Chapter 11

1088 Words
HUGO “Sir, na-deliver na ang mga raw materials na hinihingi ng Santa Maria group para sa proposal natin.” Napatango ako sa sinabi ng aking sekretarya. “Good work. Balitaan mo ako agad sa oras na ibigay na nila ang final decision nila.” “Yes, Sir. Ito nga po pala ang document report ng team sa nakaraang performance ng sales----” “Uncle, uncle!” Naagaw ang atensyon ko nang may humatak sa dulo ng itim kong polo. Napayuko ako at nakita si Jelly na nakatingala sa akin nang malaki ang pagkakangiti. Kinuha ko ang dokumento sa kamay ng aking sekretarya saka siya sinenyasan na umalis, na agad nitong ginawa. Saka ko lamang natutuwang kinarga si Jelly. “Nasaan ang yaya mo at nagawa mo akong mahanap dito sa construction site? Parang ang lakas ng pang-amoy mo at lagi mo akong natutunton, Jelly.” pagbibiro ko pa sa kanya, bahagyang kinurot ang kanyang maliit na ilong. Humagikhik siya ng tawa. Naglakad naman ako sa maayos na kalsada saka naglinga-linga ng paningin para hanapin ang yaya niya. Hindi ligtas dito sa construction site ang mga maliliit na bata. Paano nakarating dito si Jelly nang walang nagbabantay sa kanya? Dapat ko bang tawagan si Anjettie? Pero sa ganitong oras ay nasa trabaho siya at paniguradong abala. “Jelly? Hindi ba dapat nasa loob ka lang ng mansyon habang wala ang mama mo? Gusto mo ba siyang mag-alala sa'yo dahil naggagala ka rito sa village?” More than that, dapat kong pagsabihan ang mga guwardiya at mga katulong, lalo na ang yaya niya. Paano nakalusot si Jelly kung binabantayan nila ng maayos? Tsk! “Kasi gusto kitang makita, Uncle! May sasabihin ako sa'yo eh.” matining na boses niyang sabi. “Oh?” nagpatuloy ako sa paglalakad pabalik sa mansyon. May ngiti ko siyang tinanong. “Ano naman ang sasabihin ni Jelly at nagawa pang lumakbay ng malayo?” “Uncle, sabi ni Mama baka hindi ka raw pumayag. Ayaw mo bang maging papa ko na lang?” Kaagad akong natigilan sa paglalakad. Para akong naestatwa sa paninigas dulot ng narinig. May nanlalaking mga mata ko siyang tinitigan. “H-Ha? A-Ako? P-Papa?” Ganoon na lang ang pagbilis ng kabog ng dibdib ko. Ngunit bago pa ako lamunin ng nararamdaman ay pinanatili ko ang pagiging kalmado at saka ako ngumiti ng matamis sa bata. “Gusto mo akong maging papa, Jelly?” Sunod-sunod siyang tumango-tango. “Gusto ko kasi ng kapatid, Uncle! Kaya kailangan ko ng mama at papa. Para kapag malakas na ako, mabilis na lang akong magkakaroon ng kapatid sabi ni mama!” aniya na pilit kong pinroseso sa aking isipan. “Kaya Uncle, pwede ikaw na lang papa ko?” Maging papa ni Jelly…. Mas lalong bumilis ang t***k ng puso ko. Para mangyari iyon, kailangan ko munang umamin ng nararamdaman ko kay Anjettie, ligawan siya, maging kami, saka magpakasal, bago ako umaktong papa niya. Napalunok ako ng ilang beses sa isiping iyon. Hindi ko tinatanggi na matagal na iyong nasa isipan ko magmula nang bumalik dito si Anjettie sa bansa kasama si Jelly dalawang taon na ang nakaraan. Pero ang pinagkakait sa akin ng tadhana ngayon upang makamit ang inaasam kong iyon ay ang panahon. Masyado akong abala sa ngayon dahil sa lahat ng mga nangyayari sa pamilya ni Lola. Kahit na sa akin mapupunta ang halos lahat ng mga pamana, ay hindi pa sasapat ang napatunayan ko at hindi pa tiyak ang magiging posisyon ko sa hinaharap. Kaya ginagawa ko ang lahat ngayon para mapatunayan ang sarili nang sa gayon ay walang sinuman ang magtatangkang kumalaban sa akin. Ayaw ko rin na malagay sa alanganin ang magiging pamilya ko sa hinaharap dahil sa kakulangan ko. Isa pa, hindi ko mapormahan si Anjettie, dahil bukod din sa estado ng buhay ko ngayon, palagi akong natotorpe. Kaya nga't sa maliliit na paraan, pinaparamdam ko ang tunay kong nararamdaman. “Uncle?” narinig ko ang panlulumo ni Jelly na nagpabalik sa aking wisyo. “Hindi ka ba pumapayag?” “Ah!” napakurap-kurap ako. “A-Ano, Jelly syempre—” “Oh my goooosh! Sorry po, Seeerrrr!” umingay ang malakas na boses ng isang babae na nagputol sa sasabihin ko. Napaharap ako sa babaeng tumatakbo patungo sa aming dalawa---ang yaya ni Jelly. “Jelly! Paano ka nakarating ditong bata ka? Papatayin mo ako sa nerbyos!” namumutlang sambit nito. “Yaya Naty kasi sabi ko ayaw ko matulog eh! Sabi ko gusto ko makita si Uncle!!” “Kaya ka ba tumakas? Gusto mo pagalitan tayong parehas ng mama mo dahil sa ginawa mo? Paano kung may biglang dumakip sa'yo? Edi iiyak si Mama mo, gusto mo ba ‘yon?” kinuha ni Naty sa aking bisig si Jelly para siya ang magbuhat. Napalabi ako at kinuwestiyon ang babae. “Paanong nakatakas si Jelly sa pagbabantay mo?” Bumakas ang matinding kaba sa mukha niya “Sir, sorry po! Pinapatulog ko po itong si Jelly eh. Akala ko nakatulog na pero nagpapanggap lang pala. Kaya inuna ko muna ang pagsasampay ng mga labada. Pagkabalik ko sa kwarto niya, wala na siya. Kaya dali-dali ko siyang hinanap dito sa labas! Sorry po talaga!” Marahas akong napabuntong hininga. “Alam mo naman na ang mga bata sa edad ni Jelly ay talagang makukulit kaya hindi maiwasan ang mga ganitong pangyayari. Ipapaalam ko ito kay Anjettie, para siya na ang bahalang magsabi sa'yo.” “Sorry talaga, Sir! Sisiguraduhin kong hindi na ito mauulit!” “Dapat lang. Mauna na kayong bumalik sa mansyon at may trabaho pa akong kailangang tapusin. Pakisabihan ang mga guwardiya na magtutuos kami pagkabalik ko.” “Opo, Sir, masusunod po!” Binalingan ko si Jelly at inayos ang magulo niyang buhok. “Huwag ka na ulit tatakas, ah? Pagkabalik ko, dadalhan kita ng pasalubong. Anong gusto mo?” Nagkrus siya ng braso at ngumuso. “Gusto ko ng papa!” “Pfft!” hindi ko napigilan ang mapatawa. “Sige, sige, papasalubungan kita ng papa pagkabalik ko.” “H-Ha?” natagilid niya ang ulo. “Paano, Uncleeee?” “Kung magbebehave ka, sasagutin ko ang tanong mo kung gusto ko bang maging papa mo o hindi, ayos ba?” Nagliwanag ang mukha niya at sunod-sunod na tumango-tango. “Opo, Uncle!!” “Sige, sumunod ka na sa yaya mo at huwag nang magpasaway.” Pinanood ko silang maglakad pabalik sa loob ng mansyon bago ako tumalikod at bumalik sa construction site para ituloy ang pag-aasikaso ng mga procedure na kailangang gawin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD