Kabanata 14: Jogging

2637 Words
I Inirekomenda ni Vicky kay Jessica na minsan ay magjogging siya nang madaling araw para umayos ang pakiramdam niya at para lumakas ang baga niya.   Simula no’ng bumisita silang dalawa kay Pastor Sid, napapansin ni Vicky na hindi na normal ang mga ikinikolos ni Jessica. Minsang tutulala lang siya habang naka-upo sa sofa.May mga pagkakataon ding wala siyang ganang kumain.   Hindi alam ni Vicky kung ano ang nasa loob ni Jessica. Kung ano ang mga naglalaro sa loob niya.   Nahihirapan si Jessica sa sitwasyon niya. Isang dilemma. Hindi na niya gusto na nasa kanyang loob ang mga demonyo. Hindi niya maituring ang sarili niya bilang tao hangga’t may libo-libo siyang mga demonyo sa loob niya. Mukhang hindi sukdulang nagtagumpay ang mga nilalang sa loob niya na manipulahin ang emosyon niya. Hindi hamak na nangingibabaw pa ang emosyon niya bilang isang normal na tao.   Ang labis niyang pagkabahala ay nagdudulot sa kanya ng mga kilos na naiiba dati. Napupuno ang ulo niya ng sari-saring problema. Unti-unti ring nabubuhay muli ang kanyang konsensya, dahilan para mas ikalungkot at ikabahala niya ang mga pagpatay na ginawa niya. May mga pagkakataong naririnig niya sa kanyang isip ang mga panaghoy ng mgsa namatay sa kanyang kamay, sumisigaw ng katarungan.    Ang mas tumama sa kanya ang kay Mang Jun.   Ang kanyang pagtahimik na bahagyang nakakabahala kay Vicky ay ang pagtahimik ng isang kriminal na pumatay. Nagmistula ring halimaw na nagsusumigaw ang nararamdam niyang pagkabahala dahil sa mga kasalanang ginawa.   Para bang natulog ang mga demonyo sa loob niya. Pero duda siyang nagpapahinga ang mga ito. Baka...   ...tahimik lang sila’t nagtatago sa makapal na damuhan, hinihintay ang tamang panahon para atakihin ang usang walang kamalay-malay.   Pa’no?   Nagdesisyon siyang subukan ang rekomendasyon ni Vicky. Gumising siya nang 4:00 am. Nagsuot siya ng short, jersey na t-shirt, at sports shoes. Lahat ito ay mga pinaglumaan ni Vicky na ibinigay sa kanya. Nagsuot din siya ng sauna jacket dahil grabe ang lamig sa labas.   Ilang beses lang siyang nakapag-jogging sa buong buhay niya. No’g buo pa’t masaya ang pamilya niya, ‘pag walang pasok ang nanay niya sa opisina, nagjo-jogging sila nang umaga, syempre kasama si Mang Jun.   Natatandaan pa niya kung ga’no kasarap sa pakiramdam ang mag-ehersisyo sa umaga, lalo na kung kasama ang buong pamilya. Simula nang iwan sila ng nanay niya, hindi na naulit ang pagjo-jogging niya. Masyado niyang dinamdam ang kasalanan ng ina kaya ang nagagawa na lang niyang ehersisyo ay ang paglilinis ng bahay, dala ng obligasyon.   Hindi na ginising pa ni Jessica si Vicky para ayain mag-jogging dahil alam niyang napuyat ito kakaayos ng Thesis. Mas mainam kung matutulog ito nang mas mahaba.   Agad humalik sa mukha niya ang lamig ng paligid nang buksan niya ang pinto para lumabas. Nang tuluyan nang makalabas, marahan niyang isinara’t ikinandado ang pinto.   Ang alam niyang oval na puwedeng pag-jogging-an ay ang nasa isang State Collage sa katabing baranggay nila sa Sapang Putol, sa Baranggay Pinaod. Medyo malayo ito pero lalakarin pa rin niya, dagdag na sa pag-hehersisyo niya.   Sa shoulder ng highway ang daan niya. May mga pagkakataong bahagya siyang tatakbo, pero babalik din agad sa paglalakad. Takbo. Lakad. Takbo. Lakad.   May mga nakakasalubong siyang mga driver ng tricycle na sinasabihan siyang mag-ingat dahil kalat pa rin ang balita ng tatlong estudyanteng pinatay sa CR ng eskuwelahan. Hindi na nabalitaan ni Jessica ang tungkol sa ginagawang imbestigasyon.   Heto ang killer, pa-jogging-jogging lang.   Lumiko siya sa kanto ng Sapang Putol kung sa’n nakaparada ang mga pampasaherong tricycle. Maaga pa lang ay nag-aabang na ng pasahero ang mga masisipag na driver. May isa pang tumawag sa kanya’t nag-alok ng serbisyong transportasyon. Iniling lang niya ang ulo saka nagpatuloy sa paglalakad.   Hindi pa ga’nong maliwanag dahil madaling araw pa lang. Walang katao-tao sa kalye kung saan naglalakad si Jessica. May mangilan-ngilang taong nakaupo sa harap ng bahay nila’t nagse-cell phoe. Ang iba’y maagang bumangon para magdamo sa bakuran. Halos kanyang-kanya ang daan. Nahahagip siya ng mga tingin ng tao.   Nadaanan ni Jessica ang natupok nilang bahay. Hindi ito masyadong makita dahil madilim pa’t halos kulay abo na ito. Saglit siyang huminto para tingnan ang kung ano na lang ang natira sa kanilang bahay.   Bigla-bigla’y naalala niya ang ilang buwang paninirahan dito. Naalala niya ang pinagdaanan niya rito. Kung paano siya sinaktan ng mahal niyang tatay. Nabuo rin ang imahe ng mga apoy sa isip niya. Dito sa bahay na ito siya unang nagpamalas ng kapangyarihan. Dito rin natapos ang buhay ng lasenggero niyang tatay na kung hindi dahil sa labis na lungkot at hatak ng kamunduhan ay naging mabait at mapagmahal at hindi nananakit.   Kung hindi lang talaga ginawa ni Mama ‘yon, hindi aabot sa ganito.   Ilang minutong lakad pa’t nakalagpas na siya sa baranggay ng Sapang Putol at nasa pinaod na. Minsan niyang nadadaanan ang mga kalye dito kapag bumibili siya ng ulam sa isang karenderya.  Dumaan din siya dito para pumunta sa State College (kung sa’n siya magjo-jogging) para mag-transfer, pero hindi na tumatanggap ang eskuwelahan ng Junior High School.   Nadaanan pa ni Jessica ang ilan pang nakasaradong tindahan at ilang lamp post na nagbibigay liwanag. May nadaanan din siyang búrol.   Minadali na ni Jessica ang paglalakad nang matunton niya ang gate kung saan dadaan papunta sa oval ng eskuwelahan.   Ang area ng oval ay napapalibutan ng maraming puno. At sa gitna mismo ng oval ay may basketball court. Kakaunti ang semento bukod sa mismong oval. Dumadampi sa binti niya ang mga basang d**o na dulot ng hamog.   Suwerte siya’t may isang bakanteng bench  na puwede niyang pagpahingahan. Napagod siya sa paglalakad nang malayo at pinagpawisan rin nang matindi dahil sa suot na sauna jacket. Nawala ang ginaw na nararamdaman niya. Hinubad niya ang jacket, tinuipi, at ipinatong sa tabi niya.   Dahil din sa pagod niya, hindi niya nagawang magpatuloy sa oval para magsimulang mag-jogging. Gusto na muna niya’ng magpahinga nang kaunti bago mag-jogging.   Maraming tao ang kasalukuyang nagjo-jogging sa malaking oval. May bata, matanda, at aso. May ilang grupo-grupo kung tumakbo, may ilang nag-iisa. May ilang sinasabayan ng buka ng bibig ang pagtakbo. Nagmistulang silweta ang mga nagjo-jogging dahil sa dilim. Masaya siguro kung makikisabay na siya sa mga ito.   Nang tumayo na siya para mag-unat, nakita niya sa sulok ng kanyang paningin ang isang silweta ng nakatayong lalaki. Sinundan ba siya ng lalaking iyon galing sa lugar nina Pastor Sid? Nang lingunin niya ito, nawala. Guni-guni na naman ba?   Sumabay na siya sa mga Tumatakbo. Mas pinili niya ang puwesto kung sa’n wala siyang masyadong nakakasabay na tao. Pero mabilis at matibay ang mga madaldal na joggers kaya naaabutan siya. Sa ilang sandaling magkatabi sila sa pagtakbo’y milyon-milyong tsismis na ang narinig niya. Buti na lang at hindi sila nagtagal.   Bahagya nang lumiwanag ang langit at ang kapaligiran. Nakadalawang ikot na siya nang makaramdam nang matinding pagod. Mukhang hindi pa kaya nang katawan niya ang makarami ng ikot sa malawak na oval. Hingal na hingal siyang huminto sa pagtakbo’t naupo sa bangko kung saan niya ipinatong ang jacket.   May nakaupo do’ng isang batang babae na tingin niya’y halos sampung taon. Susubukan niyang maging palakaibigan. Tinabihan ni Jessica ang bata. “Wala kang kasama dito?” tanong niya sa bata.   Lumingon sa kanya ang bata. Napansin ni Jessica na kahawig niya ito no’ng bata pa siya. “Ako lang po mag-isa. Ayaw sumama nina Mama e.” Sa edad ng batang ito’y malaki na ang boses niya.   “Ba’t daw ayaw nila?”   “Sumakit daw katawan nila kagabi. ‘Di ko alam kung bakit.”   Natutukso si Jessica na sagutin kung bakit, pero napigilan niya ang sarili. “Ano’ng pangalan mo?”   “Aira po.”   “Ilang taon ka na, Aira?”   Hindi na narinig ni Jessica ang tugon ng batang babae dahil may nagsalita sa ulo niya.   !! GUTOM NA KAMI! MATAGAL NA KAMING HINDI NAKAKAKAIN! !!   ‘Wag ‘tong bata! ‘Wag dito!!! awat ni Jessica sa mga nilalang sa loob niya.   “Okay ka lang, ‘te? Ba’t tulala ka?” tanong ni Aira.   “Ay. Wala. Okay lang—“   !! GUTOM NA KAMI! BAHALA NA! HINDI MO NA KAMI MAPIPIGILAN! KAMI ANG PANGINOON MO! HINDI IKAW ANG PANGINOON NAMIN !!   “Bata! Alis!” sigaw ni Jessica. “Lumayo ka sa ‘kin!” Natakot ang bata kay Jessica dahil sa pagsigaw nito. Nagulantang din ang ibang nagpapahinga at nagpaaptuloy sa pag-jogging.   !! P*NY*TA KA, JESSICA! PAGKAIN NAMIN SIYA !!   Nababahala na ang mga tao sa pagsigaw ni Jessica, lalo na si Aira. “Please, Aira! Layo ka sa ‘kin!” itinutulak na ni Jessica palayo ang bata. Kinakabahan na siya sa gustong gawin ng mga demonyo sa kanya. Hindi niya hahayaang madamay ang batang ‘to sa kasamaan ng mga demonyo sa loob niya.    “Huy! Ano ba problema mo?” may mga taong nagsimulang sumita kay Jessica.   “Bata lang’yan! Ba’t mo pinapatulan?”   “Tigilan mo siya! Bata, tara dine!”   Ang mga sitang ito ay parang tunog lang ng langaw kay Jessica. Mas pinapakinggan niya ang mga sinasabi ng mga nilalang sa loob niya. Mas kailangan niyang mapakinggang ang mga boses na ito, para malaman ang susunod nilang hakbang. Nararamdaman  niyang malapit nang kumilos ang mga ito. Kailangan na niyang makalayo.   Nakapako sa kanya ang tingin ng mga tao.   Tatakbo pa lang siya nang biglang umikli hanggang sa mawala ang mga braso niya. Napasigaw siya sa takot. Dahil dito, nawalan siya ng balanse kaya natumba siya sa damuhan. Nawalan din siya ng kontrol sa kanyang mga binti. Ang mga ito’y nagdikit, hanggang sa maging isa. Humaba rin ang katawan niya. Humaba ang nguso. TInubuan ng mga kulay gintong kaliskis ang buong katawan niya. ANg kanyang mga ngipin ay tumalim. Naging kapansin-pansin ang umusbong na dalawang mahahabang pangil. Nagkanda-punit ang kasuotan niya hanggang sa tuluyan siyang maging hubad. Pero wala na siyang dapat ikahiya dahil wala na ang kanyang katawang tao.   Naging isang higanteng cobra si Jessica. Ang isa sa mga pinakamakamandag na ahas.   Halong pagkamangha at takot ang bumalot sa mga tao sa paligid. Nagtakbuhan ang mga bata habang sumisigaw at umiiyak. Nakasunod sa kanila ang mga magulang nila. Tumakbo na rin papalayo ang iba. May ilang matitipunong lalaki ang tumili habang tinutulak ang mga nakaharang sa daan, isa na ang isang matandang babae.    Para silang mga langgam na binugaw.   Unti-unting nawawala ang mga tao sa area ng oval.   Gumapang ang katawang ahas ni Jessica, nakaangat ang kalahati katawan, habang ang kalahati hanggang sa buntot ay nananatiling nakalapat sa lupa. Ang balat sa likod ng ulo ay umunat at nagmistulang hood. Ganito ang mga cobra kapag nakakaramdam ng pagkasabik o alarma. Ito ang mga demonyong gutom na gutom.   Pinagmasdan ng higanteng ahas ang paligid. Nakalayo na ang ibang tao. May ilang hindi pa nakakalayo. Hindi na mahintay ng ahas na ito na ibaon ang pangil sa laman ng tao’t makain ang buhay nila. Kahit malayo na ang ibang mga tao, sa bilis ng katawan ahas na ‘to, maabutan niya ang mga ito. Nahagip ng paningin ang batang si Aira na nagtatago sa likod ng isang puno.   ‘Wag! ‘Wag siya!!!   Hindi tulad ng dati, nanatili ang kamalayan ni Jessica. Pero wala sa kanya ang kontrol ng katawan niya. Nasa mga demonyo. Minanipula nila ang katawan niya para magamit nila sa kanilang pakinabang. Nakikita ni Jessica ang mga ginagawa niya bilang halimaw na ahas. Nanatili ang kanyang mga pandama sa mata at tainga. Kaya nang mahagip ng tingin niya si Aira, alam na niya ang susunod na mangyayari.   Halos kasimbilis ng tren na gumapang ang ahas papunta sa kinaroroonan ni Aira. Lumalakas na ang hagulgol niya dala ng takot na siya ang trip ng higanteng ahas. Ibinuka ng ahas ang bibig nito, halos mapunit pa ang panga.   Nang sasakmalin na niya si Aira, isang pulang liwanag ang nagkorteng check. Isang patalim ang humampas sa bibig ng ahas, sa bandang labi. Bumulusok ang itim na itim na dugo. Sa sobrang lakas ng tama, tumalsik ang higanteng ahas sa malayo. Ang pagtumba nito’y nagdulot ng pagyaig ng lupa.   Nakita ni Aira ang mabilis na pagdating ng kanyang tagapagligtas; isang lalaking nasa dalawampung taong gulang. May suot itong maong na jacket at may hawak na espada na ginamit nito para iwasiwas sa higanteng ahas. Ang talim ng espada ay kumikinang, nagliliwanag na kulay pula. Ang hawakan ay may nakaukit na krus. “Umalis ka na dito, bata!” sabi ng lalaki kay Aira. Kumaripas ng takbo ang bata kasabay ang ilang kakalabas lang sa pinagtataguang puno.   Maging si Jessica ay  nakita ang pagdating ng lalaki. Parang nagteleport ito. Namukhaan pa niya ang lalaki. Isa ito sa umaawat sa nagwawalang si Kenneth no’ng bumisita sila ni Vicky kay Pastor Sid. Ito ang lalaking pinagmamasdan siya habang nakaupo sa duyan. Ito ang lalaking nakita niyang pinapanood siyang umalis mula sa pintuan ng kapilya, Ang lalaking pakiramdam niya ay nakita na niya dati.   Agad pinuntahan ng binata ang pinagbagsakan ng higanteng ahas. Isang wasiwas pa sana ng espada ang gagawin niya para tuluyang mapatay ang halimaw na banta sa marami, pero nagulantang siya sa nakita; isang babaeng walang kasuotan. May mahaba itong hiwa ito sa labi. Walang malay. Ang naging konklusiyon ng lalaki ay ginamit ng isang demonyo ang katawan ng babaeng ito para maghasik ng kasamaan. Pero ang madalas niyang nakikitang pinapasukan ng mga diablo ay walang kakayanang mag-anyong higanteng ahas, o mag-anyong kahit anong kagila-gilalas. Inulan ng mga katanungan sa kanyang isip.   Ang espada niya ay biglang naging pluma, saka niya ito ibinulsa.   Binuhat ng lalaki ang walang malay na si Jessica. Nakita ng mga tao ang tunay na pagkatao niya, kailangan siyang itago. Inihiga siya ng lalaki sa sidecar ng tricycle, at mula sa likod ng upuan, kinuha niya ang isang tela, saka iyon ibinalot sa kanya. Ang plano ng lalaki ay dalhin si Jessica sa tinutuluyan nitong bahay sa isang subdivision sa bayan nang mas mabili. Kailangan niyang dumaan sa mga kalye ng mga baranggay para mapabilis ang biyahe.   Iniipon na ng lalaki ang mga itatanong kay Jessica at sa leader ng organisasyon nila.   Pero sino nga ba ang lalaki? Sino ang lider niya. Ano’ng organisasyon ang kinabibilangan niya? Ano’ng alam niya sa mga kababalaghang nangyayari sa mundo, gaya ng nangyayari kay Jessica?   Pinaandar niya ang tricycle, iniiwasan ang mga hindi patag na daanan para hindi mabulabog ang pasaherong walang malay.   II Nagising nang maaga si Ka Louie, ang isa sa mga kaibigan ni Mang Jun, para magdilig ng halaman.   Sa katabing bahay, naririnig niya ang iyakan ng dalawang dalaga. Hindi lang basta iyak ang gianagwa nila. Hagulgol. Alam niyang hindi tama, pero pinakinggan niya ang sinasabi ng kapitbahay. Para silang mga batang nagsusunbong sa nanay dahil inaway ng kalaro.   Halos hindi niya maintindihan ang sinasabi ng mga ito. Dinig sa kanilang bioses ang takot. Narinig niyang sinabi ng mga ito na may higanteng ahas sa oval. Alam niya ang hitsura ng kapaligiran ng oval; puro damuhan at puno. Hindi malabong magkaroon ng ahas doon na gagapang-gapang. Pero hindi naman siguro higante. Kung malaki man, baka anaconda.   Pamaya-maya’y narinig na rin niya ang parehong kuwento sa isa pang kapitbahay. Gaya ng dalawang dalaga, may takopt din sa boses ng isang lalaki. Hindi niya ito kilala sa pangalan. Matipuno ito, pero naaamoy niya ang dugong berde dito. Humahagulgol din ito.   Ano ba problema ng mga ungas na ito?   May mga tumatakbo na rin sa kalye, na para bang hinahabol sila ng isang halimaw. Binitiwan niya ang hawak na timba’t hinarang ang isa sa mga tumatakbo, isang lalaking tingin niya’y kaedad lang niya. “Ano’ng nangyari do’n sa oval?” tanong niya rito.    Bakas sa mukha ng lalaking ito ang matinding takot. Hindi ito nakatugon. Hindi niya pinansin ang tanong ni Ka Louie at nagpatuloy sa pagtakbo.   Naalala niya ang anak niyang si Aira. Nagpaalam ito kagabi na mag-jo-jogging sa oval. Nakaramdam siya ng pag-aalala. Napapanood niya minsan sa youtube ang mga ahas na lumulunok ng mga hayop nang buo.   Tumakbo siya para puntahan ang anak sa oval. ‘Wag sana ‘wag sana ‘wag sana ‘wag sana.   Nakasalubong niyang tumatakbo si Aira. “Anak!”   “Dadi. Tapos na ‘ko magjogging.”   Lumuhod si Ka Louie para maging pantay ang tingin sa anak. “Ano’ng nangyari sa oval?”   “Ha?”   “Ano’ng nangyari do’n? Okay ka lang? Hindi ka ba nasaktan ng ano, nu’ng ahas?”   “Ha? Ano’ng ahas? Walang ahas do’n. Nagjogging ako do’n, wala naman akong nakitang ahas.”   “Pero--?” hindi na itinuloy ni Ka Louie na tanungin pa nang tanungin ang anak. Inaya niya na ito sa loob ng bahay para mag-almusal.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD