Chapter 05–Hindi Sinasadya
Beatrice Celestine
MAAGA ang naging biyahe namin ni Gina papuntang Quezon. Tahimik lang akong nakatingin sa bintana ng sasakyan habang si Gina naman ay panay ang daldal sa tabi ko, ako naman nililipad sa malayo ang isip ko.
"Alam mo, Trice, hindi ko gets kung bakit kailangan nating mauna. Pwede namang bukas na tayo bumayahe, 'di ba?" reklamo niya habang abala sa pagscroll sa cellphone niya. "Tapos sa hacienda pa mismo nila DN tayo tutuloy? Seriously?"
Napabuntong–hininga ako at tiningnan siya. "Ayaw ko rin sana, pero si Ate, alam mo naman 'yun, 'pag may gusto, walang makakatanggi."
Totoo naman. Sinubukan kong tumanggi kahapon, pero anong laban ko kung mismong si Ate Bea na ang nakiusap? Isa pa, wala naman daw dapat ipag–alala. Dahil mabait daw ang mga magulang ni DN. Pero hindi naman 'yun ang concern ko—ang concern ko, nandoon si DN.
At 'yun pa lang, parang gusto ko nang bumaba ng sasakyan at maglakad pabalik ng Maynila.
Ilang oras din kaming nasa daan. First time kung makarating sa Quezon, at hindi ko maiwasang mapansin ang ganda ng tanawin—malalawak na bukirin, tahimik na paligid, at sariwang hangin na bihira kong maranasan sa siyudad. Hindi ko lang magawang ma–appreciate nang buo dahil habang papalapit kami sa hacienda, pakiramdam ko lalo lang bumibigat ang dibdib ko.
"Oh my God, Amiga..." biglang usal ni Gina nang dumaan kami sa malaking arko na may pangalang Hacienda Fortalejo.
Pagpasok pa lang ng sasakyan sa malawak na lupain, agad na kaming sinalubong ng mala–postcard na tanawin—mga taniman ng kape at cacao, malalawak na berdeng pastulan, at isang mansyon na tila kinuha mula sa isang lumang Spanish film. Eleganteng–elegante pero may halong rustic charm. May mga manggagawa pang abala sa paligid, may ilan ding nakasakay sa kabayo, at may mga tanim na bulaklak na perpektong nakaayos sa paligid. Akala ko ba, hindi sila ganoon kayaman. But the hacienda is breathtaking.
"Wow. As in, wow," bulong ni Gina habang halos nakadikit na ang mukha niya sa bintana. "Ang ganda rito, Trice!"
Ako naman, tahimik lang. Hindi ko magawang humanga tulad niya dahil iba ang laman ng isip ko—nandito si DN. At siguradong magkikita kami.
Napahawak ako sa dibdib ko nang maramdaman ang mabilis na pintig ng puso ko. Bakit ako kinakabahan? Hindi ako dapat kabahan.
"Are you okay?" tanong ni Gina, bahagyang nakakunot ang noo habang tinitingnan ako.
Pinilit kong ngumiti. "Yeah, I'm fine," sagot ko, kahit ang totoo, hindi ko alam kung kaya ko pang maging kalmado kapag nagtagpo na kami ni DN.
Pagkababa pa lang namin ng sasakyan, agad kaming sinalubong ng ilang tauhan sa hacienda. Nakangiti silang lahat habang kinuha ang mga gamit namin sa loob ng van. Mababakas sa kanila ang respeto at maayos na asal, bagay na hindi na rin ako nagtaka dahil mukhang mahusay magpatakbo ng hacienda ang pamilya Hayes.
At bago pa ako makapag–react, nakita kong may papalapit sa amin, I'm not sure kung ito ba ang mga magulang ni DN. Siguro sila, dahil kamukha ni DN ang lalaki.
"Welcome! Maligayang pagdating sa aming tahanan." Magiliw na bati ng babae sa amin, isang magandang ginang na sa kabila ng edad ay kita pa rin ang pagiging elegante. Ang lalaki naman, gwapo pa rin sa kabila ng kanyang edad, matangkad at matikas na lalaki, ay nakangiti rin sa amin. At tama nga ako, nagpakilala sila. Sila nga ang mga magulang ni DN. Ang Daddy Daniel niya at Mommy Zoey.
"Trice, hija, it's nice to finally meet you," dagdag ng mommy ni DN habang bahagyang hinawakan ang kamay ko. "Bea told me a lot about you."
Tumaas ang kilay ko. Kaya pala si Ate ang may pakana na naman nito. "Maraming salamat po sa pagtanggap sa amin," magalang kong sagot. Sa totoo lang, kahit gaano pa sila kagiliw, hindi ko pa rin mapigilan ang kaba ko. Wala ako sa sarili ko dahil isa lang ang nasa isip ko—si DN.
Nasaan siya? Wala ba talaga siya rito?
Hindi ko napigilang iikot ang mga mata ko sa paligid, umaasang kahit papaano ay makita siya. Pero wala.
"Oh, My God!"
Isang boses ang pumailanlang sa ere. Pagtingin ko, nakita kong may magandang babaeng lumabas mula sa pinto ng mansyon. Matangkad, maputi, at may hawig kay DN pati na rin sa daddy nila. Nakatitig siya sa akin na parang hindi makapaniwala sa nakikita.
"Oh my God! It's really you!" Sigaw niya bago nagmamadaling lumapit sa amin. "I'm Darina! The younger sister of DN!"
Nagulat ako nang bigla niyang hawakan ang kamay ko at halos tumili sa tuwa. "I'm your number one fan, Trice! I can't believe this! I love your movies! I love everything about you!"
Natawa ang mag–asawa sa kinikilos ng anak nila.
"Darina, hinay–hinay," natatawang saway ni Tito Daniel sa kanyang anak.
"It's okay!" sabi ko, hindi ko alam kung matutuwa o mahihiya sa sobrang animated ni Darina. Pero hindi ko rin naman mapigilan ang mapangiti. Nakakatuwa siya. May fan akong ganito na mula sa mayamang pamilya.
"I swear, I didn't expect this! Hindi ko alam na ikaw pala ang pupunta rito! Akala ko, biro lang talaga," bulalas niya na hindi makapaniwala.
"Surprise?" natatawa kong sabi, para sabayan ang pagiging hyper niya.
Sa kabila ng saya sa paligid, ako naman ay hindi mapakali. Kahit anong pilit kong mag–focus sa mga kausap ko, hindi ko pa rin maiwasang hanapin si DN. Lalo akong kinabahan. Nasaan na siya? Bakit hindi man lang siya sumalubong?
Dinala kami ng pamilya ni DN sa dining area. Isang mahabang mesa ang puno ng masasarap na pagkain—tila pinaghandaan ang pagdating namin.
"Wow, ang daming pagkain!" bulalas ni Gina.
"Siyempre naman! Dapat busog kayo habang nandito!" sabat ni Darina. "Trice, I hope you like seafood, we have the freshest ones here!"
Tumango ako at ngumiti. "Yes, I do. Thank you."
Masaya ang naging tanghalian namin. Puno ng kwentuhan at si Darina ay hindi nauubusan ng tanong sa akin tungkol sa trabaho ko, sa mga pelikula ko, pati na rin sa personal kong buhay. Pero kahit gaano pa kasaya ang usapan, hindi ko mapigilang madismaya—wala pa rin si DN.
Natapos na ang kainan, pero hindi siya dumating.
Gusto kung magtanong pero pilit kong pinigilan ang sarili ko, nakakahiya kasi. Pero si Gina, si Gina ang gumawa ng paraan para sa akin.
"By the way, tita, nasaan si Doc?" biglang tanong niya.
Napatingin ako sa mommy ni DN, sabik sa isasagot niya.
"Nasa kapéhan," sagot nito. "Mas gusto niya roon at mas gusto niyang doon maglagi kaysa dito sa mansiyon."
May bahay sila doon? At doon siya nakatira?
"Pero mamaya darating 'yon," dagdag pang sabi ni Tita Zoey.
Dahil sa narinig ko, hindi ko napigilang mapangiti. May halong excitement na ang kaba sa dibdib ko. Makikita ko rin siya mamaya.
MATAPOS ang tanghalian, niyaya kami ni Darina sa isang kubo sa gilid ng hacienda. Nasa tabi ito ng isang maliit na lawa at napapalibutan ng mga punong kahoy, kaya sobrang presko sa pakiramdam. Dito kami naupo at nagpatuloy sa kwentuhan.
Si Darina ang pinakamasaya sa grupo. Hindi talaga siya nauubusan ng tanong sa akin. Halos interbyuhin na niya ako sa dami ng gustong malaman.
"Seriously, how do you manage to stay so beautiful even with a busy schedule?"
"Anong favorite role mo sa lahat ng movies mo?"
"May secret boyfriend ka ba na hindi mo sinasabi sa public? Diba, mostly sa showbiz ganyan?"
Para akong nahot seat sa mga tanong ni Darina, pero dinaan ko na lang sa tawa ang lahat. At nakitawa rin ang lahat. Pakiramdam ko parang matagal na kaming magkaibigan kahit ngayon lang kami nagkita.
Maya–maya pa, may dumating na tauhan na may dalang tray ng meryenda. May sandwiches, prutas, at malamig na juice.
Ilang saglit lang, tumayo sa kinauupoan si Tito Daniel. "Kami ng mommy mo ay may pupuntahan lang saglit. Enjoy your stay, hija."
"Pagpasensiyahan mo na si Darina, talagang madaldal 'yan. Feel at home, Trice," nakangiting sabi ni Tita Zoey.
I nodded. "Thank you po," sagot ko.
Pagkaalis ng mga magulang ni DN, umupo si Darina sa tabi ko.
"So...are you excited to see my brother?" biglang tanong niya, nakangiti nang pilya.
Nanigas ako sa kinauupuan ko. Hindi ko alam kung anong isasagot. Pero ang totoo? Oo. Sobra. Kanina pa.
Nagpatuloy ang kwentuhan namin ni Darina. Ang dami niyang tanong at thanks God dahil nasagot ko lahat talo pa niya reporter. Masaya siyang kasama, at kahit paano, nakalimutan ko saglit ang kaba sa dibdib ko tungkol kay DN.
Pero maya–maya lang, bigla siyang napatayo.
"Wait, Trice, may kukunin lang ako sa loob. May ipapa—sign ako sa'yo!" aniya bago nagmamadaling pumasok sa loob ng bahay.
Napatawa na lang ako sa energy niya. Halatang fan na fan talaga siya.
Napansin kong si Gina naman ay biglang lumingon sa isang banda ng hacienda, may kung anong bagay na nakaagaw ng pansin niya.
"Amiga, saglit lang ha, may titingnan lang akong pogi," paalam niya bago tumayo at naglakad palayo.
At sa isang iglap, naiwan akong mag—isa.
Napatingin ako sa paligid, tahimik at presko ang hangin. Pero sa kabila ng payapang tanawin, hindi ko maiwasang makaramdam ng pangungulila. Wala pa rin si DN.
Iniisip ko, kung ano ang gagawin ko sa paghaharap namin, pero nakaramdaman ako ng pangangailangan kong magbanyo. Pilit kong ininda, pero lalo lang sumisikip ang pantog ko. Palinga–linga ako sa paligid, naghanap ng pwedeng pagtanungan, pero walang tao. Si Gina naman ay abala sa pakikipag–usap sa di kalayuan. May kausap na lalaki.
Wala akong choice.
Dahan–dahan akong tumayo at nagdesisyong pumasok sa loob ng bahay para maghanap ng banyo.
Tahimik ang loob. Napakalawak ng mansyon, at bawat hakbang ko ay nag–e–echo sa malalapad na tiles. Sinubukan kong sumilip sa bawat bukas na pinto, pero wala akong makitang tao.
Habang patuloy ako sa paglalakad, may biglang nahagip ang pandinig ko—mga boses. Bahagya akong natigilan. Pamilyar ang isa.
Napahawak ako sa dibdib ko nang makumpirmang iyon ang boses ni DN. Boses niya.
Hindi ko alam kung bakit kusa akong humakbang palapit. Hindi ko ugali ang makinig sa usapan ng iba, pero may kung anong humila sa akin para sundan ang tinig niya.
At nang makarating ako sa isang bahagyang bukas na pinto, doon ko siya nakita. Nakatayo siya sa loob kasama si Darina. Pero ang nagpatigil sa akin, narinig ko ang pangalan ko.
"Hey, little sister, enough. Hindi ko siya magugustuhan, okay?" aniya, halatang may pagkainis sa tinig. "Ang baduy kasi ng hinahangaan mo."
Parang may dumagok sa dibdib ko.
"What's baduy, kuya?" sagot ni Darina, halatang naaasar. "And besides, walang baduy sa pagiging artista! It's kind of job or hobby."
Pero si DN, tumawa lang nang may halong pangungutya.
"Look, my dear sister Darina, bakit siya naging baduy, huh? First, pa–sweet–sweet lang 'yan sa camera. Pa–wholesome–wholesome ang image kunwari. And then here we comes a little bit sexy, then tender love scenes, mag–uumpisa na ang daring looks, and then what's next? Bold!" inis na inis na sabi ni DN.
Tila patalim na humiwa sa dibdib ko ang mga sinabi nito pero hindi pa siya tapos magsalita at nagpatuloy lang siya.
"Yan si Trice. Katagalan 'yan, magbo—bold 'yan. Mark my words, little sister. Ngayon may kissing scene, next may bed scene. Diba, ginagawa na niya, nagbebenta ng panty," dagdag niya, puno ng pangmamaliit.
Hindi ko alam kung paano pa ako nakatayo, pagkatapos marinig ang mga sinasabi niya. Para akong tinanggalan ng lakas. Parang naubusan ng hangin ang dibdib ko. Ang sakit niyang magsalita.
Gano'n ba talaga kababa ang tingin niya sa akin?
"Kuya, lingerie models ang tawag doon at wala akong nakitang masama. Beside, okay lang 'yon, noh? Sobrang perfect ang body ni Trice at bagay sa kanya lahat ng mga suot niya. And I think she's different," depensa ni Darina sa akin, pero hindi ko na halos marinig ang mga iyon.
Ang sakit kasi. Napakasakit ng mga panghuhusga niya sa akin. Nag–init ang bawat sulok ng mga mata ko, but I blinked those tears away. Hindi ako makapaniwala na ganito niya ako, kung husgahan.
Tumawa lang si DN. "Basta ayoko ng artista. Kaya siya nandito? Dahil sa request mo, dahil ganoon kita kamahal. Kahit ayoko sana, dahil diyan sa mga tantrums mo kaya gumawa ako nang paraan," aniya na tila ba labag na labag sa kalooban niya ang pagpunta ko rito, bago siya tumalikod kay Darina.
Dahil hindi ko magawang kumilos sa kinatatayuan ko dahil sa gulat sa mga narinigmko. Naabutan niya ako at sa paglingon niya, doon nagtagpo ang mga mata namin.
Nanlaki ang mata niya. Kita ko ang pagkagulat sa mukha niya—pero wala kang makitang remorse doon. Parang natuwa pa siya.
Si Darina naman ay tila natulala rin, hindi makapagsalita.
Pero ako, pakiramdam ko naputalan ako ng dila.
Mabilis kong tinakpan ang sakit na nararamdaman ng puso ko, dahil sa mga sinabi niya. Hindi ko hahayaang makita niya ang sakit sa mga mata ko.
Pinilit kong ngumiti kahit nanginginig ang mga kamay ko.
"Ahm...I was looking for the bathroom," aniya ko, pilit itinatago ang panginginig ng boses ko sa pagitan ulit ng pagngiti.
Pero bago pa bumigay ang boses ko, bago pa bumagsak ang mga luhang pilit kong nilulunok, tumalikod ako at naglakad palayo. Napahawak ako sa dibdib ko. Narinig ko ang mga pagtawag ni Darina pero hindi ko agad pinansin.
Diyos ko...ang sakit. Kaya ko pa naman at kakayanin ko hangga't kaya ko. Pinilit kong paniwalain ang sarili ko habang mabilis na tinutuyo ang mga luha sa pisngi ko, gamit ang mga kamay ko. Bawal nilang makita ang mga luha ko. Bawal nilang malaman na nasasaktan ako. Hindi ako pwedeng magpahuli. Hindi nila pwedeng mahuli ang totoong damdamin ko.
Kailangan kong ngumiti. Kahit pilit lang. Kahit pekeng—pekeng tingnan. Gagamitin ko ang pagiging artista ko sa pagtatago ng totoong feelings ko.
Pagharap ko kay Darina, I forced the brightest smile I could manage. Parang wala lang. Parang walang nangyari. Parang wala akong narinig.
Akmang bubuka na sana ang bibig ko para magsalita, pero naunahan ako ni Darina.
"Trice. I'm sorry." Inabot niya ang kamay ko.
Ilang segundo akong natulala, kunwari. Kunot–noo akong tumingin sa kanya.
"Sorry? For what?" Ginaya ko ang itsura niya, pilit na nagpapakita ng pagtataka.
Nagsalubong ang kilay niya, halatang naguguluhan.
"Wala ka bang narinig?"
I smiled. A sweet, effortless smile. Pero sa loob–loob ko, sinusubukan kong huwag manginig at kabahan.
"Wala. Bakit?"
Umiling siya, pero halatang may pagdududa. "I thought you heard something."
Pinakawalan ko ang isang mahinang tawa. "Naghahanap lang ako ng CR. Naiihi na kasi talaga ako." That's it, Trice. Just act normal. Like nothing happened. Pangaral ko sa sarili ko. "Bakit? May dapat ba akong marinig?" Dagdag ko.
Nakita kong saglit siyang natigilan bago mabilis na umiling. "Wala naman. Akala ko may narinig ka."
Good. I almost sighed in relief.
"Bathroom, please?" tanong ko, pag–iiba ko sa usapan.
Tumango siya. Agad naman niya akong inakay papunta sa isang guestroom.
"Dito kayo matutulog mamaya," sabi niya.
I nodded. Maganda ang kwarto. Malaki, presko, eleganteng elegante—pero wala akong pakialam. I just needed to be alone.
"Diyan ang CR," turo niya sa isang pinto sa loob ng kwarto.
"Thanks." Dali—dali akong pumasok at marahang isinara ang pinto. Pagkatapos, doon na ako bumigay, hindi ko kinaya ang bigat sa dibdib ko. Parang binaha ang mga mata ko sa luha.
Napakapit ako sa sink, pilit na hinahabol ang paghinga ko.
"God...ang sakit—sakit naman," bulong ko, halos hindi marinig ang sarili kong tinig. Kagat—labi kong pinigilan ang paghagulgol ko. I didn't want to be heard. Hindi ko kayang ipakita kung gaano kasakit ang nararamdaman ko.
Pero bakit gano'n? Kahit anong pigil ko, parang may kung anong pwersa ang humihila sa akin pababa. Parang pinupunit ang puso ko.
Alam kong hindi ako perpekto. Alam kong marami ang hindi nakakaintindi sa mundo ko bilang artista. Pero bakit...bakit si DN pa? Bakit ganoon na lang kung husgahan niya ako? Ano ba ang mali sa pagiging artista? Wala naman akong inaapakan na tao.
Bakit siya pa ang unang nanghusga sa akin? Huminga ako nang malalim. I need to stop this. Hindi siya worth it. Hindi worth it 'yung sakit na ito.
Binuksan ko ang gripo at hinayaan ang malamig na tubig na dumaloy sa mga kamay ko. I washed my face, pinilit burahin ang bakas ng luha sa pisngi ko.
"Okay ka lang, Trice. Hindi mo kailangang masaktan nang ganito. Hindi mo kailangang maramdaman ito," mahinang bulong ko sa aking sarili.
Ilang beses akong huminga nang malalim bago ako tuluyang tumayo nang maayos. "Straighten your back. Keep your head high. Smile, kahit mahirap." Pampalakas loob ko sa aking sarili.
Umihi muna ako bago lumabas, ensuring na mukhang normal lang ako, na normal lang ang lahat sa amin.
Pagbalik namin sa kubo, I saw him. Naroon na si Dmitri, parang walang nangyari. Parang wala siyang nasabi kanina na halos ikawasak ng puso ko.
How could he act so unaffected when I was barely holding myself together?
"Pupunta tayo sa kapehan mamaya, pinagusapan namin ni Kuya kanina," sabi ni Darina, excited ang boses. "Sasakay tayo ng kabayo para mas mapabilis ang pagpunta natin sa kapehan."
Gusto ko sanang umiling at gusto kong tumanggi. Pero ano ang magagawa ko? Napatingin ako kay DN. He wasn't even looking at me, nakangiti siya while talking to others.
Para bang wala lang ako sa paningin niya. Para bang...hindi niya ako nakikita. And that was the most painful part of all. Pero wala akong karapatan na masaktan.