Kabanata 13

1175 Words
Madaling araw nang magising ako sa tahol ng mga aso sa labas ng bahay. Bumangon ako sa pagkakahiga at lumabas sa kwarto. "Ang aga mo namang nagising anak," bungad sa akin ni mama habang nagtitimpla ng kape. Kinusot kusot ko ang aking mga mata. Hindi pala nag-iisa si mama. "Aalis na kayo pa?" tanong ko kay papa na kasalukuyang sinusuot ang lumang sapatos. Nasa sofa si Fortunato, ang lalaking kasama ni papa kagabi. Ang kanyang bag ay nasa kandungan, niyayakap ng kaunti. "Uuwi kami mamaya, isasama ko ulit 'tong si Fortunato," sabi ni papa at naglakad palapit kay mama saka ininom ang medyo mainit na kape. Napabuntong hininga ako at dumeretso sa banyo upang maghilamos. Lumabas ako mula sa banyo at kinuha ang tuwalyang nakasabit saka pinunasan ang mukha. "Babalik na ako sa kwarto ma, pa," pagpapaalam ko sa kanila. Pumasok ako sa kwarto nang hindi na hinintay pa ang sagot nila at bumalik sa pagkakahiga sa kama. Kamusta na kaya si Armaddios? Napabuntong hininga ako. Kailan ko kaya siya makikita ulit? Namimiss ko na ang isang iyon. Ilang sandali pa ay narinig ko ang pag-andar ng motorsiklo. Siguradong sina papa iyon. Napatingin ako sa orasan. Alas singko pa lamang. Kay aga talagang pumasok. Napangiti ako at umusal ng dasal, nagpapasalamat na nagkaroon ng masipag at responsableng ama. Si Armaddios kaya? Napabuntong hininga ulit ako. Pinikit ko ang mata hanggang sa dalawin ako ng antok. "Landellane, gumising ka na diyan, samahan mo ako sa palengke," paggising sa akin ni mama habang niyuyugyog nang kaunti ang aking katawan. Binaba ko ang kumot at kinusot ang mata saka iinot inot na tumayo. Alas otso na pala. Tumingin ako sa gawi ni mama. Nakabihis na at nakahanda sa lakad. Napalunok ako at pumanhik sa banyo upang maligo. Hinubad ko na ang lahat ng saplot at tinanggal ang takip sa balde. Isang buhos ang aking ginawad sa katawan at ako'y napapikit. Kay lamig ng tubig! Matapos maligo ay nagpalit na ako ng damit. Isang medyo maluwag na damit pang-itaas at isang hanggang tuhod na saya. Nakasakay na kami sa dyip ngayon. Katabi ko si mama sa may dulong upuan malapit sa babaan. Nang makarating ay bumaba na kami. Nakayuko hanggang sa tumapak ang aming mga paa sa kalsada. Tinaas ko ang ulo na siyang nagdulot sa akin nang pagkagulat. Si Armaddios! Kusang nanlaki ang aking mga mata nang makita siya. Ngayo'y papasakay na sa dyip na aming sinakyan kasama ang isang babae— si Margarita. Napasimangot ako nang wala sa oras. Kasama na naman niya ang babaeng iyan! "Landellane, halika na!" sigaw ni mama na nagpalingon kay Armaddios sa direksyon ko. Dali-dali akong tumalikod bago niya pa ako makita at naglakad takbo patungo kay mama. Nang medyo malayo na kami ay lumingon ako. Wala na roon ang dyip. Pinakawalan ko ang isang buntong hininga. "Landellane," nang akmang tatalikod na ako ay narinig ko ang isang lalaking boses. "Lande-" "Bok! Halika na," narinig ko ang boses ng isang babae. Hindi pala sila sumakay sa dyip. Sumunod ako kay mama at hindi sila pinansin. Napatingin ako sa lalaki, wala namang pagbabago sa pisikal niyang anyo. Siguro alagang alaga siya ng babaeng kinakasama niya ngayon. Nasa isdaan kami nang marinig ko na naman ang boses nila malapit sa amin ni mama. "Bok, pagod na ako. Magpahinga na muna tayo," sabi ng babae. "Ganoon ba? Sige," sabi naman ng lalaki. Ano ba itong ginagawa ko? Nang mabayaran na ni mama ang isdang binili ay sumunod na ako sa kanya paalis. Matapos ang paglalakad lakad sa palengke ay niyaya ako ni mamang kumain sa isang karinderya. Umupo ako sa isang upuan. Nasa sulok ang pwesto namin, tamang tama lang kasi ayaw ko sa maraming tao. Nang ilahad sa maliit na mesa sa aming harapan ang mga pagkain ay agad ko nang nilantakan iyon. Panghuling subo ko na iyon nang marinig ko ulit ang pamilyar na boses. "Anong gusto mo?" tanong ng lalaki. "Ikaw," napataas naman ang kilay ko sa sagot ng babae. Kapal ng mukha ah! "Ibig kong sabihin, ikaw, kung anong gusto mo," sus! Kunwari pa ito. Sarap tusukin ng tinidor. Sinusundan ba ako ng dalawang ito? Talagang sa likod ko pa pumwesto. Mga walang hiya! Iniinis talaga ako. Nang matapos kaming kumain ni mama ay siya namang pagbalik ni Armaddios sa kanilang mesa. Kasunod niya ang isang lalaking dala-dala ang kanilang pagkain. Nang makita ako ay ngumiti siya. Hindi ko sinuklian iyon, sa halip ay nilampasan ko siya na parang isang estranghero. Ganoon din ang ginawa ni mama. Nakita kong ikinagulat niya ang aking ginawa ngunit ipinagsawalang bahala ko na iyon. May Margarita naman siya eh. Pagkarating sa bahay ay nagpalit ako ng damit at pumunta sa kusina upang tulungan si mama sa pagluluto. "Si Armaddios," panimula ni mama. "Po?" "Alam mo ba ang dahilan ng paglipat natin ng tirahan?" "Hindi po," sagot ko. Anong meron? "Halika," nilapag niya ang kutsilyong hawak at iginiya ako sa upuan. Umupo ako at ganoon din ang kanyang ginawa. "Kilala mo naman si Virginia diba?" "Opo, ina ni Armaddios, bakit ma?" Napapikit si mama at hinawakan ang aking kamay. "Nakita mo iyong pulseras diba?" "Opo" "Bigay sa amin iyon ng mga magulang namin. Bata pa lang kami noon. Ang simbolo ng pulseras na iyon ay pagkakaisa. Pagkakaisa at pagkakaroon ng mabuting relasyon sa aming mga kadugo," sabi niya sa akin. Unti-unting naluluha. "Kadugo?" May kutob na ako sa susunod niyang sasabihin ngunit nakinig pa rin ako. Nagbabakasakaling hindi totoo ang nasa isip ko. "Oo, malayong kamag-anak namin ang pamilya ni Virginia," malungkot niyang sabi habang nakatingin sa aking mga mata. "Kamag-anak?" Ibig sabihin, kamag-anak ko rin si Armaddios. "Kaya napagkasunduan namin ng papa mo na lumipat nang makita kong nagkakamabutihan na kayo ng anak niya," sabi niya. Tama nga ang aking iniisip. "A-Ano? B-bakit?" Dumaloy ang luha sa aking pisngi. Sana si Margarita na lang ang kamag-anak ko. Bakit siya pa? "Alam kong mahirap anak, pero kailangan eh. Hindi kayo pwede sa isa't isa kaya minabuti naming dumito na," sabi niya sa akin at niyakap ako nang mahigpit. "Naiintindihan ko po," nasabi ko na lamang. Wala nang saysay pa kung kumontra ako at magalit. Kahit baliktarin ko ang mundo ay magkadugo pa rin kami. Pinahid ko ang mga luha sa aking pisngi at tumayo. "Salamat sa pag-intindi anak, makakahanap ka rin ng iba," sabi sa akin ni mama at pinagpatuloy ang paghihiwa ng kalabasa. Ngumiti ako ng pilit at tinulungan siya sa ginagawa. Nang matapos ay lumabas si mama sa kusina. Mapait akong napangiti. May Margarita na naman sa buhay niya kaya hindi na siya mahihirapan pa kapag nalaman niya ang tungkol dito. O baka naman alam na niya? Hindi ko akalaing kadugo ko siya. Malayong kamag-anak man o malapit, kadugo ko pa rin siya at mali itong nararamdaman ko sa kanya. Kailangan nang matigil itong kahibangan ko. Kailangan ko siyang makausap. Lumabas ako sa kusina at nagulat nang makita ang panauhing kausap ni mama sa sala. Si Armaddios. Ano'ng ginagawa niya dito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD