"Cassy!" pasigaw kong sabi sa pangalan ng dalaga at maagap kong sinalo ang walang malay nitong katawan.
"Cassy... Honey!" Tiningnan ko ang taong tumawag sa pangalan ng dalaga.
Kahawig na kahawig ito ng dalaga kaya naman nakatitiyak akong ama niya ito.
Sa kabila nang maawtoridad nitong tinig ay mahihimigan pa rin ang pag-aalala sa boses nito.
Dumukwang ang nag-aalalang mukha nito sa dalaga.
Sinipat ko ang pulsuhan ng dalaga at saka binuhat ang walang malay na katawan nito.
"Nawalan lang po siya ng malay, Sir."
Nakahinga naman ng maluwag ang lalaki. "Thank you!"
Mabuti pa po Sir, dalhin na ho muna natin siya sa sasakyan.
"Mabuti pa nga, Iho!" tugon naman sa'kin nito.
Humakbang ako patungo sa sasakyan ng dalaga nang magsalita ang ama nito.
"Marunong ka bang magmaneho, Iho?" tanong sa'kin ng ama ni Cassy.
Napansin kong malumanay itong makipag-usap kahit pa nga naturingang mayaman ito.
Kabaligtaran ng ugali ng anak nitong nuknukan ng arte sa katawan.
Spoiled brat!
Tiningnan ko ang mukha ng walang malay na dalaga.
"Mabuti na lang maganda ka!" naiiling kong bulong sa sarili.
"Ehem!" Tikhim ng ama ni Cassy ang umuntag sa paglalakbay ng mga mata ko sa kaniyang mukha.
"Iho, anak ko 'yang tinititigan mo," malumanay na bigkas ng ama ni Cassy.
"Pasensiya na po!" hinging paumanhin ko rito.
"Marunong ka bang magmaneho?" muling tanong sa'kin nito.
Tumango naman ako bilang tugon.
"Good! So, ikaw na ang magmaneho ng sasakyan niya dahil wala rin akong driver na kasama. Hihintayin ko na lamang kayo sa Triple C's Company."
Tumango ako rito saka pinindot ko ang susi ng sasakyan ni Cassy upang bumukas ang pintuan niyon.
Maingat kong ipinaupo ito sa front seat ng sasakyan at saka isinuot ang seat belt sa kaniyang katawan.
Pagsakay ko sa driver seat ay pinagmasdan kong muli sa mukha ang walang malay na dalaga.
Napakaamo ng mukha nito at natural na natural ang ganda. Ngayon ko lang din napansin na wala itong masyadong pampagandang nakapahid sa mukha.
'Di gaya ng ibang mga babaeng kulang na lang ay ipahid na ang lahat ng make-up sa kanilang mukha para lang gumanda.
Napadako ang tingin ko sa mapupula nitong mga labi at ilang ulit akong napalunok nang maalala kung ga'no katamis iyon ng minsang halikan ko iyon.
Dumukwang ako upang dampian ng halik sa labi ang walang malay na dalaga.
Nalanghap ko ang mabangong amoy ng pabangong gamit nito at kay sarap amuy-amuyin niyon.
Bumaba ang mga mata ko sa katawan nito partikular na sa kaniyang dibdib.
Tila iyon nagmamayabang sa'kin dahil sa matayog na pagkakatayo na kung susukatin ay tiyak na nasa 36B cap ito.
Napaigik ako nang maramdaman ang hapdi na nagmula sa'king braso.
Tiningnan ko iyon at saka ko pa lamang naalala ang sugat na gawa ng loko-lokong magnanakaw na 'yon.
Nakakita ako ng panyo sa bulsa ng damit ng dalaga kaya agad ko iyong kinuha upang ibalot sa sugat ko.
Binuhay ko ang makina ng sasakyan at saka pinaharurot iyon paalis sa lugar na 'yon.
Pagdating sa may Triple C's Company ay agad kaming sinalubong ng mga guwardiya.
Binuhat ko ang walang malay na katawan ng dalaga at saka pumasok ako sa pasilyong papasok sa loob ng opisina.
"Kanto Boys..." magkasabay na usal ni Lyka at ng dalawang babaeng katabi nito pagpasok ko pa lamang sa may pintuan.
"What did you say?" tanong ng ama ni Cassy.
"Wala po, Boss!" natatarantang sagot naman ni Lyka.
"All of you, go back to your work now!" maawtoridad na utos ng ama ni Cassy.
Mabilis na nagpulasan ang mga babaeng staff sa'ming harapan.
"Sumunod ka sa'kin, Iho!" malumanay na utos naman sa'kin ng Daddy ni Cassy.
Humakbang ito papasok sa isang pintuang may nakasulat na CEO Office sa may bandang itaas.
Nang makapasok ako sa loob ay maingat kong inihiga ang walang malay na katawan ng dalaga sa mahabang couch na naroon.
"Salamat sa pagligtas mo sa anak ko," sinserong pasasalamat ng ama ni Cassy.
"Lahat naman po ay handang tumulong, Sir," tugon ko naman dito.
"Hindi lahat ay may mabuting kalooban, Iho. Nagawa mo pa rin isangkalang ang sarili mong kaligtasan para lamang sa anak ko." Narinig ko ang paghugot nito ng malalim na buntong hininga.
Lumapit ito sa kinatatayuan ko saka inabot sa'kin nito ang isang sobre. "Tanggapin mo sana ito bilang gantimpala sa'yong nagawa."
Lumayo ako rito nang pilit nitong inaabot ang sobre sa'kin.
"With all your respect Sir, hindi ko ho tatanggapin iyang ibinibigay ninyong gantimpala sapagkat ang turo po sa'kin ng mga magulang ko ay tumulong ng walang anumang kapalit," tiim bagang kong saad dito.
Tila nainsulto ako sa ginawa nitong pag-abot ng sobre sa'kin. Parehong-pareho talaga sila ni Cassy. "Mag-ama nga sila!"
Ngumiti ito at humakbang palapit sa'kin.
"Maganda ang disiplinang ginawa sa'yo ng mga magulang mo." Tinapik ako nito sa braso.
"By the way, anong trabaho mo?" tanong pa sa'kin nito.
"Basurero po!" pagmamalaki kong sabi.
"Nice job!" nakangiting sambit nito na 'di ko kinakitaan ng anumang kaplastikan sa kaniyang papuri.
"If you want, pwede ka rin magtrabaho rito. We're still hiring some staffs here lalo na't kinukulang kami ng mga taong mapagkakatiwalaan ngayon dito," nakangiting alok sa'kin nito.
"Sa bagay na 'yan Sir ay hindi ko po kayo tatanggihan dahil tiyak kong paghihirapan ko ang perang matatanggap mula sa kumpanya mo. Hindi na rin po kasi sapat ang kinikita namin sa pagbabasura ng mga magulang ko kaya kinakailangan kong magdoble kayod," mahabang paliwanag ko sa kaniya.
"Well then, congratulations!" Inilahad nito ang palad niya sa'king harapan na agad ko namang tinanggap.
"Welcome to my company! Or should I say welcome to my family!" makahulugang sabi nito na 'di ko na binigyan pa ng kahulugan.
Napaigik akong muli nang maramdaman ang pagsigid ng kirot sa bandang braso ko.
"Iho, you need to see the doctor first. Kailangan mong ipa-check up 'yan at baka mag-infect pa ang sugat mo. Pumunta ka sa clinic na 'to at ibigay mo lang ito upang wala ka ng anumang babayaran." Inabot nito sa'kin ang isang card na siyang iaabot ko raw sa doctor.
Pilit kong tinatanggihan iyon ngunit mapilit itong isinuksok ang card sa bulsa ng aking pantalon.
Matapos nitong kinuha ang cellphone number ko ay magalang na akong nagpaalam sa Daddy ni Cassy.
"See you soon, Baste!" Tumango ako rito bilang pagtugon.
Sinulyapan ko muna ang walang malay na dalaga bago ako tuluyang lumabas ng pintuan.
Dumaan ako sa clinic na inirekomenda ng Daddy ni Cassy.
Pagpasok ko pa lang sa may pintuan ay nagtititili na ang nurse.
"Kanto boys..." tila luka-lukang sabi nito.
"What happen to you, Sandy?" tanong ng malamyos na tinig.
Napanganga ako nang mapagmasdan ang mukha ng doktor.
Kung kahawig ni Cassy ang Daddy niya, ito namang si Doktora ay parang kabiyak na bunga ng dalaga.
"Magkaanu-ano sila ni Cassy?" tanong ko sa isipan.
"May sugat ka, Iho. Halika't tingnan natin iyan," malambing nitong saad.
"Kung ganito rin siguro kalambing si Cassy, malamang sa alamang hindi na kami aalis sa kama. Doon na lang kami maghapon maglalambingan," ani ko sa isipan.
Pinaupo ako ni Doktora sa upuan saka inalis nito ang panyong itinali ko sa sugat.
Nilinis nito ang sugat at saka binalot niya iyon ng bandage.
"Mabuti na lang at hindi ganoon kalalim ang sugat mo," kapagkuwa'y wika nito nang matapos gamutin ang sugat sa'king braso.
"Salamat po, Dok!" pasasalamat ko rito.
Malakas na tunog ng incoming call ringtone ng cellphone nito ang bumulabog sa katahimikan ng buong clinic. Sinagot ni Doktora iyon.
"Hello?" malambing nitong sagot sa kabilang linya.
"What? Oh my! How is she?" nanlalaki ang mga mata nitong tumingin sa'kin.
'Di tuloy ako mapakali sa kinauupuan ko.
"Really? Oh!" patuloy na anas ni Doktora na 'di inalis-alis ang paningin sa'kin kaya tuluyan na akong kinabahan.
"Dapat yata ay 'di ako rito nagtungo na clinic," bulong ko sa sarili.
