Pacala
Ang lalaking iyon, makaluma at makabago.
Unang kita ko pa lang sa kanya ay nakuha na niya ang aking atensyon at interes, kaya nama'y tinanong ko ang kanyang pangalan.
Sa unang tingin ay hindi ko talaga nasabing gwapo siya. May itsura naman pero hindi talaga iyong gwapo as in napakagwapo na kapag titingnan mo'y kikiligin ka na. Simple at malinis siyang tingnan na kapag titingnan mong mabuti'y mapapatanong ka na lang kung 'may nobya na ba ito?'
Noong una nainis talaga ako kasi sinagot niya lang ako ng adios. 'Di ba pag sinabihan ka ng ganoon, ibig sabihin nagpapaalam iyong tao sa'yo? Naglakad pa siya palayo at tinalikuran ako pagkatapos noon kaya naman akala ko ang bastos-bastos niya!
Hindi ko naman kasi alam na palayaw niya pala iyon. Adios, galing sa Armaddios.
Napabuntong hininga ako nang matanaw ang isang hindi kalakihang bahay.
Berde ang kulay ng bubong. Puti naman ang dingding. Hindi na masama.
Naglakad na kami palapit doon. Kasama ko sina mama, alejandro at lisle.
Napabuntong hininga ulit ako. Kakarating pa lang namin pero gusto ko na ulit bumalik sa lugar na iyon.
Kung nasaan si Adios. Namimiss ko na siya.
"Landellane, halika na anak," pagtatawag sa akin ni mama. Napatingin naman ako sa kanila.
"Nasaan sina lisle at alejandro?" Tanong ko kay mama at naglakad palapit dito.
"Nasa loob na," sagot niya sa akin.
Iniwan ako?
Sumunod ako kay mama papasok sa loob ng bahay. May mga paintings na nakasabit sa dingding. Naroon na rin ang aparador namin, lahat. Ibang iba talaga sa bahay namin noon.
Masasanay din ako.
Nilapag ko na ang dalang backpack. Medyo may kabigatan iyon, mga damit kasi ang laman at talagang punong puno.
Hinilot ko naman ng maigi ang balikat.
"Anak, ito iyong kwarto mo ha, kasama mo si lisle. May double-deck naman," sabi ni mama at binuksan ang kulay asul na pintuan.
Wala namang kaso sa aking may kasama sa kwarto basta hindi lang siya maingay, ayos ako roon. Buti may double-deck, hindi kasi ako sanay may katabi.
"Sa ibabaw ako, ah," sabi ko at tumayo saka naglakad papasok sa kwarto dala ang backpack na nilapag ko kanina sa sahig.
Pagkapasok ko'y nakita ko ang dalawang kabinet. Katamtaman lang ang laki noon, sapat na para sa mga damit namin. Saka may maliit na mesa sa gilid ng higaan. May kurtina na rin ang bintana at may mga paintings ding nakasabit sa dingding. Napakasimple, napakaganda.
Kinuha ko ang backpack at bikusan ito. Maingat kong nilagay ang mga damit sa loob ng kabinet.
Pagkatapos ayusin ang mga gamit sa loob ng kwarto ay lumabas ako at hinanap sina mama.
"Kumain ka na anak," sabi ni mama nang makita ako. Nasa terasa pala siya kasama si Lisle at Alejandro.
"Kumain na po kayo?" Tanong ko.
Isang tango lang ang sinagot niya sa akin at binalik ang atensyon sa kausap niyang nasa telepono.
Pumunta ako sa kusina at binuksan ang maliit na kaldero. Sumandok ako ng kanin at ulam na kaldereta saka umupo sa upuan at nilagay ang platong may pagkain sa ibabaw ng mesa. Kumain ako, mabagal ang pagnguya at minsa'y napapatulala. Iniisip pa rin ang lalaking naiwan sa lantaw. Kung bakit naman kasi naisipan nina mama'ng lumipat.
Nang matapos ay nilagay ko ang pinagkainan sa lababo at naghugas ng kamay saka naglakad patungo kina mama.
"Ramon, alam mo naman ang tungkol doon diba? Hindi pwede ang ganoon"
"Malayo man ay kamag-anak pa rin naman natin sila"
"Nandito na kami sa bago nating bahay, ginawa ko lang ang nararapat"
Kausap pala ni mama si papa. Napabuntong hininga ako at binuksan ang pinto.
Tumingin si mama sa akin, "sige na Ramon, ibababa ko na to," sabi niya at nilapag ang telepono sa mesa.
"Si papa iyon, ma?" Tanong ko at umupo sa upuang kaharap ng kanya.
"Ah oo, nangangamusta lang. Uuwi raw siya mamaya," nakangiti niyang sabi sa akin.
"Talaga? Mabuti naman po kung ganoon," sabi ko at uminom ng katas ng dalandan mula sa pitsel na nakalagay sa maliit na mesang gawa sa isang klase ng bato.
"Anong oras na po?" Tanong ko kay mama.
"Ala singko na ng hapon," sagot ni mama sa akin.
Napatingala ako sa langit. Medyo dumidilim na. Naalala ko na naman tuloy si Armaddios. Sa mga oras kasing ito, madalas ay umuuwi na siya galing sa bahay namin. Hindi talaga nagpapaabot ng gabi at umuuwi kaagad. Napakabait at napakasipag. Napabuntong hininga na lamang ako.
"Lisle, Alejandro! Halina kayo," pagtatawag sa kanila ni mama. Mabuti pa ang mga batang ito, nakahanap kaagad ng mga kalaro, hindi tulad ko, naninibago sa lugar.
Patakbo silang pumunta sa direksyon namin.
"Basang basa kayo ng pawis oh," kunwari naiinis na sabi ni mama.
Kinuha niya ang tuwalya at pinunasan ang likod ng mga bata.
"Landellane, kumuha ka nga ng pamalit doon sa itim na bag," utos sa akin ni mama.
Tumayo naman ako at pumasok sa bahay.
"Isama mo na rin ang pulbo sa may aparador!" Pahabol na sigaw ni mama nang makapasok ako sa kwarto.
Binuksan ko ang itim na bag na sinabi ni mama at kumuha doon ng itim at puting damit. Akmang isasara ko na ang zipper ng bag nang may mahulog na pulseras sa sahig. Pinulot ko ito at tiningnang mabuti. Inilapag ko ang mga damit sa katre. Sinuri kong mabuti ang pamilyar na alahas.
Kay ate Virginia to ah. Paano ito napunta dito?
Tuluyan kong sinara ang bag at tumayo na, bitbit ang dalawang damit at ang alahas.
Huminto ako sa may aparador at inabot ang pulbo saka naglakad papunta sa terasa.
Nilagay ko ang mga dala sa bakanteng upuan maliban sa pulseras.
Hinubad ng mga bata ang basang-pawis na mga damit at sinimulang lagyan ng pulbo ni mama ang katawan ng mga ito.
Habang binibihisan niya ang mga bata ay kinuha ko ang kanyang atensyon.
"Ma, sa'yo ba ito?" Tanong ko sa kanya at pinakita ang pulseras.
Nakita ko ang gulat sa kanyang mata na agad ding nawala.
"Saan mo nakuha iyan?" Imbes na sagutin ang aking tanong ay tinanong niya ako.
"Nakita ko lang po doon sa itim na bag," sagot ko sa kanya.
Nang matapos sa pagbibihis sa mga bata ay kinuha niya ang pulseras mula sa akin.
"Sa akin nga ito, bigay ni Virginia," sabi niya at sinuot ang pulseras sa kanyang kaliwang pulsuhan.
"Virginia, iyong nanay ni Armaddios?" Tanong ko.
Tumingin naman siya sa akin.
"Oo," sagot niya na nagpakunot sa aking noo. Nakapagtataka, hindi naman sila malapit sa isa't isa.
"Binigay niya sa akin nang minsa'y napadaan ako sa bahay nila. Pinaglumaan na raw niya ito," sabi niya sa akin.
Hindi naman tumatanggap ng mga bagay na pinaglumaan na ng iba si mama.
Nakapagtataka lang talaga.
Tumayo na si mama at pumasok sa loob ng bahay kasunod ang mga bata.
Naiwan ako sa terasa na nagtataka pa rin.
Iniisip ko pa rin ang tungkol sa pulseras nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. May bagyo ba?
Nang medyo nabasa ako ay pumasok na rin ako sa loob ng bahay at isinawalang bahala ang pagtataka.
Kinagabihan ay dumating si papa, kakahinto lamang ng ulan.
Lumapit ako sa kanya at nagmano.
"Sino iyang kasama mo Ramon?" Tanong ni mama. Tumingin naman ako sa kanyang likuran, may kasama pala si papa. Isang lalaki na kasing tikas ni Armaddios ang tindig.
"Anak ni pareng Isko, dito na muna siya. May baha kasi papunta sa kanila," paliwanag ni papa at pinapasok ang kasama.
Nakasuot ito ng cap na may nakatatak na EXO. Tumaas ang aking kilay. Gabing gabi tapos magsusuot ng ganyan?
Umupo siya sa sofa, si papa nama'y dumeretso sa kwarto nina mama.
Hindi naman sila nabasa, may raincoat namang dala si papa.
Lumabas si papa sa kwarto na nakapambahay na.
Pumasok naman ako sa kwarto ilang minuto ang lumipas.
Dinig na dinig ko ang sigaw ng mga bata, naglalaro na naman siguro.
"Landellane, kakain na!" Sigaw ni mama. Tumayo ako at lumabas ng kwarto.
Nandoon na silang lahat sa mesa pati na iyong kasama ni papa.
Umupo ako sa bakanteng upuan kaharap ng lalaki, katabi ni Lisle.
Tahimik lang kaming kumakain at tanging tunog lamang ng mga kubyertos ang maririnig. Paminsan minsa'y nagtatanong si mama ng kung anu-ano sa lalaki na sinasagot naman ng maiikling salita lamang. Masikreto pala ang isang ito.
Matapos kumain ay pinaghugas ako ni mama na sinunod ko naman.
Pagkatapos maglinis ay pumasok na ako sa kwarto na agad kong pinagsisihan dahil naroon pala ang lalaki. Walang pang-itaas na nakatalikod sa akin. Nagbibihis yata. Umatras ako at akmang tatalikod na nang magsalita siya.
"Pasensiya ka na," sabi niya nang nakatalikod pa rin sa akin.
Napakurap naman ako. Nakita niya ako? Hindi naman ako gumawa ng ingay. Grabe! Sobrang linis lang siguro ng kanyang tainga, ano? Kahit isang mantsa ng tutuli ay hindi siguro namumugad sa loob ng tainga niya.
"Ah, labas na muna ako," sabi ko at tuluyang nilisan ang kwarto.
Naglakad ako papunta sa sala kung saan naroon ang aking pamilya.
Umupo ako sa sofa na mabilis ang t***k ng puso.