HINDI ko naisip na magiging napakabilis ang paglipas ng sumunod na dalawang buwan. Ni hindi ko namalayan kung paano dumaan ang mga araw. Ganoon pala kapag masaya ang isang tao at walang inaalala o kaya ay hinihintay—hindi namamalayan ang oras. Kung sa San Roque ay marami akong natatandaang eksena na nagawa ko pang lagyan ng dalawang bersiyon, sa Corazon ay nawalan na ako ng oras mag-isip. Ang natatandaan ko lang, magsisimula ang araw ko sa pakikipag-kuwentuhan kay Sir Amante habang nagdidilig ng mga halaman o kaya ay habang sinasabayan siya sa almusal, maglilinis ako sa paligid at sa loob ng bahay pagkatapos, ilang oras na magpapahinga sa silid, lalabas uli para samahan si Sir Amante sa tanghalian, makikipagkuwentuhan kina Ate Mimay at Manang Lelits sa kusina—at mamalayan ko na lang na gab

