Nakasalampak sa damuhan si Aurora habang nagbabasa nang matanaw n'ya ang paparating na sasakyan ni Fiel, agad s'yang tumayo at kinawayan ito—na ginantihan naman nito ng ngiti. Naging close na sila ng doktor simula ng pangyayari sa loob ng silid na nakalaan sa kanya.
Inilahad n'ya agad ang kamay niya pagkababa pa lang ng binata sa sasakyan. Iniabot naman nito sa kanya ang isang balot na may lamang mga chips and chocolates.
“Thanks, doc pogi, ang sweet mo talaga!” Nginitian n'ya pa ito bago kumuha at nagbukas ng chocolate. “Umalis na si Gray, alam yata na parating ka na. Bakit pala parating umaalis ang tatlong ‘yon?” tanong n'ya rito habang ngumunguya.
“Bakit ba ang hilig mong magsalita habang ngumunguya?”
Sasagot pa sana s'ya nang bigla na lang umulan. Pumasok s'ya ng bahay para ipasok ang mga pasalubong ni Fiel sa kanya. Nakita n'ya na pumasok na rin ang binata kaya hinila n'ya ito papunta sa labas.
“Aurora, ano'ng ginagawa natin dito?” halos pasigaw na tanong ng binata sa kanya dahil sa lakas ng ulan.
Idinipa niya ang kanyang mga kamay at umikot-ikot. Na-miss niya ang mga magulang niya dahil noong nabubuhay pa ang mommy niya ay madalas silang maligo sa ulan.
Hindi nakaligtas sa mata ng binata ang kumawalang lungkot sa mukha ng dalaga na agad rin namang napawi.
“Maliligo tayo, Doc.” Tinapik siya ng dalaga at tumakbo palayo sa kanya habang tumatawa. “Doc, taya ka!”
Nag-aalala s'ya na baka magkasakit ito subalit nakita n'ya na maaliwalas na ang mukha nito habang patakbong papalayo sa kanya kaya sinakyan n'ya na lang ang trip nito.
Kumakanta pa ito habang nakikipaghabulan sa kanya. Ilang ulit pa silang nagpaikot-ikot hanggang sa tila makaramdam ng pagod ang dalaga. “Para ka namang superhuman, doc, ‘di marunong mapagod,” himutok nito sa kanya habang nakaupo sa damuhan. Kahit medyo marumi ito dahil sa talsik galing sa lupa ay maganda pa rin ito.
Nakatitig lang siya rito habang nakatingala ang dalaga na parang inaanyayahan pa ang ulan na sumabog sa mukha nito.
“Sobrang saya namin noong nabubuhay pa si mommy; parati kaming naliligo sa ulan kasama si daddy…” Huminto muna ito saglit na parang may inaalala. “Alam ko na kahit busy sila, sinisigurado nila na naaalagaan nila akong mabuti. Parati nila akong tinatanong kung okay lang ba ako o baka may problema ako. Every Sunday kaming nag-a-out of town para daw makabawi sila sa six days na parati silang busy at kahit isang beses ay ‘di sila pumalya na buo kaming magkasama sa araw na iyon. Parati nilang sinasabi kung gaano nila ako kamahal. Everytime na binabagabag ako ng kakatwa kong panaginip, nasa tabi ko lang silang dalawa. Noong bata pa ako, parati akong umiiyak dahil tinutukso akong ampon ng mga classmates ko dahil ‘di ko raw kamukha si mommy o kaya si daddy pero nandyan lang sila parati to eased the pain. I thought everything was perfect, pero isang araw nalaman ko na lang na stage four na pala ang cancer ni mommy, they already knew about it pero inilihim nila sa akin dahil ayaw nilang masaktan ako. Lumaban pa s‘ya sa sakit n'ya dahil ayaw n'yang maiwan ako pero isang araw… Isang araw ay nakita namin ni daddy na ‘di n'ya na kaya naman—kaya p-pinakawalan na namin s'ya para ‘di na sya mag-suffer.” Umiiyak na ito pero hinayaan n'ya lang itong magsalita para mabawasan ang sakit na nararamdaman nito. Tumingala muna ito bago nagsalita ulit. “Kaya nang mawala si mommy, gumuho rin ang mundo namin ni daddy. Everything is not the same as it was. Wala na ang ilaw ng tahanan namin pero si daddy, pinilit magpakatatag para sa akin. It took time for us to recover. Hanggang ngayon, ramdam ko pa rin ang pangungulila lalo na ngayon na malayo si daddy. Kaya noong makita ko na sinasaktan si dad, halos ikamatay ko. Baka ‘di ko na kayanin ‘pag pati si daddy mawala pa sa akin,” pagtatapos nito sa kwento bago umiyak nang umiyak.
Ramdam niya ang suliranin ng dalaga dahil sa sugat sa puso nito na kahit sinong magaling na doktor ay hindi kayang pagalingin ito sapagkat damdamin na nito ang nasaling.
Niyakap n'ya ito para ipahatid sa dalaga na hindi sya nag-iisa—na nandyan lang s'ya sa t’wing kailangan nito ng kasama.
Kung alam n’ya lang sana kung paano maibsan ang kalungkutan nito ngunit wala s’yang magawa kundi ang pakinggan lang ito.
MANILA, PHILIPPINES
“Ninong, bakit ‘di mo na lang sabihin kay Aurora na nandito ka lang sa Manila? Sigurado akong miss ka na ng batang ‘yon. Kailangan ka n’ya sa mga panahong ito lalo pa matapos ng nangyari sa inyo. Hanggang kailan mo ba balak itago ang lihim mo?” tanong ni Jethro kay Rodrigo. Anak si Jethro ng isa n’yang kumpare subalit siya na ang kumupkop dito simula nang mamatay ang mga magulang ng binata.
“I know that she’s in good hands. Kailangan n’ya ng taong lubos na makakatulong at poprotekta sa kanya lalo na sa panahong hindi n’ya pa kayang ipagtanggol ang sarili nya. Alam ko na kaya s’yang protektahan ng apat na kalalakihan. Ilang buwan na lang din ang hihintayin para matuklasan n’ya ang tunay n’yang pagkatao.” Bumuntong hininga muna s’ya upang alisin ang mistulang bikig sa kanyang lalamunan. “Panalangin ko lang na sana… sa oras na malaman n’ya ang totoo, sana ay hindi n’ya kami kasuklaman ni Eleanor.”
Mahigit dalawang dekada na ang nakakalipas subalit malinaw pa rin sa kanyang alaala ang nangyari nang gabing unang masilayan nila si Aurora…
Pauwi na silang mag-asawa galing sa Obando, Bulacan ng madaling-araw na ‘yon nang lapitan sila ng isang ‘di kilalang lalaki na may dalang sanggol. Matanggad ito at nakasuot ng itim na mahabang coat, natatakpan ang mukha nito kaya ‘di agad nila nakita ang mukha. Nang makalapit ito sa kanila ay saka pa lang nila nalaman na banyaga ito.
Walang pag-aalinlangang tinanggap ng asawa n'ya ang sanggol nang ibigay ng banyaga ang hawak na bata. Alam n’yang sabik ang kabiyak sa bata dahil wala silang anak kaya umayon na rin s’ya sa desisyon ng kanyang mahal na asawa asawa.
Napakaganda ng sanggol, mataba ito at maputi. Payapa itong natutulog katulad ng kapayapaan ng gabi. Bago umalis ang lalaki ay may sinabi pa itong tumatak sa isipan n’ya…
“Ingatan n’yong mabuti ang sanggol.” Mababakas sa boses nito ang pakiusap. “Pagsapit ng bata sa tamang edad, may darating na apat na kalalakihan… Sila lang dapat ang pagkatiwalaan n’yo—subalit ’wag n’yong sabihin sa kanila ang tungkol sa lihim ng sanggol, hayaan mong sila mismo ang makatuklas sa lihim ng bata. Mahalin n’yo sana ang bata at ituring n’yong sariling anak. Magkikita pa tayo!” May diin ang pagkakasabi niya sa huling salita.
Nagulat pa silang dalawa nang mawala na lang bigla ang lalaki sa harapan nila. Gusto n’yang matakot sa mga oras na ‘yon subalit nanaig ang pagmamahal n’ya sa asawa lalo na nang makita n’yang umiiyak ito habang hinahalikan ang sanggol.
Matagal na nilang gustong magkaanak subalit hindi sila mabiyayaan, ginawa na nila ang lahat ng paraan; maging ang pagsayaw sa Obando subalit wala pa rin, kaya ‘di n’ya masisi ang asawa na tanggapin agad ang sanggol nang walang pag-aalinlangan.
Sinubaybayan nilang maigi ang paglaki ni Aurora—ito ang ipinangalan nila sa bata dahil ang kahulugan nito ay ang takda ng panahong napasakamay nila ang magandang sanggol. Mahal nila ang bata na umabot sa puntong hiniling nila na sana hindi na dumating ang panahong mawala ito sa kanila. Hindi nila ito kinakitaan ng kakaiba habang kumalaki kaya lumaki itong may normal na buhay katulad ng mga ordinaryong mga bata. Masaya sila na lumaki itong maayos at napakabait pa lalo na sa mga kapus-palad.
Okay na sana ang lahat para sa kanilang tatlo subalit unti-unti itong binabagabag ng mga kakatwang panaginip. Sumisigaw ito minsan sa kalagitnaan ng gabi kaya nalulungkot s’ya sa nangyayari sa ‘anak’.
Kasalukuyang nakatanaw si Aurora sa kalangitan nang lapitan s’ya ni Gray. “Ang tahimik mo yata ngayon, ‘di ako sanay.” Umupo ito sa tabi n’ya at binigyan s’ya ng bulaklak.
“I miss them. Nakalimutan na yata ako ni dad. Hindi na tumatawag si daddy hindi katulad ng mga unang araw ko pa lang dito, nakalimutan n’ya na yata ako at nasasaktan ako sa isiping iyon, sobra...” Huminga muna s’ya nang malalim bago nagpatuloy sa pagsasalita. “Bakit pa kasi kailangang mangyari sa amin ‘to, nawala na nga si mommy, ‘di ko pa kasama si daddy. Kung hindi lang ako mahina at kaya ko s’yang ipagtanggol, mag-kasama sana kami ngayon ni dad.”
Sa tanang buhay n’ya ay halos nakadepende s’ya sa mga magulang kaya ‘di n’ya alam kung paano dadalhin ang sakit na nararamdaman n’ya. Maraming sana sa isipan n’ya; maraming tanong na ‘di mabigyan ng kasagutan; maraming hiling na ‘di kayang mapagbigyan at maraming mga bagay na malabo at ‘di n’ya maintindihan.
Tumingin muna si Gray sa kanya bago nagsalita. “Why? Hindi ka masaya rito sa amin?”
“Syempre, masaya pero mas masaya ako kapag kasama natin si dad.”
“Kung gusto mo, pwede ka naming turuan ng basic martial art para maipagtanggol mo ang sarili mo kung sakaling malagay ka sa alanganin," suhestyon ni Thor sa kanya na ‘di n’ya napansin na nasa likuran n’ya na pala, kasama ang dalawa pang kalalakihan.
Tiningnan n’ya ang mga ito, kahit saang anggulo mo tingnan ang tatlo ay ‘di maikakailang napakagwapo talaga ng mga ‘to. Hindi nakakasawang tingnan.
Nginitian s’ya ni Fiel. Simula nang maligo silang dalawa sa ulan, hindi na ito nagsusungit sa kanya. Parati na itong nakangiti na mas lalong nagustuhan niya dahil pabor iyon sa kanya.
“Baka ‘di ko kayanin.”
“Hindi ka naman namin bubugbugin, eh,” natatawang sagot naman ni Leron sa kanya.
“Okay, basta walang bayad, huh?” pagbibiro naman niya sa mga ito.
“Pwede nating pag-usapan ang bagay na iyan,” sagot naman ni Fiel habang nakangiti. Laking pasalamat n’ya na tanging liwanag lang ng buwan ang nagbibigay liwanag sa pwesto n’ya dahil baka makita ng mga ito ang pamumula ng pisngi nya.
“Let’s start next week, may kailangan lang kasi kaming asikasuhin.” Tumango s’ya sa sinabi ni Gray.
“Maganda at maliwanag ang kalangitan, magandang maglaro ng taguan.” Bumaling si Leron sa kanya.
“We used to play hide and seek before.”
“Don’t tell me, we’ll play hide and seek?” nag-iinat na tanong ni Thor.
“Why not? Para naman makapag-unwind tayo,” sagot naman ni Gray na tumayo na rin.
“Fine…” Tumingin ang doktor sa gawi n’ya at ngumisi. “Fine! Basta, kasali si Aurora.”
“Ayoko, Doc!”
“Bakit?” Halos magkakasabay na tanong ng apat nakalalakihan.
“Because a man like Fiel is impossible to find.”
Nagtawanan pa sila bago nagsimulang maglaro.
Mula sa malayo ay tanaw na tanaw ni Uerwan ang apat na nilalang na masayang naglalaro kasama ang isang—fille mortelle? Hindi s’ya makapaniwala sa nakikita subalit alam n’yang hindi s’ya namamalikmata lang.
Isang mortal na babae ang kasama ng apat na hangal na mga bampira!
Matagal n’ya nang pinagtutuunan ng pansin ang pagtugis sa apat na kalalakihan ngunit kahit isa ay hindi n’ya mapuksa sapagkat magkakasama kung kumilos ang apat na kalalakihan kaya nakipagsabwatan s’ya sa isang nilalang.
Ilang minuto pa ang pinalipas n’ya bago tuluyang lisanin ang lugar na may ngiti sa mga labi. Kayo ang magiging dahilan sa kamatayan ng mortal! Tinitigan n’ya pa ng isang beses ang dalaga bago tuluyang nawala.