Kabanata 10

1895 Words
Malakas ang ulan at nababasa na kaming dalawa ni Landellane. Patuloy na tumatakbo. Hinablot ko ang kanyang braso at pinihit paharap sa akin. Galit ko siyang tiningnan. Ang tigas talaga ng ulo! Galit niya rin akong tiningnan. Ngunit ilang saglit lang ay lumabot ang kanyang ekspresyon at napayuko. Nakita niya sigurong mas higit ang galit na nararamdaman ko ngayon. Taas baba ang aking dibdib habang dumadaloy ang tubig-ulan sa aking mukha. Galit ako kasi sabi niya sa akin magkikita kami ngunit nang pumunta ako sa bahay nila ay pilit niya akong binalewala. Iniiwasan niya ako at hindi ko nagustuhan iyon. Alam ko namang ako ang nagyaya pero hindi naman ako ang nagpaputok ng baril. Iniangat ko ang kanyang mukha at inilapit sa akin. Ang mga kamay niya ay nakahawak sa aking braso. Paunti unti, hanggang sa maglapat ang aming mga labi. Nakapikit ang aking mga mata, ninanamnam ang tamis ng kanyang labi. Ang t***k ng aming mga puso'y tila nag-uusap, nagkasundo, pumipintig pintig dahil kaharap ang kapareha. Humigpit ang paghawak ko sa kanyang bewang, ang mga kamay niya nama'y tila nanghina. Ramdam ko ang panginginig no'n. Wala nang mas mainit pa sa tagpong ito. Ang malamig na simoy ng hangin at ang pagkabasa namin sa ulan ay nabalewala na lamang. Hinding hindi ko ito makakalimutan. Ang unang halik naming dalawa sa ilalim ng puno ng mangga ni aleng carmen. Tinigil ko ang halik at lumayo ng kaunti sa kanya bago pa kami mawalan ng hininga, bago pa kami makagawa ng bagay na para sa mga mag-asawa lamang. Para akong gasolina at siya nama'y apoy. Nagliliyab ang aking damdamin sa tuwing nagkakadikit ang aming mga balat. Gustuhin ko man ay hindi maaari. Sa biyahe ng pag-ibig, tiyak kong siya ang sasakyan at ako ang tsuper na magmamaneho upang makarating kami sa langit, ngunit hindi pa maaari dahil hindi pa ngayon ang tamang panahon. Napakurap siya at hinawakan ang kanyang labi habang nakatingin sa akin. Ilang saglit ay yumuko siya at inilagay ang dalawang kamay sa kanyang likuran. "Ano, ah," nahihiya at naiilang niyang sabi. Ang mga mata'y umiiwas nang mapatingin sa akin. Tumalikod ako sa kanya, "sabihin mo ang gusto mong sabihin," sabi ko. Ilang segundo siyang natahimik bago nagsalita. "Ah kasi, bakit mo ginawa iyon? Hindi ko pa nga alam ang pangalan mo at hindi naman kita kasintahan upang gawin mo iyon," sabi niya. Hindi ko alam kung papaano ko sasagutin ang kanyang tanong. Ayaw kong magsinungaling ngunit wala talaga akong maisip ba dahilan, kusa ko na lang naramdaman ang kagustuhang halikan siya. Siguro dahil sa nag-aalab kong damdamin kanina, sa galit o baka may iba pa. Ginusto ko ring parusahan siya ngunit hindi sa ganoong paraan. Kung ano man iyon, hindi naman ako nakaramdam ng pagsisisi sa aking ginawa. "Hindi ka ba magsasalita?" Tanong niya. Nanatili akong tahimik at walang kibo. Sa totoo lang, ayokong pangunahan ang sarili kong damdamin. Hangga't hindi pa ako nakakasigurado, mananahimik na muna ako. Mahirap na, baka masaktan ko lang siya kapag nagpadalos dalos ako. "Aalis na lang ako," sabi niya pagkalipas ng ilang minuto. Napabuntong hininga ako at kinuha ang tuyong dyaket na nakasampay sa loob ng maliit na kubo malapit sa bahay ni aleng carmen. Ipinatong ko ito sa kanyang balikat at tumalikod ulit sa kanya. Naramdaman at narinig ko ang mga yapak niya paalis. Unti-unti nang tumitila ang ulan. Patawad Landellane, hindi pa ako handa, nalilito pa rin ako. Naiwan akong tulala roon, basang basa ang damit. Isang oras ang lumipas, wala nang ulan, napagdesisyonan kong umuwi sa bahay. "Anak, saan ka galing? Basang basa ka ah, maligo ka na roon baka magkasakit ka pa,"sabi ni nanay na hindi ko pinag-aksayahan ng oras na sagutin. Agad akong kumuha ng pamalit at pumasok sa banyo upang maligo. Ilang beses akong napabuntong hininga bago nagpasyang puntahan siya sa kanilang bahay. Bahala na, sasabihin ko sa kanya ang mga bagay na matagal ko nang kinikimkim. Kung kanina'y tila nalilito pa ako, ngayo'y nakakatiyak na ako sa kung ano talaga ang gusto ko. Pinag-isipan ko na itong mabuti. Medyo nabigla lang ako sa kanyang mga sinabi at tinanong kanina kaya nalito ako ng kaunti. "Anak, saan ka pupunta?" Tanong ni mama nang makita ako sa may pintuan. "Kina Landellane po," sabi ko at deretsong lumabas ng bahay, hindi na hinintay pa ang kanyang sagot. Malalaki at mabibilis na hakbang ang aking ginawa papunta sa kanila hanggang sa marating ko ang kanilang tirahan. Nakita ko si ate Lucia sa terasa, nakaupo sa kutsong upuan at may hawak na dyaryo. "Magandang tanghali po, nandiyan po ba si Landellane?" Nagbabakasakali kong tanong. Ibinaba niya ang dyaryo at tumingin sa akin. "Ikaw pala iho, nandoon siya sa likod ng bahay nagpapakain sa mga kambing," sabi nito at ibinalik ang tingin sa dyaryo. "Sige salamat po," sabi ko at naglakad papunta sa likod ng kanilang bahay. Nakita ko siya roon, nakatayo sa harapan ng kubo na pinaglagyan ng mga alaga nilang kambing. Lumingon siya sa aking direksyon. "Anong ginagawa mo dito?" Sabi niya at tuluyang humarap sa akin. Naglakad ako palapit sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay. Pilit niyang inaalis ang kamay kong nakahawak sa kanya. Nang hindi ako nagpatinag ay kumuha siya ng kahoy na nasa lalagyan ng pagkain ng mga kambing. Tira yata iyon ng mga hayop. Agad niya itong ipinalo sa akin kaya hindi ko mapigilang mapapikit sa sakit at pilit na binitawan ang kanyang kamay. Napatingin ako sa aking kamay, nagmarka doon ang katawan ng kahoy, umabot pa ng kaunti sa aking braso. Medyo malakas kasi ang pagkapalo niya sa akin. Agad niyang binitawan ang kahoy at hinawakan ang parte ng aking katawan na kanyang sinaktan. Pilit ko itong binabawi sa kanya ngunit hinigpitan niya ang paghawak doon na siyang ikinapikit pa lalo ng aking mga mata at paglunok ko ng ilang beses. "Huwag mong babawiin kundi makakatikim ka ulit sa akin," sabi niya na may kaunting pagbabanta. "Makakatikim ulit sa kanya? Matitikman ko ulit ang matamis niyang labi?" Bulong ko. "Armaddios!" Napatalon ako ng kaunti dahil sa gulat. Gulat na gulat ako sapagkat isinigaw niya ng malakas ang aking pangalan. Nang makabawi ay tumingin ako sa kanyang mga mata. "Sabi mo hindi mo alam ang aking pangalan," nanunumbat at nagtatampo kong sabi. Nagsinungaling ba siya sa akin kanina? Taas baba ang kanyang dibdib, tila pinapakalma ang sarili. Ganoon ba siya kainis sa akin? "Tinanong ko sa mama mo, dumaan ako sa inyo kanina," sabi niya. Napatango ako ng ilang beses. "Bakit?" Tanong ko nang makita ang mabangis niyang mga mata. Tiningnan niya ako ng masama at hindi ko alam ang dahilan sa ginawa niyang iyon. Ano na naman ba ang ginawa ko? "Ang dumi ng utak mo!" Sigaw niya ulit sa akin. Napakunot ang noo ko sa kanyang isinigaw. Tiningnan ko siya nang nagtataka. "Hinding hindi mo na ako mahahalikan ulit!" Sigaw na naman niya. Hindi ba siya napapagod sumigaw? Iyon naman pala ang pinuputok ng butsi niya. Nasabi ko ba iyon ng malakas? Bulong lang naman iyon, ah. Napatawa ako. Hinampas niya naman ang parte na pinalo niya kanina. Napaigik ako ng maramdaman ang paghapdi noon. "Ano ba! Umalis ka na nga dito!" Lagi na lang sumisigaw. Halikan ko kaya ulit ito nang humina naman boses nito. Masakit sa tainga eh. "Bakit ko naman gagawin iyon? Masakit pa nga iyong paa ko kasi naglakad lang ako papunta dito tapos papauwiin mo lang ng ganoon-ganoon? Hindi naman ako makakapayag na masayang lang ang ginawa kong paglalalad papunta dito, pinalo mo pa ako ng malakas. Anong sasabihin ko kay mama kapag nakita niya ito?" Derederetsong sabi ko at inilahad ang braso't kamay ko, nagpapaawa. Napabuntong hininga siya, "ano ba kasing ginagawa mo dito?" Mahinahon niyang tanong. "May gusto lang sana akong sabihin sa'yo," sabi ko. "Ano naman iyon?" Tanong niya at umupo sa malaking bato na nasa gilid ng lalagyan ng pagkain ng mga kambing. Magana itong kumakain, hindi alintana ang presensya naming dalawa. Lumapit ako sa kanya at tumayo sa kanyang harapan. Napatingala naman siya sa akin. "Kanina tinanong mo ako kung bakit ko ginawa iyon, diba? Narito ako upang sagutin iyon," sabi ko habang nakatingin sa kanyang mga mata. "Seryoso? Adios, kalimutan na natin iyon, sana kanina mo na lang ako sinagot. Nawala na iyon sa isip ko eh, pinaalala mo pa," sabi niya sa akin. Nawala sa isip? Parang may kung anong apoy ang pumasok sa aking puso, inaalab ang galit na aking tinatago. Hindi maaaring makalimutan niya iyon, ako nga ay halos kada minutong iniisip iyon tapos siya, parang wala lang? Hindi ako makakapayag! "Narito ako para magpaliwanag kaya sana'y pakinggan mo ang aking sasabihin," sabi ko at huminga ng malalim. "Hindi ko alam kung saan magsisimula. Ang alam ko lang ay napakatamis talaga ng mga labi mo, hindi ako magsasawang halikan ka ng paulit ulit," akmang magsasalita siya ngunit tinakpan ko ang kanyang bibig gamit ang aking kamay. Tiningnan na lamang niya ako ng masama, "alam kong hindi tama dahil wala naman tayong relasyon ngunit Landellane, hindi ko na kaya pang itago itong nararamdaman ko para sa iyo. Pagod na akong kimkimin ito. Sa tuwing nagkikita tayo at nagkakausap ay sobrang gaan ng aking pakiramdam, para bang ang saya-saya ko kapag ikaw ang kasama. Napapangiti mo ako kahit sa paghawi mo lang ng iyong buhok, sa pagkunot ng iyong noo, sa pagyuko mo na tila nahihiya, sa pagpula ng iyong pisngi, kahit maliliit na bagay lamang iyon ay nagbibigay sa akin ng kakaibang saya. Noong ako'y iniwasan mo ay sobrang bigat naman ng aking pakiramdam. Sa wari ko'y sobrang lungkot ang aking nadarama na kung hindi lang kita nakita ay parang mababaliw na ako kakaisip sa'yo, kung paano kita susuyuin, kung paano mo ako mapapatawad, kung paanong maibabalik ko ang tiwala mo sa akin, kung paanong minahal kita ng ganito ay hindi ko alam," umawang ang kanyang mga labi, "akala ko simpleng pagkagusto lamang iyon, ngunit sa bawat araw na nakakasama kita'y unti-unti itong lumalalim hanggang sa ito na nga, mahal na kita, kaya nahalikan kita dahil masyado nang malakas ang epekto mo sa akin na sa pag-iwas mo sa akin pagkatapos ng pista ay ikinagalit ko ng husto, pero kung hindi mo nagustuhan ang aking ginawa ay hindi ko na uulitin pa," tumayo siya. "Iyon lang ba ang pinunta mo Armaddios?" Napalunok ako sa kanyang tanong at napatango na lamang. "Oo, sige aalis na ako," sabi ko at tumalikod na. "Ganoon lang? Bwisit ka rin noh?!" Sabay hila sa aking braso paharap sa kanya. Napakurap ako sa kanyang ginawa at nanlaki ang mga mata nang maramdaman ang kanyang labi na nakalapat sa akin. Nang mahimasmasan ay dahan-dahan akong humawak sa kanyang beywang at hinapit siya palapit sa akin saka pinalalim pa ang halik na sinimulan niya. Nabalot ng init at saya ang aking puso. Dahan dahang naghiwalay ang aming mga labi, ang mga noo'y nagkadikit. "Kahit maikli lamang ang panahong nagkasama tayo ay natutunan kitang mahalin Armaddios," masuyo niyang bulong, ang mga mata'y nakapikit. Nasa ganoon kaming posisyon nang umiyak ang mga kambing. Sabay kaming napatingin dito, ubos na pala ang kanilang pagkain. Pareho kaming natawa. Napahinga ako ng malalim, tila nabunutan ng tinik ang aking dibdib at guminhawa ang aking pakiramdam. Saksi ang mga kambing sa pagpalitan namin ng aming mga damdamin. Hindi ko malilimutan ang araw na ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD