Chapter 15
Celine
Pagdating namin sa bahay, agad na tinungo ni Eldon ang pintuan. Hinintay pa ako. Nakaalalay pa rin siya sa akin.
"Stay here, hon. Babalik ako agad," aniya. Pagkasabi niyon ay mabilis na siyang umalis. Hindi na ako nilingon pa. Naguguluhan akong naupo sa sofa. Ano bang nangyari? Bakit wala akong alam? Ilang sandali pa'y nilapitan ako ni Madel. Gusto ko magtanong sa kanya pero hindi ko alam kung may alam ba siya o wala!
Tatayo sana ako nang biglang kumirot ang tiyan ko. Ngayon ko lang naalala. Kabuwanan ko na pala. Bigla akong naalarma. Wala pa naman si Eldon. kakaalis lang. Natarantang nagpabalik-balik si Madel sa kinatatayuan ko. Pinagpawisan na ako.
"Madel, kunin mo iyong mga gamit ng bata sa ilalim ng kama namin," utos ko sa kapatid ko. Dali-dali naman siyang umakyat. Saktong kararating lang ni papa. Inalalayan niya ako palabas nang bahay.
"Pa, manganganak na yata ako."
"Mabilis lang 'to. Huwag ka mo ng umere," tugon ni papa habang minadali ang pagmamaneho. Hawak ako sa kabilang kamay ni Madel. Tinawagan na rin niya si Eldon. Patuloy pa rin sa pagkirot ang tiyan ko. Mukhang gusto ng lumabas ni baby.
"Baby, kapit ka muna kay mommy ha." Pakiramdam ko tinakasan na ako ng lakas. Nanghihina na ako. Ramdam kong may umaagos sa pagitan ng mga hita ko. Dugo at tubig!
"Pa, bilisan mo."
"Malapit na tayo. Sandali na lang."
Ilang sandali pa nga ay narating din namin ang ospital. Nakaalalay pa rin sa akin ang kapatid ko. Ang papa naman ay tinawagan ulit si Eldon. Pinasok na nila ako sa delivery room. Ramdam na ramdam ko na ang pagkirot ng tiyan ko.
Nasaan na kaya ang asawa ko? Pinahiga nila ako at inasikaso. Ilang sandali pa ay narinig ko ang malakas na boses ng asawa ko. Nangunot ang noo ko nang makitang halos naliligo siya sa sariling pawis.
"Ano'ng nangyari sa 'yo?" kunot
-noo kong tanong. Bumuntonghininga siya. Hinawakan ang kamay ko. Humilab na naman ang tiyan ko tanda na gusto na lumabas ni baby.
"Push!" pasigaw na utos ng doktor.
Umere ako nang umere hanggang sa nailabas ko rin ang malusog kong anak. Naramdaman ko pa ang pagpunas ni Eldon sa noo ko na basa ng pawis.
***
Ilang araw din ang inilagi namin sa ospital. Mamayang hapon puwede na kaming makabalas. Mas mabuti nga iyon nang sa gano'n ay hindi na ako mababagot. Gusto ko na rin makalanghap ng sariwang hangin. Tulog pa rin ang anak ko. Nasa labas si Eldon at inasikaso ang bill namin para paglabas namin mamaya ay madali na lang.
Ngayon ko lang din napansin na wala pala kaming kasama. Kaming dalawa lang ng anak ko. Pinauwi ko na kasi si Madel kanina, si papa naman ay nagpaalam na may bibilhin saglit.
Nilalaro ko ang maliliit na kamay ng anak ko nang may pumasok na nurse. Nakatakip ang mukha nito. Hindi ko na lang pinansin. Ngunit laking gulat ko nang tinutukan ako ng baril sa tagiliran. Nanlaki ang mga mata ko. Naghahalong takot at kaba ang nararamdaman ko lalo pa't may karga-karga akong bata.
Nanginginig ang buong kalamnan ko. Hindi ako nakagalaw.
"Ibaba mo 'yang baby at sumama ka sa akin," matigas nitong utos sa akin. Hindi ko mabosesan. Nag-alanganin akong sundin siya subalit nang makita kong sa anak ko na nakatukok ang baril ay wala akong nagawa kundi ang sumunod sa kanya.
Lihim akong nagdasal na sana'y may taong makakatulong sa amin. Sana kahit isang nurse o si papa man lang.
Pilit kong inaaninag ang mukha ng babae. Hinila niya ako palabas sa kuwarto. Ang anak ko ay naiwan sa kama. Nang huli kong tapunan ng tingin ay tulog pa rin ito. Nagsimula na akong mabahala. Hindi rin ako puwedeng sumigaw dahil nakatutok sa akin ang hawak nitong baril.
"Maawa ka sa akin. Kapapanganak ko pa lang."
Hindi ito sumagot bagkus nilakasan pa ang paghatak sa akin. May ilang nakakita sa amin pero ni isa walang nagtangkang lapitan kami. Nasaan na ba kasi si Eldon? Bakit hindi pa siya bumabalik?
"Please, let me go. May anak ako. Baka napaano na 'yon," pagmamakaawa ko.
"Hindi. Magbabayad ka sa lahat nang inagaw mo sa akin! Sabi ko naman sa inyo, hindi ko kayo titigilan!"
Tila binuhusan ako ng malamig na tubig. Kung hindi ako nagkakamali—
"No! Ibalik mo ako sa anak ko!"
Nagsimula na akong maiyak. Hindi maaari! Kailangan kong lumaban. Pero paano? Mahina pa ako. Malakas pa ang dugo na lumalabas sa akin.
"Let her go! Or else ikaw ang pasasabugin ko!" mariing wika ng taong nasa likuran namin. Dahan-dahang lumingon ang babaeng may hawak sa akin. Sinundan ko siya ng tingin.
Nabuhayan ako ng loob nang mapagtantong si Eldon iyon, pero paano siya nagkaroon ng baril? Sa ngayon hindi na muna mahalaga sa akin iyon. Importante sa ngayon ang kaligtasan ko.
"I said, let her go!" Bahagya pa akong napaigtad nang lakasan pa nito ang boses niya.
Ngumisi ang babae at hinawakan ako sa leeg. Nakatutok pa rin sa akin ang hawak nitong baril. "E, paano kung ayaw ko?" sarkastiko nitong sabi.
Umigting ang panga ni Eldon. Nagtagis ang bagang at madilim ang mukha.
Marami na rin ang nakikiusyo sa naganap. Naging hostage ako ng babaeng baliw na ito!
"Sofia, please. Huminahon ka. Pag-usapan natin 'to!" sigaw ko. Pero hindi man lang siya natinag. Maging ang ibang mga tao sa ospital ay naalarma na rin.
Nakita kong may dinampot si Eldon sa bulsa niya—isa iyong cellphone. May tinawagan siya. Nagsimula na akong manginig. Hindi ko alam kung sa takot ba. Pero ang hindi ko inaasahan ay ang biglang pagdilim ng paligid. Biglang umikot ang paningon ko. At ang susunod na nangyari ay hindi ko na alam.
***
Nagising ako na masakit ang ulo ko. Kumikirot pa ang pagitan ng mga hita ko. Ano bang nangyari habang tulog ako? Dinilat ko ang mga mata at nakita ko si Eldon karga-karga ang anak namin. Sa tabi ko naman ay ang kaibigan kong si Kate. Nang makita niya ako ay kaagad niyang tinawag si Eldon.
"Mabuti naman at gising ka na. Nag-alala kami sa 'yo," ani Kate habang himas-himas ang isa kong kamay. Napangiti ako sa inasta ng kaibigan ko. Kahit ano'ng nangyari ay hindi pa rin niya ako iniwan. Tunay nga siyang kaibigan.
"Hon, are you feeling?" Naglakad siya papunta sa kama. Inilapag sa tabi ko ang anak namin na tulog na tulog.
"Si Sofia, nasaan?"
Kumawala ang isang buntonghininga sa asawa ko bago sumagot.
"She's already died. Nanlaban siya sa mga pulis kanina."
Nakaramdam ako ng lungkot dahil sa narinig. Namatay si Sofia dahil sa matinding pagmamahal niya sa asawa ko. Bigla ay hindi ko napigilan ang luha ko, bigla na lang itong tumulo.
Pinahid iyon ni Kate. "Celine, alalahanin mo, may anak ka. Baka mabinat ka. Huwag ka ng masyadong mag-isip.
Tumango ako. Sa wakas matatapos na rin ang lahat ng kabang nararamdaman ko. Mayamaya pa ay bumukas ang pinto at iniluwa roon sina Kylie at Erik. May kasama silang bata. Kung hindi ako nagkakamali, ito 'yung batang nakita ko sa bahay nina Erik, no'ng unang tapak ko roon.
"Tita, kumusta po kayo?" Lumapit siya sa akin. Nginitian ko siya. Makikita ko sa mata ng batang ito ang lungkot.
"Ayos lang ako," maikli kong sagot.
"Anak siya ng pinsan kong lalaki," Erik commented. Naawa ako sa batang ito. Sino kaya ang ina nito?