Malalaki at mabibilis na hakbang ang aking ginawa habang naglalakad papunta kina Landellane. Sa aking kanang kamay ay naroon ang isang bungkos ng puting rosas. Napangiti ako habang tinitingnan iyon. Sana'y magustuhan niya ito.
Lalo pang lumapad ang ngiti sa aking labi nang matanaw ang kanilang bahay sa di-kalayuan. Malapit na ako, Mahal.
Ilang minuto ang lumipas at nakarating ako sa harap ng pinto. Huminga ako at kumatok.
Kumunot ang aking noo nang hindi iyon bumukas. Nasaan kaya sila?
Kumatok ako ulit ngunit wala talagang nagbubukas ng pinto. Sinubukan kong pihitin ang sedura at hindi ko mapigilan ang pagtataka nang bumukas ito.
Tumingin ako sa loob ng kanilang bahay. Ang mga upuang nandoon ay wala na, pati ang aparador.
Humigpit ang hawak ko sa bulaklak at pumunta sa kusina.
Tila isang kabebe na walang laman ang kanilang bahay. Halos lahat ng bahagi ay puro dingding na kulay abo ang nakikita ko.
Nagdikit ang aking labi at mariin kong pinikit ang mga mata.
Hindi magagawa ni Landellane sa akin ito. Sabi niya mahal niya rin ako, nasaan siya kung ganoon?
Dumilat ako at naglakad palabas ng bahay.
Bitbit ang bulaklak ay tumakbo ako ng mabilis.
Baka maabutan ko pa sila.
Tumakbo ako nang tumakbo hanggang sa marating ko ang kalsada.
Hindi pa rin ako tumigil sa pagtakbo kahit na nakaramdam ako ng pagod.
Kakasabi ko pa lang na mahal ko siya tapos ito agad ang mangyayari. Hindi ako papayag, Landellane!
Ilang minuto na akong tumatakbo ngunit sige pa rin ako nang sige. Hindi ako pwedeng tumigil. Kapag ginawa ko iyon ay hindi ko na siya maaabutan. Hindi ko na siya makikita.
"Landellane!" Sigaw ko, patuloy pa ring tumatakbo.
Takbo ako nang takbo hanggang sa marating ko ang sakayan sa lugar namin.
Tama nga ang hinala ko. Nandito siya, sila ng kapatid, pinsan at ina niya. Saan ba sila pupunta?
Mabilis akong lumapit sa kinaroroonan nila. Lumingon sa direksyon ko si ate Lucia. Nanlaki naman ang mata niya nang makita ako at kinalabit si Landellane.
Hingal na hingal ako dahil sa pagtakbo ngunit patuloy pa rin ako sa paglalakad ng mabilis patungo sa kanya. Sa Mahal ko.
Lumingon si Landellane sa akin. Nasa mukha ang pagkabigla, pag-aalala, at pangamba.
Nang makalapit ako'y huminto ako sa kanyang harapan at hinawakan ang magkabila niyang braso.
"Saan kayo pupunta?" Tanong ko sa kanya.
Nakita ko ang paglunok niya bago nagsalita. "Sa Danau, doon na kami titira," sabi niya habang sinasalubong ng tingin ang aking mga mata.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin? Bakit hindi ka man lang nagpaalam? Alam mo ba na halos mabaliw ako kakahanap sa'yo sa loob ng bahay niyo? Landellane! Halos nabaliw ako, pumunta ako sa bahay niyo, umaasang makikita kita roon," sabi ko sa kanya. Hindi ko napigilan ang pagtaas ng boses.
"Pasensiya ka na," sabi ko.
Hindi naman siya nagsalita.
"Tara na Landellane," sabi ni ate Lucia.
Tumingin siya sa ina.
"Opo nay, kakausapin ko lang po siya saglit," sabi niya at hinila ako patungo sa isang sulok.
Tiningnan ko ang gutay-gutay na bulaklak. Laglag ang ilang talulot at nalanta namang ang iba.
Napabuntong hininga ako.
Huminto siya at humarap sa akin.
"Pasensiya na at hindi kita nasabihan, biglaan kasi ang naging desisyon nina mama at papa," sabi niya.
"Ibig sabihin hindi na kita makikita pa?" Tanong ko.
Napatango siya saka yumuko.
"Mamimiss kita Armaddios," bulong niya.
Iniangat ko ang kanyang mukha.
"Mamimiss din kita," sabi ko sa kanya. Susundan kita Landellane.
"Maaari ko bang tikman ang matamis mong labi?" Paghihingi ng pahintulot ko sa kanya.
Isang mahinang tango ang kanyang sinagot na ikinangiti ko.
Nilapit ko ang aking mukha sa kanya at inilapat ang aking labi sa kanya.
Pinili kong huwag igalaw ang labi at pinikit ang mga mata. Alam ko sa pagdilat ko, matagal na panahon bago makita ko siyang muli.
Kumalas ako pagkatapos ng ilang minuto. Sa simpleng paglalapat lamang ng aming labi ay kung anong saya ang aking nadarama. Sana'y mahintay mo ako Mahal.
"Bulaklak ba iyan?" Tanong niya habang nakatingin sa bagay na hawak ng aking kamay.
"Oo, para sa iyo sana, ngunit sira na. Tumakbo kasi ako papunta rito at nahigpitan ko ang paghawak, matatanggap mo pa rin ba ito?" sabi ko.
"Tumakbo ka?" Bilog ang mga mata niyang tanong.
Tumango ako.
Hinampas niya naman ang aking braso.
"Pwede ka namang sumakay ah," sabi niya.
"Hindi ko na naisip iyon," sabi ko sa kanya at inilahad ang sira nang bulaklak.
Napangiti siya, "sirang bulaklak din ang binigay mo sa akin noon," sabi niya.
Napangiti ako sa kanyang sinabi. Naalala ko ang pangyayaring iyon. Ang rosas na may tatlong talulot.
"Landellane, aalis na tayo!" Sigaw ni ate Lucia.
Pinakawalan ko ang isang buntong hininga.
"Aalis na ako Armaddios," mahinang sabi niya sa akin. Ang gilid ng mga mata'y may luhang nagbabadyang tumulo.
Hinawakan ko ang kanyang magkabilang pisngi.
"Mahal na mahal kita," sabi ko habang nakatingin sa kanyang mga mata.
"Mahal na mahal din kita Armaddios," sabi niya sa akin, sinalubong ang aking tingin.
"Mag-iingat ka, kayo," sabi ko at pinatakan ng isang masuyong halik ang kanyang noo.
Tumatango tango siya ng mahina, ang luha'y tuluyan nang umagos pababa sa kanyang bilugang pisngi. Pinunasan ko ito gamit ang aking hinlalaki.
"Landellane!"
Binaba ko ang aking kamay at hinawakan siya saka giniya pabalik sa kanyang ina at kapatid.
"Mag-iingat ho kayo doon ate Lucia," sabi ko sa ginang.
Ngumiti naman siya sa akin.
"Salamat iho, kayo rin," sabi niya at sumakay na sa bus.
"Ang mga gamit niyo ho?" Sabi ko nang makitang kaunti lamang ang kanilang dala.
"Pinakarga na namin iho, tiyak kong nakarating na ang mga iyon sa bago naming bahay," sabi niya.
Napabuntong hininga ulit ako.
"Sige po," sabi ko at tumingin kay Landellane na nasa tabi ng kanyang ina.
Ngumiti ako sa kanya.
"Bibisita ako roon," sabi ko.
Ngumiti naman siya.
Umandar na ang bus. Kumaway siya sa akin na ginantihan ko kaagad.
Humarurot na ito paalis sa aking harapan. Sinundan ko ng tingin ito hanggang sa unti-unti na itong lumiliit sa aking paningin at tuluyang hindi ko na maaninag, makita.
"Sasakay ka ba iho?" Tanong sa akin ng isang tsuper na nagpabalik sa akin sa realidad.
Ilang minuto na pala akong nakatayo doon at tulala.
"Hindi po," sabi ko at nagsimula nang maglakad pauwi.
Hindi naman pala sayang ang ginawa kong pagtakbo. Nagawa ko pa ring magpaalam sa kanya.
Nang makarating sa bahay ay binagsak ko ang katawan sa kama at pinikit ang mga mata. Iniisip ang mga gagawin sa mga susunod na araw na wala siya. Minsan ko na ring narinig ang lugar na iyon kay mama. Sabi niya mahigit sampung oras daw ang biyahe papunta roon.
Hindi bale na, magkikita rin tayong muli Mahal ko.
Sa ilang oras na lumipas ay siya lamang ang tanging laman ng aking isip hanggang sa ako'y nahulog sa malalim na pagtulog na hindi man lang nakapagpalit ng damit.