Chapter Two

2146 Words
INIS na inis si Glydel. Hindi siya makapaniwalang mananakawan siya ng halik ng isang lalaki na hindi naman niya kilala. Marahil karma na rin iyon sa kaniya dahil sa ginawa rito. Maya-maya ay pumasok ang kaniyang supervisor. Naabutan siya nito na nakaupo at nakasimangot. “Ano ba ang nangyari? Bakit uminit na naman bigla iyang ulo mo at pinatulan mo pa ang lalaking costumer na iyon?” “Eh-” Tila umurong ang dila ni Glydel dahil hindi siya makapagsagot nang diretso. “Glydel, alam ko naman na may pagkamasungit ka. Pero ang alam ko ay inilalabas mo lang iyon kung nawalan ka na ng pasensya. Eh bakit kanina, wala pang ilang segundo, pumutok na ang bunganga mo? May nangyari bang hindi maganda?” Sa halip na sumagot si Glydel, bigla na lang siyang umatungal ng iyak. Na siyang labis namang ikinabigla ng supervisor niya. “Glydel.” Naalarma si Josie sa pag-iyak ng dalaga. Agad siyang tumabi rito at niyakap. “Ate Josie, wala na po kami ni Froilan,” hayag niya habang umiiyak. Alam ni Josie ang tungkol sa kanila ni Froilan. Sinasabing lahat ni Glydel sa kaniya-Ang tungkol sa pamilya at buhay pag-ibig. “Tatlong taon na kayo at ang tagal na. Ngayon pa kayo nagkahiwalay? Bakit daw?” “Hindi ko nga po alam. Wala naman kaming naging problema. Nakikita ko naman na masaya kami.” “Baka naman ikaw na lang ang masaya. Hindi mo lang nahahalata dahil sa mahal na mahal mo siya. Alam mo, kapag kasi tumatagal ang isang relasyon, posibleng nawawalan na ng gana. Ang lambing n’yo noon ay hindi na gaya ngayon. Iyan iyong nagiging isa sa mga dahilan kung bakit nagiging matamlay na ang isang relasyon.” “Mayroon po bang ganoon? Nakikita ko naman na masaya siya habang magkasama kami.” “Eh, kung hindi kayo nagkikita? Malalaman mo ba na masaya pa siya sa iyo?” Tumahimik si Glydel. Napaisip siya sa tanong ni Josie sa kaniya. Hinawakan ni Josie ang magkabilang kamay ni Glydel. “Ganito na lang gawin mo. Isipin mo na lang na baka nga hindi kayo para sa isa’t isa ngayon. At maaaring bukas, sa makalawa at sa mga darating pang mga maraming araw ay hindi talaga kayo.” “Ate Josie naman . . .” “Biro lang. Ano ka ba naman? Marami pang lalaki riyan. Hayan nga oh, may dumating na isa. At nakaisa pa ng halik sa iyo!” Natigilan si Glydel sa sinabi ni Josie. Pinagtatawanan pa siya nito. “Oh! Totoo naman ah. May umalis, may dumating. Ang taray mo nga kanina pero talo ka pa rin sa ginawa niya.” “Nakakainis kasi ang lalaking iyon. Hindi naman siya ang tinitingnan ko kanina. Bigla ba naman akong sinigawan!” “Baka naman totoo iyong sinasabi niya na sobrang talim ng titig mo. Kaya hayon, nainis at sininghalan ka.” “Eherm! Ate Josie, tama lang ang ginawa ni Ginoong guwapo kay Glydel kanina.” Nagulat at napatingin bigla sina Glydel at Josie nang magsalita si Janeth. Nakatayo ito sa may pintuan nang hindi man lang nila namamalayan. “Ang alin doon? Iyong halik ba?” “Hindi noh! Tama lang na pagalitan siya ng lalaking guwapo na iyon. Paano kasi, si Glydel pa iyong matapang kanina. Alam mo bang nasa labas na ng department store iyon? Pumasok lang ulit para puntahan siya.” “Ha?” maang na sambit ni Glydel. “Bakit kasi ganoon mo siya kung tiningnan?” “Ang kulit naman. Kumakampi ka yata roon sa lalaking iyon. Ilang beses ko bang sasabihin na hindi nga siya ang tinitingnan ko!” “Oh! Bago pa kayo magkainitan, itigil n’yo na iyan. Ayaw kong may bagong pag-aaway na naman ang magaganap. Magkakasama lang kayo rito, magkakagulo pa. Ikaw Janeth, ano’ng ginagawa mo rito? Nagpunta ka lang ba rito para makikipagtsismisan?” Saka lang naalala ni Janeth ang pakay niya kung bakit siya pumasok sa loob. “Nasa labas ang kapatid mo. Umiiyak at hinahanap ka,” sabi nito kay Glydel na agad namang ikinagulat ng dalaga. “Bakit daw?” “Hindi ko alam.” Hindi nagawang magpaalam ni Glydel kay Josie dahil agad na siyang lumabas at pinuntahan ang kaniyang nag-iisang kapatid na si Gio. Pakiramdam niya, may masamang nangyari sapagkat hindi basta-bastang pumupunta ang kapatid sa kaniyang pinagtatrabahuan. Pagkakita ni Glydel kay Gio, nagulat at kinabahan siya nang makita itong humahagulgol. “A-Ate . . .” panimula nito sa pagitan ng paghihikbi. Sinabayan pa nang yumuyugyog ng magkabilang balikat “Gio . . . Gio bakit? May nangyari ba?” bakas sa mukha nito ang pag-aalala at pagtataka. “Sina Nanay at Tatay, na-nasa hospital. Pa-patay na,” hayag nito na mas lalo pang umiyak nang umiyak. “A-Ano! Paano? Bakit?” Mahigpit nitonf hiwakan ang magkabilang balikat ng kapatid. Nang lumabas si Glydel, sumunod pala si Josie sa kaniya. “Glydel, puntahan mo na muna ang mga magulang n’yo ni Gio. Ako na ang bahala sa boss natin,” sabi nito sa dalaga. “A-Ate Jo-Josie, ano . . . ahm,” naguguluhan si Glydel at hindi alam kung ano ang sasabihin. Nabigla siya sa sinabi ng kapatid. “Ate, tara na,” sabi ni Gio sa dalaga. “Sige na, Glyldel. Umalis na kayo.” Doon lamang natauhan si Glydel. Dali-dali niyang hinawakan sa kamay si Gio at patakbong nilisan ang kaniyang pinagtatrabahuan. Hindi niya siya nag-abala pang kunin ang kaniyang bag. Mabuti na lang at may dalang pera si Gio kaya nakapagbayad sila ng pamasahe sa trycicle. Nang makarating sa hospital, pumasok agad ang magkapatid. Tinunton ang emergency room kung saan naroon ang kanilang mga magulang. Nakita agad ni Glydel ang ama’t ina niya. Kapuwa wala nang buhay dahil sa natamong maraming tama ng bala. Hindi maipinta ang mukha ng dalaga habang papalapit sa patay nang mag-asawa. Pakiramdam niya bumigat ang kaniyang mga paa dahil sa nahihirapan siyang ihakbang ang mga ito. Lumakas ang kabog ng kaniyang dibdib at parang mawawalan siya ng hininga. Habang si Gio naman ay walang tigil sa paghahagulgol. “Kanina pa kita tinatawagan pero hindi ka sumasagot, Ate,” humihikbi nitong sabi. “I-Inay, I-Itay . . .” sambit ng dalaga. Hindi makapaniwala sa kaniyang nakikita. “Ate . . .” “Si-Sino ang m-may gawa nito sa kanila!” sigaw ni Glydel sabay tingin sa kapatid niyang lumuluha na si Gio. “Nadamay raw sina Itay at Inay sa isang engkwentro kaninang umaga habang nagtitinda. Nakita sila ng isa sa mga kapitbahay natin kaya umuwi at sinabihan agad ako. Hindi alam ng mga nakakita kung sino ang mga taong nagbarilan sa lugar kung nasaan ang mga magulang natin, Ate.” Patuloy sa pag-iyak si Gioa habang nagpapaliwanag sa dalaga. “I-Inay, I-Itay . . .” “Ate . . . Wala na sila. Papaano na tayo?” Ikinuyom ni Glydel ang magkabilang kamay. “Magbabayad ang mga taong iyon. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko nalalaman kung sino ang may gawa nito. Pananagutin ko silang lahat!” Pagkatapos niyon ay walang tigil na sa pag-iyak si Glydel habang sinasabayan naman siya ni Gio na nakatayo sa kaniyang tabi. Nakatingin sa nakahimlay na mga katawan ng kanilang mga magulang. Maya-maya ay dumating ang isang lalaki na nagtatrabaho sa hospital na iyon. Nagpapalaam na dadalhin na ang labi ng mga magulang nila sa loob ng morge upang isagawa ang dapat sa mga taong namamatay. Walang nagawa ang magkapatid kundi ang sumunod. Patay na ang kanilang nga magulang at sila na lang ni Gio ang naiwan. Mahirap lang sila kaya mas lalo silang mahihirapan ngayong dalawa na lang silang magkapatid ang magdadamayan. Habang naghihintay sa labas ng morge, nagpasyang maupo ang magkapatid. “Ate Glydel, paano na tayo? Hihinto na ba ako sa aking pag-aaral? Ikaw, papaano ka? Titigil ka rin ba?” mga tanong ni Gio sa naguguluhan pang si Glydel. “Hi-Hindi ko alam, Gio. Hindi ako makapag-isip nang tama sa ngayon,” umiiling-uling niyang tugon sa kapatid. “Hihinto na lang ako, Ate. Magtatrabaho na lang din ako para makatapos ka.” Nilingon ni Glydel ang kapatid at hinawakan ang magkabilang pisngi. “Makinig ka, Gio. Huwag na muna tayong mag-isip ng kung ano-ano sa ngayon, lalo na ikaw. Kailangan muna nating asikasuhin ang lahat kina nanay at tatay bago ako magpasya sa kung ano ang susunod kong gagawin. Pero sisiguraduhin ko sa iyo na hindi kita pababayaan. Kaya ko ito.” “Pero, Ate . . .” “Gio, makinig ka kay Ate. Kapag sinabi kong kaya ko, kaya ko. Kilala mo naman ako hindi ba? Matapang ako at matatag. Lahat kakayanin ko para sa atin.” At saka niya binitawan ang magkabilang pisngi ng kapatid. Patuloy pa rin na umiiyak ang sina Gio at Glydel. Maaring mahirap ngunit wala na silang magagawa. Wala na ang kanilang mga magulang ngunit kailangan nilang magpatuloy sa buhay. “A-Alam ko na mahirap pero kakayanin nating dalawa ito. Kailangan nating mabuhay sa mundong ito. Mapait man ang magiging karanasan sa mga darating pa nating mga araw pero mananatili tayong matatag.” “Opo, Ate Glydel,” pagsang-ayon nito sa huli. “Mabuti at naiintindihan mo.” Sunod-sunod ang pagtango ni Glydel sa kapatid kahit na ang totoo, hindi pa niya alam kung ano ang dapat gawin. Naguguluhan pa siya sa mga nangyari. Matapos ang ilang oras na paghihintay, iniuwi nina Glydel at Gio ang labi ng kanilang mga magulang upang paglamayan. Marami ring mga tao ang pumunta sa kanilang bahay upang makiramay. May mga nag-abot ng pera at may nagbigay na pang-meryenda. Kapuwa mabait ang kanilang nanay at tatay kaya maraming naging kaibigan at mga kakilala. “Glydel,” tawag ni Cath sa kaniya habang palalapit. “Salamat,” sabi ni Glydel sa babae nang lingunin niya ang babae. Malaki rin ang tulong na ibinigay ni Cath sa kaniya. Hinawakan ni Cath ang magkabilang kamay ni Glydel. “Ano ka ba? Magkaibigan tayo kaya dapat lang na tulungan at damayan kita.” Sandali silang natahimik. Nagsisimula na namang pumapatak ang luha ni Glydel habang nakatingin sa kaibigan. “Kung may kailangan ka pa, sabihan mo lang ako. Huwag kang mahiya sa akin.” Tipid niyang nginitian si Glydel. Nagpakawala nang malalim na hininga si Glydel. “Ang totoo niyan . . . nahihirapan ako. Naguguluhan kung saan ako dapat magsimula. Ayaw kong huminto sa pag-aaral pero kailangan, eh.” “Bakit ka naman hihinto kung ayaw mo? May trabaho ka naman.” “Hi-Hindi sapat ang kinikita ko para sa pag-aaral namin ni Gio. Noon kaya ko dahil nariyan sina Itay at Inay. Sila ang gumagastos sa pag-aaral ni Gio pero ngayon na ako na lang mag-isa ang nagtatrabaho? Hindi ko kakayanin, Cath. Kaya hihinto ako kahit ayaw ko.” “Glydel, naiintindihan kita. Sobrang hirap ng sitwasyon n’yo ngayon ni Gio.” Ikinuyom ni Glydel ang mga kamay pagkatapos itong bitawan ni Cath. Nagbago ang reaksyon ng mukha niya. Gumuhit ang galit. “Kasalanan ng mga taong iyon kung bakit mas lalo kaming mahihirapan ngayon ng kapatid ko. Bukas na bukas, pupunta ako ng presinto. Aalamin ko kung sino ang pumatay sa mga magulang namin!” “At pagkatapos, ano na ang balak mo kapag nalaman mo kung sino ang may kasalanan sa pagkamatay nila?” “Ipakukulong ko silang lahat! Pagbabayarin!” Hindi na rin napigilan ni Glydel ang sarili. Nagsusumigaw siya hanggang sa mamaos. “Ang sasama nilang lahat. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko sila nakikitang nagdurusa!” Dahil sa itinuran ni Glydel, lumapit si Gio sa kaniya at niyakap. Pati ito ay lumuha na ring kagaya niya. “Tama na, Ate. Tama na,” awat nito sa kapatid. Nagsusumigaw pa rin si Glydel. Ang lahat ng nga taong naroroon ay nagsitinginan na rin. “Gio, asikasuhin mo ang mga tao. Ako na ang bahala sa kapatid mo. Papasok lang kami ng silid. Sa tingin ko ay kailangang magpahinga ng ate mo.” Tumingin si Gio kay Cath at marahang tumango. At pagkatapos, binitiwan niya si Glydel at tumalikod. “Glydel . . .” mahinang tawag ni Cath sa dalaga sabay yakap. “Hi-Hindi ko alam kung papaano ko bubuhayin nang mag-isa ang kapatid ko,” sabi niya habang patuloy na lumuluha. “Kaya mo iyan. May awa ang diyos. Gagabayan ka niya araw-araw.” Walang sawa niyang hinahaplos ang likod ng kaibigang dalaga. “Pumasok ka sa kuwarto at magpahinga na muna. Ako na ang tutulong kay Gio sa pag-aasikaso sa mga tao.” Ilang minuto ring nanatiling nakayakap si Glydel kay Cath. Dalawa sana silang patungong silid pero umayaw si Glydel. Ang huli lang mag-isa ang pumasok at pinakiusapan si Cath na tulungan si Gio. Mabuti na lang at malakas ang loob ng kapatid ni Glydel dahil nakakayanan nitong humarap sa kabila ng mga mapait na naganap sa pamilya nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD