"Wala pa rin ba?"
Nag-aalalang tanong ni Sarah habang palakad-lakad sa silid ni Lanie samantalang abala naman sa pag-dial sa numero ni Erick ang kaibigan. Matapos kase ang insidente sa bahay nila Erick o sa silid nito at magbalik sa Maynila ang nobyo ay hindi na ito kum-contact sa kanya.
"Wala talaga, puro busy tone lang."
Frustrated din na sagot ni Lanie at saka naupo sa katre.
"Parang ang labo naman na bigla siyang mawawala dahil lang nag-demand ka ng kiss sa lips?"
Napangiwi si Sarah, hindi lang naman kase kiss sa lips ang inungot niya. Ngayon na parang may pader na nakapagitan sa kanila ni Erick ay tsaka naman niya napagtanto na maling-mali siya. Siya itong naturingan na babae pero daig pa niya ang lalake sa pagrereklamo dahil lang hindi nahahalikan sa labi. Bagay na napaka-babaw nga naman.
"Pansin mo din ba?"
"Ang ano?"
"Walang umuuwi sa bahay nila. Kapag gabi, wala na maski isang ilaw ang nakabukas. At eto pa, Sarah.."
Pabulong pa na lapit nito, na tila ba may makakarinig sa kanila gayung dadalawa lang sila sa loob ng silid.
"Narinig ko si nanay, kausap si Chino."
Kumunot ang noo niya. Ang tinutukoy nito ay ang ahente ng bahay at lupa na kapit-bahay nito.
"Tsismis ba iyan tungkol kay Chino?"
"Hindi, berat ka. Akala mo naman sa akin tsismosa?"
Anito sabay hampas sa hita niya.
"Ganito kase iyan.."
*At hindi pa pala tsismosa ang tawag sa ganyan? *
Aniya sa isip, pero syempre hanggang sa isip na lang muna iyon kaysa mahampas na naman siya nito sa hita.
"Nagtatanong si Chino kung may kakilala si nanay na gustong bumili ng bahay at lupa."
"Eh iyon ang trabaho n'un. Ano naman ang kataka-taka?"
"Dahil iyong bahay at lupa ng mga Sandoval ang ibinebenta."
Nandidilat na anito.
"A-ano?"
Tila nabibinging aniya. Imposible iyon...
"Kung gusto mo ay tanungin natin si Chino mamaya kung tama ba ang pagka-dinig ko. Pero sigurado ako Sarah. Ibinebenta talaga ang bahay nila."
May kasiguraduhan na ani Lanie. Tumahip sa kaba ang dibdib niya. Walang kahit na anong nababanggit sa kanya si Erick..pero wala naman talaga itong sinasabi sa tuwing magkasama sila. Ngayon lang niya naisip, sa halos dalawang taon na pagiging magkarelasyon nila wala naman talagang personal na naibabahagi sa kanya ang nobyo. Hindi rin naman kase siya nag-tatanong.
"S-sige.."
Sang-ayon niya sa kaibigan. Sabay pa silang napatingin ni Lanie sa cellphone nang mag-ring iyon.
Iyong pangamba niya ay napalitan ng tuwa nang makitang si Erick ang nasa caller ID. Hindi na niya hinintay na sagutin iyon ng kaibigan, sa halip ay mabilis niyang dinampot iyon at sinagot.
"Erick!"
Kaagad na bigkas niya. Umaalon ang emosyon sa kanyang dibdib, para bang kay tagal na buhat nang huli niyang madinig ang boses nito.
"Erick.."
Ulit niya nang manatiling tahimik sa kabilang linya at tanging buntong hininga ang naaabot ng kanyang pandinig.
Maya-maya pa ay sumagot ito,pero imbis na pumayapa ang kalooban niya ay lalo lamang nagulo ang buong sistema niya. Sa tono pa lang ng boses nito ay batid na niyang lasing ang binata. Wala itong ibang sinabi maliban sa, uuwi daw ito at magkikita sila, ni hindi siya nito binigyan ng pagkakataon na makapagsalita pa dahil matapos iyon ay pinutol na nito ang tawag at hindi na nila na-contact pa.
***
"Saan ka galing?"
"Kila Lanie."
Maiksing sagot ni Sarah sa kapatid na si Jamila. Matalim ang tinging ipinukol nito sa kanya nang lampasan niya at dumiretso sa kusina upang kumuha ng isang basong tubig.
"Kinukulit mo na naman ang kaibigan mo, tungkol doon ng boyfriend mo'ng lulubog lilitaw?"
Maaskad na tanong nito habang na kasunod sa kanya. Inis na binuksan niya ang luma nilang ref pero nahirapan siya sa higpit ng goma na nakatali sa handle niyon.
"Huwag ngayon ate.."
Malamyang sagot niya at saka itinuon ang lakas sa pagkalag ng goma na halos pumitik pa sa kamay niya kung hindi lang siya naging maagap. Napa-pikit siya nang mariin ang mahagip ng kanyang tenga ang nakaiinaultong tawa ng kapatid.
"Hahabol-habol ka sa lalaking hindi mo pa nga asawa eh uwii't dili ka naman? Boyfriend mo palang pero bilang na bilang na sa daliri ng mga kamay ko kung ilang beses lang kayo magkita. Alam mo Sarah..isa lang ang sagot diyan. May ibang dyi-no-jowa ang boyfriend mo. "
" Pwede ba ate! "
Nanggagalaiting nailapag niya ang baso sa mesa. Sa lakas niyon ay naglamat ang baso.
" Tigil-tigilan mo muna ako sa mga tirada mo! Huwag ngayon! "
Bahagyang natigilan si Jamila. Napipipilang pinagmasdan siya nang mabuti. Buong akala niya ay matatapos na ang kamalditahan ng kapatid pero ngumisi pa ito at saka siya dinuro-duro ng daliri sa balikat.
" Mangangagat ka na? Iyan ba ang nakukuha mo sa pakikipaglandian huh?! Lalaban ka na?"
Anito habang paulit-ulit siyang sinusundot-sundot sa balikat. Patampal niyang hinawi ang kamay nito at saka dalawang kamay na itinulak ang kapatid.
"Ano ba'ng problema mo Huh!?"
Ilang beses itong napa-urong hanggang sa mapatid ang paa sa silyang hindi masyadong nakapasok sa ilalim ng mesa. Paupong sumasadsad ang kapatid niya sa sahig kaya lalo itong nagliyab sa galit sa kanya. Animo may spring na bigla itong tumayo at saka siya pakalmot na inabot. Nakailag siya kaya hangin lang ang naabutan nito.
"Ikaw ang problema ko! Ikaw at iyang kalandian mo! Madaming gawain dito sa bahay. Kailangan ng nanay ng tulong, pero nasaan ka? Abala ka sa pag-contact sa lalaking walang pakialam sa iyo!"
"Sa pagkakatanda ko ay ikaw ang mas na-unang lumandi sa ating dalawa ate! Imbis na pag-aaral ang inatupag mo sa kolehiyo ay mas pinili mo pa'ng makipag-hotel kay Gilbert na hindi ka naman mapakasalan magpa-hanggang ngayon! Iyong pinagpapaguran ni nanay sa pagtitinda ay ipinanglalandi mo lang! At ngayon sa akin mo ibinubunton ang sama ng loob mo sa pamilya ng lalaking iyon! "
" Anong sinabi mo! "
Animo Leon na mananagpang sa galit na unti-unting lumalapit si Jamila.
" Ang kapal ng mukha mo! Ano bang naitulong mo Huh! "
" Wala pa! Bakit ikaw meron na ba! "
Ganting singhal niya dito. Dati na silang hindi magkasundo, pero habang tumatagal ang panahon ay lalong lumalala iyon. Hindi niya alam kung bakit at ano ang pinag-mulan. Basta nagising na lang siya, mainit na ang dugo ng ate niya sa kanya buhat nang isumbong niya sa ina nang minsang makita niya ito palabas sa isang Inn kasama ni Gilbert.
"Jamila! Sarah!"
Ang malakas na sigaw na iyong ng kanilang ina ang pumunit sa pagtatagisan nila ng masasamang tingin sa isa't isa. Pareho nilang nilingon ang ina na naka-kapit sa hamba ng pintuan. Hinihingal at pinapawisan.
"Hindi na kayo nahiya! Dinig na dinig ng mga kapitbahay ang bunganga ninyong dalawa. Para kayong hindi magkapatid. Bakit hindi na lang kayo kumuha ng tig-isang kutsilyo at saka kayo magpatayan na lang!"
"Si ate kase nay.."
Naiiyak na sumbong niya. Sinamaan siya ng tingin ng ina kaya kaagad tumikom ang bibig niya, habang hindi naman kumikibo si Jamila sa kanyang tabi.
"Kay hirap ninyong pagmasdan. Iyong mga iringan at parinigan ninyong dalawa, pinalalampas ko pa.. Pero ano't magpipisikalan na kayong dalawa? Ganoon na ba kababaw ang respeto ninyo sa isa't isa? Iyan ba ang nagawa nang pagpapalaki ko ng wala ang tatay ninyo? "
"Hindi nay.."
Naku-konsensyang aniya. Lumapit siya nang makitang tila nahihirapang tumayo ang ina. Namumutla na rin ito kaya kinabahan na siya.
"Kung gayon ay ano ang nangyayari sa inyo?"
Nagpalit-lipat ang tingin niyo sa kanilang dalawa ng ate niya.
"Pinagsasabihan ko lang naman si Sarah nay,"
Katwiran ng ate niya kaya natawa siya ng hilaw.
"Pinagsasabihan? Iba yata ang lumalabas sa bibig mo kanina ate."
"S-Sarah.."
Ang tinig na iyon ang muling umagaw sa atensyon nila. Pero nang lingunin niyang muli ang ina ay nakahandusay na ito sa sahig.
Ang sumunod na sandali ay tila sa isang pelikula lang napapanood ni Sarah. Ang boses ng ate niya na paulit-ulit tinatawag ang kanilang ina habang tinatapik-tapik ang pisngi nito, habang siya ay tila tuod, nanlalamig, at hindi makakilos sa kabiglaan at takot.
"Ano pang tinatayo-tayo mo d'yan!? Tumawag ka ng tulong!"
Sigaw ni Jamila habang umiiyak na ginigising ang nanay nila.
Dali-dali siyang tumakbo palabas ng bahay at nagsisigaw ng tulong sa kanilang bakuran. Isa-isang naglabasan ang mga kapit-bahay nila na natataranta din dahil sa itsura niya.
Isa sa mga kapit-bahay nila ang tumawag ng service sa barangay upang madala sa ospital ang nanay nila. Doon na nag mistulang bangungot ang sumunod na pangyayari.
Raptured brain aneurysm, iyon ang sinabi ng doctor na tumingin sa nanay nila. Kailangan daw kaagad ng agarang gamutan at operasyon dahil sa pagdurugo sa utak nito, at ang iba pa na sinabi nito ay hindi na niya nasundan at naintindihan.
Tulala silang dalawa ng ate niya habang inilalahad ng doctor kung ano at paano ang procedures, maging ang mga posibleng kahinatnan sa kalagayan nito.
"A-ate.. Ang nanay.."
Umiiyak na aniya habang naka-talungko sa pasilyo. Paharap na tumalungko din ang ate niya at saka siya hinawakan sa magkabilang balikat.
"Magiging maayos ang nanay, malakas siya. Hindi niya tayo iiwan.."
Anito, pero hindi nakaligtas sa pandinig niya ang takot at kawalan ng kasiguraduhan sa boses nito. Gayunpaman, niyakap niya ang kapatid at pareho silang umamot ng lakas at pag-asa sa isa't isa.