Chapter 3

1422 Words
Sa timog naman ng Sapienos matatagpuan ang kontinente ng Dwarfa, ang tirahan ng mga maliliit dwende. Madaming mga kaharian ang nagkalat sa kontinente at madalas pa nga ay sila-sila din ang nagsasakupan. Ang pinakamalaking kaharian doon ay ang Agart, kung saan ang namumuno ay pawang mga reyna lamang. Ang kahariang ito ay makikita sa timog-silangan ng Dwarfa kung saan napapalibutan ito ng iba’t-ibang maliliit na kaharian o samahan ng mga dwende. Mahilig mag-laban ang mga ito sa isa’t isa subalit pag ang kontinente na nila ang sinasakop ay muling nagkakaisa pansamantala ang mga dwende at nabubuo muli ang Konseho ng Punso kung saan si Reyna Rissana ang namumuno sa oras ng digmaan. Pagkatapos ng laban sa mga mananakop ay balik muli sa dating labanan ang mga dwende. Ganito na ang nakamulatan nilang pamumuhay simula pa noong unang panahon.  Ang mga dwende ang pinakamagaling sa larangan ng pagpapanday ng mga sandata at kalasag. Ang kanilang maliliit na kamay ay kayang gawing isang napakalakas na sandata ang isang basurang metal na galing sa tao. Galit sila sa mga taga Sapienos dahil sa pagnanakaw ng mga tao sa kanilang mga ginawang sandata. Katulad ng mga maliliit na immortal ay madalas silang maliitin ng ibang lahi pero hindi maikakaila na sila ang pangalwa sa pinakamalakas na lahi sa Gaia kasunod ng mga engkanto. Napapadalas nitong nakalipas ng isang daang taon ang mga gyera laban sa tao dahil talamak na din ang mga pagnanakaw na ginagawa ng mga ito sa iba’t ibang kaharian ng Dwarfa. Unti-unti na din tuluyang nagbubuklodbuklod ang mga dwende dahil na din sa walang tigil na kasamaan ng tao sa kanila. Hindi magtatagal ay magkakaisa na din ang mga ito. Ang kontinente ng Fariya ay matatagpuan sa kanlurang dako ng Sapienos kung saan nakatira ang mga mababait na Diwata ang nakatira sa mga gubat ng nasabing kontinente. Gaya ng mga dwende, hiwahiwalay din ang mga kaharian ng mga ito subalit ni minsan ay hindi sila nakikipaglaban sa isa’t isa. Wala silang pakialam sa away ng iba. Ang kaharian ng Talulot na pinamumunuan ni Reyna Marcela ang isa sa mga malalaking dominyo sa Fariya. Sa oras ng gyera ay nagsasama-sama ang mga diwata para buuin ang Lupon ng mga Paru-Paro kung saan lahat ay nagtutulong-tulong para protektahan ang kanilang mahal na kontinente laban sa mga mang-aapi. Sa lahat ng mga immortal ay ang mga diwata ang pinakamalapit sa mga tao at ang kaisa-isang lahi ng mga immortal na pinapayagan ng mga mortal na makatapak sa Sapienos. Bukas din ang Fariya sa mga tao subalit hangga’t maari ay iniiwasan ng mga taga Sapienos ang pagpunta dito sapagkat lubos na nakakaligaw ang mga gubat doon at mahirap marating ang mga kaharian ng mga Diwata dahil nasa matataas na puno nakatayo ang mga ito. Malapit din ang mga diwata sa mga lambana at nakikipag-palitan din ng kalakal sa kontinente ng mga ito. Ang mga lambana naman ay nakatira sa ibayong silangan ng Sapienos sa kontinente ng Lambda. Hiwahiwalay ang mga maliliit na kaharian ng mga ito na pinamumunuan ng mga hari. Ang kaharian ng Laudaniana pinamumunuan ni Haring Impressario ang pinakamalaki sa mga ito at ang nagsisilbing tagapayo sa ibang kaharian sa kontinente. Ang Organisasyon ng Alitaptap ay ang tanging grupo na nabubuo sa oras ng digmaan laban sa mga kaaway ng mga lambana. Tulad ng mga diwata ay mababait din ang mga ito sa tao. Pero hindi sila pinapayagang manatili ng matagal sa Sapienos sapagkat malimit ay hindi na sila mapa-alis doon. Sa nakalipas na limampung taon ay tinatayang may isang milyong mga lambana ang iligal na naninirihan sa Sapienos kasama ng mga tao. Sa malayong kanluran ng Gaia naman makikita ang kontinente ng Giganto kung saan ang mga malalaking higante ang naninirahan. Sa mga malalaking puno ng akasya o ng buli naninirahan ang mga ito kung saan sila malimit nakikitang mga nakahilata at nakain. Ang kaharian ni Haring Ambrosio ang namumuno sa buong Giganto. Pero wala ding pakialam ang mga higante kung sino ang hari sapagkat walang ibang inisip ang mga ito kundi mamahinga at kumain. Subalit sa oras ng labanan, kahit ang mga engkanto ay nagdadalwang isip labanan ang mga ito dahil sa lakas ng kanilang mga matatayog na katawan na kayang pumatag ng isang kaharian sa isang tirahan lamang. Ang Lupon ng mga Tabak ang nag-iisang organisasyon ng mga higante na nagbubuklod sa iba’t ibang kaharian sa Giganto. Pero napakadalang magusap-usap ang mga ito dahil na din siguro sa katamaran. Wala silang pakialam sa iba hangga’t hindi din sila pinakikialaman ng iba. Nitong nakalipas na ilang taon ay may mga higanteng kataka-takang naalis ng kanilang kontinente para mangibang bansa. Kakaiba ang mga ito dahil higit na matatalino at masisipag ang mga ito kung ikukumpara sa ibang mga higante. Sa hilaga naman ng Giganto matatagpuan ang mausok na kontinente ng mga kapre, ang Catabo. Kakaiba ang kontinenteng ito sa ibang mga immortal. Sa halip na mga kaharian o imperyo ay mga Hacienda ang tawag ng mga dugong bughaw na kapre sa kanilang nasasakupan. Senyor at Senyora sa halip na Hari at Reyna. Ang Hacienda Gracias ni Senyor Rodrigo ang pinakamalaki ang nasasakupang lupa sa Catabo at siya ding namumuno sa mga ibang hacienda ng mga kapre. Ang Liga ng Tabako ang nag-iisang organisasyon ng mga hacienda sa Catabo. Dito sila naguusap-usap tungkol sa mga pangyayari at kasalukuyang estado ng kanilang kontinente. Galit ang mga tao sa mga kapre dahil sa kakaibang hilig ng mga ito. Gustong-gusto ng mga ito ang mga babaeng tao at kadalasang dinadala ang mga ito sa kanilang kontinente kung saan inaanakan at pagkaraan ay ginagawang Senyora kahit ayaw ng mga babae. Nagdeklara ng giyera ang mga tao sa mga kapre at ilang beses na nilang nilusob ang Catabo pero hindi pa sila nagtatagumpay hanggang ngayon. Ang Liosta ay ang kontinente ng mga tikbalang na matatagpuan sa timog silangan ng Giganto. Ang kaharian ng mga kabayo ay binubuo lamang ng mga simpleng bahay dahil madalas ay palipat-lipat ang mga ito ng lugar ng kanilang kaharian. Si Haring Didikto at ang kanyang kaharian ng Viceral ang may pinakamaraming papulasyon ng mga tikbalang ang syang namumuno sa ibang mga kaharian sa Liosta. Ang Lupon ng Liksi ang ginagamit ng mga tikbalang para makipagpalitan ng impormasyon at kalakal sa kalakhang Liosta. Sa oras din ng digmaan ay ito din ang nagsisilbing hukbong sandatahang lakas ng mga tikbalang. Madalas silang makita ng mga tao ngunit ito ay sa kadahilanang napapadaan lang ang mga ito sa Sapienos sa pagikot sa mundo. Dahil sa naidudulot ng mga ito na trapiko sa lansangan ay nagpasya ang Unyon ng Mortal at ang Lupon ng Liksi na gumawa ng sariling daanan sa mga kalsada ng Sapienos na para lamang sa mga Tikbalang kapalit ng kapayapaan sa pagitang ng dalawang kontinente. Hindi pinagkakatiwalaan ng mga tikbalang ang mga tao subalit wala din silang pakialam sa mga ito kaya’t walang nangyayaring komplikasyon sa pagitan ng dalawang kontinente. Nasa dulong timog ng Gaia matatagpuan ang maliit na kontinente ng mga elf, ang Elva. Ang mga maliliit na immortal ay may isang kilalang hari, si Haring Elpo. Kaunti lamang ang impormasyon tungkol sa Elva sapagkat iniiwasan ito ng ibang mga lahi maliban sa mga engkanto. Meron ding maliliit na kaharian maliban sa Menardi ni Haring Elpo pero halos walang may alam kung gaano kadami ang mga ito. Ang Pederasyon ng Elva ang kinikilalang kumakatawan sa lahat ng mga elf. May haka-hakang ang pederasyon ay naghahanda sa isang malaking paglusob sa iba’t ibang panig ng Gaia pero walang konkretong ebidensya tungkol sa bagay na ito. Mahigpit na binabantayan ng mga tao ang dagat sa pagitan ng Elva at Catabo. Ang pinakahuli at ang pinakamaliit ay ang kontinente ng mga bahaghari at ginto, ang Caulre. Taliwas sa madilim at nakakatakot na kontinente ng Elva, ang Caulre ay isang napaka-aliwalas na kontinente na puno ng ginto at kayamanan. Si Reyna Pracela ang namumuno sa isa sa pinakamalaking kaharian sa Caulre, ang Rabiwa. Ang Kooperatiba ng Banga ang kumakatawan sa kalakhang Caulre at nagsisilbing imbakan ng mga ginto at kayamanan. Pero natutunan ng mga tao na ang mga kayamanan na galing sa Caulre ay para lamang sa mga leprechaun na naninirahan dito. Nawawala ang mga ito sa pangagalaga ng tao pagkalipas ng ilang oras. Isang matalinong hakbang kung hindi mo kukunin ang binibigay sa iyong ginto ng isang leprechaun dahil magsisisi ka din sa huli. Ang sampung kontinente ng mortal at ng mga immortal ang bumubuo sa mundo ng Gaia.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD