JETT
Nairaos ko ang isang linggong pag-atupag sa dress ni Madam Edna at mukha namang nasiyahan siya dahil nag-tip pa siya ng malaking halaga ng pera sa ganda ng mood niya.
Linggo ngayon at pahinga ko sa mansyon. Habang sumisigop ng mainit na kape at nagrerelax sa bench ng garden ay pinapanood ko sina Jelly na naglalaro kasama sina Tanya at Tonio. Naka-set ang malaking castle ng puzzle na sila mismo ang bumuo. Hindi ko maiwasang matuwa at humanga sa kanilang paglalaro.
Kinuha ko ang aking i-phone upang i-video ang sandaling iyon. Kung saan maganda ang pagkakangiti ni Jelly sa labi dahilan upang makita ang mapuputi at napakaliliit niyang ngipin.
Hindi rin ako nabigo sa twins dahil match na match talaga sila sa kakulitan ni Jelly. Ang akala ko nga'y hindi agad sila magkakasundo, pero nung mismong araw na pinakilala ko sila sa isa't-isa ay nagyayaan na silang maglaro.
“Ehem!”
Napahinto ako sa pagvivideo nang agawin ni Hugo ang pansin ko. Kararating niya lamang sa garden. Binaba ko ang aking cellphone para may ngiting tumuon sa kanya.
“Linggo ngayon pero mukhang busy ka parin. Saan ka nanggaling?” kuryoso kong tanong. Bumaba ang paningin ko sa malaking bouquet na rosas na bitbit-bitbit niya.
May matamis na ngiti niya iyong inabot sa akin. “Happy mother's day, Anjettie.”
Natigilan ako na may nanlalaking mga mata. Napapaawang ang labi ko na wala sa sariling tinanggap ang bulaklak. “W-Wow… mother's day pala ngayon… at may pa-bulaklak ka.”
Napatitig ako sa ganda ng mapupulang rosas. Sadyang pinoproseso ko pa ang sandaling ito. Ito ang unang pagkakataon na makatanggap ako ng bulaklak para sa mother's day na tanda na isa na akong ganap na ina. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman. Mayroong kung anong sumibol sa aking puso.
“Thank you so much, Hugo.” madamdamin kong saad sa kanya, tinitingala siya ng buong kagalakan. “Hindi ko inaasahan ‘to. Ni hindi ko nga alam ang meron sa araw na ‘to.”
Hindi nawala ang matamis niyang ngiti na naupo katapat sa akin sa bench. “Salamat naman at nagustuhan mo. Kung may pagkakataon, sa ibang ganitong araw, mamasyal tayo nila Jelly at Lola. Puwedeng sa beach, mag night swimming, o punta tayo sa disneyland.” may kasabikan niyang sabi. “Kapag pareho na tayong hindi masyadong busy sa trabaho, gawin natin ah?”
Pumungay ang mga mata ko kasabay ng paglambot ng aking puso. Nahawa ako sa tamis ng pagkakangiti niya. “Oo naman! Paniguradong matutuwa si Jelly!” napapatitig parin ako sa bulaklak, natutuwa iyong niyakap. “Ang ganda nito… salamat talaga. Na-appreciate ko ng sobra, Hugo!”
Iba pala sa pakiramdam makatanggap ng bulaklak sa araw ng mother's day. Sa nakalipas na mga taon, lalo na nung nasa states kami ni Jelly, hindi ko naman ito pinagtutuunan ng pansin. Sa loob ng mga taong naging isa akong ganap na ina, ngayon ko lamang napagtanto na dapat ipagdiwang ang araw na ito.
Tila nag-flashback sa akin ang mga alaala ng paghihirap ko noong nagbubuntis ako na walang katuwang na asawa. Noong labor ko, noong isinilang ko si Jelly at tanungin ako ng nurse tungkol sa ama ng sanggol. Nang malaman kong sakitin si Jelly, mayroong asthma, at iba't-ibang allergy sa pagkain na aksidente kong napapakain sa kanya. Tanda ko pa kung gaano ako mamatay-matay no'n sa pag-aalala at paulit-ulit na sinisisi ang aking sarili dahil hindi ko alam.
Nakakatuwa lang isipin, na sa kabila ng pinagdaanan kong iyon ay ginawa ko ang lahat at binigay ko ang lahat maging mabuting ina lang para kay Jelly. At ipagpapatuloy ko ang pagiging mabuting ina sa kanya hanggang sa pumuti na ang buhok ko.
*Click*
“Hmm?” nabibigla akong napatingin muli kay Hugo nang mapagtantong kinuhanan niya ako ng litrato gamit ang cellphone niya.
May ngiti niyang binaba ang cellphone, mas sumingit ang mga mata. “Ang ganda mo.”
Naramdaman ko ang pag-init ng aking pisngi saka napaiwas ng tingin. “H-Hindi ah.”
“Pfft! Oo kaya. Iwo-wallpaper ko ang picture mo na ‘to.”
“Huy!” nawiwindang kong sinubukang agawin ang cellphone niya. “Akin na! Idedelete ko iyan! Baka mamaya kung anong itsura ko diyan!”
“Maganda nga!” tuwang-tuwa niyang inangat ang cellphone niya sa ere.
“Aba!” hindi ako makapaniwala sa panunukso niya. “Hindi ako maganda, okay?! Lalo na sa camera! May sumpa ang mukha ko sa mga pictures!”
“Kung gano'n ito ang pinakamagandang sumpa na nakita ko.”
“T-Tumigil ka nga, Hugo!” gusto kong ibaon ang sarili sa lupa sa kahihiyan ng pang-aasar niya!
Alam ko naman na hindi ako ganoon kagandahan sa personal, at mas lalong-lalo na sa larawan! Nagiging triple ang pangit ko sa pictures. Kung may worse photogenic award, nahakot ko na lahat!
Tumayo ako upang tangkaing abutin ang cellphone niya ngunit mabilis din siyang nakatayo para iangat muli ang cellphone sa ere. Sa tangkad niya ay hindi ko iyon maaabot!
“Hugooo!’ puno ng reklamo kong pagsaway. “Paki-delete iyan please! Alam mo ba na may batas laban sa pagkuha ng pictures o videos na walang permiso!”
Napahalakhak siya. “Then, bakit mo vini-videoh-han si Jelly nang hindi nagpapaalam sa kanya?”
“Eh puwede iyon kasi anak ko naman siya!”
“Eh bakit ikaw?” ngumisi siya na puno ng panunukso. “Hindi ba puwede? Ako naman ang future…”
Napapatanga ko siyang tingala-tingala. “H-Ha? A-Anong future?”
Mula siyang humalakhak at umiling-iling. “It's nothing.”
“Anong nothin—”
“Mama! Naglalaro kayo ni Papa? Sali si Jellyyy!” tumatakbong sinisigaw iyon ni Jelly papalapit sa aming dalawa ni Hugo.
Nanlalaki ang mga mata kong napayuko sa kanya, agad na kinabahan. “P-Papa?” Ang Uncle Hugo niya ba ang tinutukoy niyang papa? Naguguluhan akong napatingala muli kay Hugo.
Siya naman ay masayang binuhat si Jelly. “Tama, naglalaro lang kami ni mama mo ng asar-asaran.”
“Ehhh? Anong klaseng laro iyon, Papa?” humagikhik ng tawa si Jelly.
Naiwan akong naninigas sa kinatatayuan. “Papa? Jelly…” napapalunok akong nagsalit ng tingin sa kanilang dalawa bago huminto kay Hugo.
Hindi nabago ang ekspresyon sa mukha niya. “Sorry, I know you said not to mind her request when she asked me kung gusto kong maging papa niya. But… Jelly is so cute and adorable, hindi ko kayang humindi, Anjettie. Ayaw ko rin siyang makitang umiyak at magtampo sa akin.”
“U-Um…” nanikip ang dibdib ko. Nawalan ako ng sasabihin. Hindi ko alam kung anong dapat sabihin. Una sa lahat, okay lang ba na tawagin siya ni Jelly ng gano'n? Pero…
Nalukot ang noo ko sa hindi malaman na dapat maramdaman ngayon.
Mukha iyong napansin ni Hugo kaya ginulo-gulo niya ang buhok ko at binigyan ako ng kalmadong titig. “Don't think too much.”