MADILIM na ang buong paligid sa bahay ni Jeon ngunit hindi pa rin siya makatulog. Iniisip niya ang nangyaring kapalpakan ng kaniyang mga tauhan. Nasa balkonahe siya ngayon at umiinom.
Sa lahat ng kanilang transaksiyon, ngayon lang sila pumalpak. At dahil iyon sa hindi siya sumama sa paniningil. Kapag naroon kasi siya, hindi nag-aatubiling magbayad ang mga taong may utang sa negosyo nila ng tiyuhing si Oscar.
Tahimik siyang umiinom ng alak habang nakatayo at nakasandal. Nakatingala sa langit habang hawak-hawak ang basong naglalaman ng mamahaling alak. Ganito siya kapag may bumabagabag sa kaniyang isipan. Pakiramdan niya ay siya ang dahilan kung bakit namatay ang mag-asawang nadamay sa kapalpakan ng kaniyang mga tauhan. Nakaramdam siya ng kirot sa kaniyang puso dahil sa naranasan niya rin kung papaano mawalan ng mga mahalagang tao sa buhay.
Bumuntonghininga si Jeon at pagkatapos, nagbaba ng tingin. Tumikhim ng alak at humarap sa pintuan ng kaniyang kuwarto na yari sa makapal na salamin.
Maya-maya ay naisipan niyang pumasok sa loob. Kinuha ang kaniyang cellphone na nakapatong sa ibabaw ng maliit na mesang katabi lang ng kama. Pagkatapos ay muling lumabas at binuksan ang telepono. Hinanap ang numero ng pinsan niyang malapit sa kaniya at saka tinawagan.
“Hello, Tristan,” panimula niya sa pinsan na nasa kabilang linya. Agad siya nitong sinagot.
“Ano ka ba naman, Jeon? Gabi-gabing na, tumatawag ka pa rin. Alam mo naman sigurong masyado akong busy sa negosyo ko. Maraming tao kanina sa restaurant kaya pati ako napasabak.”
“Ayaw mo n’on, lalago ang pera mo at tiyak maraming babae ang hahabol sa iyo,” biro pa ni Jeon sa pinsan.
“At ano’ng ipinupunto mo? Pera ko lang ang habol nila? Para sabihin ko sa iyo, mas magandang lalaki naman ako sa iyo. Habulin!”
“Tsk.”
“Totoo naman, ah! Ang hirap kasi sa iyo, iniwanan ka lang ni Suzane, para ka nang yelo kung makikitungo sa mga babae. Dude, hindi lang ang ex-girlfriend mo ang babae sa mundo. Matagal nang wala iyon kaya move on ka na at hanapan mo na ng nanay iyang anak mo.”
Sa sinabing iyon ni Tristan, biglang sumagi sa isipan ni Jeon ang babaeng nakaaway niya sa department store kanina. Nanakawan pa niya ito ng halik dahil sa inis. Lahat ng mga babaeng sinusungitan niya ay kaniyang napapayuko. Pinupukulan niya lang nang matalim na tingin, tumitiklop agad.
Ngunit iba ang babaeng saleslady sa isang department store na pinagbilhan niya ng laruan ni Sheen. Matapang siyang hinarap nito at nakipagsabayan sa masungit niyang ugali. At dahil sa kaniyang naiisip, hindi niya namamalayan na nakangiti na pala siya.
“Jeon, nariyan ka pa ba? Pambihira ka. Tatawag-tawag ka sa akin pagkatapos, hindi ka na sumasagot?”
“Pasensya na. May naalala lang ako.”
“At sino? Si Suzane na naman? Puwede ba, ilang beses ko nang sinasabi sa iyo na-” Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil sa pinutol agad ni Jeon.
“Shut up, Tristan. Pagod na ako sa mga paalala mo. May sasabihin ako sa iyong mahalaga kaya ako napatawag.”
Natigilan si Tristan. “Ano iyon?”
“Pumalpak kasi ang mga tauhan namin ni Tito Oscar. May nadamay na mga inosenteng tao habang nagbabarilan sila habang naniningil. Mga tauhan namin laban sa mga tauhan ni Brando. Namatay iyong mag-asawang nagtitinda lang.”
“Ano! Eh, ano’ng kinalaman ko roon?”
“Makinig ka nga muna. Gusto ko sanang alamin mo ang tungkol sa mag-asawang iyon at tulungan mo ang pamilyang naiwan nila.”
“Pinsan, hindi ako imbestigador. May-ari lang ako ng hindi kalakihang restaurant.”
“Tristan, alam ko iyon. Pero ikaw lang ang mapagkakatiwalaan ko. At saka, ako na ang bahala sa lahat ng kailangan ng restaurant mo ngayong buwan.”
“Hindi na kailangan dahil malaki-laki na ang kinikita ng restaurant ko.”
“Sige na, pinsan. Pagbigyan mo na ako.”
“Bakit hindi na lang ikaw ang gumawa?”
“Wala akong panahon at alam mo iyon. Ayaw ko ring makikisalamuha sa mga tao na walang kinalaman sa trabaho ko. Negosyo at si Sheen lang ang inaasikaso ko. Kaya sige na, gawin mo na para sa akin, pakiusap.”
“Aba! Nakikiusap ang mahal na hari ng yelo.”
“Ano’ng pinagsasabi mong hari ng yelo?”
“Wala. Kalimutan mo na nga lang. Eh teka lang, alam mo na ba kung ano ang mga pangalan ng mag-asawang iyon?”
“Hindi pa. Kaya nga gusto kong alamin mo. Marami akong aasikasuhing kliyente ni Tito Oscar kaya ikaw na ang bahala. I-te-text ko na lang sa iyo ang lugar ng pinangyarihan. Magtanong-tanong ka roon. Tawagan mo ako kung may makuha kang balita.”
“Sandali lang. Paano iyong mga pulis?”
“Naayos ko na ang tungkol doon kanina pang umaga.”
“Sige, balitaan na lang kita. Malapit ka sa akin kaya tutulungan kita basta ba gastos mo lahat.”
“Oo nga. Kailan ba ako umatras sa mga sinabi ko?”
“Pati iyong pang-”
“Pati pambababae mo!” dugtong ni Jeon na para bang alam na niya ang gustong sabihin ni Tristan.
“Okay, klaro! Sige na, ibababa ko na ito at antok na antok na ako. Inuusig ka siguro ng konsensya mo kaya hindi ka makatulog.”
“Oo na. Matulog ka na. Sesermonan mo na naman ako.” Pagkatapos niyon ay ibinaba na ni Jeon ang cellphone niya.
Napailing-iling si Jeon sa naging usapan nila ni Tristan. Pinsan niya ang huli sa mother side. Silang dalawa ang malapit sa isa’t isa. Malaki rin ang naitulong niya kay Tristan simula noong nagplano itong magpatayo ng sariling restaurant. Hanggang sa ngayon ay tinutulungan niya pa rin ito sa tuwing may kulang sa restaurant nitong itinayo ilang buwan pa lang ang nakalilipas.
Magkasundong-magkasundo silang dalawa. Kapatid na halos ang turingan sa isa’t isa. Saksi si Tristan sa lahat ng kasiyahan at kabiguan niya sa pag-ibig, lalong-lalo na kay Suzane. Dito niya rin minsan iniiwan ang anak niyang si Sheen kapag may kailangan siyang asikasuhin na out of town.
Maya-maya ay tiningnan niya ang kaniyang anak na si Sheen. Mahimbing na natutulog sa ibabaw ng malambot na kama. Napangiti siya habang nakamasid sa nag-iisa niyang anak.
Malaki ang kaniyang pasasalamat dahil sa iniwan ni Suzane ang bata. Napalaki rin niya nang maayos sa tulong ni Oscar. Malambing ang bata at mahal na mahal niya ito.
May mga pagkakataon na hinahanap ni Sheen ang ina ngunit nagsisinungaling si Jeon sa bata. Sinasabi niyang patay na ito upang hindi na mangulit pa. Pero dahil sa inosente pa si Sheen, ilang ulit niya ring kinukulit si Jeon tungkol sa kaniyang ina.
Maya-maya ay nakita ni Jeon na gumalaw si Sheen sa kama. Napapabalikwas dahil nahahalata niyang wala sa tabi ang kaniyang daddy. Dali-dali na mang inubos ni Jeon ang natitirang alak sa baso at saka pinuntahan agad ang anak.
“Baby?”
“Daddy, hinahanap po kita,” sabi nito habang kinukusot ang magkabilang mga mata.
“Nasa labas ako anak, nagpapahangin lang,” tugon ni Jeon at pagkatapos inalis ang mga kamay ng anak na nasa mga mata nito. “Huwag mong kusutin, baka masira iyang mga mata mo. Sige ka, hindi mo na makikita ang kaguwapuhan ng iyong daddy.”
“Daddy, nanaginip po ako.”
“Talaga?”
“Niyayakap ako ng isang babae. Ang init po ng yakap niya. Parang ayaw ko na po siyang bitiwan.”
Natahimik si Jeon sa kaniyang narinig. Baka si Suzane ang babaeng nasa panaginip ng anak. Ayaw niya ring itanong dahil sa alam niyang masasaktan siya lalong-lalo na at mahal pa niya ang ina ni Sheen. First love niya ang babae at mahirap kalimutan iyon.
“Gusto mo ba ng tubig?” tanong niya sa anak.
“Hindi po,” umiiling-iling na turan nito.
“Sige, matulog na tayo. Hindi na ako aalis sa tabi mo.”
Sinunod ng bata si Jeon. Nahiga ito kasama ang huli at ipinikit ang mga mata. Ilang sandali lang ay nakatulog na agad ang bata pero si Jeon, hindi pa. Nanatili lang siyang nakapikit ngunit gising ang kaniyang diwa. Gusto niyang mapanaginipan ang babaeng mahal. At nais niya rin itong makitang muli kahit na sinaktan lang siya nito.
“Suzane . . .” sambit niya sa pangalan ng babaeng unang minahal.
Subalit kailangan na niyang kalimutan ang babae. Matagal na siya nitong iniwan kaya dapat lang na burahin na niya sa kaniyang buhay ang ina ng anak niya. Masaya na ito sa iba.
Nagpasya siyang matulog nang makaramdam na ng antok. Bukas, panibagong araw at trabaho na naman. Kailangan niyang maging presentable dahil haharap siya sa mga kakilalang mga negosyante ni Oscar. Isasama siya nito upang ipakilala bilang kanang kamay ng kaniyang tiyuhin.
At simula bukas, sisikapin niyang kalimutan ang babaeng unang nagpatibok ng kaniyang puso. Hindi na rin siya aasa na babalikan pa siya nito upang makilala ni Sheen na siyang sabik na sabik na makita ang ina.
KINABUKASAN, maagang nagising si Jeon. Bumangon ng kama at inalis ang ulo ng anak na nakapatong sa kaniyang braso. Bago umalis sa tabi nito, hinalikan niya muna sa noo si Sheen. Inayos ang kumot na nakatabon sa maliit nitong katawan.
Tumayo siya at tinungo ang banyo. Naghubad saka binuksan ang shower. Hinayaan niyang basain ng tubig ang kaniyang magandang katawan. Makikita ang six pack abs niya na kapag nasilayan ng ibang babae ay tiyak na kababaliwan.
Malamig ang tubig na lumalabas sa shower ngunit parang balewala lang ito kay Jeon. Sanay siyang malamig ang ipinaliligo sa umaga. Matapos maligo, kinuha niya ang tuwalyang nakasabit at itinakip sa hubad niyang katawan. Pagkatapos, lumabas at tinungo ang malaki niyang closet. Pumili ng damit para sa meeting na dadaluhan kasama ang Tito Oscar niya. Gaganapin ang meeting na iyon sa isang salo-salo na inihanda ng kaniyang tito.
Ilang minuto lang ay nakabihis na si Jeon. Bago lumabas ng kuwarto, hinalikan muna niya sa noo ang anak. Lumabas na rin pagkatapos.
Pagbaba ng hagdan agad niyang hinanap si Aling Beth, ang kanilang katulong na siyang pinagkakatiwalaan sa bahay pati na sa pag-aalaga kay Sheen. Matagal na itong naninilbihan sa kanila kaya kilalang-kilala na niya si Aling Beth.
“Magandang umaga po, Sir. Aalis na po ba kayo?” tanong nito sa among si Jeon.
“Oo. Tulog pa si Sheen. Pakisabi na lang umalis na ako at kasama ko si Tito Oscar. Tiyak na magtatampo ang batang iyon kapag paggising niya, wala na ako sa kaniyang tabi.”
“Huwag ho kayong mag-alala. Ako po ang bahala kay Sheen.”
“Salamat. Sige, mauuna na ako.”
“Hindi ho ba kayo mag-aalmusal? Nakahanda na po ang mesa.”
“Hindi na. At siyanga pala, sabayan mo na rin sa pagkain si Sheen.”
“Sige, ho.” Tinanguan nito si Jeon bago siya tuluyang tinalikuran.
Paglabas ni Jeon sa pangunahing pintuan, dumiretso agad sa kaniyang kotse. Binuksan niya ito at sumakay na. Bago pinaandar ang sasakyan, tinawagan niya muna si Oscar.
“Tito, papunta na ako para sunduin ka.”
“Nauna na ako rito Jeon. Humabol ka na lang. Tinawagan kasi ako ng isa sa mga kausap ko. Alam mo naman na kung saan ang meeting natin, hindi ba?”
“Oho, Tito, didiretso na ako riyan. Sige ho.” Hindi na niya hinintay pa ang sagot ni Oscar. Ibinaba na niya ang kaniyang telepono.
Sinimulan nang paandarin ni Jeon ang kotse matapos buksan ng guwardiya ang malaki nilang gate. Sumenyas pa rito na tila ipinapaalam na aalis na siya.
Mapagkatiwalaan din ang guwardiyang tinanggap niya at ilang taon na ring nagtatrabaho sa kaniya. Mabait si Jeon sa kaniyang mga kasama sa bahay subalit malupit sa mga tauhan niya sa kanilang negosyo. Iba ang pakikitungo niya pagdating dito dahil sa hindi maaring magkamali sapagkat ’di biro ang ginagawa nila.
May pagkakataon na hindi nila maiiwasang magkaroon ng kaaway gaya nang nangyari. Kaya ganoon na lang ang ingat niya sa tuwing naniningil. Hangga't maari ay ayaw niyang may nadadamay na inosenteng mga tao. Ngunit nangyari din.