Kabanata 18: Calvin

1813 Words
I ...Calvin” Saglit na katahimikan. Deretso ang tingin ni Jessica kay Calvin. Ngayon, alam niya na kung bakit pamilyar ang lalaking ito no’ng una niya itong nakita no’ng pinuntahan nila ni Vicky si Pastor Sid. Habang nag-uusap sila sa hapag, magaan ang loob niya sa binata. No’ng una, hindi niya alam kung bakit. Parang may nararamdaman siya na hindi maipaliwanag. Pero ngayon, alam na niya kung bakit may nararamdaman siyang kakaiba. Pinagmasdan pa ni Jessica ang mukha ni Calvin. Nagbago ang korte ng ilong at ng labi. Gano’n din ang hugis ng ulo. Pero nanaili ang ganda ng mata. Ang mata ng kababata. Kaya niya hindi agad ito nakilala dahil nag-iba ang histura nito. Hindi siya makapaniwala. “Hindi ikaw si Calvin. Iba ka. Naaalala ko pa ang hitsura niya. Hindi mo kamukha.” “Gano’n kaming mga pinili, nag-iiba ang hitsura namin. Kaya parang tuluyang nabubura ang pagkakakilanlan namin. Actually, hindi lang mukha. Pati fingerprints at iba pang medical records. No’ng pinili ako, wala na ang dati kong pagkatao. Iniwanan ko ang pamilya ko para sa bagong pamilya, ang organisasyon. Namatay na si Calvin Hermoso. Isinilang si Dante Quizon.” “Bakit...?” hindi masambit ni Jessica ang gusto niyang itanong. Gano’n na lang ang pagkabigla niya na halos mapipi siya. “Inaalis ang luma naming identity para protektahan ang mga mahal sa buhay. Gaya ng tipikal na kuwento ng mga super hero,” paliwanag ni Calvin. “Hindi puwedeng ipaalam ni Spiderman na siya si Peter Parker para ilayo sa panganib si Aunt May. Madalas sa mga super hero, mga mahal sa buhay ang weak point. Huminga nang malalim si Jessica. Pinigil niya ang hininga nang pitong segundo, saka inilabas ang hangin. Nakadama siya ng ginhawa at naikondisyon ang sariling makapagsalita, pero hindi pa rin naaalis ang pagkabigla. Tulad ni Calvin, gustong-gusto niyang yakapin ang kababata. “Buti nakilala mo pa ‘ko.” “Pagkakakilanlan lang ang inalis sa ‘min, hindi alaala. Iyon ang masakit. Hindi mo makakalimutan, halimbawa, ang iniwan kong pamilya,” gumuhit  ang matamis na ngiti sa labi niya. “Sa kabilang banda, hindi nawala sa puso ko ang magagandang alaala natin, Jessica. Hindi kita nakalimutan. Hindi kita kinalimutan. Akala ko nga sa mga teleserye at mga unrealistic na love story lang nangyayari ‘yon.” Naramdaman na lang ni Jessica na gumapang ang mainit na luha sa kanyang pisngi. Hindi na niya napigilan ang sarili, tumayo siya mula sa pagkakaupo, gayon din si Calvin, at nagyakap ang dalawa. Ramdam nila ang init ng isa’t isa. Hindi maipaliwanag ni Jessica ang sayang nararamdaman. Sa gitna ng madilim at masalimuot niyang nakaraan, dumating liwanag. Iyon ang mga alaala niya kasama ang kababata, na ihiniwalay sa kanya ng malupit na tadhana. II Laging dumederetso ang walong taong gulang na si Jessica sa bahay ng sampung taon na si Calvin. Nakilala ni Jessica si Calvin no’ng pitong taong gulang pa lang siya. Tuwing hapon ay nauupo sila sa isang duyan sa likod ng bahay nina Calvin sa Caloocan. Lagi silang magkatabi. Sa mga nagdaang panahon, ginagawa nila ang mga bagay nang masaya’t magkasama. Sabay silang lumalakad papuntang eskuwelahan, lagi silang magkasama sa paglalaro ng pogs at jolens, at magkasamang pinapanood ang paglubog ng araw, kahit na nakakabagot ito at hindi kasing romantiko ng mga nasa pelikula’t teleserye. May mga pagkakataong nag-aaway sila, pero away bata lang. Kalauna’y magkakaayos din. Habang dumadaan ang panahon, mas lumalalim ang relasyon nila, bagama’t wala pa ang pag-ibig ng magkabiyak, nando’n naman ang pag-ibig ng magkaibigan. Sa mga nagdaang panahon, patuloy sila sa pagbuo ng magagandang alaala na mananatili sa kanilang mga puso. Ngunit ang pagkakaibigan ay nagkaroon ng pagtatapos, at dumating ito sa ‘di inaasahang pagkakataon. Habang nakatambay sa isang basketball court ang magsasampung taong gulang na si Jessica, dumating ang labing isang taong gulang na na si Calvin. Sinalubong siya ni Jessica at inakbayan, gaya ng ginagawa niya sa tuwing magkikita sila. Pero bakas sa mukha ni Calvin ang lungkot. Ang ekspresyong ngayon lang nakita ni Jessica. Naging dahilan ito para mabahala si Jessica. Kinakabahan siya sa maaaring ihatid na masamang balita ng kaibigan. “Ano nangyari, Vin?” tanong ni Jessica. “Malungkot ka ata?” Napansin ni Jessica na nakagayak ng pang-alis si Calvin. Nakamaong at may suot na maong na jacket. Naka-gel din ang buhok niya kaya nagmistula siyang si Jose Rizal. “Sa’n ka pupunta?” Iniisip ni Jessica na baka pupunta siya ng mall kasama ang pamilya, pero sino’ng bata ba ang nalulungkot kapag papasyal? “Aalis na kami, Jess,” halata sa basag na boses ni Calvin na pinipigilan niya ang iyak. “Sa’n kayo pupunta? Sa SM? Pasalubong ah! Malapit na birthday ko!” may liksi ang pagkakasabi ni Jessica. “Pupunta kami ng Taiwan. Hindi ko na maaabutan ‘yung birthday mo,” nasa paa ang tingin ni Calvin. Hindi niya magawang tingnan sa mata si Jessica. “Bakasyon?” Huminga nang malalim si Calvin. “Babalikan na ni Papa ‘yung negosyo niya ro’n. Do’n na kami mag-i-stay.” “Pa’nong stay?” batid na ni Jessica sa sarili na hindi niya magugustuhan ang maririnig. “Do’n na kami titira. Sa Taiwan na kami titira. Sorry hindi ko sinabi agad. Baka kasi magalit ka.” pinunasan ni Calvin ang mga butil ng luha sa mata. Parang kidlat na tumama ang mga salitang iyon ni Calvin. Isa lang ang ibig sabihin nito, magkakahiwalay na sila, maaaring hindi pansamantala, at malaki ang posibilidad nito. Nagsimula na ring mamuo ang mga butil ng luha sa kanyang bilugang mga mata, pero agad naman niyang pinunasan para maitago ang emosyon. “Pero... babalik naman kayo ‘di ba? O bibisita?” Hindi makasagot si Calvin. Ayaw niyang sumagot nang walang katiyakan. “Uy, sagot. ‘Di ba babalik naman kayo?” Walang tugon. “Calvin...” “Sorry...” tuluyan nang umagos ang luha ni Calvin. Gano’n din ang kay Jessica. Umaangat-baba na ang kanyang balikat sa paghikbi. Hindi ang pagtataksil ng nanay niya ang unang matinding kalungkutan na dumaan sa buhay niya. Iba ang sakit ng inalisan ng taong naging bahagi na ng buhay. “Bye, Jess,” yayakapin pa sana niya ang kaibigan pero tumakbo na siya palayo. Naiwan mag-isa si Calvin sa kinatatayuan. No’ng araw na ‘yon ang nagputol sa kanilang pagkakaibigan. Hindi tulad ng ibang pagkakaibigan, naging malaking suliranin ang distansya. Masakit sa parehong panig ang nangyari. Para silang iisang pusong napunit sa kalahati. Sa sumunod na taon, nangyari ang pagtataksil. Naging mitsa ito para mabago nang tuluyan ang buhay ni Jessica.  Mas masakit pa dahil sa pagharap niya sa suliraning ito, wala siyang kaagapay. Mag-isa niyang hinarap ang problema, gaya ng paglalasing ng tatay niya na nagdulot ng p*******t sa kanya. Pero nagkaroon ng awa ang malupit na buhay. Dumating si Vicky sa buhay niya. Ang pangalawa pero nag-iisang matalik niyang kaibigan no’ng mga panahong hinaharap niya ang unos. Isang regalo si VIcky kay Jessica. Pero tila ba manloloko rin ang buhay, dahil sa pagbawi nito sa regalo, at sa napakalupit pang paraan. Dalawang beses na siya nawalan ng kaibigan, pero heto’t nagbalik ang isa. III Kumportableng nakaupo sa sofa ang magkaibigan habang nanonood ng teleserye sa telebisyon, pero pareho silang hindi nakatuon sa pinapanood. Naririnig nila ang mga dialogo ng mga karakter, pero nagmimistulang mga ingay lang ang mga ito. Ipinaliwanag na ni Calvin na kailangan niyang itago si Jessica para sa proteksiyon niya. Nasa isang subdivision ang bahay ni Calvin. Nasa ibang bayan. Medyo malayo sa tinitirhan ni Vicky. May mga bagay pang ipinaliwanag si Calvin kay Jessica, gaya ng pag-neutralize sa kanya kung sakaling magbagong anyo na naman siya o sa kahit ano’ng paraan pang gamitin ni Legion ang katawan niya. Pero kampante si Calvin na hindi makakakilos si Legion dahil sa kasalukuyang estado. Masyado pa silang mahina para kumilos at hindi na sila nakakakain ng buhay. Pero wala sa kanilang dalawa ang nagtanong o nagsabi ng kahit ano ukol sa nangyari sa nakaraan, hanggang sa inumpisahan ni Calvin. “Hindi ko nagustuhan do’n.” “Ha?” “Hindi ko nagustuhan tumira do’n sa Taiwan. Wala akong nakasundong kaibigan do’n. Iba pa rin no’ng nasa Pinas ako. Hindi ko gustong umalis. Pero wala akong nagawa. Nakabalik lang ako sa Pinas no’ng seventeen ako. Pupuntahan sana kita no’ng araw din na ‘yon, pero do’n naganap ‘yung pagpili sa ‘kin builang mandirigma.” HInawakan ni Jessica ang kamay ni Calvin. “Ayos lang ‘yon. Naiintindihan ko naman kung bakit ka umalis no’n. Bata pa ‘ko no’n kaya minasama ko ‘yung pag-alis mo.” “Naalala mo, yayakapin pa sana kita, kaso tumakbo ka na paalis,” tumawa nang bahabya si Calvin pagkasabi nito. “Oo nga eh. Nakokonsensya ako.” Iniba ni Jessica ang paksa. Masakit para sa kanya pag-usapan ang nakaraang iyon. “Sure ka ba ayos lang na dito muna ‘ko?” “Oo naman.” “Alam ba ‘to ng ano mo... ng org mo?” “Hindi pa. Baka mamaya o bukas, kausapin ko sila kung ano ang dapat gawin. ‘Pag naayos na ang problema mo kay Legion, poproblemahin naman natin ang mga tao. Sa mga nakakita sa ‘yo. Hihingi akong tulong sa mga kasamahan ko para burahin ang alaala ng mga tao tungkol sa ‘yo. Pero mukhang malabo dahil malamang eh kumalat na ‘yon sa social media. Kaya imposible nang maalis sa isipan ng mga tao ‘yung nangyari.” Lagot ako. “Ba’t hindi pa ngayon?” “Busy pa sila. Nagkalat ang mga kalaban, ‘di ba?” “Oo nga pala,” saglit na itinuon ni Jessica ang tingin sa palabas sa telebisyon pero agad naman niyang binalik kay Calvin. “Natatakot pa rin ako.” “Na ano?” “Na baka may gawin na naman sa ‘kin si ano... si Legion.” “’Di ba sabi ko naman na mahina sila? Mahina pa sila sa tutang binugbog. Saka kung sakaling magawa nilang kumilos, ako na ang bahala. Lalakas lang naman sila kung papatay sila. Kaya kailangan kitang bantayan. Saka bawal ka rin muna lumabas, para safe.” “Walang problema sa ‘kin ‘yon. Salamat talaga. Salamat kasi bumalik ka. Ngayong wala na si Ate...” hindi pa rin nawawala ang pagdadalamhati niya sa pagkamatay ni Vicky. “...kailangan ko ng kaibigan.” Nakita ni Jessica na bumakas ang lungkot sa mukha ni Calvin, gaya no’ng nakaraang sinabi ng batang Calvin sa batang siya na aalis na siya. Napalitan uli ng lungkot ang sayang naramdaman niya. “’Pag natapos na ang lahat, babalik na ‘ko sa trabaho. Ngayon, ikaw muna ang pagtutuunan ko ng pansin dahiil delikado ang sitwasyon mo. ‘Pag natapos na ang lahat, buburahin ko ang alaala mo. Makakalimutan mo ang lahat, si Legion, ang nangyari sa tatay mo, kay Vicky, at sa iba pang namatay.” Tumulo ang luha ni Calvin. “Makakalimutan mong nakita mo uli ako. Pasensya na Jessica,  kailangan.” Nadurog si Jessica sa loob. Kung pa’nong hindi niya maipaliwanag ang saya no’ng nakita uli si Calvin, gano’n din ang lungkot. Pero kailangan niyang intindihin. Marami nang tragedia ang nangyari sa buhay niya, ngayon niya pinakakailangan ng katulad ni Calvin, pero kailangan niyang tanggapin ang katotohanan. “Naiintindihan ko. ‘Pag okay na, tatawagan ko na ang tito ko. Sa kanya ako titira.” “Alam kong malungkot, Jessica, kasi kailangan kong gawin. Hindi tulad mo, hindi ko makakalimutan ang sakit,” pinunasan ni Calvin ang mga luha. Ayaw na ayaw niyang nadadala sa emosyon, pero hindi niya napigilan ang sarili. “Sulitin na lang natin ‘tong oras na sandaling magkasama tayo. Tumuon ka sa kasalukuyan, dahil itong pagsasama natin, hindi magiging alaala,” pinipigilan niya ang sarili na umiyak. Sumasakit ang ngala-ngala niya. “Pero hindi mawawala ang alaala natin no’ng mga bata pa tayo.” Niyakap ni Jessica ang kaibigan.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD