Kabanata 13: Pastor Sid

3594 Words
I “Mabait siya, Jess. Promise,” paliwanag ni Vicky. Inaaaya niya si Jessica na sumama sa kanya para dumalaw sa tito niya na si Placido Ocampo bago ito bumalik ng Middle east kung saan siya nagmimisyon. Mas kilala siya sa konggregasyon ng sekta nila bilang Pastor Sid. Sa mga kamag-anak, Tito Sid. “Ayaw ko, Ate. Nahihiya talaga ‘ko,” pagdadahilan ni Jessica. Hindi rin niya gustong kumausap ng mga relihiyosong tao. Hindi niy alam kung bakit. Bigla na lang niyang kinamuhian ang mga ito. Pero ang idinadahilan niya kay Vicky ay nahihiya siya. “Dito na lang ako sa bahay. Maiwan na lang ako.” “Sumama ka na, Vicky. Please. Matutuwa ka ‘pag nakilala mo si Tito. Matutwa siya sa ‘yo.” Iniisip pa lang nio Jessica na kakausapin siya ni pastor Sid tungkol sa espiritwal na kaligtasan, para siyang masusuka. “Eh ayaw ko talaga, Ate.” “Sige na. Sama ka na. Magmimilk tea tayo after.” Pumayag din si Jessica, hindi dahil sa milk tea na alok ni Vicky. Mayro’ng kung ano sa boses at pagsasalita ni Vicky na tila nakakapagpakumbinsi kay Jessica. Pero hindi niya alam kung ano pang mas makapangyarihan sa mga boses sa ulo niya. II Halos isang oras ang biyahe nila sa Jeep papunta sa bahay ni Pastor Sid. “Para!” sigaw ni Vicky sa driver ng jeep nang malapit na sa kanto papasok kung sa’n makikita ang bahay ni Pastor Sid. Pero dahil mahina ruminig ang driver ng jeep, dumagdag pa ang sabog na tugtog ng speaker, at nasa bungad na upuan si V icky, lumagpas pa ang jeep nang maraming metro, halos limampu, bago ito huminto. Nakailang sigaw ng para si Vicky bago marinig ng driver. “Hinaan mo kasi tugtog mo!” singhal ni Vicky habang bumababa sila ni Jessica. “Hoy! Anong bugbog sinasabi mo riyan?” ganting sigaw ng binatang driver. Pinasok nina Vicky at Jessica ang kanto. Halos sampung minuto sila lumakad at lumiko-liko bago matunton ang kinaroroonan ng bahay ni Pastor Sid na may malaking terrace at napakaputing pintura. Katabi lang nito ang kapilya ng sekta nila. Walang masyadong bahay sa paligid. Hindi sementado ang mga daan. Halos puro d**o’t lupa. Marami ring puno na humaharang sa mainit na sinag ng araw. HIndi alam ni Jessica kung paanong pagpapakilala ang gagawin niya ‘pag nakita na si Pastor Sid. Hello. Ako po si Jessica. Nakipagsundo po ako sa mga demonyo. Ano po masasabi n’yo tungkol do’n, pastor? Kinatok ni Vicky ang pinto ng bahay ni Pastor Sid. Walang tugon. Kinatok pa niya ito nang kinatok, “Tito! Tito Sid!” pero wala pa ring tugon. Mula sa hindi kalakihang kapilya, lumabas ang isang senior citizen na babae, “ay! Ikaw ba si Vicky? ‘Yung pamangkin ni Pastor?” Siya ang caretaker ng kapilya. “Ah... opo. Ako po. Umalis po ba siya?” ‘Ay oo, kanina pa. May gagawin daw siya sa bahay ng isang kapatid. Nakalimutan ko na hija.” Itinuro ng matandang babae ang daan kung saan matutunton ang bahay na pinuntahan ni Pastor. Nilakad ng dalawa ang daan hanggang sa makita ang bahay na tinutukoy ng matanda. Rinig kahit sa malayo ang sigawan sa loob. Hindi sigawan kapag may mag-asawang nag-away o magkapitbahay na nagsisinghalan. May kakaiba sa isang partikular na sigaw na naririnig nina Vicky at Jessica. May isa pang sigaw na nakikilala ni Vicky. Sigaw ni Tito Sid. Sumilip sila sa bintana ng bahay at nakita ang maraming tao sa loob. Hindi inaasahan ng dalawa na masasaksihan ang senaryong madalas lang makita sa mga pelikula gaya ng The Crucifixion, The Excorcist, at The Fourth Kind. Isang lalaki ang nagwawala. Hawak siya ng dalawang lalaki, magkabilaan sa braso. Ang isa sa kanila ay parang namumukhaan ni Jessica, pero hindi niya maalala. Ang isa’y isang lalaking na sa apatnapung taon. Mahigpit ang pagkakahawak nila sa lalaking nagwawala. Nanlalaki ang mga mata nito, at nakangiwi ang bibig. Wagas ang pagkukumahog niya, pero hindi pa rin siya makawala mula sa hawak ng dalawang lalaki. Para siyang hayop na takot na takot mula sa isang panganib. Ang panganib sa kanya, walang iba kung hindi si Pastor Sid. Si pastor Sid ay may hawak na biblia at nakaunat ang isang kamay habang nagbabanggit ng ilang talata mula. Nakapaligid ang mga tao na nagdarasal nang taimtim. Ang iba’y parang nanonood lang ng teatro. May mangilan-ngilang vini-video ang nangyayari, pero kalauna’y ipapabura naman ito ni Pastor Sid. Parang nanonood lang ng pelikula sina Vicky at Jessica habang tinutunghayan ang nagyayari mula sa bintana ng bahay. Nahahalata nilang hirap na hirap ang dalawang lalaki sa pagpigil sa nagwawalang lalaki. Sa malapitan, mas nakakabingi ang sigaw na nililikha ng lalaki. May mga hinihiyaw siyang salita na hindi naiiintindihan ng mga nakapaligid sa kanya. Sinasabayan ng mga hiyaw na ito ang mga salita ni Pastor Sid na sumisigaw din. Ang ilang talatang binabanggit ng pastor ay pamilyar kay Jessica. “Sinasapian ba siya, Ate?” pabulong na tanong ni Jessica kay Vicky. Halong takot at pagkamangha ang nararamdaman niya. “Siguro,” tugon nito. “Kilala ko ‘yang lalaki na ‘yan. Mabait ‘yan. Uma-attend pa nga daw ‘yan ng sunday service kina Tito. Kenneth daw pangalan niya.” Nagulat ang dalawa habang nanonood mula sa bintana ay biglaang lumingon sa kanila si Kenneth. Mapulang-mapula ang mga nanlalaking mata nito. Tumigil ito sa pagsigaw, na ipinagtaka naman ng mga tao sa paligid. Nagbulung-bulungan ang mga ‘to. “Nakaalis na ba?” “Napalayas na ni Pastor!” “Amen!” “Hindi! Hindi pa nakakaalis ata!” Para silang mga bubuyog. Nang mapagtanto nilang may nililingon ito, tinignan nila ang direksyon ng tingin nito. Nakita nila ang nakadungaw sa bintana na sina Jessica at Vicky. “Vicky!’ sigaw ni Pastor Jun. “Ano ginagawa mo rito?” Hindi na nakatugon si Vicky. Nakakabahala ang katahimikang ginagawa ni Kenneth. Tumigil din pansamantala si Pastor Sid sa pagbato ng mga talata mula sa biblia. Nakapako ang tingin ni Kenneth kay Jessica. Gumuhit sa labi niya ang nakakakilabot na ngisi. Agad na nakaramdam ng takot si Jessica, maging kay Vicky, maging sa lahat ng tao na nasa eksena. “Fratribus. Quid agis?” nagulat ang lahat sa mahinahong sabi ni Kenneth. Bagama’t mahinahon, malamig ito. Hindi alam ng lahat ang ibig sabihin nito, may isa pa sa kanila na binuksan ang google translate  pero alam nilang sinasabi ito ni Kenneth kay Vicky o kay Jessica. Batid ni Jessica na siya ang kausap ng lalaki. Ang ibig sabihin ng sinabi ng lalaki ay “Mga kapatid. Kumusta na kayo?” Isang matigas na sigaw ang pinakawalan ni Pastor Sid, “IN THE NAME OF THE FATHER, AND OF THE SON, AND OF THE HOLY SPIRIT, I ORDER YOU TO LEAVE THIS VESSEL!” Parang baboy na kinakatay na humiyaw si Kenneth bago nawalan ng malay.  III “Halos ten years ko nang ginagawa ‘tong trabahong ‘to,” sabi ni Pastor Sid. Pagkatapos sa nangyaring pagpapalayas sa bahay na iyon, inaya ni Pastor Sid sina Jessica at Vicky na pumasok muna sa bahay niya. Naglabas siya ng meriendang biskwit para may kakainin silang tatlo habang nagkukuwentuhan. “Ba’t ngayon ko lang nalaman na naggaganyan pala kayo?” tanong ni Vicky. “Eh, ayaw ko talagang ipaalam sa ibang tao ‘tong ginagawa ko, lalo na sa mga kamag-anak ko. Nagulat nga ‘ko, bigla kang bumisita. Nakita mo tuloy ginagawa ko,” tumawa pa ang pastor nang bahagya. “Sorry, ‘di ako nakapagsabi. Para surprise.” “Ikaw talaga. Pamangkin talaga kita.” Nakikinig lang si Jessica sa kuwentuhan ng magtito habang kinakain ang nakaahin na biskwit. Interesado rin siyang makinig sa kuwentuhan nila tungkol sa ginawa ng pastor kaninang pagpapalayas. “Napapanood ko lang sa mga movies ‘yon, tito. Pa’no n’yo nagagawa ‘yung gano’n?” tanong ni Vicky na parang batang handang makinig sa kuwento ng isang matanda. “May iba’t iba kasing paraan para mapalayas ang demonyo sa loob ng isang tao. ‘Yung iba, nakikipagsundo sa demonyo. ‘Yung tipong papangakuan mo ng kung ano ‘yung espiritu kapalit ng pag-alis niya sa katawan ng specific na tao,” humigop siya mula sa tasa ng kape bago magpatuloy. “’Yung iba, may ginagawang seremonya o ritwal para makapagpaalis. “’Yung ginagawa ko, direkta kong pinapalayas ‘yung masamang espiritu. Gumagamit ako ng mga bersikulo sa bible. ‘Yung ginagawa ko, kagaya rin nu’ng ginagawa ng mga pari sa mga pelikula. Gaya rin ng ginawa ni Hesus. Ang pinakasikat, ‘yung nangyari sa Gerasenes. Isang hukbo ng mga demonyo ang sumapi sa dalawang lalaki. Ta’s nu’ng nakita sila ni Hesus, pinalayas sila. Nilipat sa mga baboy. ‘Pag hukbo raw, o Legion, na sa three thousand ‘yung number no’n. “Ang una kong kasong na-encounter, eh ‘yung sa isang babae. Actually, kambal silang sinapian. ‘Yung kakambal niya, nawala. Hindi na nakita. Nu’ng pinuntahan ko ‘yung bata sa bahay, nakagapos sa kama. Nagwawala. Iyak nang iyak ‘yung mga magulang. Naaawa ako sa kanila. “Lagi akong may tatlong katulong na lalaki everytime na gagawin ko ‘yung mga gano’n. Namatay si Wally, ‘yung isa kong kasama, buti na lang nagvolunteer si Dante, ‘yung binata kanina. ‘Yung may hawak sa isang braso ni Kenneth kanina.” “’Di ba kayo natatakot?” tanong ni Vicky, “baka masaktan kayo o kaya ‘yung mga kasama n’yo.” “Lagi kong sinisigurado na malalakas ang mga kasama ko. Saka kaya ginagawa ko agad ‘yung pagpapalayas bago pa may mangyaring masama. Hindi pinaghihintay ‘yung mga gano’ng bagay.” Hindi naging kumportable si Jessica sa pakikinig sa kuwento ng pastor. Ang akala niya’y magiging interesado siya. Lalo pang tumindi ang pagkabalisa nang mabanggit ang isang kaganapan na nakatala sa biblia. Hindi ba kayo natatakot? Hindi ba banta sa inyo ‘tong si pastor? tanong ni Jessica sa mga espiritu sa loob niya. !! Hindi siya banta !! Ba’t naman ako maniniwala sa ‘yo? Sa inyo? !! Kung hindi ka naniniwala, puwede mong sabihin diyan sa kumag na ‘yan na may demonyong sumapi sa ‘yo. Sige sabihin mo, tingnan na lang natin iisipin ng mahal mong kaibigan !! No’ng una’y akala niya’y matutulungan siya ng pastor, pero sa sinabi ng mga nilalang sa loob niya, bigla siyang nawalan ng pag-asa. !! Bakit hindi mo sabihin? ‘Di ba gusto mo kaming mapaalis? !! Nawala na sa loob ni Jessica na magsabi tungkol sa sitwasyon niya. Hindi niya tiyak kung dahil ba iyon sa nagawa ng mga nilalang na ito na manipulahin ang kanyang emosyon at pag-iisip.      Kanina’y ipinakilala ni Vicky ang kaibigan sa tito. Nagkamayan sila. Si pastor Sid ang nagbukas ng usapan nila ni Jessica. Nag-aalangan si Jessica na makipag-usap sa pastor dahil sa posibilidad na maging ang sarili niyang pananalita’y hindi maging kanya. Ikinuwento niya ang masalimuot niyang nakaraan sa pamilya, ang aksidenteng sunog sa bahay nila  !! Aksidente ba talaga? !!  at ang pagkamatay ni Mang Jun. “grabe ‘yung nangyari sa ‘yo,” sabi ni Pastor Sid. “Buti na lang nakaligtas ka. Himala nga na hindi ka nadale ng apoy. Kung ibang tao ‘yun, baka hindi nakaligtas” “Oo nga po e. Nagulat nga po ako,” kumuha pa si Jessica ng isang biskuwit at isinubo nang buo. “Nakakalungkot nga lang ‘yung nangyari sa tatay mo. Siya na lang ang kasa-kasama mo sa buhay,” humigop si Pastor Sid ng kape sa hawak na tasa. “Buti na lang at may kamag-anak ka kukupkop sa ‘yo. Saka buti’t pumayag ‘tong pamangkin ko na patirahin ka muna. Mabait talaga ‘tong si Kikay.” Namula si Vicky nang banggitin ng tito ang palayaw niya. Isinisikreto niya ito sa lahat, maging kay Jessica. Hindi niya gustong tawaging Kikay. “Matagal na ba kayo magkaibigan?” “Wala pa pong isang taon,” tumingin si Jessica kay Vicky. “Pero close na close na po kami.” “Mabuti nga ‘yung gano’n. May kaibigan ka. Katuwang sa buhay.” “Kaya nga po.” “Mahirap ang buhay. Maraming pagsubok. Gumagamit ang Diyos ng mga tao para damayan tayo.” Nagpanting ang tainga ni Jessica nang marinig ang huling sinabi ng pastor. Napagtanto niyang pupunta na sa espiritwal na mga konsepto ang diskusyon. Gusto na niyang tumayo mula sa pagkakaupo’t umalis. Kung kanina’y mata sa mata nag-uusap ang dalawa, ngayo’y iniwas na niya ang tingin kay Pastor Sid. Nakatuon na ang paningin niya sa hita, pinagmamasdan ito na para bang may kakaiba rito. “Alam mo, pagsubok lang ‘yan,’ nagpatuloy ang Pastor. “Binibigay ng Diyos ang mga pagsubok para patatagin tayo. Kaya niya hinayaang maging gano’n ang buhay mo dahil gusto ka niya patatagin. May gusto rin siyang ituro sa ‘yo.” Naalala ni Jessica no’ng nanonood siya ng isang pelikula. May sinabi ang karakter na nagpapakita ng ‘di pagsang-ayon. Medyo masarap bigkasin ang ekspresyong ito. “That’s bullsh*t,” maging si Jessica ay nagulat sa sinabi. Hindi niya inaasahang masasambit niya ang nasa isip lang niya. Kahit ang tagalog ng b*llshit ay kalokohan sa konsepto, hindi pa rin ito magandang sabihin bilang alternatibo. Sapat ang lakas ng boses niya para marinig nina Vicky at Pastor ang sinabi. Nabuga ni Vicky ang iniinom na kape. Nanlaki namana ng mga mata ni Pastor Sid. “Ano’ng sabi mo?” magkasalubong na ang kilay ng pastor. “Sorry. Hindi lang ako sumasang-ayon,” mahinang tugon ni Jessica. “Ano’ng mali sa sinabi ko?” mahinahon pa rin ang boses ng pastor. “Totoo naman. Kung hindi tayo bibigyan ng suliranin ng Diyos para subukin, hihina tayo. Sa bawat pagsubok din ay may tinuturo ang Diyos.” Natawa nang mahina si Jessica na para bang nagbitaw ng isang biro ang kausap. Napansin ito nina Pastor Sid at Vicky, na hindi pa rin makapagsalita dala ng labis na pagkabigla. “Sinira ng diyos mo ang buhay ko. Hahayaan niyang mangalunya ang nanay ko, maging lasenggero ang tatay ko, masunog ang bahay namin at ilagay ako sa panganib para lang may ituro sa ‘kin?” namumuo ang luha sa mga mata ni Jessica. “Anong klase ng diyos ‘yan? Hindi ba ‘di hamak naman po na mas maganda kung aalisin ng diyos lahat ng masama at gawing perpekto ang mundo? Anong klaseng diyos ang sisira sa buhay ng tao, para lang manubok? Ganyan ba ang mabuting diyos?” Lalo pang nabigla ang pastor sa mga naririnig. Hindi na inaasahan na magiging gan’to ang tugon ng kausap. Bilang pastor, alam niya sa sariling dapat maging handa sa mga hindi inaasahang mga katanungan na bigla na lang susulpot, pero nakaramdam pa rin ng pagkabigla ang pastor “Pero—“ “Halimbawa. ‘Pag may babaeng nire-r**e, sasabihin ba niya habang nire-r**e siya ‘ay, pagsubok lang ‘to ng diyos. May lesson dito after,’” sarkastiko ang ginagawang boses ni Jessica sa pagsasadula. “tapos pinatay siya pagkatapos siyang r**e-in?” gumigil pa ang boses ni Jessica. “Tapos mabuti pa rin ang diyos? Patay na nga ang babae, pa’no pang susubukin? Ano pa ang silbi ng...” iminostra ni Jessica ang quotation marks gamit ang dalawang kamay. “...Life lessons?” “Jessica, tama na ‘yan,” awat ni Vicky sa kaibigan na tila wala nang kontrol sa mga sinasabi. “’Yaan mo siya, Kikay. Sasagutin ko ang mga tanong niya,” inihahanda ni Pastor Sid ang sarili. Itinuon niya uli ang tingin kay Jessica. “Sabi sa biblia, lahat ng nangyayari ay nagkakalakip-lakip para sa mga nagmamahal sa kanya at--” “Hindi ko mahal ang diyos. Ano’ng silbi ng pagsira niya sa buhay ko? Parusa?” hindi na inialis ni Jessica ang tingin sa pastor. “Ba’t namimili siya? Kung mabuti siyang diyos ay may maganda siyang gagawin, pati sa mga masasama. Wala siyang itatangi.” “Ang hindi nagmamahal sa Diyos ay itatapon sa impiyerno. Pero sa ‘yo, Jessica,hindi pa huli ang lahat,” gumuhit ang ngiting maaliwalas sa labi ng pastor. “Hindi pa huli ang lahat para lumapit sa Diyos. Naghihintay lang siya sa ‘yo. Handa ang Diyos na tanggapin ka. Ikaw na lang ang hinihintay niyang lumapit. Hindi pa huli ang lahat. Maaagaw ka pa sa apoy ng impiyerno .” hinawakan niya si Jessica sa balikat. “’Pag namatay ka, makakasama mo siya sa langit. Do’n walang problema, sa halip puno ng ligaya kasama ang Diyos. Pero bago mo makamit iyon, kailangan mo siyang pahintulutang iligtas ka. Lumapit ka’t tanggapin mo—“ “Tingin mo, sa mga sinasabi mo ay makukumbinsi mo ‘kong mabuti pa rin ang diyos sa kabila ng mga nangyayari sa ‘king masama? Anong klaseng tagapagligtas ‘yang diyos n’yo? Nalaman ko na mahina rin pala ang diyos n’yo.” may diin sa mga salita ni Jessica. “Ba’t kailangan pa niya ng pahintulot galing sa tao, e diyos siya ‘ka mo, ‘di ba? Saka kung mabuti talaga siya, ba’t hindi na lang niya iligtas lahat ng tao. Ba’t kailangan ang pipiliin lang niya iligtas ay ‘yung mga tumanggap kuno sa kanya? Masyado bang maliit ang langit, kaya hindi magkakasya lahat ng tao?” Hindi siya makapaniwala sa mga pilosopiyang binabanggit niya. Alam niya sa sariling wala rin siyang kaalam-alam tungkol sa paksang pinag-uusapan.   Ang mga demonyo sa loob niya ang nagsisilbing ventriloquist. At si Jessica ang marioneta. Tahimik lang si Vicky. Bigla pa rin siya sa pagmimistulang anti-kirsto ng kaibigan. Hindi rin siya makaapuhap ng sasabihin dahil walang masyadong alam sa paksa. Iginala na lang niya ang paningin sa loob ng bahay ng tito niya, saka ibinalik sa kanyang mga hita. Sa sulok ng kanyang paningin, may nakikita siyang nakatayo sa pintuan ng bahay na para bang kanina pa nakikinig sa usapan. Nang lingunin niya ito, bigla na lang nawala. Ayaw nang ituloy ni Pastor Sid ang diskusyon. Naiintindihan niyang may pinagdadaanan lang si Jessica. Naniniwala siyang nagawa na niya ang dapat gawin. Sa huli, humingi lang ng tawad si Jessica sa mga nasabi. Malungkot siya na nasabi niya ang mga iyon sa harapan pa ng pastor, pero hindi niya (nila) pinagsisisihan. “Lalabas po muna ‘ko,” paalam ni Jessica bago lakad-takbong lumabas ng bahay. Nang makalayo na si Jessica, ibinulong ni pastor Sid kay Vicky, “’di mo ba siya pupuntahan at kakausapin?” “Hindi po. Kailangan niya po muna mapag-isa siguro.” Naiwan sa loob ang magtito’t nagpatuloy sa kuwentuhan. Sa mga kumustahan nila sa buhay ng isa’t isa, laging naisisingit na gawing paksa si Jessica. IV Sa malawak na bakuran, nakita ni Jessica ang dalawang magkatabing puno ng mangga. Sa gaitna ng mga ito’y ang isang duyan. Ang magkabilang dulong lubid nito ay nakatali sa katawan ng dalawang puno. Lagi siyang sumasaya kapag nakakakita ng duyan. Sa tuwing makakakita siya ng isa, kahit saan, gusto niyang umupo rito. Gaya ngayon. Pinuntahan niya ang duyan at umupo roon. Isa itong paraan para mapakalma ang sarili. Sa kanyang pagkakaupo, nakaharap siya sa isang malawak na bukirin. Sa kanyang gilid ay mga puno’t mangilan-ngilang bahay. Gusto niyang balikan ang masayang nakaraan. Gusto niyang panooring lumubog ang araw, pero maaga pa’t siguradong hindi na magpapaabot si Vicky ng gano’ng oras. Gaya ng ginagawa dati, inugoy niya ang duyan nang bahagya sa pamamagitan ng pagunat ng kanyang binti habang nananatiling nakalapat ang kanyang paa sa lupa. Hindi niya gustong lumakas pa ang ugoy ng duyan dahil natatakot siyang maaksidente. Sa kanyang pagpapahinga, wala siyang ibang naririnig kun’di ang ihip ng hangin, kaluskos ng mga dahon, at ang minsanang pagtawa ng magtito sa loob. Iyon lang ang mga nagpapaingay sa kanyang pagpapahinga hanggang sa nakarinig siya ng mga hakbang. Ang lupa ay halos napupuno ng mga tuyong dahon kaya rinig ang hakbang. Nilingon niya ang pinanggalingan ng ingay. Isang lalaki ang nakatayo’t nakaharap sa kanya. Hindi niya mamukhaan ito dahil nakatago ito sa lilim ng puno. Halos isang minuto siyang nakipagtitigan sa lalaki. Nagsimula itong humakbang. Tumindig ang balahibo ni Jessica, nakaramdam siya ng kaba. Lumakad ang lalaki papalapit sa kanya hanggang mas bumilis pa ang lakad at...   V ...nagpaalam na si Vicky sa tito para umalis. “Ingat po kayo sa... sa’ng bansa nga po kayo uli pupunta?” “Iraq.” “Sige. Ingat po kayo do’n. Kukumustahin ko na lang po kayo.” “Sige sige. Marunong na ‘ko mag-video call!” buong pagmamalaki ng matandang pastor. “Ingat kayo ni Jessica, ah. Pagpe-pray ko kayo.” “Sige po. Salamat po,” pagkasabi nito’y lumabas na si Vicky ng bahay. Agad nahagip ng kanyang tingin si Jessica na nakaupo sa duyan. Napansin niyang parang may nililingon ito sa kaanang direksiyon sa mga puno. Halos hindi ito gumagalaw. Lumakad siya para lapitan ang kaibigan, “Jess! Tara na!” pagkasabi nito, nakita niya na... VI ...lumalakad si Vicky papalapit sa kanya. Nang marinig niya ang boses ng kaibigan, agad niyang nilingon ito mula sa pagtingin niya sa lalaking papalapit sa kanya na para bang m,ay gagawing masama sa kanya. Nang ibalik niya ang tingin sa direksyon ng lalaki kanina, wala na ito. Guni-guni na naman ba?  Nakaramdam siya ng ginhawa nang lumapit si Vicky, at dahil na rin wala na ang lalaki, pero ramdam pa rin niya ang presensya nito. “Okay ka na, Jess?” tanong ni Vicky. “Uwi na tayo.” “Sorry sa nangyari kanina, ate. Hindi ko talaga alam kung ba’t ko sinabi ‘yun.” “Okay lang kay tito ‘yun. Mabait siya, sabi ko sa ‘yo,’di ba?” inakbayan ni Vicky ang kaibigan para palakasin ang loob. “Tara, paalam ka muna kay tito.” “’Wag na kaya, ate? Nahihiya kasi ako.” “Na ko, ‘wag ka mahiya at—“ “Ate,” mahinang sabi ni Jessica, saka tinignan si Vicky nang deretso sa mata. “O sige sige. Uwi na tayo.” Nagsimulang lumalakad ang dalawa palayo sa bahay ni Pastor Sid para pumunta sa kanto kung saan sila kanina pumasok. Do’n sila mag-aabang ng masasakyan. Sa huling pagkakataon, sana, nilingon ni Jessica ang kinaroroonan ng bahay, katabi ng kapilya. Akala niya no’ng una’y namalik-mata lang siya. Isang lalaki ang nakatayo sa pintuan ng kapilya na para bang pinapanood silang umalis. Sa suot na tee shirt na kulay dugo at sa pustura nito, nakilala niya agad ito. Siya ang isa sa dalawang lalaking pumipigil kay Kenneth kanina sa pagwawala, kung titingnan ang suot nitong tee shirt. Kung titingnan ang tikas, siya ang lalaking nakatayo’t lalapitan sana siya habang nakaupo siya sa duyan. Hindi niya gusto na may nanonood sa kanya, lalo na ngayon. Tumindig uli ang balahibo niya nang makita ang lalaki. Hindi niya alam kung bakit siya nakaramdam ng takot. Hindi niya alam kung bakit gusto niyang lumyo dito. VII Maluwag na ang loob ni Jessica nang makasakay na sila ni Vicky ng jeep. Tila hindi lang siya ang naginhawaan, maging ang mga nilalang sa loob niya. !! Ang galing mo makipagdebate sa pastor na kumag na ‘yon ah !! Narinig na naman ni Jessica ang mga boses sa ulo niya. !! Pero kami talaga ‘yon. Kaya kami ang magaling. Puppet ka lang !! Sa buong biyahe, hanggang sa makauwi, hindi siya kinausap ni Vicky tungkol sa nangyari sa bahay ni Pastor Sid. Nag-aalala siyang nasaktan niya si Vicky nang hindi sinasadya, sa kung anong partikular na paraan.   “Ate...” “Hindi ako galit, Jess. Naiintindihan ko. May pinagdadaanan ka, normal lang na maging gano’n ang reaksiyon mo.” Nagyakap ang dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD