***
Bibili kami ng Manila Paper sa canteen kaya lumabas kami ng classroom ni Bea dahil kailangan ‘yon para mamaya. Hindi pa kami nakakalagpas ng quadrangle nang higitin ako ng tatlong lalaki at nagsisigaw naman agad si Bea.
"A-Aya!" sigaw niya at nagpupumilit naman ako na makaalis sa hawak nilang tatlo.
Dinala nila ako sa gitna ng quadrangle at itinulak ako ng sobrang lakas. Madaming estudyante sa paligid at ako ang tinitingnan nlang lahat.
"Ikaw! Anong ginagawa mo sa bahay nina Lincoln at bakit doon ka nakatira?" sabi pa niya at napakunot ang noo ko nang makilala ko kung sino siya, si Grace.
"House maid nila ako." seryosong sabi ko at biglang may bumato ng itlog sa ulo ko.
"Sinungaling ka!" sabi ni Grace at bigla akong kinalmot.
Nilapitan ako ng dalawa pa niyang kasama at pinagkakalmot nila ako ng mahahaba nilang kuko. Nagsimula na rin akong tapunan ng malamig na tubig at ng itlog. Kung hindi ako nagkakamali, mga kaibigan ni Hanna sina Grace, si Hanna.. ang nililigawan ni Lincoln na sinabi ni Bea kanina.
"T-tama na." nanghihinang sabi ko dahil hindi nila ako tinitigilan.
Ganito ba kalupit ang dadanasin ko habang nagsisilbi sa pagbabayad ng utang na loob? Napapikit ako lalo nang maramdaman kong ginupit nila ang coat at necktie ko sabay higit ng malakas dito kaya't naagasgasan ang braso ko sa semento.
Hindi na ako gumagalaw at hinayaan ko nalang na nakaupo ako sa gitna. Nagdarasal na sana maubos na ang isinasaboy nila sa akin pati na rin ang itlog na binabasag nila sa ulo at sa katawan ko.
Nakaramdam ako ng bigat sa katawan ko pero tumigil ang pag-agos ng tubig at itlog na tumatama sa katawan ko.
"Tama na! Itigil niyo na 'to." seryosong sabi niya at namilog ang mga mata ko dahil sobrang lapit ng mukha niya sa akin.
Si Lincoln, ginawang shield ang sarili niya para sa akin.
"Lincoln!" sigaw nina Grace at akmang hihigitin si Lincoln na sobrang dumi ng suot na coat na kulay asul.
"Stop this s**t!" sigaw ni Lincoln at hindi napigilan ang sarili na hampasin ng malakas ang kamay ni Grace na naka-ambang higitin ang buhok ko.
"Anong nangyayari dito?!"
Napatingin kaming lahat sa teacher na sumulpot sa gitna. Si Sir Alex, ang PE teacher namin.
"A-Aya?!" hindi makapaniwalang tanong niya nang makita niya akong nakahandusay sa lapag at sobrang dumi.
May umingay na panipol at agad naman na nagtakbuhan palayo ang mga estudyante sa takot na lahat sila ay madala sa guidance. Naiwan kami ni Lincoln sa gitna pati na din si Akiko na nasa tabi ni Lincoln na nagpapagpag ng coat niya.
Tumayo ako at pinagpagan ang palda ko at naramdaman ko ang tingin ni Lincoln sa akin. Hindi ko siya pinansin at naglakad ako palayo. Tumulo ang luha ko kaya tumakbo ako papunta sa comfort room at ikinulong ang sarili ko.
Huminga ako ng malalim at pinigilan ko na umiyak ako ng malakas. Sobrang bigat ng dibdib ko. Nag-iisa na nga lang ang uniform ko, sinira pa nila. Napahinga ako ng malalim dahil naisip ko agad kung magkano ang kailangan kong pera para makabili uli ng panibagong uniform.
"Aya."
Narinig ko ang boses ni Akiko pero hindi ko na binuksan ang cubicle ko. Hindi pa ako handa na harapin siya lalo na ang kapatid niya.
"Aya, nandito lang kami."
Napatingala ako nang marinig ang boses ni Bea. Magkasama siguro sila ni Akiko na pumasok dito sa loob ng comfort room.
"A-Aya sumagot ka naman. Okay ka lang ba?" malungkot na tanong ni Bea at lalo akong napaiyak. Ang swerte ko pa rin dahil mayroon isang Bea Manzano na naging kaibigan ko.
"O-Okay lang, umalis na kayo." malakas na sabi ko at pigil na pigil ang luha ko.
"A-Aya, sabay na tayo umuwi.." mahinang sabi ni Akiko at hindi ako sumagot.
Ayoko muna umuwi sa kanila, gusto ko sa totoong bahay ko. Nasasaktan lang ako. Hindi pa nga ako nakaka-isang linggo sa bahay nila, sobrang dami na nangyari. Nagtagal ako sa loob ng comfort room at hindi ko na narinig na nagsalita sina Akiko, marahil ay umalis na sila. Nakatulog ako sa loob at nang magising ako ay alas sais na ng hapon. Napahinga ako ng malalim.
Siguro wala ng estudyante sa labas dahil hanggang alas singko lang naman ang klase ng mga high school. Lumabas ako ng cubicle at tiningnan ang sarili ko sa salamin. Napangiti ako ng malamig dahil sa nakita ko.
Isang Aya, maliit na babae. Punong-puno ng malagkit na itlog ang damit at malagkit ang buhok. Puro tigyawat ang mukha at may sugat ang bibig. Napabuntong-hininga ako. Ang pangit ko na nga, lalo pa nila ako pinapanget.
Naglakad ako palabas ng comfort room at napa-atras ako nang makita ko si Lincoln na nakaupo sa bench na malapit sa CR at nakatingin sa akin ng seryoso.
Naglakad ako ng mabilis para maiwasan siya pero naramdaman ko nalang bigla na naglalakad na siya sa tabi ko. Naka-suot nalang siya ng itim na tshirt at uniform pants. Nakapagpalit na siya ng damit pero bakit nandito pa siya sa school? Madalas ay may practice ito ng banda ng ganitong oras.
"S-Sorry." mahinang sabi niya at hindi ko siya pinansin.
Marunong pa pala mag-sorry ang lalaking 'to. Saan niya kaya natutunan? Napapailing ako sa mga iniisip ko. Naglakad ako pabalik sa classroom at mabuti nalang bukas pa ito. Kinuha ko ang backpack ko at isinukbit sa likod ko. Binitbit ko din ang cartolina at folder na ipinapauwi ni Lincoln sa akin. Nasa labas siya ng classroom at hinihintay ako.
"Aya." sabi niya at hindi ko pa rin siya pinansin.
Wala akong lakas para makipagtalo pa sa kaniya o makinig sa mga sasabihin niya. Sobrang pagod ako ngayong Lunes, huwag niya ako guluhin.
Lumabas ako ng gate ng school at umasang may dadaan na tricycle pero nakalimutan ko na hindi ko alam ang address nina Lincoln kaya mukhang no choice ako na kailangan ko nga talagang sumabay sa lalaki.
Naglakad ako pabalik sa parking ng Phoenix at hinanap ko ang yellow na motorbike na madalas ginagamit ni Lincoln. Kinuha ko ang helmet na nakasabit at sumakay agad ako kahit hindi pa siya nakasakay. Nakakunot noo siyang nakatingin sa akin at hinihintay akong magsalita pero hindi ko pa rin siya kinibo.
Hindi ako nakahawak sa kahit ano dahil hawak ko ang cartolina at folder na pinapauwi niya. Nakarating kami sa bahay na hindi nag-uusap at sa tingin ko ay binilisan nalang din niya ang pagmamaneho dahil hindi na rin niya matiis ang katahimikan na meron ako. Sobrang sama ng loob ko.
Kung hindi lang sana niya ginawa ang ginawa niya kanina sa canteen, siguro ay makakaya ko pa na makipagsagutan sa kaniya ngayon.
Pumasok ako sa loob ng bahay at nakita ko si Ma'am Lynne na nakaupo sa sofa at nakatingin sa akin na may halong pag-aalala. Katabi niya si Akiko na mukhang nagkwento sa kaniya ng nangyari sa school.
"Aya." tawag niya at ngumiti ako sa kaniya.
"Okay lang ako Ma'am. Sorry po ngayon lang ako umuwi. Ipagluluto ko na din po kayo agad ng hapunan." mabilis na sabi ko at dali-daling pumunta sa kwarto ko.
Inilapag ko ang cartolina at folder sa lamesa ko at mabilis akong nag-asikaso ng sarili. Nagshower ako at agad na nagluto sa kusina. Inihanda ko agad ang hapag-kainan at tinawag ko sina Ma'am Lynne na nasa salas habang kinakausap si Lincoln at si Akiko.
"M-Ma'am, pwede na po kayo kumain." sabi ko at hindi na ako nag-abalang tumingin kay Lincoln na nakatingin sa akin.
Naglakad kaming lahat papunta sa dining hall pero hindi ako sumabay sa kanila sa pagkain.
"Tawagin niyo nalang po ako kapag may kailangan pa po kayo." sabi ko at matamlay na tumango sa akin si Ma'am Lynne.
Pumasok ako sa loob ng kwarto ko at nahiga. Nagugutom na ako pero hindi ko pa kaya sumabay sa kanila. Masama ang loob ko kay Lincoln dahil sa mga impulsive decisions niya. Okay lang na pagtrippan ako pero sana ang pangti-trip na iyon ay hindi hahantong sa aksidente tulad nalang ng nangyari sa akin ngayong araw.
Gumawa ako ng assignment na ipapasa kinabukasan at tiningnan ang palda ko na walang katerno na coat. Napahinga ako ng malalim dahil mukhang naka-PE uniform akong papasok bukas. Napailing ako dahil kailangan ko hintayin ang sahod ko bago makabili ng panibagong uniform.
***
Pumasok ako sa school na naka-PE uniform at pinagtitinginan nila ako ulit. Tanghali na ako pumasok at malapit na mag-time. Umakyat ako ng hagdan at hindi ko inaasahan na makasalubong ko si Lincoln.
Nakatigil siya sa harapan ko at nakayuko habang nakatingin sa akin.
"Aya." tawag niya sa akin at umakyat ako para makaalis pero hinarangan niya ako.
"Aya, tatagal tayong ganito kung hindi mo ako kakausapin." seryosong sabi niya at umiling ako.
"Okay lang, wala naman dapat pag-usapan.." seryosong sabi ko at sinamaan niya ako ng tingin.
"Bakit ba ang init ng ulo mo?" sabi niya at napairap ako dahil hindi ako makapaniwala sa mga sinasabi niya sa akin.
"Seryoso ka ba na hindi mo alam kung bakit?" sabi ko at umiling siya sa akin.
Yumuko si Lincoln dahil mas mataas ang tinatapakan niyang hakbang. Ka-level ng mukha ko ang mukha niya kaya't kumabog ng sobrang lakas ang dibdib ko.
“Aya.”
Tumigil ang lahat ng naglalakad sa paligid namin. Tumigil ang oras, tumigil ang mundo. Tumigil ako, tumigil siya.
"B-Bakit?!" Malakas na sigaw ko at hindi makapaniwala sa ginawa niya. Hinalikan ako ni Lincoln ng sobrang bilis at hindi na ako nakagalaw na para bang naparalisado na ako sa aking kinatatayuan.
Nakangisi siya sa akin at tumawa ng malakas sabay tingin sa akin.
"Kiss lang pala ang katapat mo para bumalik ang energy mo." natatawang sabi niya.
Hindi ko siya pinansin at dali-dali akong tumakbo papunta sa classroom habang hawak-hawak ang labi ko. Hayop ka talaga Lincoln!