanya ang kandila kasama ang sukling bente pesos. Bumili rin sina ate at sabay kaming nagsindi ng kandila.
Pumasok kami sa kapilya upang mag-alay ng dasal sa patrong naroroon. Pasasalamat, panghihingi ng gabay at maayos na kalusugan, masayang pamilya, at payapang buhay. Ilan sa mga bagay na ipinagdarasal ko.
Hindi muna kami umuwi at tumambay sa harap ng tindahang nasa gilid ng court.
Tumingin ako sa loob. Malapit na palang matapos magset up ng mga ilaw at speaker ang mga taong naroroon. Kinuha ko ang teleponong selular sa aking bulsa upang tingnan ang oras. Alas sais y medya na pala. Napatingala ako, may buwan na at iilan pa lamang ang bituin sa langit. Mukhang maganda ang klima sa gabing ito. Napangiti ako, wala naman sigurong masama kung yayayain ko siyang sumayaw ngayon. Kahit saglit lang.
Ibinalik ko ang kasangkapang ginagamit sa komunikasyon sa bulsa at tumingin sa gawi ni Landellane. "Ayos ka lang?" tanong ko at umupo sa tabi niya. Tiningnan niya ako at ngumiti. "Oo naman, ikaw ba?" aniya.
"Ayos na ayos," sabi ko nang may malapad na ngiti sa labi.
Ipinalibot ko ang aking paningin sa paligid. Medyo dumadami na ang mga tao. Ang iba'y nag-iiinuman, nagtatawanan. Meron namang naglalakad lakad lang. Kumakain, nanonood sa sabongan.
"Gusto mo bang sumayaw?" Tanong ko sa kanya.
Tumingin siya sa akin, may bahid ng gulat at pag-aalinlangan sa mga mata.
"S-sige, pero libre mo ah," sabi niya na ikinatawa ko. Mahilig pala sa libre ang babaeng ito.
Pumunta kami sa entrada ng court kung saan gaganapin ang disko.
Binasa ko ang sulat sa kartong nasa harap.
Trenta pesos (bata)
Singkwenta pesos (matanda)
"Dalawa nga," sabi ko sa nagbabantay doon at ibinigay ang isang daan.
Tinatakan nila ang aming pulsuhan. Palatandaan na nakabayad kami. Nagsisilbing simbolo na pwede kaming maglabas pasok sa diskohan.
Pumasok na kami sa loob.
Ilang minuto ang lumipas ay nakita ko sina ate at iba naming pinsan na pumasok.
Habang tumatagal ay dumadami ang mga taong pumapasok.
Kaunting galaw lamang ang ginagawa naming dalawa. Minsan ay pumapalakpak lang at gumagalaw kaliwa-kanan.
Nasa kalagitnaan kami ng pagsasaya at pagtatawanan nang makarinig ng isang malakas na putok.
Natigil ang pagtugtog ng musika at ang mga tao'y nagsisigaw at nag-uunahan sa paglabas.
Tiningnan ko si Landellane at hinawakan ang kanyang kamay. Hinila ko siya, nakipagsiksikan sa ibang tao palabas.
"Dito ka lang, babalikan ko muna sina ate," bilin ko sa kanya at iniwan siya sa gilid ng tindahan, hindi kalayuan sa entrada ng diskohan.
Natagpuan ko sina ate sa labas lang ng diskohan. Nakalabas na pala sila.
Binalikan ko si Landellane at hinawakan ang kanyang kamay saka naglakad pabalik kina ate.
"Bumalik na lang tayo kina tiyo ate, hindi na ligtas dito," sabi ko sa nakatatandang kapatid habang hawak pa rin ang kamay ni Landellane.
Sumang-ayon naman si ate at mga pinsan namin sa aking sinabi kaya naglakad na kami pauwi.
Habang naglalakad ay pansin ko ang pagiging tahimik ni Landellane. Hindi na siya nagsalita pa matapos ang pangyayari. Hinigpitan ko ang paghawak sa kanyang kamay. Hindi ko naman siya masisisi.
Nakita rin kasi namin ang pinanggalingan ng putok.
Mula iyon sa isang lalaking lasing. Isa sa mga nag-iinuman sa labas ng diskohan. May dala pala itong baril at bigla na lamang nagpaputok. Sabi ng iba'y nagkainitan daw.
Napailing ako, iba talaga ang epekto ng alak sa isipan ng tao.
Malapit na kami sa bahay nina tiyo nang marinig ang tunog ng pagsiren sa sasakyan ng pulis. Mukhang may nagsumbong tungkol sa nangyari kanina. Mabuti na rin iyon para makaiwas sa kapahamakan.
"Ayos ka lang?" Tanong ko sa kanya nang makarating kami sa bahay nina tiyo.
Tumingin siya sa akin. Ang mga mata'y may munting luha.
"Pasensiya ka na," sabi ko at hinila siya palapit sa akin.
Niyakap ko siya at isinandal ang kanyang ulo sa aking dibdib habang hinahaplos haplos ang kanyang likod.
"Tahan na, tahan na, hindi na mauulit," pag-aalo ko sa kanya.
Dinig na dinig ko ang kanyang mahinang paghikbi. Natakot nga talaga siya.
"Anong nangyari kay ate?"
Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses at nakita ko si Alejandro na nakatayo sa aking likuran.
"Saka ko na ipapaliwanag," sabi ko sa kanya.
Kumawala naman si Landellane sa aking yakap at pinunasan ang pisngi bago humarap sa kapatid.
"Halika na Ale, uuwi na tayo," sabi niya na hindi man lang tumingin sa akin.
Akmang hahawakan ko ang kanyang kamay nang umiwas siya.
"Sige na, uuwi na muna kami. Magkita na lang tayo bukas. Hindi ako galit kung iyan ang iniisip mo, gusto ko lang magpahinga," sabi niya, ngayo'y nakaharap na sa akin.
"Naiintindihan ko. Pwede ko ba kayong ihatid?" Hingi ko ng permiso sa kanya.
"Ah huwag na kaya na namin 'to. Salamat pala, bukas na lang ulit," sabi niya at pinakita sa akin ang kanyang magandang ngiti.
Tumango tango ako at tinanaw ang kanilang paglisan.
Napabuntong hininga ako at pumasok sa kabahayan nina tiyo.
Umupo ako sa sofa at ipinikit ang mga mata.
Patawad Mahal.