Ilang linggo na ang inilagi n’ya sa lugar na ‘yon subalit hindi n’ya pa rin alam kung paano makisalamuha sa mga nilalang na kauri n’ya.
Nakasanayan n’ya na ang pagpunta sa talon sa t’wing nalulungkot s’ya. Nagiging payapa naman ang kalooban n’ya kapag naririnig n’ya ang lagaslas ng tubig na bumabagsak galing sa taas. Naisipan n’yang lumusong sa tubig nang bigla naman na dumating si Nexus.
“Ate Aurora, pinapatawag ka ni haring Yfraim,” agad nitong sabi sa kanya, naudlot naman ang planong pagtatampisaw n’ya.
Noong unang gabing kinausap s’ya ni Yfraim, hindi pa sana n’ya malalaman na ito ang Alpha Male ng kanilang henerasyon kung ‘di pa sinabi sa kanya ni Leora—isa sa mga malapit sa kanya sa bundok na ‘yon. Sa Iceland talaga ito nakatira ngunit bumisita lang sa bundok na ‘yon para makita s’ya ng personal. Nalaman n’yang limang daang taong gulang na ito; subalit kung ang panlabas na hitsura ang pagbabasehan, mistulang nasa early thirties pa lang ito. Ang mga katulad nila ay humihinto sa pagtanda sa edad na kung saan sila mas pinakamalakas.
Sinusubukan n’yang tanggapin ang bagong mundo n’ya kahit nalulungkot s’ya. Sa gabing ‘yon ay pilit n’ya munang iwinaksi ang mga alalahanin na bumabagabag sa isipan n’ya at nakisaya sa mga bagong kakilala.
Kinabukasan ay maaga s’yang nagising kaya napagpasyahan n’yang maligo sa talon. Pinagmasdan n’ya ang paligid habang naglalakad. Kahit kailan ay ‘di s’ya magsasawa na tingnan ang malaparaisong lugar na ‘yon. Napangiti s’ya nang masilayan ang talon, hindi n’ya namalayan na nakarating na s’ya dahil sa pagkawili sa paligid.
“Good morning, Fiel and dad,” Parati n’ya itong ginagawa at kahit isang beses ay walang palya. Ito lang ang tanging paraan para naman hindi s’ya masyadong mangulila sa mga ito. Natuwa s’ya nang maramdaman ang lamig ng tubig sa paa n’ya. “Napakasarap ng tubig sa balat, Fiel... It’s very refreshing at sana ay nandito ka,” mahinang sabi n’ya na tila nasa harap n’ya lang ang doktor.
Nag-inat muna s’ya bago tuluyang lumusong sa tubig. Nasa may kalaliman na s’yang parte nang may marinig s’yang bumagsak sa tubig. Napakalakas ng impact kaya alam n’yang malaking bagay ang nahulog mula sa kung saan. Bumilis ang t***k ng puso n’ya nang makita na papalapit sa direksyon n’ya ang ‘bagay’ na nahulog sa tubig.
Katapusan ko na! bulalas n’ya sabay pikit ng mata. Ilang segundo rin ang hinintay n’ya ngunit sa pagtataka ay walang lumapa sa kanya kaya iminulat n’ya ang kanyang mga mata.
Nagulat pa s’ya nang malaman na nasa itaas na s’ya ng puno. Sinulyapan n’ya pa uli ang tubig at nakita n’ya ang napakalaking taong ahas! Kumikinang ang kulay itim nitong buntot subalit ang kalahating tao nito ay napakaganda! Sa kabila ng takot ay ‘di n’ya maiwasang mamangha.
Sino s’ya? Si Medusa?
Nataranta uli s’ya nang tumingin ito sa gawi n’ya, sigurado s’yang nakita s’ya nito dahil kumilos ito papalapit sa punong kinaroroonan n’ya. Pumikit s’ya at inisip ang silid n’ya sa lugar na ‘yon. Iminulat n’ya ang mga mata nang matiyak na nasa loob na s’ya ng silid. Sinubukan n’yang mag-teleport dahil alam n’yang isa iyon sa katangian ng bampira—at napagtagumpayan n’yang gawin iyon.
Napakaraming kababalaghan ang nasaksihan n’ya sa mundo sa ilang linggong pananatili n’ya sa lugar na pinanggalingan n’ya at kabilang s’ya sa kababalaghang natuklasan n’ya.
Halos maubos ang lakas n’ya sa ginawa kaya pagkatapos magbihis ay nagpahinga na muna s’ya. Plano n’yang kausapin si Leora at magpapaturo s’ya rito. Ang kaibigan n’ya ay nagmula sa lipi ng lobo at Earth Demon kaya sisiw rito ang pagte-teleport kahit pa sa ibang dimension.
“Blessing in disguised pala ang nangyari.” Tuwang-tuwa ito nang maikwento n’ya ang nangyari kaninang umaga. Kasalukuyang nasa Pavilion sila kasama ng iba pang mga lobo. “Kung ‘di pa nangyari ang bagay na ‘yon ay ‘di mo pa matutuklasan ang kakayahan mo. I’m glad you made it! Matindi pala ang concentration mo, friend, to the highest level!” Iminuwestra pa nito ang kamay habang tumatawa. Maingay ito kaya pinagtitinginan sila ng iba.
“Curious lang aka. Sino s’ya? Who’s that nymph out there? Bakit gano’n s’ya? Ano’ng nangyari sa kanya?” naging sunod-sunod na tanong n’ya sa kaibigan dahil sa kuryusidad.
“She was cursed by her rival. Alam mo na—love triangle. Pinagbabawal talaga ang maligo sa talon na ‘yon, nakaligtaan lang namin na sabihin sa’yo. Lahat ng taga-rito ay iniiwasan na magawi sa talon na ‘yon kahit pa may super powers tayo. Isa ang lahi natin sa pinakamalakas, ngunit may kahinaan din. Ilang lobo na rin ang nagpatotoo na hindi alamat lang ang serpente sa talon at isa ka na sa nakasaksi no’n. Sa pagkakaalam ko, ilang libong taon nang namamalagi ang serpente sa talon. Isa raw s’yang ordinaryong tao, well, dati, isang napakagandang mortal. Isinumpa s’ya ng isang mangkukulam dahil hindi nito matanggap na s’ya ang mahal ng lalaking nagkataon na minahal no’ng bruha.”
Hindi n’ya pa rin talaga maintindihan kaya nagtanong uli s’ya sa kaibigan. “Bakit doon pa sa talon na ’yon? Pwede naman na sa ibang lugar, ‘di ba?”
Tiningnan s’ya nito. Isinubo muna nito ang isang hiwang steak bago uli nagsalita. “May binabantayan s’yang punyal. Makapangyarihang punyal. Marami na ang nagtangka na kunin ang punyal subalit nabigo. Ang punyal daw ay nasa loob ng kweba at ang kwebang ‘yon ay matatagpuan sa pinakapusod ng talon.” Bigla itong huminto sa pagsasalita na parang may iniisip. “Hindi ko lang talaga sigurado kung tama ang lokasyon ng kweba dahil lahat naman kasi nang nagtangkang kunin ang punyal ay ‘di na nakabalik. Ginagawa yatang hapunan ng ahas at s’yempre ‘di pwedeng walang spell na nakapalibot sa naturang lugar.”
Tumango-tango s’ya. “Para saan ba ang punyal at bakit kailangan pang may magbuwis ng buhay?”
“Makapangyarihan ang punyal— ayon sa alamat, ha? They call it Dagger of life. Hindi ko nga alam kung bakit Dagger of life ang pangalan gayong sandata iyon pamatay sa mga katulad nating my super abilities.”
“Bakit kailangan pang si Medusa ang magbantay?”
Kumunot ang noo nito. “Medusa?”
“’Yong bantay. Napakaganda n’ya kasi para tawaging serpente.” Hindi n’ya malimutan ang mukha nito lalo na ang dalawang pares na mga mata. She has this feeling na may lungkot sa mga mata nito.
“Ayon sa kwento, ang lalaking minahal n’ya at ang lalaking lumikha ng punyal ay iisa. Bigla na lang daw nawala ang lalaki pagkatapos ng mga pangyayari.”
What a tragic love story! Baka ‘di niya kayanin kapag sa kanya nangyari ang bagay na ‘yon. Bumuntong hininga s’ya, hinawakan naman ni Leora ang kamay n’ya.
“'Wag mong hayaan na mangyari sa inyo ng mahal mo ang naging kapalaran nila,” nakangiting sabi nito sa kanya. Nakapag-isip-isip na s’ya.
Buo na sa loob n’ya ang mga dapat n’yang gawin.
Tumingin s’ya ng diretso sa mga mata ng kaibigan. “Handa na akong harapin ang kapalaran ko, Leora. Tanggap ko na kung ano ako at kung ano ang kapalaran ko. Mas mapoprotektahan ko ang mga mahal ko kapag malakas na ako. Handa na akong magpaturo sa inyo,” puno ng determinasyon n'yang saad.
Nakita n’ya ang kislap at tuwa sa mga mata nito. “Natutuwa akong marinig ‘yan mula sa’yo.” Alam n’yang naging masaya ang kaibigan n’ya sa pagyakap n’ya ng buo sa kanyang pagkatao.
Nag-umpisa nang magsanay si Aurora kasama si Leora at ang ibang mandirigma. Tinutulungan s’ya ng mga ito kahit sa maliit na bagay. Mahalaga ang bawat araw sa kanya kaya hangga’t maaari ay ginagawa n’ya ang parte n’ya bilang isang mag-aaral dahil ayaw n’yang mauwi ang lahat sa wala—ang pagod, ang tiwala sa kanya ng kapwa mga lobo at ang isinakripisyong buhay ng mga magulang para mailigtas lang s’ya.
Ayaw n’ya nang maulit ang nangyari na may nasaktan ng dahil sa pagliligtas sa kanya. Panahon na para lumaban s’ya! Bahagya n’ya pang naikuyom ang kamay nang maisip ang dinanas ng kanyang ama at ina.
Kasalukuyang nasa talon s’ya nang gabing iyon para sana magpahinga nang may narinig s’yang boses—boses na may kalakip na panaghoy. Kahit pa nalaman n’ya na may banta sa buhay nya kapag nasa talon ay gabi-gabi pa rin s’yang nagpupunta sa naturang lugar. Hindi n’ya maintindihan kung bakit may pwersang humihila sa paa n’ya papunta sa naging kanlungan n’ya noong mga panahong nalilito ang isip nya. Pumikit s’ya at pinakinggan uli ang boses na kanina lang ay narinig n’ya.
“Kung nakapaghintay ako ng ilang libong taon, kaya ko pa ring maghintay ng ilang siglo upang makita ka lang. Pinanghahawakan ko pa rin ang pangako mo—ang pangako mong babalikan mo uli ako.”
Luminga-linga s’ya sa paligid ngunit wala s’yang makitang nilalang bukod sa kanya at kung ‘di sya nagkakamali ay boses ng babae ang naulinigan n’ya. Mahina lang ang boses kaya kung ordinaryong tao lang s’ya ay ‘di n’ya maririnig ‘yon.
Mataman s’yang naghintay ngunit ‘di n’ya na uli narinig na magsalita ang kung sino man hanggang sa makaramdam s’ya ng pagkainip.
Tumayo na s’ya sa batong kinauupuan at akmang aalis nang makarinig s’ya ng pag-iyak. s**t! Namamaligno na yata ako! Hindi sinasadya na napamura s'ya dahil sa gulat. Hinimas n’ya ang kanyang magkabilang braso para mapawi ang pagtatayuan ng balahibo n’ya. Hindi n’ya sinasadya nang mapatingin s’ya sa gawi ng tubig kung saan nakita n’ya ang babaeng ahas. Bakit ba hindi ko agad naisip ‘yon? Hindi nga s’ya nagkamali nang makita uli ang taga-bantay ng talon.
Marahan s’yang kumilos at nagtago sa likod ng puno nang makita n’yang papunta sa mababaw na parte ng tubig ang babaeng ahas. Pinagmasdan n’yang mabuti ang kabuuan nito at muli ay namangha sa kumikinang na buntot at kagandahan nito. Humarap ito sa kinaroroonan n’ya kaya nagulat s’ya nang makita ang masaganang luha na dumadaloy sa pisngi nito. Nagkita na ba kami? Bulalas n’ya nang mapagtanto n’ya na pamilyar sa kanya ang mukha ng babae ngunit ‘di n’ya lang matandaan kung saan. Napahawak s’ya sa dibdib nang maging eratiko ang pintig ng puso n’ya nang makita ang suot na kwintas ng babae—kaparehong-kapareho ito sa kwintas na suot-suot n’ya mula ng bata pa lang sya—ang pinagkaiba lang ay may pendant ang kwentas n’ya samantalang ang sa babae ay wala!
Umahon ang babae sa lupa at kaagad itong pinalibutan ng munting mga liwanag na sa tingin nya ay mga alitaptap—libong mga alitaptap. Nagpaikot-ikot ang liwanag at nagsimulang lukubin ang kabuuan ng katawan ng babaeng ahas. After a snap of a seconds, wala na ang liwanag at ang tanging nakita n’ya ay babae—isang napakagandang babae na may dalawang pares na mga binti at paa! Kinurot n’ya ang sarili upang makasigurado na totoo ang lahat ng nakikita niya.
“Alam kong nandiyan ka dahil ramdam ko ang iyong presensya mo. ’Wag mo akong katakutan, hindi ko intensyon ang takutin ka noong nakaraang araw, nais ko lang ang ika’y kausapin. Ilang araw na mula nang ika'y una kong masilayan, hindi lang talaga ako magkaroon ng pagkakataon sa pangamba na baka ikaw ay matakot sa akin—at iyon nga ang nangyari noong nagdaang araw. Bigyan mo naman ako ng pagkakataon upang makausap ka…”
Gusto n’yang tumakbo subalit ‘di n’ya magawa. Ramdam n’ya ang lungkot sa boses nito kaya nanaig ang kagustuhan na kausapin ito kaya dahan-dahan s’yang lumapit sa babae.
“Salamat at pinagbigyan mo ako.”
Nakita n’yang ngumiti ito kaya nakampante s’ya.
Nagtungo sila sa malaking bato at doon naupo.
“Bakit mo ko kilala?” tanong n’ya kaagad sa kausap. Marami s’yang gustong malaman kaya ’di n’ya sasayangin ang pagkakataon. “Imposibleng nagkita na tayo dahil ilang taon pa lang ako at ikaw ay ilang daang taon nang nakakulong dito…ngunit pamilyar ang mukha mo,” naguguluhang sabi n'ya.
“Buksan mo ang bilog na palawit sa kwintas mo.” Agad s’yang tumalima sa utos nito. Hindi na nito kailangang ipaliwanag kung saan n’ya ito nakita—ngunit bakit?
“Dalawang pares ang kwintas—si Ezral ang may hawak ng isa kaya nagulat ako nang makita ko ’to sa’yo.” Tinanggal nito ang kwintas na pagmamay-ari nito at ibinigay sa kanya. “Si Ezral mismo ang gumawa ng kwintas, Aurora. Ibinigay n'ya ang isa sa akin bago pa man ako isumpa ni Morgana at mula ng isinumpa ako ng babae ay hindi na rin kami nagkita. Dito ako nagtago dahil nandito ang punyal ng buhay at para na rin masiguro na hindi mapupunta sa masama ang punyal—ngunit nandito ka na, alam kong ikaw ang may karapatan na mag may-ari ng sandata dahil sa’yo pinagkatiwala ang kwintas.”
Hindi n'ya ito maintindihan, buong akala n'ya na pag-aari ng mga magulang n'ya ang kwintas ngunit hindi pala. “Bakit nasa akin ang kwintas?”
“Tadhana, Aurora. May rason kung bakit nasa sa’yo ang kwintas.” Mas lalo s'yang naguluhan sa isinagot nito sa kanya.
“Hindi ka pa makakapasok sa harang. Baka mapahamak ka lang tulad ng ibang nagtangka. Kailangan mo munang pagsamahin ang dalawang palawit ng kwintas upang masira ang harang. Si Ezral ang may hawak ng Kristal na palawit at kailangang hanapin mo s'ya, Aurora. Nasa pusod ng talon ang kweba kung saan nandoon ang punyal. Magkaugnay ang lugar na ito at dimensyon kung saan nakakubli ang kweba. May nilalang na nagbabantay sa loob ng kweba, kaya kung maaari ay mag-iingat ka,” paliwanag at babala nito sa kanya. Alam n'yang hindi magiging madali para sa kanya ang lahat ngunit kagustuhan n'yang tulungan ito.
“Saan ko pwedeng matagpuan ang tinutukoy mo—si Ezral?”
Yumuko ito at malungkot na nagsalita. “Hindi ko alam, Aurora.” Hinawakan nito ang kanyang kamay at tumingin nang diretso sa mga mata n'ya, kinakaban s'ya sa seryosong tingin nito. “Buhay pa ang mga magulang mo.” Awtomatikong nagimbal s'ya sa narinig kaya hindi agad s'ya nakahuma. Ang buong akala n'ya ay wala na ang mga totoo n'yang magulang pero sa sinabi nito sa kanya ay nagkaroon s'ya ng pag-asa na makikita pa ang mga ito.
Itatanong n'ya na sana kung saan n'ya makikita ang mga ito ngunit pinalibutan na naman ito ng munting liwanag kasabay ng unti-unting paglaho nito.
Maaliwalas na ang mukha ng babae kaysa kanina. “Sana ay magkita pa tayo, Aurora. Salamat sa pagkakataon at hangad ko ang iyong tagumpay,” nakangiting sabi nito at naglaho na ng tuluyan sa paningin n'ya.