"ARAY NAMAN MARI!" Hindi mapigilang sigaw ni August ng mabuhusan ni Marinela ng alcohol ang sugat niya sa paa.
Minsan gusto na lang talaga niyang siya na lang ang maglinis ng sugat niya. Kaya lang hindi naman niya maabot ang paa niya. Nahihirapan siyang yumuko. Masakit pa rin ang ilang parte ng katawan niya. Kaya hindi niya maabot.
"Para nalagyan lang ng alcohol, sigaw ka na!" depensa pa ni Marinela.
"Pwede namang dahan-dahan di ba? Isa pa may betadine. Bakit naman kasi alcohol ang ginagamit mong panlinis? Parang mas lalong hindi gagaling ang sugat ko dahil sa iyo eh. Sa halip na matuyo anng sugat. Lalong sumasariwa."
"So nagrereklamo ka na? Bakit hindi mo na lang pabalikin ang asawa mo at ng siya na lang ang mag-alaga sa iyo. May sarili rin akong buhay August. Pero dahil sa nangyari sa iyo na kahit isipin ko na salita ko lang ang kasalanan ko ay nakulong na ako rito sa pamamahay mo. Ni lumabas hindi ko na magawa. Natatakot rin akong may makakita sa aking iba na galing ako rito. Kasi baka pag-isipan nila ako ng masama. Lalo na at wala rito sa pamamahay mo ang asawa mo! Masabihan pa akong kabit mo."
Natahimik na lang si August at hindi na niya nagawang sumagot. Hinintay pa niyang matapos linisan ni Marinela ang sugat niya.
"I'm sorry kung pakiramdam mo ay ikinukulong kita dito. Pasensya na rin kasi iniaasa ko sa iyo ang pag-aalaga sa akin pati ang pagbabantay kay Augusta. Kung nahihirapan ka na, okay lang na iwan mo na ako. Siguro naman ay kakayanin ko na. Sorry ulit Marinela kung naging kargo mo ako ng ilang linggo. Pasensya na talaga. Ngayon hahayaan na kitang umalis. Na dapat naman talaga hindi kita pinilit na isama rito. Pasensya na," ani August na hindi na napigilan ang pagpatak ng luha sa kanyang mga mata.
Gamit ang wheelchair ay mabilis niyang tinalikuran si Marinela. Lumabas siya ng kanyang silid at tinungo ang isang silid.
Nasundan na lang ni Marinela ng tingin si August. Nang makalabas ito ng masters bedroom ay sinundan na rin niya ito. Ngunit natigil lang siya sa may pinto, noong mapansin niyang ang silid na tinungo ni August ay ang silid na ni minsan ay hindi pa niya napapasok.
Tinanong din niya noon si Manang Tessa kung ano ang laman ng silid na iyon dahil palagi iyong nakalock. Ngunit wala siyang ibang nakukuhang sagot sa matanda kundi, pribadong silid iyon ni August para sa ina ni Augusta.
Hindi na rin naman siya nagtanong pa kung bakit wala siyang nakitang wedding photo nina August at ng asawa nito. Hindi rin kasi siya sigurado ngayon kung kasal ba ang dalawa o hindi. Pero kasal man ang mga ito o hindi, naging asawa pa rin ito ni August. Kaya nga naroon si Augusta.
Hindi man kasi basta asawa ay kasal na kaagad. Basta para sa kanya, pagnagsama ang lalaki at babae, mag-asawa iyon sa ibang kahulugan.
Napabuntong-hininga na lang si Marinela, at muling tumitig sa silid na tinungo ni August. Sa tingin niya ang laman ng silid na iyon ay ang mga alaala ng asawa ni August. Maaaring mga larawan at gamit nito. Kaya lang, ni ang pangalan ng asawa ni August ay hindi rin niya alam.
Ilang beses niyang tinanong si August kahit ang mag-asawang Tessa at Julio kung ano ang pangalan ng asawa ni August ay walang sumasagot. Maliban sa Mrs. Reyes. Malamang Mrs. Reyes talaga. Iyon ang apelyedo ni August eh.
Napabuga na lang siya ng hangin. Noon ay gusto na talaga niyang umalis sa bahay ni August. Hindi dahil sa nahihirapan siya, kundi dahil sa lalo siyang nahuhulog dito, gayong hindi naman sila pwedeng dalawa. May asawa at anak na si August, at siya tatanda na yatang dalaga.
Hindi man napapansin ni August ngunit nasasaktan siya tuwing mababanggit nito ang tungkol sa asawa nito. Pero ngayong pinapaalis na siya nito ay parang ayaw naman niyang umalis. Isa pa ay parang hindi na rin niya kakayanin na malayo sa anak nito. Pag-umalis siya, sobrang mamimiss niya si Augusta.
Hindi lang niya masabi kung talaga bang nasanay na siya sa tabi ni Augusta. O totoong napamahal na ito sa kanya. Habang si August ayon, mahal na naman niya. Para naman kasing hindi nawala. Namahinga lang, pero nagparamdam ulit. Iyon nga lang, hindi na talaga pwede, kasi nahuli na siya.
Lalo na ngayong alam na niya ang dahilan kung bakit siya iniwan ni August. Dahil dumating sa buhay nito ang anak. Sino ba naman siya kumpara sa anak nito? Kung siya rin lang ay may anak ay mas pipiliin rin niya ang anak. Kaysa lalaking nanliligaw sa kanya.
Ang masakit lang naman ay may nabuntis na pala si August na iba, pero nanliligaw pa rin ito sa kanya noon. Napakaswerte pa rin ng babaeng pinakasalan ni August. Nakilala man niya itong babaero. Pero tapat magmahal si August. Iyon nga lang sa kanya lang ito hindi naging tapat.
Siya na rin lang ang nagtagni-tagni ng mga pangyayari. Maaring ang babaeng nabuntis ni August ay inilihim nito ang pagbubuntis niya kaya nililigawan pa rin siya ni August kahit magkakaanak na ito. Tapos nang malaman ni August ay pinakasalan kaagad nito ang babae. Iyon nga lang noong panahon na iyon naaksidente rin siya. Kaya wala siyang kaalam-alam. Hanggang sa nalaman na lang niyang nagtungo ito sa ibang bansa.
Dahil hindi niya talaga alam ang totoong kwento. Siya na lang ang nag-isip ng mga pangyayari base sa mga pangyayaring nalaman niya.
Pabagsak na inihiga ni Marinela ang katawan sa malambot na kama.
"Ano ba talaga ang dapat kong gawin? Bakit kasi napakareklamador ko? Ngayong pinapaalis na ako, hindi naman ako masayang iiwan ko na silang mag-ama." Napasabunot na lang si Marinela sa sarili niyang buhok. Pakiramdam niya ay mababaliw na siya sa nararamdaman niya.
Hapon na ngunit hindi pa rin lumalabas si August sa silid na tinungo nito mula pa kaninang umaga.
"Marinela, anong ginagawa mo dyan sa harap ng pintuan? Hindi ka pa ba kakain. Hindi na kayo nagtanghalian ni August ah," puna ni Manang Tessa nang madaanan siya nito sa labas ng silid, kung saan nagkulong si August.
"Manang hindi pa rin lumalabas si August sa silid na iyan. Hindi pa rin po iyon kumakain ay hapon na."
"Nag-away ba kayong dalawa?"
"Manang hindi ko naman sinasadya. Nabigla lang ako nang sabihin kong parang nakakulong ako rito sa bahay niya ay may buhay rin naman akong sarili. Sinabi ko rin na dapat ang asawa niya ang nag-aalaga sa kanya at hindi ako. Ayon nagtampo na. Pero baka nga po hindi lang basta tampo. Maaaring galit po siyang talaga. Mali po ba ako?"
Napabuntong-hininga naman si Manang Tessa. Pakiramdam tuloy niya ay may mali talaga siya sa sinabi niya. Kahit sa pagkakaalam niya ay wala naman siyang sinabing masama.
"Gusto mo na ba talagang umalis hija?"
Malumanay ngunit ramdam niya ang lungkot sa boses ng matanda, sa bawat salitang lumabas sa bibig nito.
"Noong una po, oo. Dahil naguguluhan po ako. Ang dami pong tumatakbo sa isipan ko. Na bakit nililigawan pa rin ako ni August noon kung may anak na pala siya? Paano po kung sinagot ko siya? Tapos may magpakilala sa aking babaeng nabuntis niya at may anak sila. Saan po ako lulugar? Pride na lang po ang natitira sa akin, mawawala pa. Ang lumalabas po kasi, ako pa ang makakasira sa pamilyang binubuo nila. Kahit ang totoo ay inosente ako at wala naman po talagang alam sa relasyon nila."
"Pero may balak ka na ba talagang umalis ngayon?"
"Wala po manang. Kahit po saglit lang, masaya po akong alagaan ang anak ni August. Kahit po sandali lang talaga. Huwag po sana ninyo akong husgahan sa nararamdaman ko para kay August. Alam po ng Panginoon na wala akong planong makasira ng pamilya. Pero hanggat hindi pa bumabalik ang asawa ni August, okay lang po bang alagaan ko po muna silang mag-ama?"
Niyakap ni Manang Tessa si Marinela. "Walang manghuhusga sa iyo hija. Pwede kang manatili dito, hanggang sa gusto mo."
"Hindi po ba ako magmumukhang kabit nito?"
Natawa naman si Manang Tessa sa sinabi niya. "Kapatid ka ni Fabio. Halos kapatid na rin ang turingan nina Fabio at August. Syempre walang ganoon hija. Huwag kang mag-isip ng kung anu-ano. Mahalaga ka kay August. At walang mali kung gusto mong makasama ang mag-ama."
"Pero, paano po ang---."
"Relax Marinela. Wala ka dito, kung mapapahamak ka lang. Tandaan mo yan. Hindi kami kukunsinte ng mali."
"Okay lang po ba talaga? Baka lang lo kasi---."
"Kapapanood mo iyan ng mga short drama eh. Huwag kang tatanggi nakikita kita. Basta ipanatag mo ang puso at isipan mo. Kung alam naming mali, ako ang unang sasaway sa iyo."
"Salamat po," iyon na lang ang naitugon niya. Isa lang ang sa tingin niyang dahilan kung bakit parang wala lang sa mga ito na naroon siya. Kahit ang mga magulang niya at si Fabio ay panatag na kasama niya si August. Maaaring minahal talaga ni August ang ina ni Augusta. Pero ang dahilan kaya hindi siya magiging kabit, ay dahil naging mag-asawa lang ang dalawa, dahil nabuo si Augusta. At maaaring hindi kasal ang dalawa.
Napatingin siya kay Manang Tessa nang hawakan nito ang braso niya. "Tara na muna sa kusina at kumain ka o magmeryenda ka?" tanong nito.
"Paano po si August?"
Tiningnan pa ni Marinela ang nakasaradong pintuan. Gusto man niyang kumatok ngunit hindi niya alam kung paano haharapin si August. Kung paano niya sasabihin dito na wala naman siyang balak umalis sa pamamahay nito. Mas gusto pa rin niyang makasama ang anak nito. Ang anak nitong hindi niya malaman kung bakit parang ayaw niyang malayo sa kanya. Iyong pakiramdam na parang galing ito sa kanya. Kahit alam niya sa sariling hindi naman.
"Hayaan mo na muna si August hija. Nasa kusina si Augusta. Lalabas rin ang batang iyan mamaya. Sa ngayon hayaan mo na muna siyang mapag-isa. Mag-iisip lang iyan. Magpapalipas ng lungkot. Pero lalabas din iyan mamaya. Magtatampo sa iyo, pero hindi ka niyan matitiis. Kakausapin ka rin niyan mamaya."
"Sana nga po."
"Maniwala ka sa akin hija. Hindi ka matitiis ni August. Ikaw pa ba. Tara na muna sa kusina."
"Ganoon po ba?" naisagot na lang niya at nagpahila na siya kay Manang Tessa.
Pero bago pa sila makarating ng kusina ay muli niyang sinulyapan ang nakasaradong pintuan. Nagsisikip ang dibdib niya. Nasasaktan siya, nagseselos siya. Kahit wala naman siyang karapatan.