I
Habang nag-aalmusal, si Dante ang unang nagsalita, dahilan para mabasag ang katahimikan. “Okay lang ba ‘yung luto ko? ‘Yan lang kasi kaya ko. Hindi ako marunong ng iba.”
“Ah... okay lang naman. Masarap nga eh,” tugon ni Jessica kahit para sa kanya ay maalat ang pagkakaluto ng itlog.
“Ayos ka na ba?” tanong niya kay Jessica. Tumugon ito ng tango. “Malungkot ‘yung nangyari. Baka gusto mo munang mapag-isa, o ano. Baka gusto mo pang umiyak.”
“Hindi. Okay na ‘ko,” pagsisinungaling ni Jessica. Tumango naman si Dante.
“Gusto kong makinig ka muna mabuti sa mga sasabihin ko. Kailangan mong malaman ang mga ‘to.”
Huminga muna nang malalim si Dante bago magsimula. Gano’n din si Jessica.
“Sa mundo, may mga magnanakaw, mamamatay-tao, r****t. Mga kriminal. Mga taong gumagawa ng masama. Sinu-sino ang mga lumalaban sa kanila, Jessica?” deretso ang tingin ni Dante kay Jessica.
“Mga pulis,” tugon nito.
“Tama. Pero hindi lang mga tao ang naghahasik ng kasamaan dito. Sa mundo, may mga kalaban din na walang ibang gusto kun’di kasamaan. Ang nakakatakot sa mga ito, madalas silang hindi sila nakikita. Napakapanganib ng mga kalabang hindi nakikita. Ang mas malala, hindi sila tao. Mga anak sila ng kasamaan. Ang tawag sa kanila ay mga masasamang espiritu, o demonyo.
“Hindi sila tinatablan ng mga bala, kutsilyo, o ano. Sa kabilang banda, hindi nila kayang direktang masaktan ang mga tao maliban na lang kung pasukin nila ang isang tao.”
“Gaya ko?” Si Jessica.
“Patapusin mo muna ‘ko,” pakiramdam ni Dante ay naging masungit siya, pero kailangan niyang ipaalam ang lahat. “Ang mga nilalang na ito ay may iba’t ibang klase, depende sa lakas nila.
“Matagal na silang nasa mundo. Palakad-lakad. Nandiyan lang sila sa tabi-tabi. Naghahanap ng bukas na bahay. HIndi literal ang ibig kong sabihin. ‘Pag sinabing mga bukas na bahay, ito ‘yung mga taong puwedeng pasukan ng mga nilalang na ito. Kapag ang isang tao ay mahina, hindi pisikal, mahina ang kalooban. Durog. Parang gano’n. Ang isa pang kinokonsidera, ang laman ng puso. ‘Pag ang isang tao ay may tinatagong poot, matinding poot sa kanyang puso, nabubuksan ang pinto.”
Parang dumagundong sa tainga ni Jessica ang mga huling salitang iyon. Siya ay isang bukas na bahay.
“Kung gan’to ang pamantayan ng mga nilalang na ito, malamang ay napakarami nang ‘pinasukan.’ Ayon ang isang bagay na hindi namin matukoy; hindi lahat ng kwalipikado o ‘bukas na bahay’ ay pinapasukan. Parang may pinipili pa rin sila. Hindi namin alam kung ano pa ang isang batayan.
“Ang organisasyon namin ay nabuo no’ng pumasok ang ika-dalawampung siglo. Kaya ang mga tao bago no’ng mga panahong iyon ay walang ibang proteksiyon kun’di ang mga partikular na religious leaders. Ang kaibahan lang ng organisasiyon namin ay may kakayahan kaming puksain ang mga demonyo bago pa man ito makapasok sa kahit kanino. Lilinawin ko lang na hindi namin literal na napapatay ang mga nilalang na ito. Ibinabalik lang namin sila sa pinanggalingan nila. Hindi na sila makakaalis do’n. Mas malala pa sa literal na kamatayan.
“Malamang, ang paniniwala niyo ay ang mga demonyo ang nagpaparusa ng mga kaluluwa sa impiyerno, tama ba?” tumango si Jessica kahit wala talagang masyadong alam sa mga paksang ito. “Sasabihin ko sa ‘yo, takot sila sa impiyerno dahil pati sila ay pinaparusahan do’n. Maswerte lang ang ibang gumagala-gala lang dito sa mundo para takasan ang kaparusahan.
“Walang pangalan ang organisasyon namin dahil hindi naman kailangan. Sapat nang pagkakakilanlan ‘yung ginagawa namin. Ang mga miyembro ay hindi basta-basta nakukuha. Itinuturo ng sandata kung sino ang magiging amo nito. Pinipili ng sandata ang gagamit sa kanila. Hindi rin namin alam ang batayan.
“Kaming mga tinatawag na ‘pinili’ ay nakadestino sa iba’t ibang lugar dito. Hindi sapat ang bilang namin kaya nahihirapan din kami. Ako ang nakadestino sa kalahating bahaging parte ng Bulacan. Obligado kaming kumuha ng bagong identity bilang cover. Pinili ko na maging tagapaglinis ng kapilya sa simbahan nina Pastor Sid, kung naaalala mo pa. Assistant din niya ‘ko sa tuwing may kaso ng sinasapian. Pasikreto kong pinupuksa ‘yung kakalabas lang na demonyo.
“Ang mga ginagamit naming espada, gaya ng ginamit ko sa ‘yo no’ng nag-anyong halimaw ka, ay ginawa nang may kasamang ritwal at mga orasyon. Hindi namin pupuwedeng sabihin kung ano ang partikular na paraan kung pa’no ginagawa ang mga ito.
“Kapag nabuo na ang mga sandatang ito, puwede na namin itong gamitin sa pakikidigma. Ito lang ang may kakayahang makapinsala sa mga demonyo.” inilabas ni Dante ang pluma mula sa kanyang bulsa. “Kaya nitong maging isang pluma para maitago. Pero kapag naging espada ito, sa sobrang lakas, matatalo na ang kalaban sa isang wasiwas, minsan dalawa kapag medyo malaaks ang kalaban.
“Ang nasa ‘yo, Jessica, ay hindi ko pa nae-encounter kahit kailan. Pero ramdam ko ang enerhiya mo no’ng pumunta ka ng kapilya, kasama si Vicky. May hinala akong isa kang bukas na bahay na napasukan.
“Nakumpirma ko pa ‘to nu’ng kausapin ka ni Kenneth, ‘yung lalaking sinasapian no’ng mga time na ‘yon. Naaalala mo pa ba ‘yung sinabi niya sa ‘yo, Jessica?”
Inalala ni Jessica no’ng nakadungaw sila ni Vicky sa bintana sa isang bahay kung sa’n nando’n si Kenneth. Naalala miya no’ng nilingon siya nito at may sinabi. “Oo nga. May sinabi siya sa ‘kin, pero hindi ko maintindihan.. Ibang lingguwahe ata. Parang greek.”
“Latin. Fratribus. Quid agis? Ang ibig sabihin, Mga kapatid. Kumusta na kayo? Alam kong sa ’yo niya ‘yun sinabi, hindi kay Vicky. Mas nakumpirma ko pang mayro’n ka sa loob mo. Pero, iba ka. Ang tipikal na may sapi, ‘yung mga nanakit, ‘yung katulad ng nangyari kay Kenneth. Ikaw, no’ng nakita kita, parang normal ka lang. Hindi ka nagwawala o ano. Saka sinabi sa ‘yo ng diablo sa loob ni Kenneth, mga kapatid, ibig sabihin, hindi lang isa ang nasa loob mo.” Alam na ito ni Jessica, pero iba pa rin ang kilabot na dala kapag iba ang nagsabi, dahilan para muling tumindig ang kanyang balahibo. At isa pa, hindi niya pa rin lubusang kilala kung ano ang nasa loob niya.
“Tingin mo ba, malakas ang nasa loob ko?” may panginginig sa pagtanong ni Jessica.
“Siguro. Puwedeng pumapangalawa ito kay beelzebul. Hindi ko alam. Pero siguradong malakas. No’ng napuruhan ka ng espada ko habang nasa form ka ng ahas, hindi ka namatay, tulad ng iba. Naneutralized ka lang. Saka wala pa ‘kong nakikitang sinasapian na kayang mag-anyong halimaw.”
Inaabangan pa ni Jessica ang iba pang sasabihin ni Dante. Hindi na niya nagalaw ang nakaahing almusal.
Iniunat ni Dante ang braso at tinangkang hawakan ang noo ni Jessica, pero napaatras ito. “’Wag ka mag-alala. Hindi naman kita sasaktan.”
“Ano’ng gagawin mo?”
“Kaming mga pinili eh may kakayahang makilala ang demonyo sa loob ng isang tao. Halimbawa, hinawakan ko ang noo ni Kenneth, at nalaman ko ang pangalan ng diablo sa loob niya. Morgáres.”
“Tingin mo may pangalan din ‘yung akin? Makikilala mo rin kaya?”
“Kung hahayaan mo ‘ko.” Tumango si Jessica. Mula sa kabilang dulo ng lamesa, dumampi ang malamig na daliri ni Dante sa noo ni Jessica.
Sampung segundo ang lumipas bago inalis ni Dante ang mga daliri sa noo ni Jessica. Sa sandaling ito, nakilala ni Dante kung sino... sinu-sino ang nasa loob ni Jessica.
Huminga nang malalim si Dante. “Legion.”
“Ha?” salubong ang kilay ni Jessica.
“Legion ang pangalan ng nasa loob mo. Sa tagalog, pulutong. O kaya hukbo.”
“Ano’ng pulutong? Sakit ba sa balat ‘yon?”
“Legion. Pulutong. Isang napakalaking grupo. Halimbawa sa mga mandirigmang romano. Composed of 3000-6000 soldiers. Sa nasa loob mo. Libo-libo sila. Halos tatlong libo. Wala akong exact na bilang. Dahil marami sila, mas malakas sila. Alam ng organisasyon ang tungkol kay Legion. Ayon sa stats namin, dalawa pa lang ang napapasukan nito. Ang isa’y nakaharap ang Mesias. Isa pa lang ang nakakaharap ng organisasyon. Ikaw ang pangatlong kaso. Personally, wala pa ‘kong nakita bukod sa ‘yo.”
“Alam mong may legion ako. Ba’t inuwi mo pa ‘ko rito sa bahay mo kung alam mong mapanganib ako? ‘Di ba nakita mo naman..”
“Nanghina sila. Una, no’ng inatake kita... uh...nu’ng inatake ko sila habang nasa anyong cobra. Ginamit nila ‘yung natitirang kap’rasong lakas para maging higante. Bumalik ang lakas nila nu’ng napatay ‘yung dalawang pulis, ‘yung isang nurse, at si...” nag-alangan si Dente. Kailangan niya mag-ingat sa salita. “Si Vicky.”
Namuo ang mga butil ng luha sa mata ni Jessica pero agad niyang pinunasan. Kailangan niya munang makinig kay Dante. Kailangan niya munag isantabi pansamantala ang pagdaddalamhati.
“Lumalakas sila kapag nakakapatay sila. Kinakain nila ang élan vital, o life force ng tao. Sapat na ang apat na buhay para mapalakas uli sila, pero nawala agad nu’ng atakihin ko uli ang ikaw na nag-anyong halimaw.
“Isang hiwa lang ang kailangan para ma-neutralized lang. Gano’n lang ang ginawa ko sa ‘yo. Hindi kita papatayin, kundi ang nasa loob mo.Gano’n ang tradisyon ng org namin. Kapag may sinasapian, hindi namin pinapatay ‘yung mismong tao. Pinapalayas namin ang diablo sa loob saka pinapatay. Itatanong ko pa sa HQ kung ano ang dapat gawin sa kaso mo.”
“May HQ kayo?” parang namangha rito si Jessica. Naalala niya ang mga napapanood niyang pelikula sa NetFlix.
“Mayro’n. Hindi ko sa ‘yo puwedeng sabihin kung saan. Actually, hindi dapat kami nagpapakilala. Parang super hero, may secret identity. Pero sa palagay ko kailangan mong malaman ‘yung mga sinabi ko sa ‘yo. Saka buburahin ko naman ang alaala mo ‘pag naayos na ang lahat.”
“Pa’nong buburahin ang alaala? Powers n’yo ba ‘yun?”
“Aside sa pagkilala sa diablo sa loob ng isang tao, may iba pang skills kaming mga pinili. Gaya ng pagbubura sa alaala. May ibang tao na nakaka-encounter ng mga kaganapan na hindi dapat nila makita. Halimbawa, naaalala mo ‘yung bata sa oval? ‘Yung nakausap mo?”
“Oo. Nakita niya ‘kong naging ahas. Hindi ko alam kung ano ang kuwento niya sa Mama niya.”
“Ayun na nga. Wala siyang ikukuwento sa Nanay niya. Nu’ng sinabihan ko siyang umuwi na, tinignan ko siya nang deretso sa mata. Ang proseso ay may halong hipnotismo. Kaya magtataka siya kung bakit siya tumatakbo. Wala rin siyang rekoleksiyon ng nakita. Ang problema, ay ‘yung ibang nagjo-jogging na nakakita sa pagbabagong anyo mo. Hindi ko na nabura ang alaala nila. May limit kasi ‘yung skill namin na ‘yon. Hindi puwedeng frequent.
“Nagkulang ako sa pagpaplano. No’ng nagdesisyon akong sundan ka nu’ng makita kita na sumama kay Vikcy na dumalaw kay Pastor Sid, wala akong plano. Basta ang nasa isip ko, kailangan kitang bantayan kung sakaling may mangyari. Sinundan kita hanggang sa eskuwelahan. Ang pagkakamali ko, hindi kita pinigilang pumunta sa oval kung saan maraming tao. Dahil sa mga diablo sa loob mo, isa kang banta.
“Kung nabalitaan ko lang nang mas maaga ang mga pagpatay sa bayan n’yo, baka naimbestigahan ko pa. Baka hindi na nasundan ang mga pagpatay. Palpak ako bilang pinili.”
Hindi alam ni Jessica ang itutugon. Nahihiya rin siya dahil alam pala ni Dante ang tungkol sa mga pagpatay. Hindi lang niya alam kung pa’no nito nalaman na siya ang pumatay.
!! Jessica, umalis ka riyan! Lumayo ka sa kanya! Banta siya! Banta !!
Bagama’t may diin ang boses ni Legion, halata na hinang-hina na ito.
Nakahanap na ng bagong kakampi si Jessica. Isang lalaking nakakaalam ng lahat. Ang lalaking nakakaintindi sa kanya.
Kung tutuusin, puwedenang pagbantaan ni Legion ang buhay ni Jessica, pero kapag wala na si Jessica, wala na silang tirahan. At dahil kilala na sila ni Dante, nasa panganib sila. Kahit libo-libo sila, kayang-kaya silang harapin ni Dante dahil sa lakas ng sandata niya at sa panghihina nila. Kailangan nila si Jessica bilang kublian. Parang hostage taker na hinaharang ang biktima sa mga baril na itinututok ng mga pulis.
Sa kasalukuyan, wala muna silang magagawa kundi magtago kay Jessica, sa ganitong paraan, ligtas sila. Maliban na lang kung patayin ni Dante si Jessica, na malabo naman mangyari dahil hindi ito tradisyon ng organisasyon niya at may malalim siyang relasyon kay Jessica na kanya nang ibubunyag.
“May sasabihin pa ‘ko sa ‘yong isang mahalagang bagay, Jessica. May isa pang dahilan kung bakit mula kina Pastor Sid ay sinundan kita.” nanginginig ang boses ni Dante.
“Ano ‘yon?” kinakabahan naman si Jessica sa sasabihin ng kausap.
“’Di ba sinabi ko na nag-iimbento lang kami ng bagong identity bilang cover sa tunay naming identity?” huminga nang malalim si Dante. Alam niyang labag sa patakaran ng organisasyon nila ang gagawin niya. Pero hindi na niya mapigilan ang sarili. Sa totoo lang, una pa lang niyang makita si Jessica, gusto na niyang yakapin tio, pero kailangan niyang mag-ingat. Ngayon na silang dalawa na lang, buo na ang loob niya. “Dante Quizon ang panakip ko sa kung sino talaga ako. Ang tunay na pagkatao ko ay matagal mo nang kilala. Ako si...