Walang humpay sa paghagulhol si Vangie noong makaalis na si Marta sa kanyang bahay. Isinara niya ang pinto ng kanyang bahay at nagkulong sa kwarto. Hindi na niya pinansin pa kung bukas ang kanyang tindahan. Sunod-sunod din ang naririnig niyang tumatawag ngunit hindi niya iyon binababa. Ramdam niya ang pamamaga ng kanyang pisngi. Ngunit mas masakit pa rin ang nararamdaman niya dahil sa mga binitawang salita ng dati niyang byenan. Alam naman niya na mababa ang tingin nito sa kanya, pero masakit pa rin pala. Parang mayroong bumibiyak sa kanyang dibdib at mas nararamdaman pa niya iyon kaysa sa pamamaga ng kanyang pisngi. Lahat naman ay ginawa niya noon. Noong nakahanap ng trabaho si Fredo sa Maynila at sunusweldo na. Hindi siya umangal noong nagdesisyon ito na magbigay sa mga magulang nito.

