Mas tahimik ang shrine sa gabi. Naririnig nila ang mga kuliglig nang pumasok sila sa shrine upang magawa ang kanilang plano. Ayon sa rokurokubi na kasama, unusual offering can get the attention of Nurarihyon. So kailangan nilang bumalik sa lugar na ito upang tawagin ang leader-type na Yokai para masagot ang kanilang mga tanong.
Dumaan sina Mattia, Joriz, Chubs, at ang rokurokubi sa ilalim ng torii gate. Humuni ang hangin at biglang tumigil ang awit ng mga kuliglig at huni ng mga ibon. Tila may nagpatahimik sa mga hayop.
Nang nasa harap na sila ng shrine, hindi sila yumukod. Diretso lamang ang kanilang tingin.
“Okay,” bulong ni Joriz medyo kinikilabutan. “Sabihin niyo sa’kin na may plano tayo.”
“Meron,” sagot ni Mattia. “Maghanap ng sagot at huwag mamatay.”
“Yun lang?!" reklamo ni Joriz.
Natigilan sila nang may babaeng biglang lumabas sa loob ng Shrine. May tao pala roon kahit sa oras na ito. Nakatayo ang dalaga sa itaas ng hagdan. Nakasuot ito ng puting yukata na mukhang isinusuot lamang ng mga banal. Mahaba ang buhok nito, tintang itim. At ang balat niya maputi. Pero ang mga mata niya… hindi kumikislap sa saya pero hindi rin nananakot. Diretsong nakatingin ito sa kanila na para bang alam na babalik sila rito.
“Welcome back,” sabi nito, mahinahon.
Napatigil si Joriz. Tumingin siya kay Mattia. “Bro. Ang ganda niya!”
“Huwag kang lumapit, Joriz!” babala ni Mattia.
"Baka pwedeng gamitin ang ulo sa itaas at hindi ang ulo sa ibaba, Joriz?" tukso naman ni Chubs.
"Hoy!" saway ni Joriz na parang napahiya. "Under the belt na 'yang rebuttal mo, ah!"
Ngumiti ang babae, bahagya lang. Diretso itong tumingin kay Mattia. “You've returned,” sabi niya. “Why?"
“We need answers," wika lamang ni Mattia. Ito nga ang babae na nakita niya noong una silang nagtungo rito. Marahil ito rin ang babae na naka-Onna Mask na lumapit kay Aiko noon. "So tama pala ako. Hindi ka ilusyon. Isa ka sa mga guardian Yokai na nakatira dito."
At nagbago ang mundo. Isang hakbang lamang ang ginawa ni Mattia pero napansin niyang parang nawalan ng tunog ang yapak niya. Tumingin siya sa sahig, tila nagbago ang kulay at anyo ng lupa. Nakatiles na ito ngayon. Bumalik ang mga mata niya sa Shrine at nagulat nang wala na roon ang babaeng kausap.
Kumunot ang noo niya dahil sa labis na pagtataka. "Wait, anong nangyari?"
Subalit hindi lang ito ang nawala, pagtingin niya sa kanan at kaliwa— wala na rin ang mga kasama. Mag-isa siya ngayon. Nakapagtataka.
“Joriz? Chubs? Rokurokubi?” tawag niya.
Walang sumagot. Malayo rin ang torii gate. Subalit nanliit ang mga mata niya nang may matanaw na paparating mula roon.
Huminto ang babae sa pagtakbo, hinihingal na tumingin sa kanya. "Mattia!"
Kumislap ang mga mata ni Mattia sa pagkabigla at pagkatuwa nang makita ang mukha ni Rainzel. Isa ito sa mga kaibigan niya, kasabayan niyang nag-apply sa HEAP. Ang babae ay isang solo expert— mga paranormal investigtors na piniling mag-isa sa mga misyon at hindi sumali sa mga grupo.
Pero nakakapagtaka, bakit nandito ang dalaga?
"Rain, anong nangyayari? Bakit nandito ka?" Hindi maunawaan ni Mattia ang mga nagaganap.
Lumapit si Rain sa kanya, sumasabay ang maalon na buhok nito sa paggalaw. "Kahapon pa ako nandito. Kahapon pa kita hinahanap. Pinadala ako ng HEAP bilang reinforcement!"
"Ha?" Kumunot ang noo ni Mattia.
"Hindi mo matandaan? Binura na rin siguro ng mga Yokai ang alaala mo. Mattia, naglaho ang mga kaibigan mo. Dalawang araw na ang nakakalipas," paliwanag ni Rainzel.
Nanlaki ang mga mata ni Mattia dahil sa gulat. Hindi niya maunawaan kung paano iyon nangyari. Kanina lang ay kasama niya ang mga kaibigan, pagkatapos biglang sumulpot si Rain. Sinasabi ng dalaga na dalawang araw na ang lumipas, at naglaho rin sina Joriz at Chubs.
"Paano nangyari iyon? Ganito ba kalakas ang mga guardian Yokai?" naibulong niya sa sarili. "Kung ganoon sina Joriz at Chubs ay...." Ipinikit niya ang mga mata, ikinuyom ang mga kamao. Huminga siya nang malalim. "Hindi! Kapag nag-panic ako, hindi ako makakapag-isip nang tama."
"Mattia, ano pa bang ginagawa mo rito?"
Bumalik ang mga mata niya sa magandang mukha ni Rainzel. Noon pa man ay magaan ang loob niya sa dalaga. Pero nandito na naman siya sa isang delikadong misyon na kasama ito. Hindi maaaring mawala rin si Rainzel sa kanya. Isa pa, kailangan niyang makaisip nang paraan para mailigtas ang dalawang kinakapatid.
Hinawakan ni Rainzel ang kamay niya at hinila siya palabas ng shrine. "Tara na, Mattia."
Tumingin si Mattia sa Shrine habang hinihila ni Rainzel ang kanyang mga kamay at sumusunod siya sa mga yapak nito.
Nararamdaman niya ang pag-init ng charm bracelet. Kumunot ang noo niya. May naramdaman siyang hindi tama rito. Tumigil siya sa paglalakad, napahinto rin si Rain at nagtatakang tumingin sa kanya. Bumitaw si Mattia sa pagkakahawak ng mga kamay nila.
"Whats wrong, Mattia?"
Hinawakan ni Mattia ang charm bracelet sa pulso niya. Umiinit ito, senyales na mas gumagana ang ibinigay sa kanila ni Takumi ngayon. Pero bakit?
Possible kaya na ang bracelet ay both protection and attraction charm?
"Bakit ikaw ang pinadala nilang reinforcement? Hindi ba dapat isang grupo rin ang ipinadala nila?" tanong ni Mattia, nagdududa. Bumalik ang pagiging logical thinker niya sa mga sitwasyon na alanganin.
Humakbang siyang paatras.
"Mattia, ano bang sinasabi mo?" Hindi rin maunawaan ng dalaga ang kanyang punto.
"May mali rito," wika ni Mattia sa sarili. "Rain, kilala mo ba si Detective Buysit?"
Tumango ang dalaga. "Siya iyong crime investigator na kasama ng Adrenaline Junkies kapag local mission 'di ba? Bakit mo naitanong?"
Nagulat nang bahagya si Mattia pagkatapos malalim na napabuntong-hininga at pilit na ngumiti. "Hindi ikaw si Rain. Hindi ko pa nakukuwento sa kanya ang tungkol kay Detective Buysit."
"What?"
Tumalikod si Mattia at tumakbo pabalik sa Shrine.
"Mattia!" Tinawag siya ng babae pero hindi na niya ito pinansin. Sigurado na siya sa sarili.
Lumambot ang lupa, parang naging putik. Huminga siya nang malalim habang patuloy sa pagtakbo.
“Hindi ito totoo,” bulong niya. "Ilusyon ito."
Sumulyap siya sa mga puno at doon niya nakita. Isang saglit na pagkurap ng paligid na parang nag-glitch.
Itinaas niya ang kamay na may bracelet. Biglang uminit ang mga butil, pagkapasok niya sa shrine sa isang iglap— tila nabasag ang daan.
***
Kumunot ang noo ni Chubs nang biglang bumagsak sina Joriz, Mattia at ang rokurokubi. Ang rokurokubi bumagsak din sa sahig na parang nawalan ng lakas kahit isa rin itong nilalang ng dilim. Ibig-sabihin, walang laban ang mga mababang Yokai sa mga mas malakas na uri ng Yokai.
"B-Bakit?" Nilapitan ni Chubs ang mga kaibigan na ngayon ay natutulog na sa lupa. "Anong nangyari?" Tinapik niya ang likod ni Mattia.
"Mattia?"
Tanging si Chubs lang ang hindi naapektuhan ng ilusyon ng dalagang nasa harap. Tumingin siya sa babaeng nakatayo pa rin sa tapat ng shrine.
Nakatingin ito kay Chubs, tila nagtataka kung bakit hindi tumalab kay Chubs ang kapangyarihan nito. “Why,” tanong nito nang tahimik, “are you unaffected?”
“Una sa lahat, ate, hindi ako magaling mag-English,” diretso niyang sagot.
Tumahimik ang dalaga pero nanunuri ang tingin.
Tumuro si Chubs sa ulo niya. “Hindi ako nakakakita ng paranormal stuff. So maybe… your ano… power? Hindi compatible sa akin."
“You cannot see spirits,” sabi nito.
“Oo. Wala akong subscription diyan.”
Naningkit ang mga mata ng babae. Parang sinusuri siya. “You stand inside my domain,” sabi nito. “Yet you are untouched.”
“Baka immune system ko malakas,” sagot ni Chubs pero seryoso ang mukha. Natigilan siya nang unti-unting gumalaw si Mattia. Napatingin siya sa kaibigan.
Umubo si Mattia bago makatayo. “Not funny Chubs,” ungol pa dahil narinig ang sinabi ng kaibigan.
Kumunot ang noo ng babae. Nagtagpo ang mga mata nilang dalawa. At sa sandaling iyon, may kung anong nagbago sa hangin.
“You broke it,” sabi ng babaeng Yokai.
“Almost,” sagot ni Mattia nang makatayo at tumabi kay Chubs. “Nice trick.”
Napangiti na naman ang dalaga. Pero tila may paggalang sa tingin at ngiti na iyon. “Interesting,” bulong nito.
"Chubs, gisingin mo sila," untag ni Mattia sa katabi. "Si Joriz malamang nag-e-enjoy sa ilusyon niya kaya ayaw pang gumising."
***