"Okay! I love you, Honey!" malambing nitong sagot sa kausap at saka ibinaba ni Doktora ang kaniyang cellphone.
"Honey..." Naalala ko tuloy ang endearment na ginamit ko kanina kay Cassy ng muntik nang kuyugin ng mga pasaway kong tagahanga.
Nagpaalam na ako kay Doktora at inabot sa kaniya ang card na ibinigay sa'kin ng Daddy ni Cassy.
Nagulat ako ng hindi iyon tanggapin ni Doktora bagkus ay inipit nito iyon sa palad ko.
"Thank you for saving my daughter's life." Napanganga ako sa sinabi nito.
"Daughter?" maang kong tanong kay Doktora.
"Anak ko ang dalagang iniligtas mo mula sa mga magnanakaw," turan nito.
"Kaya pala para kayong pinagbiyak na bunga, dahil mag-ina po pala kayo," wala sa loob na sabi ko.
Narinig ko ang mahinang pagtawa nito. "Bihira lang ang mga taong tulad mo. Salamat!"
"Pwede rin pong gawin iyon ng iba, Dok," sagot ko naman dito.
Nagpaalam na ako rito nang mapansin ko ang oras sa wall clock na nakasabit sa may dingding.
"Baste! Nasaan na ang Misis mo?" tawag sa'kin ni Melchor nang madaanan ko ito sa may kanto habang nakikipag-inuman sa tropa nito.
"Umuwi muna sa kanila, Pre!" sagot ko naman dito.
"Shot ka muna, Pre." Inabot nito ang isang bote ng alak sa'kin.
"Uy, alam niyo ba, ang ganda ng Misis ni Pareng Baste," pagkukwento pa ni Melchor sa mga kainuman.
"Weh?! Talaga lang ha?" dudang tanong naman ni Rodel.
"Oo, Pre! Maganda, maputi at sexy." Sumipol pa si Melchor na animo'y nakakita ng seksing babae na dumaan sa kaniyang harapan.
Nakaramdam naman ako ng inis dito dahil pakiramdam ko'y binabastos nito si Cassy.
"Uwi muna ako, Pre!" Tinapik ko sa balikat nito si Melchor.
"Sa susunod, Pre, sama mo naman dito asawa mo para maka-bonding natin," lasing na wika ni Melchor.
Muli kong tinapik ito sa balikat ngunit sa pagkakataong iyon ay may kabigatan na ang bagsak ng palad ko.
Naiiling na humakbang na ako pauwi ng bahay.
"Nay, narito na po si Kuya Baste!" rinig kong sigaw ni Susie.
Agad akong sinalubong ni Nanay sa may pintuan.
"Mano po, Nay!" Inabot ko ang kamay nito upang magmano.
"Ano 'tong nabalitaan kong nag-asawa ka na raw?" pagalit na tanong sa'kin ni Nanay.
"Nay, 'wag ka pong maniwala sa mga tsismosa nating kapitbahay," kalmanteng sagot ko sa ina.
"Kuya, sabi po kasi sa kabilang kanto, nag-asawa ka na raw ng maganda, seksi, at mayaman dahil de kotse raw. Tapos idiniscribe pa nila ito na kahawig na kahawig naman ni Ate Cassy," mahabang saad ni Botchok.
"Cassy?" tanong ni Tatay na lumabas sa pintuan ng banyo. "Magandang pangalan, tiyak maganda rin 'yan!"
"Opo, Tay! Maganda talaga si Ate Cassy, kaya nga po laging hinahalikan ni Kuya Baste sa labi eh," kwento pa ni Botchok.
"Botchok!" Nilapitan ko ang kapatid at saka mahinang binatukan ito sa ulo.
"Susmaryosep, Baste!" bulalas naman ni Nanay.
"Ito naman, akala mo hindi binata ang anak. Hayaan mo na si Baste. Kung mag-asawa man ito ay nasa hustong edad na rin naman na siya." Pagtatanggol naman sa'kin ni Tatay at nakipag-high five pa ito.
"Diyan ka magaling!" Piningot ni Nanay sa tainga si Tatay.
"Aray!" reklamo naman ni Tatay.
"Huwag kang mag-alala, Nay. Wala pa po akong balak mag-asawa. Marami pa po akong pangarap sa buhay. Isa pa po, hindi kami bagay ng Cassy na 'yon. Mayaman siya at malabong maabot ko ang isang bituing tulad niya." May kung anong kumudlit na kirot sa'king dibdib.
"Ang drama ni Kuya!" nakaingos na saad ni Sonia.
"Ako na lang ang manliligaw kay Ate Cassy," masayang bulalas ni Botchok.
"Anong ligaw-ligaw ka riyang nalalaman. Mag-aral kang mabuti para hindi kayo magaya sa'min," sermon naman ni Nanay kay Botchok.
Naiiling na lamang akong pinagmasdan ang aking pamilya. Kaya gustong-gusto kong makapagtapos ng pag-aaral, para kahit pa'no ay maiahon ko sila sa kahirapang aming kinamulatan.