Maruem
Kinabukasan ay maaga akong gumising at nag-asikaso. Isinuot ko ang dala kong pinakamaganda at pinakamahal na tuxedo upang maipakita mamaya sa pagpapatala ng aking pangalan. Papunta na ako sa mismong venue at dala-dala ko na rin ang lahat ng aking gamit upang lumipat ng hotel na tutuluyan. Mas malapit sa venue ang aking pinili para kahit lakarin ko na lamang ay walang problema. Kung katapat iyon, hindi ko pa alam ang eksaktong lokasyon basta ay nagpahanap ako sa kanila ng hotel na pinakamalapit at may magandang serbisyo pati na rin may magandang design na kwarto.
Kahapon din ay nagpalit na ako ng bodyguard. Umuwi si Felipe dahil sa biglang pagpanaw ng kaniyang ama na ikinalungkot ng aming kaharian. Nakikipagluksa sila ngayon. Pupunta sana ako ngunit abala pa ako rito sa pagpapatala at marami pang gagawin. Pinasabi ko na lamang ang aking pakikiramay.
Pumalit naman sa kaniya ang isa ko pang pinsan na si Zafir Xenos. Matanda siya sa akin ng limang taon ngunit mas gwapo ako. Nasa lahi naman namin ang pagiging gwapo ngunit ako ang mayroong higit na nag-uumapaw na karisma. At syempre, ako rin ang pinakamalakas.
Nang makarating kami sa tapat ng malaking bulwagan ay pinagbuksan ako ni Zafir ng pinto. Inabot niya sa akin ang briefcase ko. Binulungan naman niya ako bago pumasok.
"Nagsingit ako sa bag mo ng patalim na hindi made-detect kung sakali mang may mangyaring hindi maganda. Sama-sama ngayon ang napakaraming mga hari galing sa iba't ibang kaharian. Baka may mga terorista o traydor sa loob na magpasimula ng gulo. Maigi na rin iyong handa ka," bulong ni Zafir.
"Nag-abala ka pa. Kaya ko na ang aking sarili. Sige na, maiwan na kita. Balikan mo ako pagkatapos ng pagpapatala mamaya," paalam ko kay Zafir.
Tinanguhan naman niya ako at pumasok na ulit sa sasakyan. Walang pakialam sa mundo si Zafir, wala pa rin talaga itong pagbabago.
Pumasok na ako sa loob ng bulwagan. Agad namang may humarang na maliit na babae sa akin. Nakasuot ito ng pulang bestida na halos kapareho rin ng suot nung mga lumalapit sa ibang papasok. Mukhang sila ang kinuhang tagapag-ayos ng event.
"Ano po ang pangalan niyo? Maaari ko po bang makita ang inyong imbitasyon at ibang mga papeles?" magalang niyang tanong.
Kinuha ko naman ang mga papeles sa briefcase. Agad ko namang nakita ang maliit na papel, mukhang iyon na ang sinasabi niyang invitation. Ni hindi ko ito napansin. Doble lamang ito ng laki kumpara sa isang ordinaryong calling card.
"Ikinagagalak ko pong makilala kayo, Haring Maruem Ezekiel Crimson ng Coran Kingdom. Sumunod po kayo sa akin papunta sa inyong uupuang pwesto. Ito po ang papel kung saan nakatala ang daloy ng magiging programa ngayon at bukas," nakangiting sabi nitong maliit na babae at naunang maglakad.
Sumunod naman ako sa kaniya. Pumasok kami sa isang malaking silid na parang sinehan ngunit entablado ang unahan. Magkakahiwalay rin ang mga upuan at nananatili ang distansya mula sa isa't isa. Napakagaganda rin ng kalidad ng mga upuan at mukhang malambot.
Nang maupo ako sa itinurong puwesto nitong babae ay napakakomportable. Nasa gitnang parte ako, mabuti na lamang. Tanaw na tanaw mula rito ang entablado. May mga malalaking monitor din naman sa itaas kung saan pwedeng mas makita nang malapitan ang nagsasalita.
Umalis na iyong babae at prente lamang akong nakaupo habang nag-iintay na magsimula ang programa. Gusto ko na agad matapos ito at maging ganap na kalahok para lumaban sa puwestong emperador ng aming emperyo. Ako ang papalit sa aking ama at hindi ako makakapayag na hindi ako iyon.
Nang mapuno ang buong bulwagan ay nagsimula na ang programa. Bumungad naman sa amin ang emperador ng North Lycan Empire na si Emperador Satel Romanov. Mukhang pumunta pa ito sa aming emperyo upang magbukas ng opening speech. Mukhang siya ang nakatoka upang magpaliwanag sa aming lahat. Si ama ay paniguradong nasa ibang emperyo rin. Ngunit ang kinatataka ko ay saan gaganapin ang pagsasanay at initiation. Hindi iyon nabanggit, kahit si ama ay hindi sumasagot. Sabagay, talaga namang ililihim iyon dahil baka may mga sumabotahe pa sa opening.
Halos kasing edaran lamang din ni ama si Haring Satel. Matipuno ang katawan nito at pintog na pintog ang kaniyang mga braso. Ganito naman lagi ang pustura ng mga taong-lobo. Sobrang brusko at mga moreno. Ang mga bampira naman ay kilala sa pagiging maputla habang ang mga mangkukulam ay kilala sa kapayatan ng kanilang katawan, mas mabilis kasing nakakalipad ang mga ito gamit ang broom kung hindi mabigat ang kanilang katawan.
"Bungad kong pagbati sa inyong lahat na mga hari ng Prime Empire! Ako ay lubos na humahanga sa dami ng bilang na gustong pumalit kay Julyan Crimson bilang emperador ng inyong emperyo. Ngunit sino nga ba ang matitirang malakas, matalino, at palaban? Malalaman natin iyan oras na sumali kayo sa Blood Compact Organization. Lahat iyan ay ipapaliwanag ko sa inyo ngayon bago kayo pumirma ng kontrata at opisyal na sumali. Ngunit gusto ko lamang sabihin na lahat kayong narito ngayon ay nakapasa na sa unang pagsubok ng Blood Compact Organization. Ang hindi pagtikim ng dugo mula sa mga bayarang babae. Hayaan niyo at ipapaliwanag ko iyan," mahabang bungad ni Emperador Satel.
Lihim naman akong napangisi, napakababaw ngunit patibong na pala. Mabilis silang magsala ng mga aplikante at hindi mo aakalaing sa maliit na bagay ay mitsa na pala kung kakagat ka. Malas na lamang ng mga nagpauto sa taktikang iyon. Panigurado ring mahihirap ang mga pagsubok na ibibigay sa amin ng Blood Compact Organization. Idagdag pa ang initiation kapag papasok ng organisasyon, tiyak kong dahilan iyon upang ilang araw akong hindi makatayo. Si ama ay kahit nakauwi na noon mula sa pagsubok, ayon sa kaniya ay nagkaroon pa rin daw siya ng problema sa paglalakad noon. Mabuti na lamang at magagaling ang mga gumamot sa kaniyang mangkukulam ng aming kaharian kaya mas napabilis ang kaniyang paggaling.
"Bakit nga ba mga bayarang bampirang babae ang ginawang patibong? Lahat ng haring nais magpatala kahit nasaan pa tumutuloy ay napadalahan ng sulat. Lahat ay sinubok ang pagpupursigi at kung desidido talaga ang loob. Walang haring susubok pang tumikim ng mga babae kung ikaw ay nakapokus sa iyong mithiin na makasali at ikaw ay abala sa pagpaplano. Malalim mag-isip ang Blood Compact Organization. Malalaman niyo rin ang lahat ng mga galamay ng BCO, maging ang mga gagawin ninyong pagsubok oras na makapirma na kayo ng kontrata at makapunta sa venue," paliwanag pang muli ni Emperador Satel.
Venue, ibig sabihin ay taon-taon nagbabago ang venue. May kontrata rin. Mukhang patungkol iyon sa mga pagpapahirap na aabutin namin.
"Mga aplikante, hintayin niyong matapos ibahagi ng ating magagandang dilag ang inyong mga kontratang pipirmahan. Hahayaan ko kayong basahin itong mabuti sa loob ng isang oras. Pagkatapos ay ipapaliwanag ko ang lahat at sasagutin ang mga katanungan kung may mga tanong man," dagdag pa ni Emperador Satel bago bumaba ng entablado.
Namigay naman ng mga papel ang mga babae nakasuot ng pulang bestida. Nang may mag-abot sa akin ay agad kong tiningnan ang papel. Makapal ito, nasa 53 pages at nakasulat sa malalim na lenggwahe. Lahat din ay may nakasulat na pangalan ko sa mga kailangang lagyan ng pangalan, maging ang aking kaharian na pinagmulan ay nakasulat. Mukhang inaabot talaga sa amin bawat isa ang aming mga kontrata dahil personalized ito.
Binasa ko na ito. Nakalagay sa unang seksyon na ang sinumang mamatay sa labas ng Blood Compact Organization dahil sa pagsubok ay bibigyan ng pagkilala ng nasabing organisasyon. Ang sino mang magtuturo sa base ng organisasyon ay tatanggalin ang bisa ng aplikasyon. Mahigpit ang Blood Compact Organization pagdating sa pagpapapasok.
Nakalagay rin na lahat ng inisasyon na gagawin ng organisasyon ay kailangang tiisin ng haring nagpatala at naging opisyal na aplikante. Mayroong pagkakataon na umatras ngayon pa lamang ang isang hari at hindi pumirma. Nakalagay rin na asahan na ang pinakamalulupit na pangyayaring ngayon mo lamang masasaksihan sa buong buhay mo.
Nagbasa pa ako hanggang sa matapos ko ang buong kontrata. Ayos naman sa akin ang lahat ng ito dahil ang gusto ko ay maging emperador at wala nang iba. Iyon ang mithiin ko, ang nag-iisang goal ko. Hindi ako makakapayag na hindi ako ang magiging emperador. Makikipagpatayan ako makuha lamang iyon. Hinding-hindi ko hahayaang apak-apakan ulit ako ng ibang nilalang.
"Tapos na ang isang oras na aking ibinigay sa inyo. Ngayon para sa mga katanungan, maaaring magtaas lamang kayo ng kamay at magtatawag ako. Mas mapapadali tayo kung sasagutin ko na lamang ang inyong mga tanong kaysa isa-sahin pa ang bawat pangungusap sa kontrata," anunsyo ni Emperador Santel.
Agad naman na may nagtaas ng kamay at nagtanong. Nagpakilala ito bilang si Haring Olan ng Quito Kingdom. Pinaunlakan naman siya ni Emperador Satel.
"Paano kung mamatay ang isang hari habang isinasagawa ang initiation sa loob ng Blood Compact Organization? Maaari ba iyon na mangyari?" tanong niya.
"Oo, maaari. Malaki ang tyansa at tinitiyak ko iyon. Mararanasan niyo ang pisikal na sakit na hindi niyo pa nararanasan buong buhay niyo. May mga mangkukulam din namang mamamalagi sa venue ngunit gagamutin lamang kayo pagkatapos ng bawat pagsubok. Sa initiation naman ay pagkatapos ng buong initiation. Hindi iyon mapuputol, mapipigilan, o mababago ng kahit sino. Nakatakda na lahat at isang pirma niyo na lamang ay mga ganap na kayong aplikante. Tandaan niyong hindi na kayo maaaring sumuko pa oras na makapirma na kayo. Wala nang bawian kaya magdesisyon kayong mabuti," mahabang paliwanag naman ni Emperador Satel.
Napatango naman ang marami. Nakikinig lamang ako sa mga sinasabi at tinatanong. Sunod-sunod din ang mga katanungan.
"Emperador Satel, ako si Chano mula sa Ford Kingdom. Nais kong tanungin kung gaano ba katagal ang itatagal ng pagsali sa Blood Compact Organization at opisyal na maging miyembro?" tanong ni Haring Chano.
"Lilinawin ko lamang sa inyo, kahit pumirma na kayo sa kontrata ay hindi pa rin kayo opisyal na miyembro ng Blood Compact Organization. Opisyal pa lamang kayong aplikante para sa paglalabanan na pwesto ng emperador para sa Prime Empire. At upang makatungtong sa huling lebel ng mga pagsubok o ang next stage, kailangang malampasan ang initiation ng Blood Compact Organization at doon pa lamang kayo ganap na magiging miyembro ng BCO. Hindi magkakaroon ng katiting na pag-asang maging emperador ang haring hindi makakapasa sa BCO. Itatak niyo iyon sa inyong mga isipan kaya gawin niyo ang lahat ng inyong makakaya. Tungkol naman sa tanong na gaano katagal, tumatagal din ng dalawang buwan hanggang limang buwan. Depende sa mga kalahok na kaya pang tumayo at magpatuloy," sagot ni Emperador Satel sa tanong.
May dalawang sunod pang nagtanong at nang wala ng mga nagtataas ng kamay ay pinapirmahan na sa aming lahat ang mga kontrata. Ang mga hindi naman sang-ayon at ayaw nang sumali ay pinaalis na sa loob ng bulwagan. May limang tumayo dahil umaayaw na. Tsk, mahihina. Sinasayang nila ang oportunidad.
"Ngayon, ibigay niyo ang mga kontrata sa ating magagandang dilag na iikot. Matapos ibigay ang kontrata ay magsitayo kayong lahat," sabi ni Emperador Satel.
Matapos makuha ulit ang mga pirmadong kontrata ay tumayo kaming lahat upang mabilang. Marami-rami din kaming lahat na natira.
"Magaling, binabati ko kayong 117 candidates na natira! Ibigay niyo ang inyong buong puso at lakas upang makamit ang trono. Ikinakatuwa kong marami ang sumali kahit marami pa rin ang mga haring ayaw nang sumubok pa dahil sa kalupitan ng Blood Compact Organization. Ngunit laging tatandaan, walang madaling pagsubok. Lahat tayo ay dadaan sa paghihinagpis at pasakit bago makuha ang ating hinahangad," malakas na sabi ni Emperador Satel.
Napatingin naman siya sa akin at napangisi, mukhang alam niyang ako ang anak ng emperador ng Prime Empire. Nakipagtitigan naman ako sa kaniya bago siya ang nag-iwas ng tingin.
"Iisa-isahin ko kayong lahat na kausapin upang makuha ang inyong mga importanteng dokumento at makapanayam saglit. Maaaring umupo muna ang lahat at maghintay lamang saglit. May mamimigay naman ng pagkain para sa inyong lahat," anunsyo ni Emperador Satel bago umalis ng entablado.
Nagawa ko na ang pangalawang hakbang. Opisyal na akong kalahok, nakaabot na ako rito. Ang una kong nagawang hakbang ay maging hari at ang pangalawa ay ang maging opisyal na kalahok. Ang pangatlo naman ay maipasa ang initiation at ang mga pagsubok upang maging isa akong opisyal na miyembro ng Blood Compact Organization. Isang hakbang na lamang mula roon ay abot-kamay ko na ang puwestong emperador ng aming emperyo.
Ramdam ko naman ang mga matang nakatitig sa akin kaya agad kong hinuli ang nakatitig. Matapang ito, hindi nag-iwas ng tingin. Mukhang isa ito sa mga sikat na haring may mataas na kumpyansang mananalo. Pwes, mas mataas ang kumpyansa ko. Hinding-hindi ako magpapatalo kahit kanino.
Nakilala ko naman ito, ang hari ng Norhan Kingdom na si Salome Eussepe Escobar. Tinaas naman niya ang hawak na wine glass sa aking direksyon bago iyon inumin. Nginisian ko lamang ito. Mukhang kaming dalawa ang magkakainitan.