XIII

1272 Words
Hindi maintindihan ni Faye kung bakit siya binubundol ng kaba noong mga oras na iyon. Susunduin daw kasi siya ng kakambal ni Alessandro mula sa penthouse nito at ihahatid sa bago niyang trabaho sa La Traviata. Kakaalis pa lang ng lalaki kahapon ngunit simula noong makasakay ito sa eroplano ay hindi pa rin ito tumatawag sa kanya. Maski mensahe ay wala. Ayaw niya namang magpakapraning ngunit paano niya naman mapipigilan ang malakas na kabog ng kanyang dibdib? Napatayo ang dalaga nang marinig ang pagtunog ng doorbell ng penthouse. Sa pagkakatanda niya ay walang hawak na key card ang kakambal ni Alessandro kaya naman kaagad niyang tinungo ang pinto. Humugot ng malalim na buntong-hininga at binuksan iyon.  Halos pinagbiyak na bunga si Alessandro at ang kakambal nitong si Alonzo. Maliban sa halos pareho ang mga ito ng tindig, pangangatawan, at mukha, ang tanging natitiyak niya lang na pagkakaiba ay ang nunal ng kaharap sa ilalim ng mata nito at ang hikaw nito sa kanang tainga. Sa likod ng lalaki ay may kasama itong mga bodyguard na parehong malalaki ang katawan. Bahagya pang napalunok si Faye bago nakabawi. “Ah, sir, pasok po kayo,” paanyaya niya sa lalaki. Pinaunlakan naman nito iyon. Nang makapasok sa loob ng penthouse ang lalaki ay kaagad na sumalampak iyon sa sofa. Ang dalawang kasama naman nito ay naiwan sa labas ng unit at tila ba hinihintay ang utos nito. Inalok niya pa ang lalaki ng maiinom at makakain na siyang hindi naman nito pinalampas. Habang inihahanda niya ang pagkain at inumin nito ay nararamdaman niya ang mainit na titig nitong halos tumagos na sa kanyang kaluluwa.  Habang inihahain ang sandwich at juice sa harapan ng lalaki ay napuna niya ang malademonyong ngising pasulpot-sulpot sa mga labi nito. Tila ba may maitim na balak na naiisip sa tuwing napagmamasdan siya. Alam niya na hindi niya dapat hinuhusgahan ang kapatid ng kanyang nobyo ngunit hindi niya mapigilan. Paano niya naman aalisin sa sarili niya ang pangambang nararamdaman, ganoong siya lang at ang lalaki ang naiwan sa silid? Ang nakakatakot pa, nag-iwan din si Alessandro ng babala tungkol sa lalaki bago ito umalis… “Sabi ni Alessandro, magtatrabaho ka raw sa La Traviata para mabayaran ang natitirang utang mo habang wala siya,” basag nito sa katahimikan bago inabot ang baso ng juice at sinimsim iyon.  Napalunok si Faye bago nagsalita. “Opo, Sir… Kahit na anong trabaho, Sir, gagawin ko po. Kahit na waitress pa ‘yan o kahera o kahit janitress…” Saglit siya nitong tinapunan ng tingin. “Alam mo ba kung gaano kalaki ang natitirang utang ng pamilya mo sa ‘ming mga Romano, Miss Barcoma? 2.5 million ang binayaran ng kapatid ko. May 2.5 million ka pang utang sa ‘min. Kahit na magtrabaho ka pa bente kuwatro oras, hindi mo pa rin mababayaran kaagad ang utang ng papa mo,” saad nito na ikinahigpit ng hawak niya sa laylayan ng kanyang suot na t-shirt.  “E Sir, pangako, gagawin ko po ang lahat… Ayaw ko naman po na maging kargo ni Alessandro at–” Mahina itong tumawa at ikinumpas ang kamay nito. “It’s alright, I understand you, Faye. Anyway, puwede bang maupo ka?” sabi nito sabay tapik sa puwesto sa tabi nito. “It annoys me seeing you standing like that. Baka mangalay ka.” Napailing siya. “Naku Sir, huwag na–” “I insist, Miss Barcoma.” Ang awtoridad sa tinig ng lalaki ang naging dahilan ni Faye para mapaupo. Nasa tabi siya ng lalaki habang tahimik lang ito na kumakain. Tila ba malalim ang iniisip. Tila ba may… Ano ba, Glydel Faye? Kumalma ka nga! Ikaw na nga ang tinutulungan, saway niya sa sarili habang pilit na ikinakalma ang kanyang dibdib.  Bahagya pa siyang napapitlag nang magsalita ito ulit. “Hindi ko alam kung magkano ang alok ni Alessandro sa ‘yo kaya ka nanatili. O kung anong makukuha mo kung sakaling papakasal ka sa kapatid ko. Pero iisa lang ang sigurado ko, Miss Barcoma. You’d only take advantage of my brother. Kaya naman sa kabila no’n, may iaalok ako sa ‘yo. Titiyakin ko na makakabayad ka sa utang mo kapalit ng isang… maliit na pabor.” Napalunok si Faye. Pilit niyang itinago ang panginginig ng kanyang tinig ngunit hindi niya magawa. “Ano p-po ‘y-y-yon, S-sir?” Nanlaki ang mga mata ni Faye nang ilapat ni Alonzo ang palad nito sa kanyang hita. Sa isang mabilis na galaw ay umakyat iyon papakyat, hinihimas siya. Nanigas sa kanyang kinauupuan si Faye, lalo na nang maghinang ang mga mata nila ng kakambal ni Alessandro. Sa sandaling iyon ay kaagad niyang napagtanto ang nais nitong pabor.  “Bakit ka namumutla, Faye? Be my woman. ‘Yon lang naman ang hihingin ko na pabor. Leave my brother and serve me.” Tumawa ito. “I can assure you, I can give you better experience–” Napatayo si Faye. Tinabig ang kamay ng lalaki. “Pasensya na po kayo, Sir, pero tapat po ako kay Alessandro. Babayaran ko po ang utang ko sa inyo pero hindi po sa ganitong paraan.” Tinalikuran niya ito at sinimulang ligpitin ang pinagkainan ng lalaki. Ramdam ni Faye ang panginginig ng kanyang kalamnan. Halos maglaglagan na ang platito at kubyertos na nasa ibabaw ng tray na kanyang hawak kung hindi lang siya maingat, dala na rin ng kanyang kamay na kanina pa matindi ang panginginig. Sa kanyang paghakbang papalayo ay naramdaman niya ang paghawak ng malalakas na kamay ng lalaki sa kanyang beywang. Ipinilit ni Alonzo ang sarili nito sa kanya. Pinilit nitong sirain ang kanyang pader na sa kabila ng kayang pagproprotesta at tila ba bingi ito at bulag. Sa kanyang takot ay kaagad na nakaisip ng paraan si Faye. Kinuha niya ang basong nasa ibabaw ng tray na kanyang hawak at inihampas iyon sa bungo ng lalaki.  Napahiyaw ito at kaagad siyang nabitawan, sapo ang nagdurugo nitong sentido. Bumukas naman ang pinto ng penthouse at pumasok ang dalawang bodyguard ng lalaki. Pagalit nitong itinuro siya. “Get that wh*re!” Nagawa pa ni Faye na ihagis ang hawak niyang tray sa isa sa mga bodyguard bago nagtatakbo patungo sa banyo ng penthouse. Bago niya pa man maisara ni Faye ang pinto ay nahablot na siya ng isa sa buhok. Napatili ang dalaga nang hilahin siya nito at kaladkarin papalabas ng banyo. Pilit niyang ipiniglas ang kanyang sarili ngunit hindi niya magawa. Sinubukan niyang kumawala ngunit– Pagak na tumawa si Alonzo nang makita siya. Dinuraan pa siya ng lalaki bago may inilabas na hiringgilya sa bulsa nito. Muli siyang nagpumiglas nang mapagtanto na itatarak sa kanya ng lalaki ang laman niyon ngunit hinawakan siya sa magkabilang binti ng isa pang alalay nito. Napaarko ang likod ng dalaga nang maramdaman ang pagtusok ng karayom sa kanyang balat kasabay ang unti-unting pagdidilim ng kanyang paningin. Nang pagbalikan ng ulirat ay isang madilim na silid ang bumungad sa dalaga. Nang subukan niyang igalaw ang kanyang mga kamay ay naramdaman niya ang malamig na posas na nakakabit sa mga iyon. At ang telang nakabusal sa kanyang bibig. Nakailang beses niya pang sinubukan na igalaw ang kanyang katawan ngunit wala rin iyong saysay. Walang nakakarinig sa kanya. Walang darating para isalba siya. Walang– Nasa ganoong lagay siya nang pumasok sa loob ng silid ang kakambal ng kanyang nobyo. Mala-demonyo ang ngising nakapinta sa labi ng lalaki habang mahinang tumatawa.  “Huwag ka nang sumubok pang kumawala, Miss Barcoma. Hindi ka rin makakatakas. Gusto mong makabayad ng utang mo, ‘di ba?” Humalakhak ito. “Wala nang magliligtas sa ‘yo ngayon, Faye…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD